IKALABING-ISANG PATAK

1749 Words
MULA sa pagkabigla na ibinalik ni Menendra ang sumpa ay labis itong nagimbal lalo na nang magliwanag ang sariling noo na ang ibig sabihin lamang ay nagwagi si Chrysiana na bigyan din ito ng sumpa ngunit lingid sa kaalaman niya ay nakuha rin ng sanggol na anak niya ang sumpang binitiwan ni Menendra. Parang naghati sa sumpa ang anak niya at si Menendra. Hinding-hindi ito papayag na maargabyado at manalo ang palalong si Chrysiana. Sa kanya ang Mirabilandia at ito lamang ang may karapatang maging reyna. Nais nitong mawala sa sariling landas si Chrysiana at hindi mapakinabangan ang anak na dapat ay anak sana nito kay Leandro ngunit makasarili si Chrysiana at hindi ninais na ito ay maging maligaya. Dahan-dahang naramdaman ni Menendra na umepekto ang sumpa at unti-unting naiiba na ang mukha nito. Naramdaman ni Menendra ang init ng sariling mukha na parang napapaso iyon. Kinapa nito ang pisngi at ganoon na lamang ang gilalas ni Menendra nang may mga butlig itong nakapa. Muli itong kumapa at napahiyaw pa nga ito nang tila umunot ang bawat balat lalo na nang humaba ang sariling baba. Lalong nagngitngit ito sa galit at patakbong sumugod si Menendra sa kinatatayuan ni Chrysiana. “Mamatay ka na!” Hinding-hindi ito papayag na muling matapakan, maapi at magtagumpay si Chrysiana. Kinakailangan na nitong wakasan ang buhay ni Chrysiana nang sa ganoon ay mapunta sa kanya ang Mirabilandia o kahit si Leandro. Napahinto si Menendra sa pagsaksak at binawi ang bitbit na punyal nang makita ang nakasuot ng puti at humaharang ang malapad nitong likod sa kanyang mukha. Hindi si Chrysiana ang kanyang nasaksak! Ano itong nagawa ni Menendra? Naglabasan ang dugo sa bibig habang unti-unting bumubulagta na ang katawan, matapos maitarak ni Menendra ang punyal sa likuran… na para sana kay Chrysiana. Ngunit iba ang tumanggap niyon at nagbuwis ng buhay. Ganoon na lamang ang pagkagilalas at pagkahindik ni Menendra nang makitang duguan at nakabulagta na ang isang lalaking humarang sa pag-atake nito at pagsaksak kay Chrysiana. Kung bakit kasi ay hindi agad napansin nito ang pagsugod ni Leandro para ipagtanggol si Chrysiana, sana ay si Chrysiana na ang nakabulagta ngayon. Napatitig si Menendra sa lalaki habang nanatiling nakatayo. Lito ang mga matang nakatingin sa sariling mga kamay na may bahid ng dugo habang ang isang kamay ay nakahawak pa rin sa punyal na binawi niya sa pagsaksak sa lalaki. Hindi lubos akalaing nagawang saktan ang lalaking pinakatangi-tangi. Hindi makapaniwalang nakasaksak ng isang mortal at walang iba kung hindi si Leandro—ang lalaking pinag-aagawan nila ni Chrysiana. “L-Leandro…” naiiyak na tawag ni Chrysiana sa asawa. “Oh mahabagin kong langit! Idilat mo ang iyong mga mata! Hindi ka maaaring mamatay,” pagsusumamo ni Chrysiana na halos matuliro kung ano ang dapat gawin. Kalong ni Chrysiana sa kanyang mga hita ang mahal niyang asawa na ngayon ay inaagusan na ng dugo ang bibig. Bahagya itong dumilat para tingnan siya. Nagawa pa nga nitong iangat ang isang kamay para haplusin ang mukha ng minamahal kahit na iyon na ang huling sandali. “M-Mahal na mahal kita.. Chrysiana.” Randam ni Chrysiana ang hirap nito sa pagsasalita at paghinga buhat sa malalim na sugat na natamo nito. “Ingatan mo.. ang anak natin. M-Mananatili ka sa puso ko.” Sa huling kataga ay dahan-dahang ipinikit na ni Leandro ang mga mata. Hindi na sana sinayang pa ni Leandro ang nalalabing lakas, dahil baka sakaling may magawa pang paraan. Napahiyaw si Chrysiana. Nabigla sa nangyayari at hindi niya akalaing ibubuwis ni Leandro ang buhay para sa kanya. Lubha at tunay ngang mahal siya ng kanyang irog. Ilang beses pa niya itong inalog. “Mahal ko, gumising ka! Pakiusap, gumising ka! Hindi puwede! Hindi maaari!” Halos hindi makapaniwala si Chrysiana sa nangyayari. Para iyong isang panaginip na sa mundo ng mga mortal lang niya naranasan. Pinilit pa niyang humuni upang awitan ang asawa, baka sakaling mabawi niya ito sa mga anghelitas na kukuha sa walang buhay nitong katawan. Ngunit hindi na niya maiayos ang pag-awit dahil napalitan na iyon ng paghikbi, pagtangis habang humuhuni. Na kahit anong gawin niya ay mukhang malabo na niyang ibalik pa ang buhay ng kanyang minamahal na asawa. Umiiyak na pinakatitigan na lamang ni Chrysiana ang asawa, dahan-dahang iniangat para yakapin. Napansin pa niya ang munting butil ng luha na inilabas ng sulok ng mata ni Leandro. Umiyak ito at iyon ay dahil sa kanya. Hinagkan pa niya ang labi nito na bahagyang nakaawang. Wala na siyang pakialam kung mapunta sa kanya ang bahid ng dugo mula rito. Hinihingahan pa niya ang nakaawang na bibig nito na baka sakaling magdilat ito ng mga mata. Ngunit huli na ang lahat. Wala ng buhay ang kaawa-awa niyang irog. Sa isang iglap lamang ay binawi ito sa kanya ng bathala. Panay ang tangis na yakap niya ang walang buhay na asawa habang nakatingin sa kalangitan. Nag-uumpisa nang sisihin ni Chrysiana ang sarili. Kung hindi lamang niya sinama ang asawa ay baka buhay pa ito. Kung sana lamang ay huminto na siya sa pagbalik sa Mirabilandia ay baka masaya silang magkasama ngayon.   NAPUKOL ang tingin ni Chrysina sa nakatayong si Menendra, tulala lamang ito habang nakamasid sa ginagawa niya. “B-Bakit mo ito nagawa, Menendra?” Hindi na alam ni Chrysiana kung paano niya kakausapin o itatrato si Menendra. Ang laki na nang nagawa nitong kasalanan sa kanya. Pati ang pinakamamahal niyang mortal ay pinaslang nito. “H-Hindi ko sinasadya… Siya ang lumapit…” “Dahil sa iyong kapararakan! Sumpain ka! Kung ano man ang ibinigay mong sumpa sa anak ko ay iyon ding makukuha!” Marahil nga ay isang kadiliman ang dala ng kapusukan, at pagkaimbot. Ang malinis na puso ni Chrysiana ay napalitan na rin ng galit matapos na saktan ni Menendra ang iniibig nito na alam ni Chrysiana na pareho nilang minamahal. Muling umangat sa lupa si Chrysiana at ganoon din si Menendra. Nakita ni Chrysiana ang ama na nakayakap sa kanyang supling. “Ama kong Haru, iyong protektahan si Lizandro! Itakas n’yo siya!” malakas na sigaw ni Chrysiana saka pinatamaan sana sa tiyan ng kanyang paghagis ng bolang kristal, ngunit mabilis na nakailag si Menendra. Nang muling silipin ni Chrysiana ang ama ay naghahanda na ito sa paglisan. Lumapit si Chrysiana kay Menendra hanggang ilang pulgada na lamang ang layo nila sa isa’t-isa, buong lakas niyang hinablot ang kwintas. Nagtagumpay si Chrysiana at inihagis iyon sa direksyon ng ama. “Ama! Kunin ninyo!” Nasalo naman nito ng isang kamay ang kwintas at mabilis itong tumalilis upang sundin siya. Naging abala ang mga mata ni Chrysiana na sundan kung saan dadalhin ng kanyang ama ang supling kaya hindi siya nakailag sa ginawa ni Menendra nang matamaan siya sa kanyang tagiliran. Naglikha iyon ng sakit at pagdurugo. “Wala na ang mahal kong si Leandro! Uubusin ko na lamang ang lahi ninyo nang sa ganoon ay ako na lamang ang maiwan sa Mirabilandia. Titiyakin kong walang makapipigil sa aking kasamaan kahit pa ang hinirang mong supling!” bulalas ni Menendra habang nanggigigil na sumugod sa kanya. “Hindi ako makapapayag na pati ang aking supling ay iyong saktan!” Nang parehong nakabuo ng bolang kristal ay buong puwersa ng mga ito na ibinato sa direksyon ng isa’t-isa. Nagtama ang dalawang nagliliwanag na bola. Bolang itim at nagliliwanag na pagkapula ang paligid niyon, samantalang puti naman ang kay Chrysiana na kulay ginto ang liwanag sa paligid. Mula sa lakas ng pwersa ay pareho silang tumalsik dahil sa inilabas na pwersa ng kanilang kapangyarihan. Humihingal na tumayo si Menendra na tila hindi nasaktan at naapektuhan sa nangyari. Si Chrysiana naman ay nananalig na sana ay malayo na ang narating ng kanyang ama at anak nang hindi na ito maabutan pa ni Menendra. “Iyan lamang ba ang kaya mo?” naghahamon na tanong ni Menendra. Mabibigat ang mga yabag na lumalapit si Menendra sa kanya, nakababa ang mga kamay at may mga maliliit na bolang itim sa bawat kamay. “Namnamin mo ang galit ko, Chrysiana! “Alang-alang sa Mirabilandia ay ibubuwis ko ang aking buhay, maprotektahan lamang ang mga taong mahal ko. Ang aking supling ang siyang hihiranging bagong mamuno ng Mirabilandia at magbibigay ng kaayusan sa mundo ng mortal at ng imortal.” “MANAHIMIK KA! Kasunod ang pagsugod ni Menendra. “Mapapahamak ang lahat ng magmamahal sa iyo, Chrysiana!” Pareho silang natumba. Bahagyang nawalan ng malay si Chrysiana. Si Menendra naman ay mabilis na bumalik ang lakas. “Tingnan mo nga naman! Hindi hamak na mas malakas ako sa iyo! Ako ang dapat mamuno sa Mirabilandia at hindi ikaw na mahina!” Pinilit ni Chrysiana ang tumayo ngunit ramdam na niya ang panghihina mula sa pagsakit ng tagiliran na hindi pa rin umaampat ang pagdurugo. Kaya muli ay bumagsak ang kanyang pang-upo sa sahig. Dahan-dahang nagbukas ang kanyang bibig upang umawit nang sa ganoon ay mapaghilom niya ang kanyang sarili. Ngunit hindi na yata gumagana ang kanyang tinig dahil hindi nagsara ang sugat niya, dumurugo pa rin iyon. “Ano na, Chrysiana! Sumuko ka na lamang at ibigay ang iyong buhay.” Sa isang iglap ay nasa harapan na niya si Menendra. Madilim ang nag-aapoy nitong mga mata na sinakal siya gamit ang isang kamay habang nakaupo siya at pilit iyong pinaglalabanan. “H-Hindi ka magtatagumpay…K-Kahit mapaslang mo ako ay hindi mo kailanman makakamit ang kaligayahan! M-Mananatili kang.. mag-isa at walang magmamahal sa iyo…” Tila nakukuliglig ang tainga ni Menendra sa sinabi ni Chrysiana kaya lalo pa niyang hinigpitan ang pagsakal sa kanyang leeg. “M-Mananatili kang pangit! Tanging taong makatatanggap lamang sa iyo ang magmamahal at tatanggap sa iyo ng lubusan…” Iyon din ang sumpang iniwan ni Menendra at ibinulong sa hangin para sa anak ni Chrysiana na ngayon ay pareho na nilang makakamtan. “Tumigil kaaaa!” Sa malakas na pwersa ng pagsakal ay saglit na nangisay si Chrysiana kasunod ang dahan-dahang pagkawala nito ng hininga. Sa pag-iisip na baka magdilat pa ng mga mata si Chrysiana at linlangin lamang siya ay walang awang kinuha niya ang punyal na nasa kanyang dibdib at marahas, walang-awa na isinaksak iyon sa dibdib ni Chrysiana. Nagliwanag ng puti ang buong katawan nito, sanhi ng pagkawala ng kapangyarihan na babalik sa Bathala at ang paghinga nito. Sa isang paghugot ay tuluyan na ngang nawalan ng buhay si Chrysiana. Umangat ang sulok ng labi ni Menendra nang mapagtagumpayang mapatay si Chrysiana. Matatalas ang mga matang pinagtuunan ni Menendra ang direksyon na tinahak ni Sendro at nang bitbit nitong supling.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD