IKAWALONG PATAK

1749 Words
NATUTUWANG pinagmamasdan ni Chrysiana ang asawang si Leandro habang binubuhat nito ang kanilang anak at isinasayaw sa daloy ng musika. Hindi lalaon ay bibilis din ang paglaki ng kanilang supling sa mundo ng mga tao. Ang kanyang anak ay hindi mamumuhay nang katulad sa mga tao dahil naiiba ito. Bukod tanging may mahika at dugong maharlika. Halos isang linggo na rin siya sa mundo ng mga mortal. Nakalimutan na niya pansamantala ang problemang iniwan niya sa Mirabilandia. Aaminin niyang nananabik rin siyang makita ang kanyang amang hari ngunit hindi niya alam ang kahahantungan kapag bumalik siya sa kanilang mundo. Mananabik rin kaya itong makita siya lalo na at siya ay nakipag-isang dibdib na at nagbunga na nga ang kanilang pag-iibigan? Ayaw niyang mapalayo sa kanyang asawang si Leandro. Labis niya itong mahal at hindi niya kakayaning mawala ito. Bahagyang inihilig niya ang ulo upang hindi nito mapansin ang malungkot niyang awra. Ngunit huli na nang mag-angat siya ng tingin ay salubong na ang kilay ng gwapo niyang kabiyak. “Umiiyak ka?” pagtatakang tanong nito na mabilis siyang nilapitan saka dahan-dahang iniangat ang mukha niya habang bitbit ng kabilang kamay nito ang kanilang anak. “H-Hindi ah. N-napuwing lang,” pagsisinungaling niya. “Ang maganda kong asawa ay hindi marunong magsinungaling. Nakikita ko sa iyong mga mata ang lungkot.” Tinalikuran siya nito saka dahan-dahang inilapag sa crib ang kanilang anak. “Kung nais mong bumalik mundo ninyo, hindi naman kita pipigilan. Ayaw kong malungkot ka dahil lang sumama ka sa akin, Chrysiana. Iginagalang ko pa rin ang pasya mo.” Lumapit siya rito at pumailalim sa malalaking braso ng asawa. “Mahal na mahal kita, Leandro at hindi ko makakayang iwan ka.” “Mahal na mahal din kita. Kaya kong iwanan ang lahat nang mayroon ako, mapasaya lang kita.” Naramdaman ni Chrysiana ang mas mahigpit na yakap nito sa kanya. “Tulog na ba ang anak natin?” “Oo, mahal ko.” Saka siya nito ginawaran ng mabilis na halik sa kanyang pisngi habang siya ay nakaharap at ito ay nakayakap sa kanya mula sa likuran. “Hmm… How about, bumisita tayo sa mundo ninyo? Hindi naman siguro magagalit ang ama mo kapag nakita niya ang anak natin.” Napaisip si Chrysiana sa suhestisyong iyon ni Leandro. Alam niyang hindi agad magagalit ang kanyang ama kapag nakita nga ang kanilang anak ngunit paniguradong magtatampo ito dahil nawaa siyang bigla nang hindi nagpapaalam. Kinakain lang siya ng takot sa galit ng kanyang ama. “Hindi mo naman siguro habang buhay nais ilihim ang anak natin sa kanyang lolo, hindi ba?” “Oo. Ngunit may kasalanan ako sa aking amang hari. Hindi ko ipinagtapat sa kanya ang totoo at bast ko na lamang siyang iniwan doon sa aming kaharian.” “Alam mo, mapagpatawad ang mga magulang, Chrysiana.” Tama naman ito. Naalala niyang galit na galit ang ina nito. Namatay na kasi ang ama nito at ina na lang ang naiwan. Kagaya niya ay nag-iisang anak rin ito. Sa galit nga ng ina ni Leandro ay halos itakwil ito dahil nga naman hindi siya kilala at lalo pang hindi siya nanggaling sa mundo ng mga mortal. Ngunit nang makita ang kanilang anak, ang unang araw na dalhin niya ang bata ay labis ang tuwa ng ginang at halos maya’t-maya ang kuha sa bata para hiramin. Nakita ng ginang kung gaano kagwapo ang kanilang anak kaya mabilis nabighani ito sa sanggol. Mismong sa ina na rin ni Leandro nanggaling na may kakaibang karisma ang bata—karismang kahit sinong malungkot sasaya kapag nakita ang nakangiting anak nila na si Lizandro. Sa katunayan nga ay kamaikalan lamang ay binigyan ng ina ni Leandro ang kanilang anak ng isang piging na tinawag na binyag. Labis naman siyang nasiyahan. Marami ang pumuri sa kanilang anak at kagaya ng sinabi ng ina nito, ganoon din ang puri ng mga dumalo. Nakagagaan daw ng kalooban kapag tinitingnan nila ang magandang mukha ng kanyang anak. Kaya sigurado siyang maiitindinhan siya ng ama at matutuwang tiyak kapag nasilayan ang kanilang anak na si Lizandro. Ngunit iba iyon sa kanya. Wala namang kinalaman ang kanilang anak kaya hindi ito idadamay ng kanyang ama. Sa sariling desisyon ni Chrysiana siya natatakot. Dahil baka kapag dumating sila roon ay ang kanilang anak lang ang mabigyan ng amor at silang mga magulang ay ipalayo sa kanilang anak. “Huwag ka munang mag-alala kung hindi mo pa nasusubukan.” Sa lahat ng pagkakataon, si Leandro ang palaging nagpapalakas ng kalooban niya. Nabuhayan siya ng loob sa sinabi nito. Dapat nga muna niyang subukan upang malaman niya kung ano ang magiging desisyon ng kanyang ama. Huwag lamang sanang ilayo ang kanilang anak sa kanila. Ikamamatay niya kapag napalayo sa kanila ang sanggol. Hindi bale nang mawala ang lahat, kapangyarihan, kayamanan, kariktan o kahit anong bagay na mayroon siya huwag lamang ang dalawang bagay sa buhay niya. Si Leandro, ang pinakatatangi niya at ang kanyang anak, ang buhay niya. Ito na lang ngayon ang kayamanang mayroon siya at maipagmamalaki niya sa dalawang mundo. Bago matapos ang araw ay kinausap na ni Chrysiana si Leandro na tutuloy sila sa kabilang mundo, ang Mirabilandia. Dadalawin nila ang ama at ang kaharian. Gagawin niya ang lahat para hindi mangibabaw ang naiisip niyang gumagapi sa kanyang puso. Pagkatapos ng dalawang araw sila aalis upang makapagpaalam muna sila ng maayos sa ina ni Leandro na baka mawawala sila ng ilang araw dahil mananatili sila sa Mirabilandia. “SAAN nga uli ang punta ninyong dalawa para magbakasyon?” may kasungitan na tanong ng ginang. Sa pananatili sa bahay na iyon na pagmamay-ari ng ina ni Leandro ay alam na niya ang ugali ng ina nito at nakukuha na nga rin niya ang kiliti nito. “Sa Mira—” Pinigil siya ni Leandro dahil nalimutan niyang hindi nga pala kilala sa mundong iyon ang Mirabilandia. “Sa Mindoro, Mama. Mananatili kami roon ng ilang linggo. Alam n’yo naman dito sa Manila, toxic, pollution at walang fresh air. Hindi hamak na mas maganda ang mga tanawin sa probinsiya.” Wala pa ring alam ang kahit sino sa bahay na iyon tungkol sa tunay niyang pagkatao. Silang dalawa lang ni Leandro ang nakaaalam. Nagkasundo silang walang ibang pagsasabihan dahil hindi nila tiyak ang magiging reaksyon ng mga tao at kung anong klaseng kapahamakan ang pwedeng mag-abang sa kanya kapag may nakaalam tungkol sa tunay niyang pagkatao. “Mindoro ang probinsiya mo, hindi ba?” Tumango si Chrysiana sa tanong na iyon ng ginang. Kasabay ng pagtatago niya sa kanyang tunay na katauhan ay ang pagtatagpi-tagpi rin ng mga kasinungalingan at mga pagpapanggap na walang katotohanan. “You mean, bibisitahin mo ang tatay mo?” Tumango siyang muli. “Bueno, ano pa ba ang maikokontra ko kung pamilya mo ang pupuntahan ninyo. Kailan naman kayo babalik?” Kinuha nito ang bata sa kanya. “Siguradong ma-miss ko kaagad ang apo ko.” Hinagkan pa ito sa bumbunan. “Huwag ninyong pababayaan ang apo ko ha. Bukas na ba ang alis ninyo?” “Yes, Mama.” Si Leandro na ang sumagot. “Kung ganoon. Magpasabi lang kayo ng mga kailangan ninyo at ipahahanda ko na rin kaagad.” “Salamat, Mama,” sabi niya sa ginang. Batid ni Chrysiana na hindi siya napupusuan ng ina ni Leandro para sa anak ngunit dahil nagbunga na at nakasal na silang dalawa ay hindi na nito narinig ang pagkontra nito sa kanilang dalawa. Sa katunayan ay gustong-gusto nito ang kanilang anak kaya hindi na ito nakakontra pa kahit hindi boto sa kanya. Madalas pa nga nito siyang pinupuri at minsan na nitong naipakilala sa mga kaibigan o amiga nito at talagang humanga sa angkin niyang kagandahan. Hindi naglaon ay natanggap na rin siya nito. Sa gabi ay naghanda na rin sila ni Leandro. Nakita pa niyang may tinitipa sa maliit na telebisyon na tinawag nitong laptop ang kanyang asawa. “Ano ang ginagawa mo?” pang-uusisa niya saka umupo sa gilid ng hamba ng upuang inuupuan din nito at inalagay ang braso sa leeg nito upang makakuha ng kakapitan. “Ginagawa ko ang last will and testament para sa anak natin at narito rin ang habilin ko sa aking ina.” Binigyan niya ito nang nagbabadhang pagtataka. Alam niyang matalino ito at palabing advance mag-isip. Hindi pa nangyayari ay palagi na itong may inaabangan at minsan ay nagkakatotoo ang mga prediction nito na maaaring maganap sa hinaharap. Tipikal na magaling itong magplano at magaling mag-solve ng mga bagay-bagay para masolusyunan. “Hindi ko kasi alam kung ligtas ba tayong maka-aalis sa mundo ninyo kaya bilang paghahanda sa future ng anak natin, kailangan ko itong gawin upang maging lehitimo siyang isang Lizandro Crux. Handa akong mamatay kasama ka pero hindi ako handang mawala ang anak natin. Masyado pa siyang paslit. Tiyak kong may magandang future para sa kanya.” “Akala ko ay ako lamang ang nag-iisip nang hindi maganda.” “Ayaw ko rin namang mag-isip ngunit hindi ako mapapanatag kapag naging mahirap ang buhay ng anak natin sa mundo ko. We know how wealthy my family is. Ekta-ektarya ang lupain namin, maraming pera sa bangko at kahit hindi na magtrabaho ang anak natin paglaki niya ay kaya niyang bumuhay ng sampu-sampong pamilya mula sa manang makukuha niya.” “Tama ka naman. Hindi ko kaagad naisip iyan.” “Ito lang din ang paraan para mapanatag ako.” Hinagkan nito ang kamay na nakapatong sa balikat ng asawa. “Alam kong maaawa rin sa atin ang may kapal. Manalig lang tayo.” “Kapag hindi na tayo nakabalik sa ating mundo, nais kong maging ligtas ang anak natin, Leandro. Kahit tayong dalawa na lang ang tumanggap ng kaparusahan.” “I know. Gagawin natin ang lahat para mailigtas ang anak natin, Mahal ko.” Mula sa tiwala at pagmamahal na pinanghawakan nila ay bumalik silang dalawa sa mundo ng mga imortal o ang Mirabilandia. Pinaghandaan na nilang dalawa ang lahat at maging ang galit ng kanyang ama sa desisyon nila—sa kasalanan niya na tumakas siya at hindi man lamang nagawang magpaalam. Tulak-tulak na ni Chrysiana ang stroller na pinaglalagkan sa anak. Pigil ang hiningang sabay silang dalawa ni Leandro na tumalon sa balon habang bitbit niya ang anak at magkahawak silang dalawa ng kamay. Kataka-takang hindi sila nabasa mula sa tubig sa balon nang makabalik sila sa lagusan patungo sa Mirabilandia. Ngunit ang mas lalong pinagtakhan niya ay ang pagpasok nila sa Mirabilandia nang wala ang kwintas niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD