IKASIYAM NA PATAK

1749 Words
NAPAHINTO si Chrysiana sa pagkilos upang maglakad kaya huminto rin si Leandro at binigyan siya ng nagtatakang tingin. Kahit hindi niya aminin ay tiyak ng napansin na ni Leandro ang pag-aalala sa kanyang mukha dulot ng paglisan niya sa Mirabilandia. Pakiramdam ni Chrysiana ay siglo ang ibinilang para sila ay muling makatuntong doon. “Ano ang problema, mahal ko?” tanong nito nang lapitan siya at nakababa na sila mula sa balon, sa kabilang mundo—ang mundo ng mga taong mortal. “W-Wala naman.” Kahit bakas na sa mukha niya ang nagbabadhang pag-aalala. Kinuha nito ang kamay niya at mahigpit na hinawakan iyon. Iyon ang palaging paraan ni Leandro upang magkaroon ng katiwasayan ang kanyang pag-iisip. Dama niya ang init ng mga palad nito na kahit papaano ay nagbibigay na sa kanya ng kapayapaan. Kumakalma na ang kanyang isipan at ang t***k ng kanyang puso ay unti-unti nang pumapantay. Sa kanyang pag-iisip ay hindi niya napansing nakarating na sila sa daan patungo sa Mirabilandia. Dahil ba kay Leandro o dahil sa anak nilang may dugong mortal at diwatano? Sa wakas ay natunton na rin nila ang bahaging naghahati sa Mirabilandia at sa mundo ng mga mortal. “Handa ka na ba, mahal ko?” tanong sa kanya ni Leandro saka marahang pinisil ang kanyang kamay upang hindi na siya mag-alala at upang ipaalaang naroon ito sa tabi niya. Magtiwala at kumapit lamang. “Oo, handa na ako. Poprotektahan ko ang anak natin, anumang mangyari.” Ngumiti si Leandro kasabay ng kanyang pagngiti rin. Sabay na nilang tinahak ang daan mula sa lagusan at patungo na ngayon sa kaharin ng Mirabilandia. Marahil nga ay dahil sa kanilang supling kaya siya muling nakabalik sa Mirabilandia. Ang kanilang anak ay tunay ngang isang may dugong maharlika at nagawa nilang makapasok gamit ang sanggol. Habang naglalakad sila ay nakapagtatakang nag-iba ang tanawin. Tila may delubyong dumaan doon. Wala na ang masigla at nagyayabungang mga halaman at punong kahoy, lanta na ang mga iyon. Wasak-wasak ang bawat parte ng mga puno. Pakiramdam niya ay humihingi ng tulong ang lahat at nagmamakaawa mula sa malagim na pangyayari. Umiiyak ang ibang puno at halaman na may buhay pa. Nang tingalain niya ang araw ay iba rin ang hitsura nito. Hitsurang nagdaan sa matinding kalupitan. Ano ang nangyayari sa mundo ng Mirabilandia? Bakit ganito ang kinasapitan nang magbalik siya roon? Dahil nga ba sa kanya? Oo nga’t hindi ba ay siya ang lumisan at nang-iwan? Kasalanan niya ang lahat, kung hindi lamang siya umalis sa Mirabilandia ay hindi mangyayari ang ganoon. Ang ama niya? Kumusta na kaya ang ama niya at ang palasyo? Nakaramdam ng panghihina si Chrysiana sa nakikitang delubyo na iyon. “Leandro, maaari bang dumito ka na lamang? Pupuntahan ko kung ano ang nangyayari at bakit ganito na ang aming mundo. Kailangan kong magtungo sa kaharin.” Sunod-sunod na iling ang ginawa ng kanyang asawa. “Hindi, sasama ako sa iyo. Paano kung mapahamak ka?” “Huwag kang mag-alala, mapapangalagaan ko ang aking sarili, mahal ko.” Ngunit mahigpit ang hawak ni Leandro sa kamay niya upang pigilan siya. Nagtagumpay ito at napapayag siyang sumama kahit hindi niya iyon sinasang-ayunan. Mas mabuti nga raw na dalawa nilang tahakin ang delubyong nagbabanta. Dahan-dahang umangat sa lupa si Chrysiana upang mapabilis ang pagtungo nila sa palasyo. Bitbit ni Leandro ang anak niya na kasabay niyang nakaangat na rin sa lupa habang hawak ang kanyang kamay. Sunod-sunod na iling ang ginawa ni Chrysiana nang masaksihan ang unti-unting pagkawasak ng mundo ng Mirabilandia. Madilim ang kapaligiran nang marating nina Chrysiana at Leandro kasama ang kanilang supling, ang hardin ng palasyo ng Mirabilandia. Dahan-dahan silang bumaba sa lupa nang mapansing paitim na ng paitim ang paligid at ang maitim na usok ay kalat na. Marami na ring mga diwatano ang nakahiga na karamihan ay wala ng buhay nang matanaw iyon ni Chrysiana. “Mahal ko, ano ang nangyari sa inyong mundo?” “Iyan din ang tanong ko sa aking sarili. Ako ba ang dahilan ng unti-unting pagkawasak ng kaharian ng Mirabilandia at ng palasyo?” Napahinto sa paglalakad si Chrysiana, sumilay ang kumikinang na luha sa kanyang mga mata. Sa bawat pagbagsak niyon ay nagiging puting perlas. Nilapitan ni Leandro si Chrysiana at walang imik na niyakap ito. “Tumahan ka, Mahal ko. Hindi makabubuti ang pag-iyak.” Tumatangis si Chrysiana sa kahinatnan ng mundong iniwan niya. Lumuluha siya dahil binalewala niya ang kagustuhan ng kanyang ama.Tunay na siya ang may kasalanan ng lahat ng ito. Binaybay nila ang daan hanggang makarating sila sa malaking pintuan ng palasyo. Habang naglalakad si Chrysiana, lungkot at awa ang bumalatay sa kanyng mukha nang masaksihan ang mga diwatanong sugatan at wala ng buhay. Maluwang ang pagkakabukas ng pintuan na parang inihanda ito sa kanilang pagdating. Nag-aanyaya na sila ay pumasok habang ang loob ay parang dinaraanan ng malakas na buhawi at sadyang binagyo base sa kaguluhan sa loob. Napaatras sa pagpasok si Chrysiana nang maaktuhan ang kanyang ama na inilalabas sa palasyo. Nakaangat ito sa lupa habang ang leeg ay bihag ng babaeng hindi niya akalaing magagawa ang ganoon katinding bagay sa kanyang ama. Parehong nakaangat sa ere ang dalawa kasabay ang kulog at malakas na pagkidlat na nagpayanig sa buong paligid. Nakataas sa ere ang katawan ng kanyang ama habang sakal-sakal ng kamay ni Menendra na may matatalas na kuko. Nakakalat din ang iba’t-ibang patay na mga hayop, ibon, paru-paro o kung anu-anong pang mga hayop na makikita sa Mirabilandia kasama na rin ang mga halaman at mga punong kahoy. Kung hindi nakabunot ang ugat ay putol ang mga ito matapos na nakakalat ang masamang itim na hangin na bunga ng engkantasyon ni Menendra. Kagimbal-gimbal ang kanyang nasaksihan na habang nagkalat ang mga walang buhay na mga diwatano at diwatana. Duguan ang mga bibig at ilong matapos malason ng hangin buhat sa engkantasyon. Napadapa silang pareho ni Leandro na tila isang malakas na pagsabog ang naganap nang makarating sa labas ang dalawang nagpapambuno. Sa tindi ng kapangyarihan ng babae ay nagresulta iyon ng isang malakas na kidlat. MABILIS na umangat sa lupa si Chrysiana nang masaksihan na ang babaeng minsan niyang pinagkatiwalaan at kinaibigan ay siya rin palang makakalaban ng kanyang ama. Si Menendra mismo ang naghasik ng lagim sa mundo ng Mirabilandia. Marami nang nasawi na lipi ng dugong Babang-lubog o mas mababa sa kanilang angkang Maharlikang-bughaw. May mga nasawi ring nakabulalagta na sa loob ng palasyo na kapwa niya liping maharlikang-bughaw. “Ibaba mo ang aking ama, Menendra! Wala siyang kasalanan sa iyo!” buong lakas na sigaw niya habang ang dalawang kamay ay may bilugang kristal na may mahika sa loob at handa ng ihagis patungo sa direksyon ni Menendra kung hindi nito bibitiwan ang kanyang ama. Kitang-kita ni Chrysiana ang hirap ng paghinga ng kanyang ama. Pinakatatagan ni Chrysiana na huwag lumuha at iparamdam na matapang siya. “Ikaw ang may kasalanan ng lahat ng ito, Chrysiana! Kung pinayagan mo lang sana at hinayaan mo kaming dalawa ni Leandrom hindi hahantong sa ganito,” nanlilisik ang mga matang sabi nito. Ang buhaghag at magulong buhok ay sabog na nakaangat sa ere. Ibinaba ni Menendra ang kanyang ama ng pabitiw sa lupa at agad iyong hinabol ni Chrysiana upang hindi ito masaktan sa pagbagsak. Nasalo ni Menendra ang ama at kinalong sa kanyang kandungan. May bahid ng dugo ang sulok ng labi nito. “Ama, idilat ninyo ang inyong mata. Sabihin ninyong maayos pa ang inyong lagay.” Dumilat naman ito at marahang hinaplos ang kanyang pisngi. “Mahal kong anak. Sa wakas ay nagbalik ka na.” “Ama kong hari, patawarin ninyo sana ako dahil ang aking ulo ay matigas at sinuway ang inyong kautusan.” Umiling ito saka umubo na lalong naglabas ng dugo sa bibig nito. “Ako ang may kasalanan ng lahat, anak ko. Hindi ko iginalang ang pasya mo. Pinanghimasukan ko ang kagustuhan mo.” Isang malaking delubyo ang kaganapang ito. Natupad na ang propesiya ni Menendra. Kagaya ng iniwang propesiya ng kanyang ina na may dugong Maharlikang-Itim ang wawasak sa mundo ng Mirabilandia dahil sa lalaking mortal. Isang mortal daw ang maliligaw sa kanilang mundo na magpapasimula ng isang hidwaan ng mga diwatano at ng nag-iisang lipi ng maharlikang-itim. Bubuhayin ang dugo ng kadiliman sa nag-iisang lipi at wawasakin ang lahat ng bagay sa mundo ng Mirabilandia at maging sa mundo ng mortal. Mawawala na ng saysay ang katiwasayan at katahimikan sa dalawang mundo. Masisira ang daloy ng tahimik na pag-inog ng mga ito. Isang punyal ang muling kikitil at babalutin ng kadiliman ang mundo ng Mirabilandia. Alam ni Chrysiana na siya lang ang makatatalo kay Menendra. Nagsimulang kumilos si Chrysiana at inawitan niya ang lahat upang mawala ang itim na hangin na nababalot sa paligid at ang malaking bolang itim na naghahasik ng kadiliman, puot, kulog at kidlat sa palasyo at sa buong Mirabilandia. Unti-unting sumilay ang liwanag at dahan-dahang ngumiti ang araw. Napalitan ng liwanag ang madilim na kapaligiran dahil sa lakas ng kapangyarihan niya. Ngunit nang mapagmasdan ni Chrysiana ang mga diwatana at diwatano, wala pa ring buhay ang mga iyon. Walang ipinagbago. “Akala mo ba ay mabubuhay mo ang lahat?” Kasunod ang nakatatakot nitong pagtawa. Hindi man niya nabuhay ang mga halaman at mga hayop, kahit papaano ay nagawa niyang alisin ang engkantasyong ibinalot ni Menendra na isang lason sa lahat. “Kaibigan kita, Menendra. Hindi ko akalaing magagawa mo ang lahat ng ito.” “Noon iyon, Chrysiana! Hindi na ngayon.” Tinuunan ni Chrysiana ang ama upang ito naman ang pagalingin. Isang ihip at pag-awit sa mga palad ang kanyang ginawa saka itinapat sa katawan ng ama upang maghilom ang mga sugat nito na hindi na nito kaya pang paghilumin dahil sa kagagawan ng mapag-imbot at taksil na si Menendra. Nananangis siya sa kapighatian dala ng kanyang pagkamakasarili ay namatay ang halos lahat ng may buhay dahil sa kanya. “Patawarin mo ako sa nagawa kong itong, Ama. Nawa ay dinggin ng Bathala ang kahilingan kong mapagaling kayo,” samo niya habang umiiyak. Napatingala siya sa kalangitan na nagdarasal na buhayin at pagalingin ang kanyang amang hari. Kahit makapangyarihan ang kanyang ama, kayang komontrol ang anumang nilalang ay hindi nito nagawang kontrolin at labanan ang kapangyarihan ni Menendra. Napuno na kasi ng kadiliman ang puso nito na hindi na kaya pang paghilumin. Wala nang kamalay-malay si Chrysiana na naroon din ang kanyang asawa at supling. Nagtatago ang mga ito, nagkukublis sa isang malapad na puno at umuusal ng dasal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD