Chapter 3

3367 Words
JULIA “Pagkaaga mo naman akong pinapasok, Cardeng! Masyado ka naman yatang excited sa pinapagawa mo sa akin, eh hindi pa nga natin alam kung ako’y papansinin nung babaeng gusto mo. Ay alam naman natin kung gaano kasuplada iyon hindi ba? Aba’y baka ako’y mapahiya rin kapares ng ibang tao na gustong kausapin siya. At isa pa ay dahil ako’y iyong pinagmadali, ako’y hindi nakakain ng agahan. Alam mo naman na ako’y walang gana kapag hindi ako—“ at hindi ko na natapos yung sasabihin ko dahil may iniabot siya sa akin na paper bag. “Ay tingin mo ba’y iyo’y aking makakalimutan? Kilalang-kilala kita, Julya. Kaya nga sinigurado ko na makadaan muna dun sa paborito mong tapsihan duon sa may kanto para ika’y maibili ko ng agahan. At dalawang order pa iyan pagkat alam ko kung gaano ka katakaw!” natatawang sabi pa niya habang binubuksan yung pintuan ng aming silid-aralan. Nakangiting tinanggap ko naman yung inabot niya pagkat gutom na rin ako at kanina pa naghahanap ng pagkain ang aking sikmura. “Ayan naman ang gusto ko sa iyo, pinsan. Alam na alam mo kung ano ang iyong dapat gawin para mapasunod mo ako sa gusto mo. Ay pinadagdagan mo ba are kay Aling Tentay ng tapa? Sinabi mo bang para sa akin ito? Baka sunny side up ang itlog, alam niyang ayoko ng ganoon.” sabi ko na inamoy-amoy pa yung loob ng styro pagkabukas ko. “Ay syempre’y sinabi ko. Kaya nga ayon, inutusan niya talaga yung pamangkin niya na scrambled dapat ang itlog niyan. Alam niya kasing ika’y magrereklamo kung magkakamali siya sa gusto mo at mawawalan sila ng paboritong customer.” sagot naman niya habang inilalabas din yung binili niya para sa kanya. Alam din kasi nitong si Cardeng na ayokong ayoko na walang kasabay kumain sa agahan lalo na dito sa eskwelahan. “Pagkagaling-galing mo talaga! Hayaan mo, ako yung bahala sa gusto mong mangyari. Susubukan ko talagang kausapin iyang babaeng gusto mo para laang makaattend siya sa birthday mo.” sabi ko pa habang namumualang dahil sunud-sunod akong sumubo dun sa tapsilog na dala niya para sa akin. “Ay papa’no ka ga maliligawan, Julya kung ganiyan ka kumain? Aba’y kulang na laang eh itaas mo iyong isang paa mo diyan sa upuan mo para mukhang nasa bahay ka na. At may kutsara at tinidor diyan, bakit ka nagkamay?” naiiling na pansin pa sa akin ng pinsan ko habang inaabutan ako nung tubig na dala-dala din niya. Aba, talagang parang boyscout itong si Cardeng ngayon ah. Palibhasa’y may kailangan sa akin. Pero walang kaso iyon, gusto ko nga ang mga nangyayari. Masyado akong nakikinabang, hihi. “Sino gang nagsabi sa iyong gusto kong magpaligaw? Ay nasabi ko naman sa iyong wala pa akong balak hindi ba? Pagkakulit naman nire. Hahayaan kita diyan sa gusto mong love love na yan, at ako’y hayaan mo dito sa pagkain ko. Wag kang mag-alala, ako’y may dala namang sabon dahil cleaner ako mamaya. Kapag nga naman minamalas-malas kung kelan babalik na si Watsiley galing Paris ay saka pa ako hindi makakapanood mamaya.” naiiling na sabi ko pa. Kung bakit kasi naging Wednesday cleaner ako. Pwede namang Monday, Tuesday, Thursday o Friday. Kahit nga siguro Sabado’y papatusin ko kung kapalit naman ay makakanood ako ng Meteor Garden. “Ay ikaw na nga ang bahala. Basta ba ako’y matutulungan mo dun sa hinihiling ko upang ako’y magkanobya na at hindi na tuksuhin na bakla nila Marcelo.” sabi pa niya na ikinailing ko na naman. Pagkababaw talaga ng dahilan niya. Papa’no kung marealize niya na hindi pala niya talaga gusto si Celestine kung kailan nahuhulog na yung loob nung isa sa kanya? Papaano kung maisip niya na kaya laang naman talaga niya niligawan yung isa ay para hindi matuksong bakla. Kawawa naman yung babae. Are talagang mga lalaking are, ibang klase kung mag-isip. “Yes sir. Ako na po ang bahala don.” at mas lalo kong sinunod-sunod yung pagsubo dahil pagkasarap talaga nireng tapsilog ni Aling Tentay. “Mukhang masarap yung kain n’yong dalawa ah, pwede bang makisabay?” bigla naman akong nahirinan at sunud-sunod na napaubo nang biglang may nagsalita sa tabi ko. Bakit kailangang biglang sumulpot at magsalita sa kung saan? Akala ko’y aabutan ulit ako ng tubig ng pinsan ko pero nakatulala lang siya habang nakatingin sa kung sino man itong nasa tabi ko. Nakupo, parang kilala ko na kung sino ang salarin. At bago pa ako mamatay sa hirin, naramdaman kong inabutan ako ng katabi ko ng tubig at hinagod hagod yung likod ko habang umiinom ako. Harujosko, muntik na akong mamatay don ha. Pagkapangit ng headline na ganito: Estudyante, patay dahil sa katakawan sa tapsilog ni Aling Tentay. Are naman kasing Celestine na ito, nambibigla. Pero kahit gusto ko siyang sungitan at tarayan dahil sa ginawa niya, hindi ko magawa sapagkat kailangan kong makipagkaibigan sa kanya para sa pagkain at teks. “Sorry, hindi ko naman alam na magugulat ka, Julia. Akala ko, napansin n’yo ako na pumasok dahil nakatingin sa akin yung kasama mo.” hinging paumanhin naman niya paglingon ko sa kanya. At ayan na naman ngiti niya. At dahil kailangan kong magpakaplastik kahit ngayon laang, ngumiti din ako sa kanya at tumango. “Ay wala iyon. Nagulat laang ako na may iba na palang tao. Nakakahiya kasi yung itsura ko ngayon. Tingnan mo nga’t nakakakamay pa ako.” sabi ko naman sa kanya na mas lalo naman niyang ikinangiti. “I think it’s cute. You’re cute. And normal lang naman na kumain ng nakakamay lalo na’t masarap yung food mo. Mas hindi siguro normal kung magpapaa ka?” at kahit medyo corny yung sinabi niyang iyon, natawa pa rin ako. May sense of humor naman pala areng babaeng are. Akala ko’y puro paglilista laang ng noisy yung alam niyang gawin. Pagtingin ko sa pinsan ko, ayun, parang naengkanto na naman siya na nakatulala dito kay Celestine. “Pagpasensyahan mo na areng pinsan ko ha, napatulala ata sa iyong kagandahan.” komento ko na lang at napangiti ako nang makita kong namula ng bahagya si Celestine dahil sa sinabi ko. Nakupo, mukhang may pag-asa areng si Cardeng dito sa babaeng kanyang nililiyag ako. Mukhang mapapadali yung misyon ko, hihi. “Uhm, thanks.” at inipit pa niya yung buhok niya sa may tenga niya. Aba, nagpapacute na ang hitad. “Ano nga pala yang food mo? Mukhang masarap ah.” mukhang nahihiya yata siya kaya sa pagkain ko na laang tumingin. Hala, parang gusto pa atang manghingi ah. “Tapsilog ni Aling Tentay, paborito ko are. Ibinili ako nireng mabait at gwapo kong pinsan.” ayan ha, inilalakad ko na siya ng palihim dito kay Celestine. “Gusto mo?” alok ko sa kanya. Baka naman kasi sabihin na pagkadamot-damot ko. Sana laang eh tumanggi siya. May dala din naman siyang pagkain niya diba? Alam kong sosyal iyon dahil pagkayaman ng pamilya nila. “Okay lang?” at bago pa ako makapagreact, itinaas niya yung kamay ko na may tapsilog na isusubo ko na sana, pero nagulat ako nang yun yung ginamit niya sa pagsubo. Hala! Pagka-weirdo naman ng babaeng are. Ni wala man laang pasabi. Akala ko’y kukunin yung kutsara na iaabot ko sana sa kanya, pero sa kamay ko talaga sumubo. Anak ng tokwa. Nakanganga lang ako habang nakatingin sa kanya, at kahit si Cardeng, parang gustong kuhanin yung kamay ko at isubo din kagaya nung ginawa nung kakaibang babae sa tabi ko. “Masarap nga.” komento pa niya habang nakangiti sa akin. “Ala’y bakit naman kamay ko ang iyong ginamit sa pagsubo? May kutsara naman dine sa tabi ah. Nakakaloka ka naman, Celestine!” naiiling pang sabi ko na ipinagpatuloy na lang yung pagkain. Wala naman siguro siyang sakit ano? Baka kasi ako’y mahawa pagkat sumubo ulit ako gamit yung kamay na ginamit niya kanina. “Mukha kasing sarap na sarap ka habang kumakain gamit yung kamay mo, so naisip ko, bakit hindi ko i-try diba?” nakangiti pa rin siya na para bang kinikilig na ewan. Ay may sapak ata sa utak ang isang ito. Medyo nakakatakot na siya. “And I was right, sobrang sarap nga n’ya. Subukan ko ngang magpaluto ng ganyan sa cook namin. Paborito mo yan diba?” tanong pa niya na ikinatango ko. Susubo ulit sana ako pero nakita kong nakatingin siya sa pagkain ko kaya huminga muna ako ng malalim at pagkatapos ay iniabot na lang sa kanya yung isang styro. Huhu, paalam tapsilog ko, hanggang sa susunod nating pagkikita. Ika’y dito muna sa babaeng weird at mukhang gustung-gusto ka niyang agawin sa akin. Kawawa naman pagkat hindi naman siya masyadong nakakakain ng ganyan. “Sa iyo na ito.” alok ko sa kanya at mas lalo akong napailing nang makita kong kuminang yung mga mata niya. Ay ganire ba talaga itong mayayaman na ito. Parang batang nakakita ng lollipop kapag nakakakita ng mga pagkain naming mga mahihirap. “Are you sure? Hindi ba nakakahiya sa’yo? Diba favorite mo ‘to?” tanong pa niya pero parang ayaw na namang bitawan yung pagkain. Ay mukha din namang wala siyang planong ibalik iyon eh. Sa kanya na laang. “Ay ayos laang. Ako nama’y nakaubos na isa. At isa pa, sa labasan lang ga namin yung tapishan ni Aling Tentay kaya ako nama’y makakabili ulit niyan. Ay mukhang gustung-gusto mo kaya sa iyo na iyan.” sabi ko pa kahit ang totoo, ako’y parang nagdadalawang isip. Sa akin iyon eh at ako’y gutom pa, huhu. “Sige, I’ll accept it kung kakain mo din ‘tong baon ko. Siguro naman tama lang na ibigay ko ‘to sa’yo dahil ibinigay mo sa akin yung sa’yo diba?” sabay abot niya sa akin nung baon na hawak-hawak niya kanina. Tatanggihan ko pa sana pero binuksan na niya iyon at pilit akong sinubuan. At alam kong kung tatanggihan ko iyon, kami laang ay magtatagal at baka maabutan pa kami ng iba naming kaeskwela at baka kung anong isipin sa pagsusubo na iyon sa akin ni Celestine. Lumingon ako kay Cardeng para humingi ng tulong pero nakatungo lang siya at nakangiti habang kinakain din yung pagkain niya. Ay ang galeng, habang ako dito, naaawkwardan sa pagiging weird nitong babaeng kasama namin, siya nama’y mukhang nag-eenjoy sa kinakain niya. Ay pagkagaling naman. Dapat siya yung nasa sitwasyon ko. At para matigil na si Celestine sa kanyang ginagawa, kumagat na laang ako dun sa tinapay na hindi ko alam yung tawag at kinuha na sa kamay niya iyon para ako na lang yung kumain mag-isa. Ay hindi naman ako baldado para subuan pa niya. Pagnguya ko nung kung ano man iyong ipinakain niya, ay muntik na akong mapasayaw at mapaindak dine. Ay pagkasarap eh! Ngayon laang ako nakakain ng ganire. Ay pagkaing mayaman kase. Pagkaswerte ko at nakatikim ako nitong tinapay na ito. “Ay ano gang tawag dito sa ganireng tinapay, Celestine? Ay pagkasarap eh. Mas masarap pa diyan sa luto ni Aling Tentay.” tanong ko sabay subo ulit sa tinapay. Ay pwede kaya itong maiuwi na laang kay Inang at Itang para sila’y makatikim naman? Pihadong magugustuhan nila ito. At ayun na naman ang kanyang pamumula. Ala’y may sakit ba itong babaeng ito at kanina pa siya namumula? Ay baka dahil sa inet. Agad kong kinulbit si Cardeng para ipabukas yung ceiling fan at nakakaawa naman areng babaeng are. Mukhang kaya namang naintindihan yung ibig kong sabihin dahil nagmamadali niya itong binuksan para sa pinakamamahal niyang babae. “Nagustuhan mo?” tanong naman ni Celestine. Ay bingi na ata. Sinabi ko na ngang pagkasarap sarap eh tatanungin pa ako kung aking nagustuhan. Pero hindi ko naman siya maaaring barahin dahil nakakahiya naman sa kanya at baka bawiin pa niya itong pagkasosyal-sosyal na pagkain na are. “Ay oo. Ay kung pupwede nga laang ay iuwi ko ito sa aking Inang at Itang para kanila naman itong matikman ay kaso laang eh baka masira. May keso eh. Pagkadami pa. Kaya pagkasarap eh!” komento ko pa kaya napangiti siya. Ay ngayon ko laang napagmasdan ng malapitan itong si Celestine na nakangiti. Kaya naman pala pagkadaming nagkakagusto sa kanya, ay talaga naman palang maganda siya. Hindi ko laang talaga noon napapasin dahil ako’y galit sa paglilista niya sa akin. Binabawi ko na yung sinabi ko noon na pagkamalas ni Cardeng kapag sinagot siya nito. Pagkaswerte pala niya kapag nagkataon. Bukod kasi sa mabait pala, matalino, ay maganda naman pala talaga siya. “Philly cheese steak sandwich yung tawag dyan. Ako yung gumawa nyan, pero syempre sa tulong ni Ate Cams, yung cook namin.” nakangiting sagot pa niya. Ay pagkahirap din palang bigkasin ng tawag dine. Pagkasosyal talaga eh. Ay mukhang matatagalan pa ulit bago ako makatikim ng ganito kaya lulubus-lubusin ko na. Saka ko na laang papatikimin sila Inang kapag ako’y nagtatrabaho at may sweldo na. “Ay pagkasarap mo palang magluto, Celestine. Ay pwede ka ng mag-asawa eh.” biro laang iyon syempre. Ay dose anyos laang kami eh. Pagkabata pa para isipin yung ganon. Ala, ay ayan na naman yung pamumula niya at inayos pa yung buhok habang patingin tingin sa side namin nitong si Cardeng. Inakupo! Sinasabi ko nga ba at magiging mutual ang feelings nila. Pagkagaling ko naman talagang matchmaker. At wala pa akong masyadong ginagawa niyan ha. Papa’no na laang kapag nagsimula na talaga akong makipagkaibigan at makipagclose dito kay Celestine. Ay di kasalan na agad? At dahil mukhang wala na namang gustong magsalita sa kanilang dalawa dahil mukhang nagkakahiyaan, ipinagpatuloy na laang namin yung pagkain ng matahimik. Maganda na rin iyon dahil mas makakafocus ako dine sa sosyal kong pagkain. Makalipas ang ilang sandali ay nagpaalam sa amin si Celestine para magsepilyo sa banyo at sabay naman kaming tumango ni Cardeng. Pagkaalis na pagkaalis ni Celestine ay agad kong siniko ng pabiro yung pinsan ko. “Ay pagkaswerte mo naman at ikaw din yata ay natitipunan niyang si Celestine. Aba’y talagang sinamahan tayo sa pagkain upang makilala ka eh. Ay kung ako sa iyo, magsisimula na akong mag-alaga ng maraming baboy dahil alam mo naman dito, kapag hiningi mo ang kamay ng isang Batanguena eh kailangan mo ng hindi kukulang sa bente na baboy dahil isang barangay ang iyong pakakainin sa kasal. At yang iyong napili ay pagkayaman pa.” mahinang tukso ko sa kanya na ikinapula din naman niya. Ay ano ba naman areng dalawang ito. Ay kanina pa namumula. Halatang gusto ang isa’t-isa eh. Magsasalita pa sana ako nang may nagsalita bigla sa aking likuran. “Ay magandang umaga sa inyong dalawa, lalong-lalo na sa iyo, Julia. Ay para kang puzzle eh.” napapikit naman ako nang marinig ko ang tinig na iyon. Ay mas gusto ko yung sinabi sa akin ni Cardeng na walang nagtatangkang manligaw sa akin, kaysa naman sa ganito, ay ayaw akong tigilan nitong si Ariel. Ay sinabi ko na gang wala siyang pag-asa sa akin ay patuloy pa rin sa panliligaw eh. Pagkapogi naman niya, at mayaman din naman. Ay kaso’y wala pa talaga sa pag-iisip ko yang pag-i-pag-ibig na iyan. “Magandang umaga din naman sa iyo, Ariel.” at namumula pa rin si Cardeng. Aba’y nahawa na ata kay Celestine. Nanlaki naman yung mga mata ko. Ay papaano kung may sakit na nakakahawa si Celestine at nahawa ako dahil sa---hala! “Ay hindi mo ga ako babatiin, Julia? Hindi mo ga ako namiss? Tatlong araw akong wala ah. Ako kasi’y miss na miss kita. At hindi mo rin ga itatanong kung bakit tinanong ko kung puzzle ka?” mas lalo naman akong napangiwi. Pero ayoko namang maging bastos kaya lumingon na laang ako sa kanya at pilit na ngumiti. “Ay magandang umaga din, Ariel. Sige, itatanong ko na rin. Ay bakit nga ba ako naging puzzle?” napilitang tanong ko na laang. “Ay pagkat umaga pa laang eh nabuo mo na yung araw ko.” ah. At naghiyawan naman yung iba naming kaklase na naririto na pala sa silid-aralan. “Ah sige. Magsesepilyo muna ako.” sabi ko na lang kaya mas lalo siyang kinatyawan ng mga kaklase namin. “Ala’y basag ka doon, Ariel.” narinig ko pang sabi ng isa pero hindi ko na laang pinansin dahil wala din naman akong pakialam sa lalaking iyon. Nakasalubong ko si Celestine na nakakunot yung noo at parang may kaaway. Hala, anong nangyari sa kanya? Kanina laang eh sobra yung ngiti niya pero ngayon ay para bang gustong sumugod sa gyera. Ay may nangyari ba habang nagsesepilyo siya? May nangulit na naman ba sa kanya? “Boyfriend mo ba yon?” bigla siyang nagsalita bago ako makalampas sa kanya. “Sino?” “Si Ariel.” maikling sagot naman niya. Umiling naman ako at ngumiwi. “Aba’y hindi. Ay wala pa naman sa isip koi yang ganyan. At wala din naman pag-asa sa akin yang lalaking iyan kahit ilang beses niya ako kulitin. Saka ko na iisipin ang pagnonobyo kapag ako’y nakatapos na.” nawala naman yung kunot sa noo niya nang marinig yung sagot ko. Aba’y weird talaga. “Hindi mo s’ya type? Bakit, what’s your type ba?” interesadong tanong pa niya. Nagkibit balikat naman ako. “Ay hindi ko alam. Siguro’y malalaman ko na laang kapag nakilala ko na yung taong magiging type ko. Pero tulad ng aking sinabi kanina, wala pa sa isip yang mga ganyan. Mas okay muna sa akin na tapusin ang aking pag-aaral para makapagtapos agad at makapagtrabaho para naman makatulong ako sa aking Inang at Itang.” nakangiting sagot ko sa kanya. At kahit medyo napasimangot s’ya sa sagot ko, ngumiti pa rin siya at tumango. “Good. Ang importante, hindi mo s’ya gusto. And sana, hindi mo talaga s’ya magustuhan dahil baka lokohin ka lang n’ya pag nagkataon. Kita mo naman, ang daming babaeng may crush sa kanya diba?” hindi ko alam kung sinisiraan niya si Ariel, o kung concerned lang talaga sa akin itong si Celestine, pero tumango na laang ako. Wala din naman akong planong magpaloko sa kanya eh. “Salamat. Lagi koi yang ipapasok sa isip ko.” sabi ko pa kaya mas lalo siyang napangiti. Tumalikod na ulit ako sa kanya at papasok na sana sa banyo nang magsalita ulit siya. “And by the way, mamayang uwian, puntahan mo ako dahil may ibibigay ako sa’yo. Parang way of thanking you na rin dahil hindi ka nagdalawang isip na ibigay sa akin yung paborito mong pagkain.” kanya pang sabi kung kaya’t napatingin ulit ako sa kanya. “Ay hindi pa ba pasasalamat yung ibinigay mo rin sa akin yung iyong pagkasarap na baon?” takang tanong ko pa sa kanya. Umiling naman siya sa akin. “No. It’s not enough. Basta, hihintayin kita mamaya dun sa may gate ha.” sabi pa niya sabay halik sa pisngi ko kaya napaamang ulit ako sa kanya. Ay para saan naman iyon? “Pa-thank you ko yon sa isang masarap na breakfast.” yun lang at nagmamadali siyang naglakad palayo sa akin at pakembot kembot pa habang naglalakad. Naiwan na lang akong nakatulala sa isang tabi. Hala. Unang halik ko iyon sa pisngi. Ano ga naman iyon? Ay bakit naman siya basta basta nanghahalik nang hindi man laang nagpapaalam? Ay papano na laang kung may magtatanong sa akin kung sino ang aking unang halik? Ay papa’no ko sasabihin na galing iyon sa isang babae? Inangkupo!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD