IKA-DALAWAMPU’T-TATLONG PATAK

1737 Words
“THIS YEAR’S Valedictorian, Regino, Juniel. The Valedictorian will have his speech.” Tumayo na si Juniel nang tawagin ang kanyang pangalan at igawad ang kanyang medalya. Marami na siyang medalyang naipon sa ampunan. Puwede na nga iyong ibenta dahil karamihan ay gold. May mga medalya sa math na sinalihan niya, science, quiz bee at iba pang competition. Alam ni Juniel na pangit siya, ngunit hindi iyon naging hadlang sa kanyang husay at galing. Tinitiyak niyang makahahanap siya ng trabaho sa kabila ng kanyang kapangitan. Lumapit sa kanya ang isa sa teacher na MC ng school at may ibinulong. “Nagkamali ako. First honorable mention ka lang.” Ang malaking mga mata ni Juniel ay lalo pang lumaki mula sa pagkabigla. Hinatak siya ng guro at pinaupo muna sa tabi. “B-Bakit po, Ma’am? Ano po ang nangyari?” halos hindik na tanong niya na hindi pa rin makapaniwala. “Nagkamali ako ng anunsyo. Dito ka muna sa tabi,” sagot lang nito na hindi na siya binigyan ng mas mahabang paliwanag. Muling lumakad sa gitna kung saan naroon ang microphone. “Pagpasensiyahan na ako. Hindi ko ho kasi dala ang salamin ko. May mga kaunting pagbabago lang. Uulitin ko ang First honorable mention at Valedictorian ay nagkapalit.” Muling tiningnan ng guro ang talaan niya. “This years Valedictorian is San Jose, Josephine. Please have your speech in the stage.” Tumayo ang tinawag na Josephine at nakangising lumapit sa kanya. Bago pa siya maka-react ay may kumuha na ng medalya sa kanyang leeg. Si Josephine naman ay inihagis lang sa kanya ang medalyang pilak saka siya binigyan ng nakaiinsultong tingin. Nasalo naman niya iyon at hinayaang hawakan na lamang iyon. Nasayang lang pala ang pag-eensayo niya kagabi para sa speech ata ng binayarang toga. Inalis na niya ang toga na inilapag lang niya sa upuan. Libre nga ang pag-aaral sa public school na pinapasukan niya, ngunit ang toga ay may bayad. Alam ni Juniel na nagamit niya ang pera ng ampunan. Nakahihiya lang kapag nakabalik siya sa ampunan. Hindi siya nag-iisip para sa sasabihin ng mga ito para sa kanya, ngunit para kay mother superiora na kumakampi sa kanya. Alam niyang may mga nasasabi ang ibang mga madre dito dahil mas pinapaboran siya kaysa sa ibang mga bata. Napayuko na lang si Juniel at agad na tumakbo patungo sa kanyang superiora. “Mother Superior, umalis na po tayo,” malungkot na saad niya saka siya nagpatiuna sa paglalakad habang bitbit ng kabilang kamay ang bow tie pati na rin ang medalya. Mabigat ang kalooban ni Juniel dahil sigurado siya na ang naunang anunsyo ay totoo. Hindi na niya naitago ang luhang lumabas sa kanyang mga mata. Humarap sa kanya ang mother superiora na nasa likuran niya at nakasunod sa paglalakad. Hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Huwag ka ng umiyak, hijo. Alam naman ng diyos na ikaw ang totoong Valedictorian at mananatiling ganoon ang position mo sa aking mga mata.” “Nakaiinis lang po kasi dahil binago nila ang desisyon. Alam naman po nilang ako ang totoong Valedictorian. Naanunsyo na po iyon nang ibigay ang grades namin sa huling markahan. Kaya paano pong nabago?” Niyakap siya ng may edad na superiora. “Minsan sa mundong ito, may mga bagay na hindi mo pa mauunawaan. Kaysa makipagtalo, tanggapin na lamang natin ang lahat. Hindi mahalaga ang antas ng edukasyon, Juniel. Nilalaman ng puso at ang husay mo ang siyang nararapat mong taglayin.” Bagaman, alam ni Juniel na may tinatago ang superiora. Dahil ang paliwanag nito ay nangangahulugan na may mga taong mga mapanlinlang o mapagpanggap. Ang hindi lamang niya maunawaan ay bakit hindi niya ma-distinguish kung sino ang manlilinlang, sa totoong mabuting tao. Alam ni Juniel na hindi lahat ng tao ay mabuti, ngunit hindi rin naman lahat ay masama.Karamihan sa tao ay may kabutihan ngunit nagkakaroon lamang ng kasamaan kung pinaiiral ang kasakiman o may nais mithiin, kapangyarihan, kayamanan man o pagmamahal. Nakasakay na sila ng jeep nang magtanong ang superiora. “Gusto mo bang dumaan tayo sa fast food para kumain?” “Na-disappoint ko na naman po kayo.” Umiling ang superiora. “Huwag mo ng isipan iyan. Ang mahalaga ay may award ka pa rin. Hindi naman mahalaga ang lahat ng iyan.” Itinapat nito ang hintuturong daliri sa dibdib. “Ito pa rin ang mahalaga. Mag-rosaryo tayo mamaya, magdasal at magpasalamat.” Tumango na lang si Juniel, saka ini-adjust ang suot na face mask. Kasama rin nila ang iba pang mga bata na pumapasok rin sa naturang public school. Pagdating ay may kaunting salo-salo na sa loob ng ampunan na ayon sa ibang mga madre ay ideya ng mother superiora. Nakangiting nagpasalamat na lang siya. Hindi na nagbanggit pa ang mother superiora sa mga ito na ikinatuwa niya, dahil kung sakali ay siya na naman ang tampulan ng tukso. Matapos ang araw na mabigat pa rin ang kanyang kalooban. Sa pagdilim ng paligid ay inihanda na rin niya ang mga mata sa pagtulog. Balik na naman sa pangkaraniwang araw ang kanyang buhay kapiling ang mga madre sa ampunan. Kung hindi man siya maging Valedictorian ay hihilingin na lamang niyang makapasok siya ng magandang trabaho. NAGTAWAG na ang lahat para sa misa at kasunod ay ang kainan. Tahimik lamang sa isang tabi si Juniel na sumusubo sa paborito niyang spaghetti at chicken lollipop. “Anak, malungkot ka pa rin ba?” tanong sa kanya ng superiora. Tumango siya. “Hindi ko po kasi akalaing maging sa school ay puwede akong madaya.” Ang mas pinangangambahan niya ay baka hindi na siya matanggap para magtrabaho. Ang naiisip lang kasi niyang puwedeng pasukan sa ngayon ay janitor o cleaner. Gustong-gusto talaga ni Juniel na makatulong. Ayaw niyang maging alagain at walang pakinabang sa mga ito. “Huwag mong isipin iyan, hijo. Tandaan mong lahat ng tao ay may kanya-kanyang kasamaan at kabutihan. Nasa kanila kung paano iyon gagamitin. Huwag kang magdamdam, ang lahat ay may kabuluhan.” Iniabot ng superiora ang juice sa plastic cup. “Baka mabulunan ka. Uminom ka muna.” Napansin din nito ang sunod-sunod niyang pagsubo ng pagkain para pagkasyahin sa kanyang bibig. “Masamang maging matakaw at gahaman. Hindi ka mauubusan.” Pagkasabi ay umalis na rin ito. Napaubo si Juniel nang mawala na sa paningin niya ang superiora saka inisang lagok ang juice. Tama naman ang superiora sa mga sinabi nito. Tinapos na lang ni Juniel ang pagkain. Sa lalong madaling panahon ay kinakailangan niyang makahanap ng mapapasukang trabaho nang makabawi siya sa mga perang nagastos ng ampunan para sa kanya. Malaki ang utang na loob ni Juniel sa ampunan na naging kanyang tahanan at kay mother superior na nagsilbi niyang ina. Bagaman simula bata ay wala siyang naging gaanong kaibigan dahil lahat ng mga iyon ay inaapi siya, inaasar at minsan ay inaaway pa. Sanay naman siyang walang kaibigan. Nakayanan na niyang tumayong mag-isa sa sariling paa. Ngunit sa panibagong mundong darating para sa kanya ay isa na namang malaking challenge. Sa gabay na lang ng maylalang siya umaasa. May mga panahong nais niyang mahanap ang tunay na mga magulang, ngunit dumaraan naman sa isipan niya kung paano niya mahahanap ang mga magulang o kung may pamilya pa ba siya. Matapos ang ilang taon ay pinabayaan siya sa ampunan. Fifteen years na ang matuling lumipas ngunit wala man lamang na pumupunta roon para ipahanap siya o para kunin siyang muli. Naubos na ang pag-asa ni Juniel. Pagod na rin siyang umasa na hahanapin pa siya ng mga ito. Ayaw na rin naman niyang hanapin ang kanyang mga magulang. Aminado siyang wala ng maghahanap pa para kunin siya. Sa pangit ba naman niyang iyon ay may magkamali pa para kunin siya? Baka isuka lang siya o api-apihin din kagaya ng mga kasamahan niya rito sa ampunan. Nang magsibalik sa mga kanya-kanyang kwarto ang mga kabataan at ang mga madre ay tumulong na siya sa pagliligpit ng mga naroon sa kanilang salo-salo. Naroon pa nga si mother superior. “Bakit hindi pa po kayo magpahinga?” tanong niya sa may edad na madre na nakaupo lang. Ibinaba nito ang suot na salamin sa mata saka siya tiningnan. “Hindi lang ako makapaniwalang malaki ka na. Napalaki kita nang mabuti at maayos. Alam kong iniisip mo na pangit ka at hindi ka dapat narito sa poder ko. Ngunit naniniwala akong gaano man kapangit ang hitsura ng isang tao, may mabuti itong kalooban. Kahit pangit ka, may kapintasan sa panlabas na kaanyuan, tandaan mong daig mo pa ang artista sa angkin mong kabaitan. Palaging kinukwento sa akin ni Glenda na araw-araw kang tumutulong sa paglilinis ng bahay, paglalaba, pagluluto o kahit pagpapaligo sa mga kapatid mo rito sa ampunan. Palagi rin kinukwento sa akin ng iba pang mga madre na palagi mong inihahanda ang kanilang mga pampaligo, nag-iigib ka at hindi mo hinahayaang mawalan ng tubig ang ating drum.” Dumako ang dalawang palad nito sa magkabila niyang mukha at tiningala siya. “Ikaw ang swerte ko rito sa mundong ibabaw, Juniel. Hindi man kita anak, hindi man kita kadugo ngunit sa puso ko ay nag-iisa ka lang.” Naantig ang puso ni Juniel sa sinabi ng superiora ngunit ang bumabagabag sa kanya ay ang paraan kung paano ito magsalita na parang nagpapaalam. “Nais ko hong magtrabaho sa susunod na araw, Mother Superior. Nais ko pong tulungan kayo rito sa lahat ng gastusin at mapaayos ang ampunan nang bumalik ang dating sigla ng bahay-ampunan.” Hinila nito ang kamay niya at binalot ng maiinit nitong palad. “Maraming salamat at palagi mo kaming naaalala. Ang kabutihan mo, ang siyang magdadala sa iyo sa swerte at magandang buhay.” “Magkatotoo po nawa ang sinasabi ninyo.” “Sa pangalan ng panginoon, anak.” Inihatid na ni Juniel ang may edad na mother superior at nang maayos na ang lahat ay tumungo na rin siya sa kwarto para magdasal at matulog. Pagkahiga ay hindi agad siya nadaluyan ng antok. Maraming bumabagabag sa isipan niya. Naririnig na niya ang mahimbing na tulog ng mga bata sa loob ng kwarto. Ipinikit na lamang niya ang mga mata at hayaang daluyan ng antok. Ilang sandali pa lamang ng kanyang pagpikit ay napadilat siya at nagising. Hanggang ang medyo may kadilimang paligid ay napalitan ng kulay gray na usok. Agad kinapa ni Juniel ang switch ng ilaw at ganoon na lamang ang kanyang gilalas nang makita ang pinanggagalingan ng usok na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD