UMIKOT si Menendra sa harapan ng salamin habang pinakatitigan ang sarili.
“Napakaganda mo, Menendra!” bulalas niya sa sarili na tila siya na ngayon ang pinakamagandang nilalang na namumuhay sa Mirabilandia habang tila sinasamba ang sarili. “Mas gaganda ka pa kapag nakuha mo na ang wangis ng reha…” Kasunod ang isang nakaliliyong halakhak na pumailanlang sa buong kabahayan.
Kasalukuyan si Menendra na nasa sariling bahay. Tulog ang mga kapwa diwatano. Walang makaririnig sa kanya o makakikita lalo na at sagrado ang loob ng kanyang bahay. Nilagyan niya ng engkantasyon na tatablan ang mga mata ng kapwa diwatano upang hindi makita ang mga itinatago niya roong kagamitan sa pangkukulam o engkantasyon.
Gamit ang kanyang gintong maliit na kawa, inilagay ni Menendra ang pawis ni Leandro at ang hibla ng buhok ng Reha. “Aking kapangyarihan ako ay dinggin..sa mga mata ni Leandro siya’y linlangin.. Mapasaakin ang kaakit-akit na kagandahan ni Reha Chrysiana.. ito’y tuparin..” Bahagya siyang yumuko matapos maiusal iyon saka binulungan ang loob ng kawa at hinalo nang hinalo gamit ang kanyang mahabang sandok.
Ilang sandali pa ay kumulo ang kalderong asul ang likido, nagkaroon ng puting usok na umangat sa ere at pumuno ng kulay sa na pabilog ang cycle.
“Sa wakas.. ikay ay buo na. Lumang landas ay mababago na,” usal ni Menendra sa sarili saka humalakhak nang humalakhak ng matinis at katulad ng isang mangkukulam. Ang kanyang plano ay magaganap na. Ang lalaking ayaw siyang patahimikin sa kanyang pagtulog ay makukuha na niya.
Kaagad ipinatak ni Menendra sa sariling bibig ang asul na likido upang matiyak na tatalab iyon saka humarap sa malaking salamin. Nang mapatitig sa salamin ay nakita niya ang anyo ni Chrysiana, ang prinsesang may maganda, kaakit-akit at katangi-tanging mukha.
Tanging ang salaming iyon lamang ang kayang ipakita ang huwad niyang wangis. Ngunit sa mga mata ng kapwa niya diwatano ay isa lamang siyang hamak na si Menendra na may dugong itim. Sa ginawa niyang iyon ay malilinlang niya ang tagalupang mortal na si Leandro.
Malutong na napahalakhak si Menendra habang nakikita ang sariling kamukhang-kamukha ni Chrysiana. Sinubukan din niyang pakinggang ang sariling tinig.
“O mahal kong Leandro..Ahem..” muli niyang pinalambing ang tinig—kasing lambing ng tinig ni Chrysiana. “Mahal ko..” Natawa si Menendra sa sarili. Dahil malayo ang ginituan, malamig at malambing na tinig ng Reha sa matinis niyang tinig. Ngunit kahit paano ay nabago nang kaunti hindi nga lang katulad na katulad sa tinig ni Chrysiana ngunit sigurado siyang hindi na iyon mapapansin ni Leandro. Pwera na lamang kung kilalang-kilala nito ang minamahal na si Chrysiana. Mga lalaki ay magiging pare-pareho lamang kapag naakit na sa ganda at alindog ng isang babae.
Salamat sa pag-ulan na iyon na nagkataon sa tamang oras at sandali dahil nakakuha siya ng hibla ng buhok ni Chrysiana habang ito ay nagpapatuyo sa mahaba at unat na unat nitong buhok. Naisakatuparan niya ang pagkuha ng buhok ni Chrysiana matapos ang hindi natuloy na pagdiriwang sa bulwagan ng palasyo. Tiniyak niyang walang nakaaalam niyon at hindi napansin ng reha ang kanyang ginawa. Nakuha na niya ang amoy ni Leandro mula sa pawis nito gamit ang kanyang kuko.
Iyon na lang ang huli niyang paraan upang mapagplanuhang makuha ang kalooban ni Leandro. Iyon din ang naiisip niyang paraan upang makuha ang kaharian ng Mirabilandia. Kapag nagawa niyang maakit sa kanya si Leandro ay magagawa na rin niyang maagaw ang trono kay Haru Sendro.
Kasalanan iyon ng mahal nitong si Leandro, hindi pinatatahimik ang kanyang isipan at pati na rin ang kanyang puso. Sa pagkakataong iyon ay makakamit na niya ang mahalin kahit hindi man niya kauri. Kahit papaano ay may magmamahal na sa kanya.
Bata pa lamang si Menendra ay tampulan na siya ng tukso, hindi dahil pangit siya. Kung tutuusin ay hindi naman nalalayo ang kagandahan niya kay Chrysiana. Isa nga siya sa itinuring na ikalawang magandang diwatana sa mundo ng Mirabilandi. Ngunit hindi iyon ang nakikita ng mga mata ng kapwa niya diwatano tuwing tumitingin siya sa mga ito.
Sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang sariling kapangyarihan, ang paglikha ng isang engkastasyon, maaari niyang makita sa pamamagitan ng kanilang mga mata kung ano ang mga saloobin tungkol sa kanya. Ayon sa mga mata ng mga ito ay wala siyang ibang hangarin kung hindi ang pagkawasak.
Wala sa kanila ang nagtangkang makipagkaibigan sa kanya, walang masyadong nakikipag-usap maliban sa prinsesa ng Mirabilandia. Sinubukan niyang magpatuloy sa buhay, magpanggap na hindi apektado sa lahat at nang hindi na siya maawa sa sarili. Wala siyang naging kaibigan bukod sa Reha. Walang lumalapit sa kanya at walang nagmahal simula nang mamatay ang mga magulang. Kagagawan iyon ng naunang Rahu at Raha (Hari at Reyna) na kalahi ng mga magulang ni Rahu Sendro—ang ama ni Chrysiana.
Dahil ang katulad daw niya na isang mangkukulam ay paninira lang ang kayang gawin at hindi kayang gumawa ng kabutihan. Naitanim ni Menendra ang lahat nang iyon habang lumalaki at nagkakaisip. Ngayon ay may paraan na para mahalin siya pabalik. Sa pamamagitan ni Leandro.
NABATO-BALANI si Menendra nang masaksihan ang kakisigang taglay ni Leandro nang mga sandaling iyon at aaminin niyang wala pang nagpakabog ng kanyang dibdib na parang ngayon lang siya nabuhay. Wala ni isa sa lipi o kauri nila ang alam niyang magkakagusto sa kanya.
Makisig na nakatayo si Leandro sa harap niya at ang eksaktong tao na maaaring magsimulang mahalin siya at sinimulan niyang humanga sa kanya noong araw na dumapo ang mga mata niya sa binata.
Sa oras nang pagtulog ng mga diwatano ay siya ring oras na nakuha na niya ang kwintas na pinakaiingatan ni Chrysiana habang wala itong malay at dalisay ang himbing ng pagtulog.
Mula sa suot niyang mahaba at kumikinang na kasuotang itim na umabot sa kanyang paanan ang haba ay agad siyang lumabas ng kanyang tahanan. Tutunguin niya ang kakahuyan. Isinilid muna ni Menendra ang kwintas sa ilalim ng kanyang kasuotan nang sa ganoon ay walang makapansin na nakuha niya ang kwintas na iyon.
Hinihiling na lamang niya ay sana gumana ang kanyang gayuma sa mundo nang mga mortal nang mapasakanya na si Leandro—ang tanging lalaking mortal na hindi pinatahimik ang kanyang isipan at ngayon ay pati na rin ang kanyang puso.
Sa nakaraang anim na pung dekada ay walang ginawa si Menendra kung hindi tanggapin ang kanyang kapalaran. Ang kapalarang pilit binabaon sa kanya ng kapwa diwatano na wala siyang karapatan magmahal at mahalin dahil may dugo siyang itim.
Lumaki si Menendra na iniiwasan ng kapwa diwatano, hindi dahil kapangitan siya o may nakatatakot na anyo, ngunit dahil alam ng lahat na siya na lamang ang tanging nabubuhay na isang Maharlikang-itim.
Alam niyang masama ang magtanim ng galit sa kapwa ngunit hindi naman niya hinahangad na magkaroon ng dugong itim. Kung pwede nga lamang na pumili siya ng angkan ay hindi niya pipiliin ang dugong nananalatay sa kanyang ugat ngayon. Huli na ang lahat…Dahil ang dugong ito na ang kinagisnan niya at tinanggap na niya simula nang mamulat siya.
At ang dugong ito ang tiyak magpapabagsak sa kapwa niya diwatanong umalipusta sa kanya noon.
Nagkaroon si Menendra nang mahabang pag-iisip habang binabaybay ang kahabaan ng daan. Ang mga halaman ay agad na nagsipagyukuan at ang iba ay namatay matapos malanghap ang amoy na nagmumula sa kanyang aura. Ang mga punong kahoy naman ay agad itinatago ang mga prutas gamit ang kanilang dahon nang sa gayon ay mapakinabangan pa. Ang ibang halaman o mga bulaklak ay hindi na makapagtago at tinanggap na lamang ang kanilang kamatayan sa tuwing nararaanan ni Menendra.
Nagsisiyukuan ang mga mayayabong na puno at pilit lumalaban sa kanyang kapangyarihan. Napahinto si Menendra bago pa marating ang tapat ng mga punongkahoy na kinukubli ang lagusan patungong kabilang mundo—ang naghahati sa mundo ng mga tao/mortal at mundo ng mga diwatano/immortal.
“Bakit hindi ko naisip iyon? Pwede kong dalhin dito si Leandro at kami ang mamumuno sa mundo ng Mirabilandia,” nakangising mahinang usal niya sa sarili.
Sa yugtong iyon ay naisip niyang patalsikin na lamang si Chrysiana kapag nakuha na niya ang loob ni Leandro ay isasama niya ito sa Mirabilandia. Gagamitin niya ang lahat ng kanyang kaalaman sa paggawa ng gayuma upang manatili ang kabataan nito o maging imortal na kagaya niya.
May natatandaan siya noon na paraan upang manatiling imortal ang isang tao, iyon ay ang paghalo ng dugo ng isang diwatano sa dugo ng isang tao ngunit hindi niya alam kung paanong paaraan at paano niya iyon magagawa.
Ipinagpatuloy ni Menendra ang paglalakad. Nangangarap sa kanilang dalawa ni Leandro. Ano nga kaya ang pakiramdam ng magkaroon ng lalaking katulad ni Leandro? Nahahawakan siya, aalagaan, yayakapin at mahahalikan ang mapanghibok nitong mga labi? Mararamdaman din kaya niya ang kasiyahang nadarama ni Reha Chrysiana?
Nakarating si Menendra sa tapat ng mga naglalakihang puno na nakatabing sa pader ng lagusan patungong kabilang mundo. Itinapat niya sa isang direksyon ang kwintas na suot niya. Bumukas ang lagusan, at bumilog ang nagliliwanag na bukana. Dahan-dahan na siyang naglakad papasok roon.
Paglabas mula sa balon ay hindi na alam ni Menendra kung paano pa hahanapin si Leandro. Ngunit kung magagamit niya ang kaakit-akit na tinig ng Reha ay baka matawag niya ito upang lumapit sa kanya.
“Haah…ahhh..ahhhh.. Leandro.. Lumapit ka sa akin, Mahal kohhhhh…” Nilambingang niya ang pag-awit at ginawa ring kaakit-akit ang tinig habang naglalakad siya sa direksyong tinahak nila ni Chrysiana noon.
Ilang sandali ay lumitaw ang pigura ng lalaki, hanggang mapalitan iyon ng bulto ni Leandro. Nagkikislapan ang kanyang mga mata nang makita ang lalaking iniirog. Habang tumatagal ay mas lalo itong kumikisig sa kanyang paningin. Lubha ngang walang nilalang ang makapapantay sa lalaking nasa kanyang harapan na niya ngayon.
Mabuti na lamang at kabisado niya ang tinig ng Reha kaya napalapit niya si Leandro.
“Chrysiana…” Dahan-dahan itong lumapit nang makita siyang nakatayo. Kaakit-akit at napakaganda sa paningin ni Leandro na tila kay palad nito. Nagkikislapan ang mga mata nitong tunay ngang umiibig sa kanilang reha.
Lalong lumapit si Leandro hanggang mahawakan si Menendra. Iniabot ang kanyang mukha at ginawaran ng matamis na halik. Tunay ngang hindi maikakaila ang tamis ng unang halik na nagmula sa mga labi ng isang binatang natutunan na niyang ibigin, unang beses pa lamang na ito ay kanyang masilayan. Mas lalo niyang gustong mapasakamay si Leandro, maaring tumakas sa mundo ng Mirabilandia, magsama at bumuo ng isang masayang pamilya. Isang pangarap simula nang siya ay paslit pa.