IKALABING-TATLONG PATAK

1792 Words
NANG matiyak ni Sendro na wala na sila sa paningin ni Menendra ay sinamantala na niyang maghanap ng lugar na pagdadalhan sa bata. Nagtuloy-tuloy lang siya sa paglakad-takbo. Bahala na kung saan dalhin ang mga paa. Matiyak lamang na ligtas ang kanyang huling salin-lahi. Hindi papayag si Sendro na may buhay na naman ang mabuwis. At ang masama pa ay ang huling-lahi niya. Masyado pang paslit ang kanyang apo upang bawian ng buhay dahil sa kasakiman ni Menendra. Lakad-takbo si Sendro nang marating ang sa tingin niya ay mukhang palasyo. Ito ang unang beses na narating ni Sendro ang mundo ng mga mortal kaya hindi niya gaanong alam ang mga pangalan o term ng mga ito. Inakala ni Sendro na palasyo ang isang establisyemento. Kinatok ni Sendro ang salaming pintuan. Hindi niya alam kung ano ang panahon sa mundo ng mga tao. Wala siyang ideya na gabi na roon kaya walang mga tao sa labas. Ang kadiliman ay isang masamang kahulugan para kay Sendro. “Mahal kong apo, dito kita iiwanan.” Napansin na rin kaagad ni Sendro na iba na ang hitsura ng bata, Kagaya ng pagbabago ni Menendra ay nagbago na rin ang kanyang apo. Nalungkot si Sendro sa yugtong iyon. Kung napigilan lamang niya ay hindi sana iyon mangyayari sa kanyang apo. Hindi sana mapapahamak ang walang kamalay-malay na si Lizandro. Bagaman alam ni Sendro na hindi rin magiging ligtas ang kanyang apo sa mundo ng mga tao ay wala na siyang magagawa. Naka-base iyon ayon sa propesiya ng kanyang mahal na asawa na manggaling sa mundo ng mga tao ang magliligtas sa sandaigdigan. Alam ni Sendro na walang iba iyon kung hindi ang kanyang apo na si Lizandro. Kung alam nga lamang niya na posibleng magkatotoo ang pantaha noon ng kanyang asawa na naging propesiya na ay sinubukan sana niyang tumungo sa mundo ng mga tao. Noon, ang tangi niyang naaalala ay palaging nasa labas ng mundo ang kanyang irog upang makipagmabutihan sa mga tao. Umpisa pa lamang ay hindi na niya gusto ang mga tao at ayaw na ayaw niya sa mga ito dahil sa pagiging ganid sa kapangyarihan at kayamanan. Ngunit kaiba sa ugali ng kanyang irog, hindi niya nakitaan na masama ang tingin nito sa mga tao. Hindi ito nagalit kahit pa pinakitaan siya ng masama o inisip na isa itong masamang nilalang. Noong mga panahong iyon ay puro kabutihan lamang ang ginawa ng kanyang irog sa mga tao. Dahilan upang mauwi sa himagsikan. Masyadong mabuti ang kanyang irog sa mga ito na nalilimutan na ng mga tao kung saan sila dapat lumagara at mawalan na nga ng respeto sa mga diwatano. Mula nang mamatay ang kanyang minamahal na asawa ay ipinasara niya ang lagusan at ni isang dayong tao ay wala ng makatuntong pa sa mundo ng Mirabilandia. Hindi niya nais isakrepisyo ang buhay ng kapwa niya diwatano para sa mga taong ganid at mapang-abuso. Ngunit isang dayo ang hindi niya akalaing makatutuntong sa Mirabilandia, at iyon ay si Leandro. Ipinagwalang bahala niya ang pag-alis alis ng kanyang anak kahit na alam niya kung saan ito tutungo at anong klaseng panganib ang nakaabang. Masyado siyang nagpakakampante na hindi na napigilan kahit ang mga puso ng dalawang magkaibang nilalang. Lubang mapanganib ang pag-iibigan ng isang mortal at diwatano na nagresulta sa kapahamakan. Ngayon nga ay baka magresulta na rin iyon sa katahimikan ng mundo ng Mirabilandia. Hinintay ni Sendro na may lumabas na tao sa pintuan ng palasyong kanyang pinag-iwanan sa sanggol. Ngunit walang lumalabas. Ang kanyang apo ay tulog na tulog pa rin. Hanggang lumayo na siya at binato na lamang iyon ng malaking bato, dahilan para mabasag ang salamin at pumasok ang bato sa loob. Dahil siguro sa ingay na ginawa niya ay may taong lumabas. Binusisi muna nito ang pintuan na napansing may butas na nga at kagagawan niya. Kung hindi lamang sa pag-iyak ng kanyang apo ay hindi nito makikita ang batang nakalapag sa bukana ng pintuan. Nakasuot ito ng isang mahaba at itim na damit. Tago ang buong katawan at tanging nakalitaw lamang ay mukha. Dahil madilim ay halos hindi na niya maaninag ang mukha ng taong dumampot sa iniwan niyang sanggol. “Patawarin mo ako, aking apo. Nawa ay maging ligtas ka sa mundo ng mga tao. Ako ay muling babalik upang kunin ka at nang ikaw ay mahirang na tagapagligtas ng dalawang mundo,” malungkot at nanghihinayang na sabi ni Sendro. Kung hindi lamang sa alitan ng dalawang lahi ay hinding-hindi niya ipagkakanulo at iiwanan ang kanyang apo sa mundo ng mga tao. Wala siyang tiwala sa kahit sinong tao. Kapahamakan lamang ang dala ng mga ito sa kanilang lahi ngunit wala siyang ibang mapagpilian. Pagsugal at baka sakali na lamang ang natitira kay Sendro. Ipagdarasal niyang maging ligtas ang kanyang apo sa mundo ng mga tao. Alam din ni Sendro na hindi gagana ang kahit anong kapangyarihan sa mundo ng mga tao. Liban na lamang sa isang engkantasyong likido na magagawa niya o ni Menendra. Napag-aralan ni Sendro na gumawa ng engkantasyong likido o gayuma sa mundo ng mga tao, may kakayahan siyang gawin iyon subalit ay hindi niya tiyak kung sadya nga iyong gagana sa mundo ng mga tao lalo pa at hindi pa niya nasusubukan.   NANGHIHINA si Sendro, mula sa kantandaan at sa mga sugat na natamo. Ligtas siyang nakabalik sa lagusan at hindi na niya maaninag pa si Menendra. Sana lamang ay hindi natagpuan ni Menendra ang kanyang apo. Mula sa balon ay tumalon si Sendro pailalim hanggang ang basang katawan ay unti-unting natuyo nang makatuntong na sa daanan patungo sa naghahati sa mundo ng Mirabilandia at ng tao. “Hindi ka puwedeng bumalik, Sendro!” Mabilis na tinungo niya ang lagusan nang marinig na nakasunod na pala sa kanya si Menendra at nasa likuran niya ang babae. “Nasaan ang iyong apo! Kailangan ko siyang mapuksa!” Nakahinga nang maluwang si Sendro nang marating na niya ang lagusan ng Mirabilandia. “Hinding-hindi ka magtatagumpay, Menendra! Itatago ko ang aking apo sa kahit anong paraan.” Malakas na tumawa si Menendra na rinig pa rin ni Sendro. “Hanggang nasa mundo ako ng mga tao ay panganib ang ibibigay ko sa iyong apo kapag ang aming landas ay nagkita! Tandaan mo iyan…” Paliit nang paliit ang tinig ni Menendra habang unti-unti ng nagsasara ang lagusan. Hindi na makapapasok pa si Menendra pagkat hawak ni Sendro ang kwintas ng kanyang nag-iisang anak na makapagbubukas sa lagusan na iyon. Binulungan ni Sendro ang lagusan. “Ako ang haru ng Mirabilandia, kautusan ko’y iyong sundin. Lagusan ng Mirabilandia ay hindi na muling magbubukas liban sa aking apong si Lizandro. Aking salita ay iyong damhin, ako ay sundin.” Unti-unting lumiit ang liwanag hanggang naging ordinaryong pader na lamang iyon at naging hangganan ng Mirabilandia. Parang nabunutan ng tinik sa dibdib si Sendro nang makawala siya sa paningin ni Menendra. Ngunit hindi pa rin ligtas ang kanyang apo. Kailangan pa rin niyang makagawa ng paraan upang matiyak na malayo ito sa panganib at kailanman ay hindi magtatapo ang dalawa. Walang ideya si Sendro sa lahi ng kanyang apo na pinagsamang dugong mortal at dugong maharlikang-bughaw. Hindi niya alam kung may kapangyarihan din kaya ang kanyang apo o mananaig ang dugong mortal na nananalaytay sa dugo nito. Nang lakarin na ni Sendro ang daan patungong palasyo ay wala pa ring ipinagbago ang lugar. Balot pa rin ng lason ang paligid. At ang itim na mga usok ay nakakalat at mukhang kahit ang kanyang kapangyarihan ay hindi basta-basta maiaalis iyon. Taon o dekada ang bibilingan bago tuluyang malusaw ang engkantasyon. Ang mga halaman at punong kahoy na namatay ay hindi na muling mabubuhay pa. Kinakailangan ng bagong pagpupunla. Gamit ang kanyang sariling hininga ay inutusan ni Sendro ang hangin na tipunin ang mga nasawi sa harapan ng palasyo. Kailangan niyang mabigyan ng magandang libingan at pagluluksa ang mga ito. Ilang sandali rin ay may mangilan-ngilang mga diwatano ang lumabas mula sa kanilang pinagkukublihan. Nagpasalamat si Sendro na hindi lamang pala siya ang nabubuhay roon. Ikalulungkot niyang malaman kung siya na lamang ang tanging nilalang sa mundo ng Mirabilandia. Nang makita ang kanyang walang buhay na anak ay iniangat niya ang nakahigan katawan nito para yakapin. Pinag-utusan din ni Sendro ang ibang mga diwatano na pumasok sa palasyo dahil magiging ligtas ang mga ito roon pagkat hindi makapapasok ang lasong hangin na kikitil sa buhay ng mga ito. Pagdating sa loob ng palasyo ay nakiusap si Sendro na kinakailangan nilang gumawa ng harang o engkantasyon na magtataboy sa lasong hangin o hindi kaya ay isang baluti para sa kapwa diwatano upang hindi makalanghap ng anumang usok. Inabot ng isang taon—ayon sa panahon ng mga tao, ngunit katumbas ay isang linggo sa kanilang mundo ang paggawa ng baluti para sa kapwa diwatano. Kung marahil ay uso sa kanila ang face mask ay baka naka-face mask ang mga diwatano. Ngunit dahil hindi naman iyon ang paraan sa kanila, wala silang ibang magawa kung hindi ang gamitin ang kapangyarihan, lakas at kakayanan ng bawat isa upang bumuo ng baluti laban sa masamang hanging ginawa ni Menendra. Hindi basta-basta mapupukso ang hanging iyon ni Menendra. Kinakailangan nilang magtiyaga at maghintay ng panahon hanggang bumalik sa normal at kusa iyong maglaho. Sa loob ng palasyo tumira ang halos lahat ng mga diwatanong pinalad na mabuhay. Doon na rin sila kumakain at gumagawa ng paraan para mabuhay. Tumutulong si Sendro upang magawa ang lahat. Halos parehas na niya ng libel ang mga simpleng diwatano. Hindi na siya mukhang hari ng Mirabilandia dahil sa iniwang delubyo ni Menendra. Ngayon ay naiisip ni Sendro na hindi dapat ipagsawalang bahala ang mga bagay-bagay. Hangga’t kayang gawan ng paraan upang mapukso ay dapat kilusin. Hindi rin dapat lubusang magtiwala. Iyon ang bagay na hindi nalaman ni Sendro nang maaga bilang isang hari. Sa tingin niya ay kulang pa ang kanyang kakayanan bilang isang hari dahil nabigo siyang ipagtanggol ang sariling mundo laban sa mapang-usig at mapanghimok ng kasamaang si Menendra. Hindi lubos akalain ni Sendro na ang babaeng binigyan ng tahanan at tumira sa palasyo ay magiging lubhang mapanganib at makapangyarihan upang pabagsakin ang mundo ng Mirabilandia. Sa pagkakataong iyon ay hindi na rin alam ni Sendro kung saan kukuha ng lakas. Wala na ang pinakamamahal niyang anak. Maaari sana niyang buhayin si Chrysiana ngunit iyon ay gamit ang kapangyarihang itim na lubhang ipinagbabawal sa mundo ng Mirabilandia dahil magreresulta ito ng kapalit na buhay upang humalili sa namatay. Tatanggapin na lamang siguro ni Sendro na ito na nga ang kanilang kapalaran. Ito ang pininta ng Bathala na magiging kapalaran nila. Hihintayin na lamang niya ang pagdating ng tamang panahon upang manumbalik ang kasaganahan at katahimikan sa mundo ng Mirabilandia. Nawa ay ang kanyang apo ang makagawa niyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD