IKA-DALAWAMPU’T-APAT NA PATAK

1717 Words
ISANG malakas na pag-ubo ang sunod-sunod na narinig ni Juniel. Agad niyang pinaggigising ang mga bata. Napa-sign of the cross siya dahil sa takot. Pagbukas ni Juniel ng pinto ng kwarto ay puno na ng usok ang labas at mukhang pumasok lang ang usok na iyon sa kanilang kwarto. “Mga bata! Dito...” sigaw ni Juniel. Walang laman ang kanyang isipan kung hindi ang iligtas ang mga bata. Halos dalawa-dalawa na rin ang karga niyang mga bata sa bawat balikat niya matiyak lamang ang kaligtasan ng mga ito. Dinaanan na rin ni Juniel ang kwarto ng mga madre upang katokin ang pintuan na sa tingin ni Juniel ay mahimbing ding natutulog ang mga ito. Nang matiyak ni Juniel na halos nasa labas na at kumpleto sa bilang ang mga bata ay siya namang pagpasok sa loob. Wala pa kasi sa labas ang mother superiora. Nag-aalala si Juniel na baka na-trap sa loob ng ampunan ang may edad na superiora. Sinipa ni Juniel ang pintuan ng kwarto ng superiora para magbukas ngunit wala naman ito roon. Nang buksan niya ang opisina ay natagpuan niya roon ang superiora na yakap-yakap ang batang babae na mukhang iniligtas ng superiora. “Mother superior! Mother superior, gumising kayo…” Ngunit hindi na ito umiimik. Walang malay at nakabulagta ang dalawa. Inunang buhati ni Juniel ang batang babae. Nagkamalay naman din ito bago pa sila makarating palabas. “Safe ka na. Diretsuhin mo palabas at babalikan ko si mother superior.” Tumango naman ang batang kausap niya. Nagmamadaling tinakbo ni Juniel ang daan pabalik sa opisina ng superiora habang nakatakip lang sa kanyang ilong upang hindi masyadong masinghot ang mga usok. Bago pa makarating si Juniel ay isang pagsabog ang naganap sa kanyang gawi. Kamuntik na siyang tamaan ng mga bubog mabuti na lamang at napadapa siya. Galing iyon sa sumabog na bintana. “Superiora!” sigaw ni Juniel. Kumakabog ang dibdib ay halos gumapang na si Juniel. Nakabulagta pa rin ang superiora. Dahan-dahan niya itong binuhat. Ginamit na niya ang buong lakas para buhatin ang superiora kahit pa doble ang bigat nito kaysa sa bigat niya. Tila nagkaroon yata ng super power si Juniel nang ligtas silang nakalabas ng ampunan at wala ni isa ang nasugatan. Lahat ay kumpleto niyang nailigtas. Dumating din naman ang fire rescuer para apulain ang apoy. “Saan galing ang makapal na usok at ang pagkalat ng apoy, Glenda?” tanong ng superiora nang magmulat ito ng mga mata. Nasa stretcher na ito at dadalhin sana sa ospital nang ilang sandali ay nagkamalay rin. “Hindi ko nga rin ho alam. Nagising na lamang akong nagkakagulo at kalat na ang makapal na usok.” “Dapat tayong magpasalamat lahat kay Juniel. Siya ang nagligtas sa ating lahat.” Nakaupo lang sa isang tabi si Juniel. Hindi niya napansing natamaan ng bubog ang kanyang tagiliran at dumudugo na iyon. Dahan-dahan niyang hinila iyon para maalis. Napangiwi na lamang siya. “K-Kuya… may sugat ka?” Ito ang batang iniligtas niya. “Shhh… Huwag kang maingay. Baka mag-alala sila kapag nalaman nila.” “P-Pero paano ang sugat mo?” “Bumalik ka na sa kanila. Ako na ang bahala rito.” Pinagtulakan ni Juniel ang batang babae. Nang mawala ito sa paningin niya ay pinagmasdan niya ang tagilirang nilalabasan ng dugo. Pinilas lang niya sa pagkagat ang laylayan ng suot niyang shirt para mapunit iyon at makakuha ng kapirasong tela. Agad niyang inilapad iyon upang itali sana sa kanyang sugat at matigil ang paglabas ng dugo nang may dumating. “Siya po! Siya po ang sugatan.” Napaangat ng tingin si Juniel sa lumapit. “Huwag mong galawin ang sugat mo. Ako na ang bahala,” sabi ng lalaki. Mukha naman itong mabait. Hinayaan na niya itong tulungan siya. “Salamat, Liit,” sabi niya sa batang babae. Iyon ang pangalan nito dahil sa edad nitong sampung taon ay ito ang mas maliit kaysa sa kaedaran nito. Ngumiti nang pagkatamis-tamis ang tinawag na Liit. Natuwa si Juniel at kahit paano ay may tao pa rin palang mag-aalala para sa kanya. Tama nga ang superiora hindi lahat ng mga tao sa ampunan ay masasama. Nang matiyak na maayos na nalinisan at nagamot ang kanyang sugat ay bumalik na rin ang lalaking gumamot sa kanya. Isa itong fire volunteer na may alam kung paano gumamot. “Marami pong salamat, Kuya,” sabi niya sa lalaki. “Trabaho ko iyan. By the way, ang husay mo at nasagip mo ang lahat ng mga kasama mo sa ampunan. Humahanga ako sa katapangan mo,” nakangiti na sabi nito saka siya tinalikuran. Iyon ang unang pagkakataong hindi nandiri o natakot sa kanya ang lalaki. Ginamot siya nito at napahanga rin niya sa kanyang katapangan. Bahagyang nagpahinga sandali si Juniel at nang hindi na gaanong maramdaman ang pagkirot ng sugat ay dahan-dahan siyang tumayo at lumakad. Magpapaalam siyang aalis. Tutungo siya sa kabilang nayon para maghanap ng trabaho. Ang iniisip niyang ipagagawa na ampunan ay imposible na palang mangyari dahil nasunog na iyon. Mas malaking gastos at kinakailangan nila ng mas malaking halaga para maipagawa iyon. NAKITA ni Juniel na nagpunas ng luha si Sister Glenda. Hindi siya makapaniwalang iiyak ito para sa kanya. Sa ngayon ay naninirahan muna ang mga ito sa simbahan. Dumiretso silang lahat sa simbahan matapos ang pag-apula ng apoy. Tinulungan naman sila ng mga pari at ilang mga seminarista. Mahirap ngunit pipilitin ng mga madre at mga bata ang maka-survived. Kung hindi makasu-survive ang mga bata ay baka ipadala na lamang sa DSWD ang mga ito dahil sa kakulangan ng pera. “Sigurado ka ba sa pasya mo, anak?” tanong sa kanya ng superiora na malungkot din para sa desisyon niyang pagpapaalam. Wala man lang siyang nailigtas na mga damit, gamit o kahit ang kapiranggot na pera para sa panibagong simula. Lahat ng mga gamit din niya at mga sertipiko, mga medalya ay naroon ding nasunog. Hindi niya alam kung makakalkal pa niya iyon para i-check. Matagal na niyang naiisip na ibenta na lamang ang mga iyon ngunit sabi ng superiora ay iyon ang pinakamahalagang pag-aari niya bilang kanyang husay at galing. Pinahid ni Juniel ang naglandas na luha. “Kailangan ko pong magsimula na wala ang gabay ninyo. Kailangan ko pong matututo sa mga paa ko. Nais kong bumalik rin kapag may maipagmamalaki na ako at kaya ko na kayong mapagawan ng magandang bagong bahay-ampunan.” Tinuyo ng superiora ang mga mata. “Hindi mo naman kailangang umalis. Puwede ka namang manatili rito sa simbahan.” Hinawakan niya ang mga kamay ng superiora. “Alam ko pong ipinagmamalaki ninyo ako palagi ngunit nais kong malaman ninyo na gusto ko rin kayong mabigyan ng magandang buhay kasama ng mga kapatid ko sa ampunan. Gagawin ko ang lahat para makabalik at para maiayos ko ang buhay ko. Hindi ko man matagpuan ang tunay kong pamilya alam kong gagabayan pa rin ako ng diyos. At alam ko pong palagi ninyo akong isinasama sa inyong mga dasal.” Malungkot na ngumiti ang superiora saka siya niyakap. “Mag-iingat ka sa iyong paglalakbay, anak. Gabayan ka nawa ng diyos.” Humiwalay rin ito ng yakap. Minabuti na rin ni Juniel na huwag nang ipaalam sa mga ito na hindi pa siya lubusang magaling mula sa natamong sugat. Sa pag-alis ni Juniel ay baon niya ang alaala sa ampunan. Ang masasayang mga sandali. Hindi na niya nagawang makapagpaalam isa-isa sa mga ito dahil alam niyang ang iba sa mga ito ay maaari pang matuwa at iilan lang ang makuhaan niya ng simpatya. Walang baong pera si Juniel. Bahala na rin kung paano siya kakain o paano siya makapaghahanap ng trabaho. Kinakailangan lang niya ay makalayo. Narinig niyang nag-usap-usap ang mga pari at seminarista na nagsasabing mahihirapan ang mga ito sa pagpapatira sa mga madre at mga bata dahil sa dami ng bilang. Kaya baka maantala ang pagmimisa para lamang sa pansamantalang tahanan ng mga madre at mga bata. Ayaw na ni Juniel na maging dagdag pasakit pa sa mga ito o dagdag palamunin dahil hirap na ang mga ito. Hindi alam ni Juniel kung paano rin ba siya magsu-survived. Bahala na siguro, bahala na kung saan siya mapapadpad. Nang sumapit ang gabi ay nagsimula na ring kumalam ang sikmura ni Juniel. Isa sa mga tao sa simabahan ang nagbigay sa kanya ng pares na tsinelas kaya siya may nagagamit. Ang damit naman ay binigyan din siya. Wala siyang dalang gamit o bag. Katawan lang niya. Hindi na rin kasi siya pumayag sa mga bigay ng mga ito dahil mas kailangan ng mga bata ang mga iyon. Naiisip niya ang basurahan. Naalala niyang palaging sinasabi ng kanilang guro na may pera sa basura at puwede siyang maka-survived kahit sa basurahan pa siya tumira. Kinakailangan lamang niyang maging matalino, maabilidad at masikap. Tuloy-tuloy lang sa paglakad si Juniel at nang mapadaan sa isang maliit na karinderya ay agad na namang nag-react ang kanyang tiyan. Subukan kaya niyang manghingi? Ngunit makikita pa lang ang kanyang mukha ay baka takbuhan o pandirihan na kaagad siya ng mga ito. Naupo na lamang siya sa may gilid ng pader. Nang mapansin niyang may kumakin ng kwek-kwek ay iyon ang pinagtunan niya ng pansin. Hinintay ni Juniel na itapon nito ang basong plastic na nilagyan ng sawsawang suka. Agad siyang lumapit para mag-abang at nang iwanan nito ang baso ay agad niya iyong kinuha. Mabuti na lamang at abala ang lalaking nagtitinda kaya hindi siya pinansin. Mga balat ng itlog ang iniwan na mukhang hindi gusto ng lalaki na kainin. Sapat na iyon para sa kanya para maka-survive sa isang gabi. Hindi siya nabusog. Umabot hanggang lalamunan nga lang yata ang pagkain na iyon. Na-miss tuloy niya ang lugaw at sopas na almusal at merienda nila sa ampunan. Ngunit hindi siya puwedeng sumuko sa pagkakataong iyon. Hindi siya puwedeng bumalik sa simbahan. Ayaw ni Juniel na pagsisihan ang ginawang pagpapaalam. Nagsimulang maglakad muli si Juniel. Sinundan niya kung saan natutulog ang ilang mga nakikita niyang namamalimos sa lansangan. Baka mamalimos na rin muna siya pansamantala. Ang problema kasi niya ay paano siya makapag-a-apply ng trabaho dahil sa kanyang mukha o panlabas na anyo? Makatagpo lang siya ng trabaho ay pagsisikapan niya ang lahat. Alam niyang umaayon din sa kanya ang tadhana at ang panginoon. Malalampasan din niya ang lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD