JULIA
“I joined this competition because it was really my dream to represent the Philippines in the Miss Universe Pageant and of course, to win for our country. Plus, I wanted to prove myself to somone from my past that I could be the most beautiful girl in the world, oh, the universe rather.” at ayun na naman yung palakpakan nung lumabas sa screen yung interview na ‘yon kay Celestine.
Makikisali din sana ako sa palakpak tulad nang kanina ko pa ginagawa, pero may bigla akong narealize sa sinabing n’yang yon kaya takang tumingin ako sa pinsan ko.
Paglingon ko sa kanya, nakatingin lang din s’ya sa akin at nakasmirk na para bang sinasabing alam n’ya kung ano yung tinutukoy na ‘yon ng kaibigan n’ya.
Nanlaki naman yung mga mata ko at napaawang yung bibig ko nang maalala ko yung nangyari bago kami magkahiwa-hiwalay. At mukhang naintindihan din yon ni Rian dahil tumango-tango lang s’ya sa akin.
Luh, seryoso?
---FLASHBACK---
“Ay ano ga iyang nginunguso-nguso mo diyan, Cardeng! Ay dapat ay masaya ka sapagkat ikaw ulit ang nakakuha ng pinakamataas na marka. Aba’y kung ako iyan, malamang ay nagpapista na ang aking Inang at Itang. Lukot na lukot yang mukha mo ay. Ano ga ang problema mo?” tanong ko agad pagkalapit na pagkalapit sa akin ng pinsan ko.
Bigayan lang kasi ng card namin ngayon kaya wala na kaming klase pagkatapos kaya lamang ay hindi pa kami pwedeng umuwi dahil kailangan pa naming hintayin yung service namin. Sayang, manonood pa mandin ako sana ng Meteor Garden dahil crush na crush ko si Watsiley. Buti na lang at may replay mamayang gabi. Yun na laang ang aking papanoorin.
“Tingnan mo nga ako, Julya,” utos niya sa akin na agad ko din naman sinunod. O anong meron sa itsura niya? “Ako ga’y panget?” tanong n’ya matapos ang ilang sandali na ikinatawa ko naman.
Ala eh, ano ga yung pinagtatanong nitong taong are? Bakit kailangan kong sagutin kung pangit s’ya o hindi?
“Ay wag kang tumawa. Ako ga’y sagutin mo pagkat importante na malaman ko.” inis na sabi pa n’ya kaya agad ko din siyang sinunod. Aba mahirap na. Kung hindi ako susunod sa kanya, eh baka hindi ako ilibre ng mangga na may bagoong ni Mang Kanor sa labas mamaya. Mas marami kasing baon na natitira si Cardeng kaysa sa akin dahil hindi naman s’ya mahilig bumili ng pogs, teks, at holen. Ako kasi’y doon nauubos ang baon ko.
Ay pero hindi dapat iyon malaman ng Inang ko dahil inakupo, kapag nalaman n’ya iyon, paniguradong ilalaga niya iyong mga teks ko at ipapainom sa akin. Sasabihin na naman na total, mas binibili ko iyong mga iyon kaysa sa pagkain.
“Ala eh, bakit mo kasi iyong kailangang itanong? Alam mo naman ang isasagot ko. Magpinsan tayo, eh di malamang, gwapo ka. Bakit, may nagsabi ba sa iyo na ikaw ay panget? Ituro mo sa akin at nang makita niya yung hinahanap niya!” sagot ko sa kanya na mas lalo naman n’yang ikinasimangot. Aba’y may mali ba sa sinabi ko? Mas gusto ba niyang sabihin kong siya’y panget? Ay hindi naman talaga eh. Pagkagwapo kaya niya. Marami ngang nagsasabing kami daw yung magkamukha sa aming magpipinsan eh.
“Isa pa iyan. Bakit ba mas brusko ka pa sa akin? Kaya hindi ako magkaroon ng nobya at ako’y tinutukso ng mga kaklase ko na ako daw ay bakla eh dahil diyan sa lagi mong pagtatanggol sa akin. Hindi ko daw ga kayang ipagtanggol yung sarili ko? Bakit daw ako laging umaasa sa iyo?” sukat don at napagalpak na ako ng tawa. Ay iyon laang pala yung pinoproblema niya eh akala ko’y kung ano na.
“Nobya? Ay iyon baa ng iyong pinoproblema? Nakupo naman Cardeng, pagkabata-bata pa natin eh iyan na agad ang iniisip mo. Aba’y ang gusto nga ng Inang mo eh kapag nagtatrabaho ka na magkanobya para hindi ka ma-distrak diyan sa pag-aaral mo. Ay bakit ga nagmamadali ka? May lakad ka ba? Maiiwan ka ba ng bus?” biro ko sa kanya.
Ay pagka-OA naman kasi nireng isang are. Aba’y ako’y ang problema ko laang eh kung papa’no itatago kay Inang yung mga teks ko sa bahay para hindi mailaga, pero ang damuhong ito, pagnonobya na agad ang iniisip.
“Ay kasi nga, ako’y sinasabing bakla nila Marcelo. Bakit daw parang wala akong interes sa mga babae. Ay sabi ko nga ay dahil ako’y busy sa pag-aaral. Ay kaso’y hindi sila naniniwala. Paulit-ulit sila na ako daw ay bakla.” pagsusumbong pa n’ya sa akin kaya napatigil ako sa pagtawa.
“Aba’y siraulo talaga yang Marcelo na ‘yan. Aba’y walang alam bwisitin kung hindi ikaw. Ay papa’no naman eh hindi ka lumalaban. At isa pa, o eh ano kung sinasabi nilang bakla ka. Hindi ka dapat naapektuhan dahil hindi naman totoo. Kahit tuksuhin ka nila ng ganon, alam mo naman sa sarili mo na lalaki ka.” at pagkatapos ay nagdududa akong tumingin sa kanya. “Ay baka naman kaya ikaw ay apektadong apektado kaya naghahanap ka ng nobya ay dahil totoong bakla ka. Nakupo, sinasabi ko sa’yo Cardeng, humanda ka sa Itang mo kapag nalaman n’ya iyan. Alam mong pangarap niyang maging sundalo at pulis ka balang araw.” inis na binatukan naman niya ako.
“Ay malamang ay hinde! Ayoko lang talagang tinutukso nila ako ng ganoon gawa nang baka umabot kay Itang eh, isipin niyang totoo iyong mga paratang na iyon sa akin. At hindi lang naman ‘yon yung dahilan kung bakit gusto ko ng magkanobya.” sagot naman niya sa akin.
“At ano naman aber?” tanong ko naman sa kanya habang ipinapagpag ko yung kamao ko sa baba ko para hindi ako maging bobo dahil sa pagbatok niyang iyon.
“Ako kasi’y may ano.” nahihiyang sabi pa n’ya kaya hinambaan ko s’ya. Ano ga areng pinagsasabi niya?
“Ano ga?”
“Eh, nahihiya kasi ako.” maarteng sabi pa n’ya na parang bakla. Ala, eh bakla ata talaga itong lalaking ito!
“Sasabihin mo o sasantigwahin kita?” inis na tanong ko sa kanya kaya bigla siyang umayos ng upo. Pagkaarte, sapakin ko ‘to eh.
“Ako’y may napupusuan na. Ay kaya lamang eh nahihiya ako. Hindi kasi ako pinapansin eh. Pagkaganda kasi niya at sikat dito sa ating eskwelahan.” pag-amin naman niya sa akin kaya hinintay ko na lang ulit s’yang magsalita. Hindi ko naman kasi ugaling manghula. “Hindi mo ba itatanong kung sino?” takang tanong niya sa akin.
“Ay sabihin mo na laang pagkat tinatamad akong magtanong. So sino ga? Kilala ko ga?” at bago pa s’ya nakasagot, may naamoy akong mabango na palang papalapit sa amin. Agad ko itong sininghot-singhot pero agad din akong napatigil nang makita ko kung sino yung pinagmumulan ng amoy na iyon.
“Hi.” nakangiting bati niya sa amin at pagkatapos ay dere-derechong pumasok sa canteen.
Sus, akala mo pagkabait-bait, eh naubos naman yung baon ko nung isang araw dahil inilista niya ako dun sa ‘noisy’. Parang may itinanong laang ako sa katabi ko eh noisy na agad. Wala man laang konsiderasyon. Pagkasama-sama ng ugali.
Iismid sana ako nang makita ko yung itsura ni Cardeng na parang namaligno sa tabi ko. Hala, may kung ano bang taglay ‘yong amoy na iyon ni Celestine? Ay mabuti na laang at hindi ko sininghot ng mabuti dahil baka magaya ako dito sa pinsan ko.
“Uy, Cardeng! Cardeng!” yugyog ko sa balikat niya. “Cardeng!” tawag ko pa nung hindi pa rin siya tumitinag sa pagtulala sa kung saan pumasok yung class president namin. Hala, anong nangyari sa isang ‘to? Hindi kaya may sumpa yung amoy na yon?
Akmang sasampalin ko na siya nang bigla niya akong pigilan.
“Masakit yan ha. Alam ko kung gaano kabigat yang kamay mo.” sabi pa niya kaya natawa laang ako.
“Ay kundangan ba naman kasing hindi ka na kumilos pagdaan ni Celestine. Akala ko’y naengkanto ka na. Tatawagin ko na nga sana si Nars Jenny para ipatingin ka.” naiiling na sabi ko naman sa kanya.
“Pagkaganda n’ya ano? At pagkabango pa.” at ayun na naman yung itsura niyang hindi ko alam kung naengkanto ba o nagdedaydream lang.
“Si Nars Jenny? Bakit? Inaamoy mo siya?” ay walang respetong itong Cardeng na ‘to sa matandang dalaga naming Nars. Dahil ba sa kagustuhan niyang magkanobya eh pati yung Nars naming eh papatusin? Aba’y parang apo na siya noon ah! Hindi ko naman akalain na ganun pala yung mga tipo niya. Kadiri.
“Siraulo. Si Celestine kasi ang tinukoy ko. Bakit nadamay si Nars Jenny? Ano naman palang palagay mo sa akin, naghahanap ng asukarera de mama?” natatawang sabi pa niya kaya natawa din ako. Aba, malay ko ba, eh may asim pa naman yon.
Pero ew, si Celestine yung gusto niyang ligawan? Nakupo, pagkamalas niya kapag naging sila non. Pagkadami kasing may gusto don dito sa eskwelahan. Halos lahat nga ata ng kalalakihan dito eh may gusto sa kanya. Lagi laang siyang mai-stress kapag magkasama sila.
Hindi naman sa pang-aano, pero hindi ko alam kung ano yung nagustuhan nila sa babaeng iyon. Oo, maganda siya, pero pagkasama naman ng ugali dahil lagi akong inililista sa ‘noisy’ kaya lagi din akong napapagsabihan ng teacher namin. Konting kibot ko eh, lista agad. Kulang na lamang ay hindi ako huminga para hindi niya ako mailista.
“Ay bakit naman iyon? Pagkadami namang ibang babae diyan. Dun ka na laang. O kaya yung muse natin, si Bernadette! Ang alam ko’y may gusto iyon sa iyo kaya lagi akong kinakausap. Siya nga minsan yung nagiging dahilan kung bakit ako inililista niyang si Celestine.” suhestyon ko pa sa kanya. Masasaktan laang siya don sa presidente namin.
“Ay ano gang pinagsasabi mo diyan? Kaya ka kinakausap lagi nung si Badette ay dahil ikaw ang tipo niya. Tropa ko ang pinsan niya hindi ba? Patay na patay daw sa iyo yung babaeng iyon!” napanganga naman ako sa sinabi niya. Kingina?
“Ay ako’y pinaglololoko mo yata. Papaanong magkakagusto sa akin iyon eh pareho kaming babae? Aba’y pagkaganda naman niya para maging lesbiyana.” naiiling na sabi ko pa.
“Pero ang akala nila, ikaw ang tomboy. Ay papaano, ayan, hindi ka marunong magpulbos at magpabango, tapos puro larong panlalaki pa ang iyong nilalaro. Tapos, hindi ka pa daw nagkakagusto sa mga lalaki, ayan ayun, tomboy ka daw.” napaamang naman ako sa sinabi niya. Seryoso?
“Masyado naman yatang pag-sstereotype yan. Pero siguro, tomboy ako dahil pang lalaki akong kumilos at maglaro, pero hindi ako lesbiyana. At magkaiba yon, jusko! Ang tomboy, yung pang lalaki lang kumilos at magdamit, pero sa loob niya, lalaki pa rin ang gusto, ang lesbiyana, kahit anong suot at itsura niyan, pero kung sa babae lamang sila nagkakagusto, ganun sila.” pagpapaintindi ko sa kanya. Iniresearch ko kasi iyan nung tinanong ako ng Inang ko kung tomboy nga ako dahil daw sa pagkilos ko.
“Ay kung ano man yung tawag doon. Basta ang akala nila, sa babae ka nagkakagusto.” sagot naman niya na ikinangiwi ko.
“Ewan ko sa kanila. Basta ako, alam ko sa sarili ko yung gusto ko. At sa ngayon, wala pa sa isip ko yang pag-i-pag-ibig na iyan. Mas gusto ko pang maglaro ng holen kaysa maglaro ng damdamin ng iba.” sagot ko pa.
“So hahayaan mo laang na iyon yung tingin nila sa iyo?”
Nagkibit balikat naman ako.
“Ay alam ko naman kung ano yung totoo kaya wala namang kaso kung ano man iyong iisipin nila. Ang importante’y ako yung mas nakakakilala sa sarili ko.” sagot ko naman sa kanya. Hindi naman kasi ako magpapaapekto sa tsismis na iyon dahil alam ko naman na hindi totoo.
Kung sa babae ako nagkakagusto, eh di sana’y si Shanshay yung crush ko at hindi si Watsiley. At sana’y hindi ako kinikilig sa F4.
“At ayos lang sa iyo kung may gusto sa iyo si Badette?” tanong pa n’ya.
“Oo. Basta alam dapat niya na hindi ko maibabalik yung feelings na ‘yon pagkat ayoko pa sa mga love-love na yan.” sagot ko pa.
“Hindi ka nandidiri sa kanya? Alam mo yon, dahil nga may gusto siya sa kapwa niya babae?” tanong pa niya sa akin.
Umiling naman ako.
“Ala, eh bakit naman ako mandidiri sa kanya? Normal laang naman yung kanyang nararamdaman. Hindi naman kasi mapipili kung sino ang iyong magugustuhan. Mapababae man o lalaki, bakla, o lesbiyana, pantay-pantay laang iyan. Hindi mo dapat sila iwasan dahil tao din naman sila na nasasaktan din. Pero yun nga, ang problema laang, hindi ko talaga maibabalik yung pagkagusto na iyon pagkat hindi ko pa iniisip yung mga ganyang bagay. Pagka-bata pa natin ay, mababago pa yang mga nararamdaman na iyan.”
Nagulat ako na niyakap niya ako pero hinayaan ko na lang. Baka masyado laang siyang natuwa sa sinabi ko. Masyado kasing emosyonal itong pinsan kong ito. Kaya nasasabihan ng bakla eh. Mas iyakin pa kaysa sa akin.
“May hiling pala ako sa iyo, Julya.” sabi pa niya matapos niya akong yakapin.
Inakupo, parang alam ko na kung ano iyon. Yang mga ganyang tono at tinginan eh, isa laang ang ibig sabihin niyan. At dahil kilala niya ako at kilala ko ang aking sarili, alam na alam niyang hindi ko matatanggihan kung ano man yang hihilingin niya sa akin.
“Kung tungkol kay Celestine iyan, eh hindi din naman ako close sa kanya kaya hindi ko alam kung papaano kita matutulungan diyan.” iyan naman kasi yung hiningiin niyang tulong sa akin.
“Mas kinakausap kasi niya ang mga babae nating kaeskwela kaysa sa mga lalaki. Iniisip kasi niyang liligawan siya kapag lalaki yung lumalapit sa kanya kaya medyo aloof siya sa amin. Kaya alam kong kapag ikaw yung nag-imbita sa kanya para sa birthday ko, mas may pag-asa na mag-oo siya. Tingnan mo nga kanina, nung nag-hi siya kanina, sa iyo laang siya nakatingin. Ni hindi niya ako tinapunan ng tingin.” sabi pa niya kaya napasimangot ako.
“Ay hindi ko nga siya kinakausap. Hindi ba parang nakakagulat iyon sa kanya kung bigla akong lalapit sa kanya para imbitahin siya sa kaarawan mo?” tanong ko pa na ikinaisip din naman niya.
“Oo nga ano? Eh di bago mo siya imbitahin, kausapin mo muna ng ilang araw. Sa isang buwan pa naman yung birthday celebration ko. Sige na naman, Julya, ikaw laang yung makakatulong sa akin upang ako’y magkaroon na ng nobya.” ay nako, hindi pa talaga siya sumusuko dun sa pagkakaroon ng nobya na ‘yon. Aba’y dose anyos pa laang kami, pero nagmamadali silang magkaroon ng relasyon. Akala ba nila’y masaya lagi kapag nasa isang relasyon? Ayaw muna nilang i-enjoy yung kabataan nila. Ayaw nila akong gayahin. Chill-chill laang. Walang iniisip na ganyan.
At isa pa, nakakaubos kaya ng pera ang magkanobyo o nobya. Lagi kayong kakain sa labas, gagastos sa regalo, nakupo, isa pa yan sa dahilan kung bakit ayaw ko pa ding pumasok sa isang relasyon. Magkakaroon pa ng kaagaw yung mga teks at pogs ko sa mga gagastusan ko.
“Cardeng—“
“Sige na o. Isang daang pisong teks at pogs ang kapalit. Tapos, ako pa ang manlilibre sa iyo kapag recess. Wala kang gagastusin sa mga kakainin at iinumin mo. Basta maipangako mo lamang na kakausapin mo siya at iimbitahin sa birthday ko sa isang buwan.” napaisip naman ako sa sinabi niya. Isang daang piso? Tempting ha. Pagkadami-daming teks at pogs at holen non. At ginamit din niya yung isa kong kahinaan na pagkain. Sino ba naman ang makakatanggi pa doon? Kilalang-kilala talaga ako ng lalaking iyon.
At isa pa, baka nga kapag kinausap ko at naging magkaibigan kami ni Celestine eh hindi na niya ako ilista kapag nagpapalista ng noisy si Mrs. Gatdula sa kanya. Hmmm, three birds in one stone iyon ah. Mukhang wala naman akong katalo-talo sa gustong mangyari ni Cardeng. Tama! Ang talino ko talaga kahit kailan.
Tumingin ako sa kanya at ngumiti. At mukhang gets na niya kung ano yung ibig kong sabihin dahil abot tenga yung ngiti niya sa akin.
“DEAL!” nakangiting sagot ko pa habang hinihila siya papasok sa canteen.
Takang tumingin naman siya sa akin.
“Sisingilin ko laang yung unang bayad mo, hihi. Ako’y gutom na kasi. Ibili mo ako ng sopas at Hi-C.” utos ko pa sa kanya at wala na siyang nagawa kundi sundin ang sinabi ko.
Habang naghihintay sa kanya at napatingin ako kay Celestine na nakatingin din pala sa akin at mukhang nagulat siya nang bigla akong ngumiti sa kanya. Pero nung makabawi ay nahihiyang ngumiti din siya sa akin.
Napangiti naman ako sa isip ko. Mukhang hindi naman ako mahihirapan na makipagkaibigan dito sa babaeng ‘to. Ngumiti sa akin eh, hindi ako sinupladahan tulad ng ginagawa niya sa iba naming kaeskwela.
Hintay ka lang bukas, Celestine Javier, magiging kaibigan mo na ako at hindi mo na ililista at hindi na mababawasan ulit yung baon ko, at higit sa lahat, mapapasaakin pa yung mga gusto kong teks at pogs dahil sa’yo, hihi.