IKALABING-DALAWANG PATAK

1778 Words
KITANG-KITA ni Haru Sendro kung paanong walang kaawa-awang sinaksak lang ni Menendra ang kanyang anak. Nakatakip ang bibig na pinipigilan ni Sendro ang paghinga habang ang mga luha ay sunod-sunod na umaagos sa bawat sulok ng kanyang mga mata. Gusto niyang sumigaw sa ginawa ni Menendra sa kanyang anak. Wala man lamang siyang nagawa para ipagtanggol ang kanyang anak sa kamay ng kasamaan ni Menendra. Samantalang noon ay halos ipagtanggol ng kanyang anak ang babaeng ito dahil lamang magkaibigan sila ng anak niya. Ni hindi nga niya madapuan ng kamay o mapagsalitaan man lamang ng masama si Menendra. Alam na alam ni Sendro ang pagmamahal na iniaatang ni Chrysiana kay Menendra kayat hindi niya lubos maisip na magagawa iyon ni Menendra. Tanggap niyang maaaring magalit si Menendra ngunit hindi niya akalaing magbubunga ng kasamaan na humantong sa pagpaslang. Hindi lamang siya o si Chrysiana ang ginawan nito ng masama, halos kalahati ng mga bilang ng mga diwatano ang pinaslang nito. Pati ang mga halaman, punongkahoy at mga hayop ay hindi nito pinatawad. Kung walang siyang karapatan humusga bilang nilalang, ngunit nawa ay husgahan ito ng kalangitan dahil sa kasamaan nito. Hindi man lamang naisip ni Menendra na isang kaibigan ang pinaslang nito. Naging mabuti ang kanyang anak kay Menendra at halos ituring na parang kapatid. Isang masamang nilalang yata ang kumuha ng kamalayan ni Menendra kaya nagawa ang ganoong bagay. Bagaman kalat na sa Mirabilandia ang unti-unting pagbabago ng ugali ni Menendra ay isinawalang bahala lamang iyon ni Sendro noon at hindi niya akalaing magbubunga ito ng ganito katinding delubyo sa mundo ng Mirabilandia. Hanggang nagising na lamang si Sendro na nagsisigawan na ang mga diwatano. Madilim na ang paligid at kahit ang araw ay takot masilayan ang nangyayaring iyon. Ipinalabas ni Sendro ang mga baluti at inihanda ang hukbo, nahuli na siya nang kumalat na pala sa labas ng palasyo ang itim na hanging may lason na ginawa ni Menendra. Mabilis na nawalan ng malay ang kanyang mga tauhan o hukbo, nagsitumbahan at dumudugo na ang ilong o sumusuka ng dugo. Nang makita nga siya ni Menendra ay winasak nito ang suot niyang baluti dahilan para halos maamoy niya ang lason. Mabuti na lamang at may nagawa siyang usok para protektahan ang kanyang mga mata, ilong at bibig upang hindi masamyo ang lason ng hanging dala ni Menendra. Marami nang nasawi nang magpang-abot sila ni Menendra. Pilit niyang kinakausap at kinukuha ang loob nito ngunit balot na ng itim na usok ang puso nito pati ang katawan. Puro kadiliman na ang laman ng paningin nito na hindi na yata nito nakikilala pa ang mga kabutihang nagawa nilang mag-ama kay Menendra. Alam na ni Sendro na tutuparin ni Menendra ang binasang propesiya at inanunsyo sa lahat kaya nga hindi siya basta-basta nagtiwala kay Menendra ngunit hindi lamang niya akalaing magagawa iyon ni Menendra at hahayaan nitong maghari ang kasamaan sa puso nito. Sana ay naging maingat siya at hindi basta-basta nagtiwala ayon sa ninanais ng kanyang nag-iisang anak na si Chrysiana. Labis labis lamang ang kanyang pagmamahal sa anak kaya nagtiwala siya kay Menendra at ibinigay ang kabaitang hindi dapat nito nakamit. Nang mawala at iwan nga  ni Chrysiana ang palasyo ay sobrang naghirap ang kanyang kalooban. Bahagyang sumama ang kanyang loob ngunit sandali lamang iyon. Mula nang araw na dumilim ang kalangitan at hindi natuloy ang pagdiriwang ay nalaman na ng haring si Sendro na may inililihim sa kanya ang anak. Alam na niyang wala sa mga diwatano ang tinatangi nitong nilalang. Ngunit lingid iyon sa kanyang kaalaman na nagmula pala sa mundo ng mga tao ang lalaking naiibigan ng kanyang anak. Kung nalaman lamang ni Sendro nang maaga iyon ay hindi niya hahayaang magpatuloy si Chrysiana sa pakikipagrelasyon sa isang mortal dahil nasa propesiya na na isang mortal ang magiging dahilan ng kaguluhan at delubyo sa Mirabilandia. Nagkatotoo nga ang propesiya, dahil sa pagmamahal ni Chrysiana at pag-iwan sa Mirabilandia ay nasira ang katahimikan sa mundo. Ang minamahal ng kanyang anak ay siya ring iniibig ni Menendra na dahilan ng labis nitong pagkaselos at pagkaganid hindi lamang sa pag-ibig kung hindi pati sa kapangyarihan. Nang makabalik nga ang kanyang anak ay delubyo na at kapahamakan ang naghihintay rito, pati na ang hindi akalain ni Sendro na kamataya. Tinupad na ni Menendra ang propesiya na pinasimulan ng isang mortal. Iyon ay nanggaling sa kanyang butihing asawa na nagdala ng propesiya na kinalaunan ay naging sumpa. Isang mortal daw ang maliligaw sa kanilang mundo na magpapasimula ng isang hidwaan ng mga diwatano at ng nag-iisang lipi ng maharlikang-itim. Bubuhayin ang dugo ng kadiliman sa nag-iisang lipi at wawasakin ang lahat ng bagay sa mundo ng Mirabilandia at maging sa mundo ng mortal. Mawawala na ng saysay ang katiwasayan at katahimikan sa dalawang mundo. Masisira ang daloy ng tahimig na pag-inog ng mga ito. Isang punyal ang muling kikitil at babalutin ng kadiliman ang mundo ng Mirabilandia. Ngunit hindi lamang akalain ni Sendro na ganoon iyon kaaga. Ayon din sa propesiya ng kanyang kabiyak ay susunod na lipi ang sisira at magbibigay ng katahimikan sa mundo ng Mirabilandia at mundo ng mga mortal ngunit manggagaling iyon hindi sa Mirabilandia kung hindi sa mundo ng mga mortal. Naganap na ang kinatatakutan ni Sendro. Malapit nang magwagi ang kasamaan at ang hawak niyang sanggol ang pipigil niyon ngunti kinakailangan niyang maitago ang bata. Hindi sa Mirabilandia kung hindi sa mundo ng mga mortal.   MAINGAT ang ginawang pag-angat ni Sendro sa ere habang bitbit ang sariling apo at tinatahak ang kakahuyan. Umiihip siya ng hangin na may kasamang daloy ng musika upang makatulog ang paslit dahil ang iyak nito ay siyang maglalagay sa kanila sa lalong kapahamakan. Dumadagundong ang t***k ng puso ni Sendro dahil sa labis na kaba at takot hindi para sa sarili kung hindi para sa nag-iisang saling lahi—ang lipi ng kanilang dugong maharlikang-bughaw. Kapag siya ay pumanaw, paano ang bata? Kapag ang bata naman ang pumanaw ay hindi niya tiyak kung kaya pa niyang mapigilan ang galit at delubyong hatid ni Menendra sa Mirabilandia at sa mundo ng mga tao. Hinihingal at hindi pa rin tumitigil ang pagsikdo ng kanyang dibdib nang marating ni Sendro ang dulo ng kakahuyan. Agad niyang inilabas ang kwintas ng kanyang anak upang mabuksan ang nakakubling lagusan patungo sa mundo ng mga mortal. Bagaman hindi alam ni Sendro ang nagbabadyang panganib kung makarating doon ang kayang apo ay pipilitin niyang mailayo si Lizandro kay Menendra dahil hindi ito mangingiming patayin kahit ito ay paslit. Lahat ng balakid sa daraanan nito ay tiyak papaslangin nito nang walang pag-aalinlangan. Nakahinga siya nang maluwang nang bumukas ang lagusan at hindi pa nararamdaman ang presensiya ni Menendra. Sinubukan niyang iligaw si Menendra gamit ng mabahong usok upang hindi nito maamoy kung saan siya patutungo, ngunit wala siyang alam kung ito ay nagtagumpay. Walang lingon-likod na pumasok si Sendro sa lagusan. Walang ideya na hindi nagtagumpay ang ginawa niyang panlilinlang dito dahil nakasunod lamang sa likuran niya si Menendra upang kitilin ang buhay nilang mag-ama at pagtagumpayang makuha ang kwintas at nang hindi na rin sila parehong makabalik sa mundo ng Mirabilandia. Duguang nakarating sa mundo ng mortal si Sendro nakayakap sa paslit sa kanyang braso. Wala siyang ideya kung saan siya tutungo o saan iiwanan ang sanggol hanggang hindi niya namalayan ang presensya ni Menendra. “Akala mo ba ay hindi kita matatagpuan, Sendro?” walang galang na sabi nito at ang tinig ay nagmula sa likuran niya. Hindi humarap si Sendro, aangat sana siya sa hangin nang malimutan niyang hindi nga pala tumatalab ang kapangyarihan ng purong dugong diwatano sa mundo ng mga tao. “Mabuti pang isuko mo sa akin ang paslit at ang kwintas.” Alam na ni Sendro na may ideya na si Menendra na ang paslit na hawak niya ay siyang makatatalo laban dito pagdating ng panahon. “Hinding-hindi ko gagawin iyan! Handa kong isakrepisyo ang buhay ko, para sa aking apo at hinding-hindi mo siya makukuha o matatagpuan lamang.” Pilit inihikbang ni Sendro ang mga paa upang tumakbo nang mabilis nang maalalang tumatanda siya at kumukupas ang kanyang kabataan dahil hindi nga gumagana ang anumang kapangyarihan ng isang purong diwatano sa mundo. Lilitaw ang kanyang tunay na anyo—ang isang matandang lalaki na may mahabang puting balbas, mahabang puting buhok at mahihinang mga buto. Naramdaman ni Sendro ang pagkirot hindi lamang ng mga sugat na natamo niya sa labanan kung hindi pati na rin ang panghihina ng kanyang mga buto. “Kung ako sa iyon, isusuko ko na ang bata. Nalilimutan mong matanda ka na!” Kasunod ang malakas na pagtawa ni Menendra na alam ni Sendro na halos malapit na siyang abutin. Hindi siya dapat sumuko sa pagkakataong iyon. Pilit siyang humugot ng lakas at pinakatatagan ang kalooban upang makatakbo palayo kay Menendra. Ngunit naabutan pa rin siya nito hanggang mapunta ito sa kanyang harapan. “I-Ito lamang ang kailagan mo, hindi ba? Ibibigay ko ang kwintas sa iyo, patakasin mo lamang kami.” Bahagya pa nga siyang nagulat nang makitang nag-iba na ang mukha ni Menendra. Ang dating kaakit-akit na marikit na diwatana ay pumangit na ang hitsura. Mukha itong katakot-takot na isang mangkukulam. Mahaba ang baba, ang ilong ay bahagyang mahaba at malaki rin kaysa sa katulad na diwatana. May mga tumubong malalaking butlig sa mukha at ang dating makintab na kulutang gintong buhok ay bahagyang namumuti at nagiging itim na. Ang tainga nito ay malaki kaysa sa karaniwan. Ang mga kuko nito ay lubhang mahahaba at matutulis. Bahagya ring nag-iba ang boses nito na tuminis. Nakaisip ng ideya si Sendro upang malinlang si Menendra. Kung hindi naman gagana ang kanyang kapangyarihan ay dapat siyang maging listo at mas tuso. Kailangan niyang paganahin ang isipan upang magawa niyang mapaniwala o mapaalis si Menendra at nang madala niya sa ligtas na lugar ang sanggol. “Ibigay mo sa akin ang bata, Sendro!” naiinip na sigaw nito sa kanya. Umatras si Sendro na siya namang paglakad ni Menendra paabante. “Tingnan mo muna ang iyong kaanyuan, Menendra!” Buong lakas na ibinato ni Sendro ang kwintas sa direksyong tatakbuhin niya.  Dahil din sa kanyang sinabi ay bahagyang napahinto si Menendra sa paghabol sa kanya at hindi na namalayan kung saan banda naibato ang kwintas. Nagtagumpay si Sendro. Sa wakas! Nakahinga nang maluwang si Sendro nang makakubli sila ng kanyang apo at madampot niyang muli ang kwintas. Hindi na maari pang makabalik ng Mirabilandia si Menendra at ang apo ay dapat manatili sa mundo ng mga mortal. Gagabayan na lamang niya ito at hihintayin ang tamang edad ng pagkamulat nito—ang edad upang magtanggol sa Mirabilandia at mundo ng mga tao, ang pagpuksa kay Menendra.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD