JULIA
“Ako ga’y may itatanong sa iyo, Julya.” napatigil naman ako sa paglalagay ng balat ng dalandan dun sa magkabilang panig ng ballpen ko. Ano ga areng lalaking are, alam naman na ako’y may ginagawa ay nang-iistorbo pa rin. Ay alam ko naman kung ano yung itatanong niya. Ay malamang ay tungkol na naman dun sa babaeng sinisinta niya. Pagka-excited talaga ng pinsan kong ito. Sinabihan ko nan gang kumalma lang siya dahil hindi naman sa mabilisan dapat makuha yung gusto niyang mangyari. Hindi naman ganuon kadaling makipagclose sa isang tao. Ay hindi naman porke nagkausap na kayo ng isang beses eh, matalik na agad kayong magkaibigan.
“Kung iyan ay tungkol sa iyong iniirog, ika’y maghintay pagkat nagsisimula pa laang ako. Matagal-tagal pa naman yung birthday mo.” sabi ko pa at pagkatapos ay pinagpatuloy ko yung ginagawa ko at itinapat dun sa batok nung kaklase kong nasa harap ko.
Agad kong itinulak nung tinta ng ballpen iyong balat ng dalandal sa kabilang dulo, at agad ding tumama yung isa sa batok ni Marcelo. Nagpatay-malisya naman ako nang lumingon-lingon siya sa kung nasaan ako. Humarap ako kay Cardeng na para bang busy talaga kami sa pinag-uusapan namin. Sobra yung pagpipigil ko sa pagtawa ko dahil don. Nakakatawa naman kasi yung reaksyon ni Marcelo. Pero mabuti na iyon sa kanya sa kanyang ginagawa sa aking pinsan. Masyado niyang pinagtitripan si Cardeng lagi.
“Hindi naman iyon. Alam ko naman na ginagawa mo ang lahat para maimbitahan si Celestine sa kaarawan ko.” sagot naman niya at tumango-tango ako.
“Ay mabuti kung ganoon. Eh ano ga ang itatanong mo?” tanong ko pa bago pasimpleng tiningnan yung pwesto ni Marcelo. Nang makita kong hindi na siya nakatingin sa akin. Sinumpit ko ulit siya ng balat ng dalandan. At tulad kanina, ako’y nagpatay-malisya na naman dahil alam kong ako’y malalagot kapag nalaman niyang ako yung nanumumpit sa kanya.
“Ay bakit hindi mo pa sagutin si Ariel? Pagkagwapo naman niya at pagkabait pa. Ay hindi ko nga alam kung ano yung nakita ng lalaking iyon sa iyo. Ay hindi ka naman kagan---“ napatigil naman siya sa pagsasalita nang tumingin ako ng masama sa kanya. Kapag-anak ko talaga siya eh ano? Grabe yung suporta niya sa akin.
“Paulit-ulit ko namang sinasabi sa inyo na wala pa nga sa isip ko iyan. Ay kahit pa si Stefano Mori ang manligaw sa akin ay hindi ko pa rin siya sasagutin. Kahit mukha pa niya yung nakadikit sa diary ko. Ang importante kasi muna sa akin ay makapag-aral ng maayos at makapatapos para kila Inang. Ay makakagulo laang iyang pag-ibig na iyan sa goal ko. Saka na iyan kapag ako’y nagkaoras na. Sa ngayon ay wala pa talaga.” sagot ko habang tumitingin ulit sa paligid ko. Pagsumpit ko ulit kay Marcelo, napatigil ako nang may marinig akong mahinang tawa. Paglingon ko, nakatingin pala ni Celestine yung ginagawa ko at tawang-tawa din siya sa reaksyon ni Marcelo. Galit na galit na kasi ang damuho dahil hindi niya mahuli-huli kung sino iyong gumagawa noon sa kanya.
“Ay ipagpalagay natin na pwede ka na magkaroon ng nobyo. Tingin mo ba’y iyong matitipuhan si Ariel?” tanong pa rin niya kaya napailing ako. Ay napakainteresado naman nitong si Cardeng sa panliligaw sa akin ni Ariel. Ay bakit kaya hindi naman lang siya sa lalaking iyon magpatulong?
“Hindi din siguro. Wala kasing kuryente. Walang spark ba. Basta. Hindi ko maipaliwanag. Ay bakit pala hindi ka na lang sa kanya magpatulong kung papaano manligaw? Tingin ko nama’y close sila ni Celestine dahil ang alam ko’y magkababata ang dalawang iyan. Ay bakit hindi mo subukang tanungin siya kung papaano mapapaamo yung babaeng gusto mo? Ay malay mo’y makatulong iyang si Ariel sa iyo.” suhestyon ko sa kanya pero siya’y sumimangot lamang.
“Ayoko. Mahirap gawing tulay ang isang tao. Baka magising na lang ako isang araw na silang dalawa na ang nagkakagustuhan.” sabi pa niya kaya naiiling na kinuha ko na lang yung tubig na hawak-hawak niya. Kanina pa rin ako nauuhaw pa pangtitrip ko kay Marcelo.
“Ay bakit naman ako, kinuha mong tulay?” tanong ko sa kanya sabay inom nung tubig at halos ubusin ko na rin dahil alam kong kaya naman nyang bumili ulit ng bago.
“Una sa lahat, pinsan kita. Ew kung magkakagusto ka sa akin, at pangalawa, hindi ka naman siguro magkakagusto kay Celestine diba?” dahil sa tanong niyang iyon, naibuga ko sa taong nasa harap ko yung tubig na hindi ko pa nalulunok.
Galit na galit tuloy na tumingin sa akin si Marcelo pero ako’y nag-sign of peace na laang para hindi naman siya masyadong magalit sa akin. Aksidente laang naman iyon at hindi ko sinasadya. Kung anu-ano kasi ang pinagsasabi nitong si Cardeng kaya napabuga ako. Sukat ba namang sabihin na ako’y magkakagusto sa isang babae at kay Celestine pa mismo. Ay hindi naman sa pagyayabang pero hindi naman nahuhuli yung ganda ng babaeng iyon sa akin, pero hindi ko talaga maisip na ako’y magkakagusto sa kapwa ko babae.
Ay syempre’y ayokong magsalita ng tapos, ngunit wala talaga akong nararamdaman na kung anong pagkakagusto sa isang babae. Si Watsiley laang talaga yung kinakikiligan ko sa ngayon.
“Julia, anong problema mo? Akala mo ga’y hindi ko alam na ikaw yung kanina pa nanunumpit sa akin? At pagkatapos ngayon ay bubugahan mo ako? Ako ga talaga’y ginagalit mo?” napakapit naman sa akin ng mahigpit si Cardeng lalo na nung tumayo sa harap namin yung mayabang na si Marcelo. Ay ano areng pinsan ko, imbes na siya yung magtanggol sa akin pagkat siya yung lalaki, ay siya pa yung natatakot. Kaya nasasabihin siyang bakla ng ubod ng yabang na lalaking ito eh.
“Ay wala ka namang ebidensya na ako iyong nanunumpit sa iyo. Ay wag ka namang mambintang! Bakit ko naman gagawin yon sa iyo? Ay hindi naman ako ganoon. Nag-uusap laang kami nitong pinsan ko at nabugahan laang kita dahil nagulat ako sa sinabi niya. Sana’y pagpasensyahan mo na iyon at hindi ko naman sinasadya. Aksidente laang talaga.” hinging paumanhin ko na laang dahil mukhang hindi naman ako kakayaning ipagtanggol nitong aking pinsan sa mga gangster na ito. Alam ko naman kasing makikisali yung mga pangit niyang tropa kung makikipagtalo pa ako.
“Ay ano are?” sabay kuha niya nung ballpen ko at nung mga balat ng dalandan sa ilalim ng aking desk. Naloko na. Bakit ba hindi ko agad naitago ang mga iyon. “Hindi ga’t eto yung mga ginamit mo kanina? O ayan na yung ebidensyang kailangan mo. Kaya uulitin ko ang aking tanong, ano gang problema mo sa akin? O baka naman nagpapapansin ka lamang dahil ako’y iyong natitipuhan. Ala’y sabihin mo na laang at pagbibigyan naman kita.” sabay hawak pa niya sa balikat ko kaya biglang nagpanting yung tenga ko.
“Ay kabastos mo naman pala talaga, Marcelo. Hindi ka lang bully dito sa pinsan ko, ika’y hindi pa marunong gumalang sa mga babae.” sabay tanggal ko ng kamay niya sa aking balikat. “Iyo pang subukan na hawakan ako, o kantiin ako, sinasabi ko sa iyo, magsisisi ka talaga. At pwede ba, ika’y hindi ko type dahil bukod sa pangit na ang iyong itsura, ay pagkapangit pa ng ugali mo. Bagay na bagay sa pagmumukha mo!” at tumayo na rin ako sa harap niya.
Napatingin ako sa nakakuyom niyang kamao na parang gusto akong suntukin lalo na nung narinig niya ang mga kantyaw ng iba naming kaeskwela. Ang mga walanghiya, imbes na awatin kami at ipagtanggol ako sa lalaking ito, aba’y sila pa yung nauunang mangantyaw. Mga walang kwenta talaga.
“Ay akala mo nama’y papatulan kita sa itsura mo ding iyan, Julia? Ay ni hindi ka nga marunong magpulbos at liptint, di hamak naman na mas magaganda sa iyo ang mga babaeng nagkakadarapang maging aking nobya.” mayabang na sabi pa niya kaya ako’y napasmirk na laang.
“Ang tinutukoy mo ba’y iyong mga babaeng kuntodo pulbos kaya nagmumukhang espasol? O yung mga babaeng naglalagay nga ng liptint pero nakakalimutan namang maglagay ng tawas? Kunsabagay, bagay nga siguro sila sa iyo, sing baho kasi nila iyang ugali mo.” akmang susuntukin niya ako pero tumingin ako sa kanya ng deretso. “Ay sige’y ituloy mo iyan para mapatunayan mo lalo sa kanila na ikaw ay bakla na babae laang ang kayang talunin. Sige, suntok!” mayabang na sabi ko pa pero ako’y kinakabahan na pagkat halata mo sa mukha ni Marcelo na maaari niya talagang ituloy yung suntok na iyon. Lalo pa’t mas lumalakas yung mga kantyaw at hiyawan ng mga dimunyo kong mga kaeskwela.
At hindi nga ako nagkamali pagkat nakita ko na papalapit sa na sa akin iyong kamao niya. Naghahanap ako ng tutulong sa akin pero nakatungo laang sa tabi ko ang pinsan kong duwag, at papasok pa lang sa silid aralan si Ariel kaya malabong mapigilan niya agad ang gagawin ng baklang ito kaya napapikit na laang ako. Inakupo, lagot na naman ako sa Inang at Itang ko kapag ako’y umuwi na namang may pasa sa mukha. Bakit kasi sobra ang pagiging taklesa ko eh.
Pero ilang sandali na ang nakalipas ay hindi ko pa rin nararamdaman yung kamao ni Marcelo kaya ako’y napamulat na laang. At ganon na laang yung pagnganga ko nang makita kong namimilipit sa sakit si Marcelo habang hawak-hawak ni Celestine ang kanyang kamay.
At kung siguro’y mayroong may camera sa amin ngayon, makukuhanan niya na nakanganga kaming lahat na magkakaeskwela sa nangyayari ngayon sa aming harapan. Ay oo nga pala, naikwento nga pala nitong si Cardeng na nakapag-aral ng tae—taekwondo ata yung pangalan ng kung ano mang pinag-aralan na iyon ng babaeng ito. At pati yata karate and self-defense chuchu. Ay ganun talaga ang mayayaman ay, walang mapaglagyan ng kanilang pera kaya kung ano na lang yung maisipan na magawa’y kanilang ginagawa.
Pero mabuti na laang at marunong niyon si Celestine dahil kung hindi’y baka ako’y nakatulog na sa lakas ng suntok sa akin ni Marcelo. Pero kailangan ko pang i-note sa aking sarili na hinding-hindi na gagalitin si Celestine. Para kasing ayokong maramdaman yung nararamdaman ngayon ni Marcelo. Ay mukhang pagkasakit-sakit dahil pagkapangit-pangit ng itsura niya dahil sa pamimilipit eh. At kahit nga yung kanyang mga alipores ay parang nabahag ang buntot kay Celestine. Ay kung ako rin naman siguro’y matatakot ako para sa sarili ko.
“Bitaw na, mylabs. Bitawan mo na yung kamay ko. Alam kong ito’y iyong gustung-gustong hawakan pero wag namang kahigpit at baka mabali ang mga buto ko.” aba at nagawa pang lumandi at magbiro nitong si Marcelo. Ay pagkalakas ng loob na sabihin iyon kaya ayan, mas lalo siyang napangiwi. Malamang ay mas diniinan ni Celestine yung pagkakahawak sa kamay niya. Ay mabuti nga sa kanya. Pagkalandi-landi pa kasi.
“Wag na wag mo akong tatawaging mylabs, and ew, hindi ko gustong hawakan etong magaspang mong kamay, pero napilitan ako dahil susuntukin mo si Julia. Siguro talagang bakla ka no? Pati babae pinapatulan mo. Wala ka talagang sinasanto no?” malumanay, pero maririnig mo yung galit sa tinig ni Celestine.
“Ay kung gusto mo’y hahalikan na laang kita para mapatunayan mong hindi ako bak----“ pero hindi na naituloy ni Marcelo yung kanyang sasabihin pagkat yung kamao nyang hawak-hawak ni Celestine kanina ay isinapak din nung isa sa bibig ni Marcelo. At nanlaki ang mga mata namin nang makita naming dumudugo ang bibig ni Marcelo at mukhang nalagasan yata siya ng ngipin.
Nandidiri naman itong itunulak ni Celestine pagkat bigla na laang umiyak at pati sipon ay tumulo sa gangster na dumudugo ngayon ang bibig. Hala!
“Oras na subukan mo ulit ibully at saktan si Julia at yung pinsan n’ya, sinasabi ko sa’yo Marcelo, hindi lang yan yung mangyayari sa’yo. Hindi ako nagbibiro, at oo, seryoso ako sa banta ko. At hindi lang para sa’yo yon. Para din sa kung sino man sa inyo yung may planong gayahin yung ginawa nitong baklang duwag na ‘to. At bago ang lahat, gusto kong magsorry ka kay Julia dahil muntik mo nang pagsuntok kanina sa kanya.” banta pa ni Celestine kaya hindi ko pa rin maitikom yung bibig ko. At ano raw ga? Magsosorry sa akin? Ay mukhang Malabo iyong gawin ni Marcelo pagkat pagkataas ng pride ng isang yan. Ay magpapasuntok na laang ulit iyan kaysa naman humingi ng tawad.
At totoo ga iyong narinig ko? Ginawa niya ito para sa aming magpinsan? Ay talaga namang mukhang may pag-asa itong si Cardeng sa kanyang irog. Bagay sila dahil kung anong duwag ng pinsan ko ay syang tapang naman nitong babaeng ito. At mukhang magkakasundo nga kami nitong si Celestine dahil parang ayokong mapahanay sa mga kaaway niya. Ay nakakatakot ang babaeng ito eh. Ay pagkaganda at pagkaamo ng mukha, pero pwedeng isali sa WWF o sa boksing. Ay pagkalakas eh at pagkagaling eh.
“Ano, hindi ka marunong sumagot, Marcelo? O baka gusto mong pilitin pa kita para humingi ka ng paumanhin kay Julia?” ay nakakatakot talaga yung kanyang tinig. Parang anytime ay biglang mananapak na naman eh.
Ako naman ay nakatingin laang sa kanilang dalawa at hindi ko alam ang gagawin ko. Ay para akong nasa isang pelikula na iniligtas ang aking knight in shining armor eh. Pero imbes na sila Cesar Montano at Bong Revilla ang magtanggol sa akin ay isang babaeng pagkatapang-tapang. Ay totoo nga namang nakakahanga ang babaeng ito.
“So—so---sorr---“ ay tingnan mong ayaw talagang humingi ng tawad ng mayabang na lalaking are.
“Hindi mo aayusin?” at akmang lalapit na naman si Celestine kay Marcelo nang biglang takot na takot na lumuhod yung isa.
“Julia, patawarin mo na ako. Sorry talaga. Sorry sa mga ginawa ko sa iyo at kay Cardeng. Ay hindi na mauulit, promise. Pasensya na talaga. Ako’y patawarin mo na.” at hirap na hirap na siya sa pagsasalita pagkat nagkalasog-lasog ata yung ngipin niya. At nakakadiri yung itsura niya dahil nagkahalo-halo na yung sipon, luha at dugo sa mukha niya.
“Ay okay na iyon, Marcelo. Pasensya na rin sa nangyari kanina. Pero sana’y magbago ka na.” sabi ko na laang.
Tumango-tango naman yung isa na parang takot na takot. Ay wala naman pala itong binatbat eh. Babae laang pala yung katapat niya.
“Dalhin n’yo na yan sa clinic.” utos pa ni Celestine sa mga alipores ni Marcelo na agad namang sinunod ng mga ito. Nako, kawawang Marcelo. Kailan kaya tutubo ulit yung mga ngipin niya?
At pagkalabas na pagkalabas nila Marcelo at mga alipores niya, nagpalakpakan yung iba naming kaeskwela at mukhang sobrang humanga sila sa ginawa kanina ni Celestine. Inakupo, ke paplastik! Eh kanina laang eh kinakantyawan nila si Marcelo at pagkatapos ngayon ay papala-palakpak. Ipasuntok ko rin kaya sila sa bago kong best friend. Oo, gusto kong gawing best friend si Celestine para wala na talagang mambully sa amin. Ay ang user naman ng dating ko, tse!
Akmang lalapit n asana sa akin si Celestine pero naunahan siya ni Ariel na nag-aalalang hinawakan ako sa mga kamay. Agad ko namang tinanggal iyon dahil alam ko namang nanyayansing lang itong isa pang malanding ito.
“Ay okay laang naman ako. Buti na laang at napigilan ni Celestine yung muntik nang pagsuntok sa akin ni Marcelo.” sagot ko sa kanya na ngumiti sa nakasimangot na babae sa likod ni Ariel. Pero nang makita niya akong ngumiti sa kanya, napalitan agad ng ngiti din yung simangot niya.
“Ay kung ako’y napaaga ng pasok ay ako yung nagtanggol sa iyo sa mayabang na iyon. Alam mo naman na hindi ko hahayaan na masaktan ka niya. Hindi ako makakapayag na masaktan niya yung babaeng pinamamahal ko.” napangiwi naman ako sa sinabi niya. Ay ano ga naman itong lalaking ito? Pagkabata pa namin ay kung anu-ano na agad yung sinasabi niya. Harujosko, puppy love lang iyang nararamdaman niya. O baka nga crush crush lang. Hindi pa uso sa mga ganitong edad dapat ang mahal-mahal. Ang dapat naming mahalin, yung sarili namin, yung mga magulang namin, at yung pag-aaral namin. Pag ganitong edad, hindi muna dapat pag-ibig ang inuuna.
“Ay kaso’y nahuli ka at si Celestine ang nakapagligtas kay Julya.” ala’y nandito nga pala yung pinsan kong duwag. Akala ko’y nagtago na sa saya ng Tiyang dahil sa sobrang takot. Aba’y ni hindi man lang akong tinangkang ipagtanggol eh. Ay kaya naman pala siya tinutukso nila Marcelo. “Maraming salamat pala, Celestine.” malambing ang pagkakasabi niyang iyon kay Celestine. Nako. Kung hindi ko lang alam na may gusto talaga ‘tong Cardeng na ‘to sa babaeng ito, aba’y iisipin kong bakla talaga siya. Napakalamya.
“Walang anuman. And Ariel, kung tapos ka na sa gusto mong sabihin kay Julia, pwede bang umalis ka na sa harap n’ya dahil may sasabihin ako sa kanya?” hala. Hindi laang pala matapang, aba’y may kaunting kamalditahan pala itong si Celestine. Akala ko kasi’y puro pagseryoso at paglilista laang ng noisy ang alam niyang gawin eh.
At mukha namang natakot si Ariel sa tonong ginamit ni Celestine kaya agad na umalis sa aking harapan at dere-deretsong umupo sa may desk niya. Aba’y takot din na malagasan ng ngipin.
At nang nasa harap ko na si Celestine, nagulat ako nang bigla niyang hinaplos yung pisngi ko. Ay pagkalambot ng mga palad niya. At yung mga mata niya, punung-puno ng pag-aalala habang nakatingin sa akin. Ay ibang-iba dun sa itsura niya kanina nung hawak-hawak niya si Marcelo eh. Ay baka may dalawang pagkatao itong babaeng ito? Isang mabait at isang masama. Ay parang nakakatakot naman. At parang tanga din naman ako sa pag-iisip noon. Hindi na laang ako magpasalamat sa pagtatanggol niya sa akin kanina.
“Nasaktan ka ba? May masakit ba sa’yo? Kailangan bang dalhin kita sa hospital?” sunud-sunod niyang tanong at kung hindi lang siguro ako natatakot na baka ako’y kanyang sapakin din kapag sinabi kong pag-ka-OA naman ng sinabi niya na dadalhin ako sa ospital. Ni hindi nga dumaplis yung kamao sa akin ni Marcelo dahil sa kanya kanina. Dapat ay yung lalaking sinapak niya yung kanyang tinatanong ng ganyan.
Umiling na lang ako sa kanya at ngumiti.
“Ay wala namang masakit sa akin dahil nailigtas mo agad ako kay Marcelo. Ay salamat nga pala, Celestine ha. Utang ko sa’yo ang hindi ko pagkakapasa sa mukha.” biro ko pa sa kanya pero hindi naman siya natawa at bagkus ay mas lalo pa siyang sumeryoso.
“Hindi naman ako papayag na mangyari yon. Kung dumampi yung kamao n’ya sa’yo, mas grabe yung mararanasan n’ya. Pasalamat s’ya at nagpigil pa ako ng kaunti kahit gustung-gusto kong itodo dahil bukod sa gusto ka n’yang saktan, binastos ka pa n’ya kanina.” at ayun na naman yung galit sa tinig niya. Nakakatouch naman ang pag-aalala n’ya sa pinsan ng kanyang iniirog. Mabuti na laang talaga at mukhang tipo din niya itong si Cardeng kaya nadadamay ako sa pag-aalala nitong si Celestine.
“Ay papaano pala kung magsumbong kay Ma’am si Marcelo at mapagalitan ka dahil sa pagtatanggol mo sa akin?” nag-aalalang tanong ko pa. Ay baka maapektuhan yung pagiging honor student niya eh.
Siya naman ang umiling at ngumiti. Ay pagkaganda talaga ng babaeng ito. Pagkaswerte ni Cardeng talaga.
“Nah. I don’t think so. Hindi naman n’ya siguro mas ipapahiya yung sarili n’ya diba? Na babae yung may gawa non sa kanya.” natatawang sabi pa niya kaya napatango na lang ako. Oo nga naman. Sa taas ng pride ng lalaking iyon, hindi iyon magsusumbong na nalagasan siya ng ngipin dahil sa isang babae.
“S-salamat ulit. Tatanawin koi tong malaking utang na loob.” sabi ko pa sa kanya. Medyo nakakailang yung nakahawak pa rin siya sa pisngi ko habang nakatingin sa amin ang iba naming mga kaeskwela, pero hinahayaan ko na laang dahil may utang na loob naman ako sa kanya.
“Anytime. Basta kailangan mo ng tulong ko, tawagin mo lang ako at hindi ka magdadalawang salita sa akin. Lagi akong handing tumulong sa’yo. At hinding hindi ko hahayaan na may sino man dito na manakit sa’yo.” sabi pa niya sabay halik ulit sa pisngi ko kaya nanlaki na naman yung mga mata ko.
Hala, pangalawa na iyon at sa harap pa ng mga kaeskwela namin at sa harap ng pinsan ko. Nakupo, baka kung ano yung isipin ng isang ‘to. Seloso pa mandin ito.
Pero imbes na nakasimangot na Cardeng yung malingunan ko. Nakangiti laang siya habang nakatingin sa aming dalawa ni Celestine. Aba milagro. Ay sabagay, alam naman niyang wala siyang dapat ipagselos sa amin ng kanyang irog. Siguro’y natutuwa siya dahil magiging magkaibigan na talaga kami ni Celestine.
“Don’t forget, Julia, nandito lang ako lagi para sa’yo, promise.” at ayun na naman yung kindat niya bago siya tuluyang lumabas ng silid-aralan. Siguro’y para icheck ang lagay ni Marcelo.
At yung mga mahadera naming mga kaeskwela, ayun, nakasunod lahat kay Celestine. Kahit nga si Cardeng, sumunod din sa kanya.
Naiwan tuloy akong mag-isa dito na nakangiti.
At least, alam kong may taong nag-aalala pala sa akin. Mabuti na laang at naging tulad si Cardeng para mas makilala ko pang mabuti si Celestine. Palagay ko’y magiging mabuti talaga kaming magkaibigan ng isang ‘yon.