IKA-DALAWAMPUNG PATAK

1893 Words
“GRABE pala ang nangyayari dito sa ating baryo, Menendra,” nahihintakutan nitong sabi saka mabilis na pumasok sa loob ng bahay ang matandang lalaki. Nagkibit lamang ng balikat si Menendra. “Maaari mo bang kuhanan ako ng maiinom. Nanunuyo na ang aking lalamunan,” sabi pa ng lalaki sa kanya. Ito ang unang beses na may nag-utos sa kanya dahil noong nasa Mirabilandia siya ay hindi siya nauutusan kahit sinumang nilalang. Siya lamang ang may karapatang mag-utos sa kahit sinong nilalang sa Mirabilandia, lalo na ang mga mababang uri ng mga diwatano o diwatana. Ngayon ay ibang-iba na. Ramdam na ramdam na ni Menendra ang malaking pinakaiba. Hindi na siya makapag-utos. Mistula siyang basahan at mukhang siya ang alila sa mundo ng Mirabilandia. Sumilay ang kakaibang ngisi sa mukha ni Menendra. Pagkakataon na niyang ituloy ang plano dahil malalagay sa alanganin kapag may humarang sa kanyang mga pinaplantsang balak. Kinuha ni Menendra ang ginawang engkantasyon at inihalo iyon sa tubig saka inilagay sa baso. Diretsong naglakad si Menendra at iniabot ang baso ng tubig. ‘Inumin mo lang iyan, tanda. Nang matupad ko na ang aking inaasam. Matitiyak kong mapagtatagumapayan ko ang lahat lalo na at nasa mundo ako ng mga mortal. Wala kayong karapatang gumamit ng anumang kapangyarihan at ako lang ang may paraan upang mapakinabangan ko ang aking kapangyarihang itim,’ bulong ng isipan ni Menendra habang ang matanda ay tuloy-tuloy na ang paglagok ng tubig. “Ay! Napakasarap at malamig. Naginhawaan ako.” Inilapag nito ang basong wala ng laman sa tabi nito. “Maari sana ay huwag ka munang lumabas. May mga natagpuang tatlong lalaking namatay halos malapit sa sinasakahan ko. Nakatatakot talaga. Masyadong brutal ang kanilang pagkamatay at parang isang aswang ang gumawa.” Lumapit siya sa matanda at umupo sa tabi nito. “Ano ang aswang, Tasyo?” “Tawagin mo na lang akong Mang Tasyo.” Inayos ni Menendra ang buhok. Inipon iyon sa gilid ng sariling tainga. Baka hindi pa umeepekto ang engkantasyon at hindi pa nakikita ng matanda ang dati niyang ganda na nasi niyang muling magbalik. “Ang aswang ay mga elementong naninirahan sa kadiliman, kumakain ng laman ng tao o hayop at pumapatay.” “Totoo ba ang aswang?” Nagkibit muna ito ng balikat. “Wala akong ideya ngunit sana ay hindi. Teka lamang, dumating na ba si Andeng?” “Wala pa.” “Tawagin mo siyang Aling Andeng.” Tumango naman si Menendra. “Nahuli na ba ang aswang na may sala?” lihis niya sa usapan. “May mga pulis na nagpapakalat na para mag-imbestiga ngunit iniisip ng karamihan na aswang ang may gawa niyon dahil sa matatalas na mga kukong humiwa sa tiyan ng mga ito na halos labas ang mga lamang-loob.” Umakto itong kinikilabutan. “Nakatatakot talaga at nakapandidiri. Nakakikilabot ang mga naganap.” Ilan pang sandali ang hinihintay ni Menendra bago umepekto ang engkantasyon. Ipinahid na nga niya iyon sa kanyang mukha na baka sakaling umepekto ngunit hindi niya malaman kung umepekto iyon mula sa sariling mga mata. Tiningnan naman niya ang sarili sa salamin ngunit walang nagbago. Malalaman lang niya ang resulta kapag sa ibang tao na. “Mang Tasyo.. wala ho ba kayong napapansin sa mukha ko?” lakas loob na tanong ni Menendra sa lalaking puti na ang buhok na ngayon lang niya natitigan nang maayos. “P-Parang may nagbago nga sa iyo. Umaliwalas ang mukha mo. Nagpa-derma ka ba?” Lumapit pa ang matanda at kinapa ang kanyang mukha. “Hindi ko sigurado kung may nagbago. Dahil nang dumating ka kagabi ay hindi ko masyadong natitigan ang iyong mukha. Ngunit may tinig ka na kaaya-aya. Naiisip ko na maganda ang iyong mukha at kalooban.” Nagsalin ng tingin sa iba si Menendra. Kalokohan ang sinasabi nito. Kailangan niya ng iba pang mga tao para makita ang kanyang hitsura kung nagbago ba iyon. Ilang sandali rin ay sunod namang dumating si Aling Andeng. Wala siyang mapapala sa matandang babaeng ito na wala ng natira pang itim na buhok, lahat ay puros puti na. Kagaya ni Mang Tasyo ay hapong-hapo rin ito habang may mga bitbit. “Tasyo, bumili ako ng baboy para maulam natin. Lulutuin kong pang-adobo.” Wala sa mga ito ang kanyang atensyon kung hindi sa paraan kung paano makababalik sa siyudad. Hindi na niya maalala ang dinaanan nila matapos na dalhin siya sa masukal na lugar na iyon. Mas interesado siya sa kanyang mga plano kung paano magtagumpay kaysa ang makisama sa dalawang huklubang alam niyang kukunin na rin ng lupa. “Ay, dios ko!” Kamuntik mapaupo si Aling Andeng nang mapansin ang mga kaguluhan sa kusina. Naubos ni Menendra ang laman ng kaldero nito dahil sa labis na gutom. Pakiramdam nga niya ay hindi pa iyon kakasya sa kanya. Kulang ang lahat ng mga pagkaing naroon upang maibsan ang kumalam niyang sikmura mula sa ilang araw na halos walang laman ang tiyan. “Ikaw ba ang nag-ubos ng sinaing ko?” Tumango naman si Menendra. “Hindi bale na. Gusto mo ba ng tinapay? May dala rin ako,” alok nito saka binuksan ang bitbit na basket at isa-isang inilabas ang lahat ng mga laman niyon. Si Tasyo naman ay nagpapahinga na at nakahiga na sa papag na kawayang sahig. “Marunong ka bang magluto. Menendra?” tanong muli ni Aling Andeng na mukhang mas madaldal pa kaysa kay Tasyo.   HINDI umimik si Menendra. Nanatili lang siyang nakatayo sa harapan ng salamin. Walang pa ring pagbabago sa harapan ng salamin ang kanyang mukha. Kita pa rin niya ang pinakapangit na mukha na ipinasa niya sa anak ni Sendro. Ano na kaya ang nangyayari sa Mirabilandia ngayon? Muling napangisi si Menendra. Wala man siya roon ay gumagalaw ang kanyang mga galamay—ang itim na usok na iniwan niya roon. Hindi niya sigurado na magagawa ng mga nilalang sa Mirabilandia o kahit si Sendro na pigilan ang iniwan niyang nakapipinsalang usok. Siya lang ang tanging may kakayahang kontrolin iyon. “Menendra!” Lumapit na ang matanda katatawag sa kanya. “Maari bang tulungan mo man lang sana ako?” Walang imik na lumapit si Menendra ngunit nagngingitngit na ang kanyang isipan at nangangati na ang kanyang mga kamay para patulan ang mga ito. “Hindi ako marunong magluto,” dahilan niya dahil ayaw niyang kumilos sa pamamahay na iyon. “Ay, ganoon ba. Saan ka ba nanggaling na bata ka at parang wala kang halos alam sa mundo?” “Isang malayong lugar.” Tumango ang matanda sa sinagot niya. “Matanong ko lamang. Ano ba ang mga pinagkakaabalahan ninyong mga tao rito?” “Ibig mo bang sabihin kung ano ang trabaho naming mag-asawa?” “Oo.” “Si Tasyo ay nagsasaka sa isang Haciendera at ako naman ang nangangalaga sa bahay. Naglalaba, nagluluto o naghahanda ng makakakin. Kapag may oras ay palagi akong namimili sa Nayon para sa ibang pangangailangan dito sa bahay.” “May karunungan ka ba kung paano ako makararating sa siyudad?” “Bakit mo naman gustong magtungo sa siyudad?” Kinuha nito ang karne ng hayop mula sa plastic, inilabas at hinugasan saka inilapag sa sisidlan. Tinungo nito ang sisidlan ng bigas at tumabo roon para mailagay sa kaldero. Natutuwa siyang nanonood sa ginagawa ng mga ito. Sa mundo ng Mirabilandia ay bihira naman siyang magluto pwera lang kung ito ay engkantasyon. Dahil ang pagkain sa Mirabilandia ay hindi na kailangan pang lutuin. Karamihan kasi ay gulay at mga prutas. Ipinagbabawal sa kanila ang kumain ng mga karne ng kahit anong mga hayop. Ang mga ibon o hayop na nagliliparan sa himpapawid ay kanilang mga alaga o pet at hindi kinakain. Mukhang hindi rin kaya ni Menendra na kainin ang karne na hinugasan ng matanda. Galing iyon sa hayop at baka isuka lang niya kapag kumain siya niyon. “Dadaan ka pa sa nayon kung tutungo ka ng Maynila. Doon ay may mga bus na naghihitay sa iyo. Bibili ka lamang ng bus ticket.” “A-Anong Maynila?” “Maynila ang siyudad dito, iyon ang kapital. Kapag naroon ka ay mga prominenteng tao ang makikita. Makararamdam ka ng paggiging palaboy o naiiba sa kanila lalo na kapag nalamang probinsyana ka.” “Anong klaseng hayop ang dapat kong sakyan patungo roon?” Bahagya itong natawa sa pagkakatanong niya. “Kung ikaw ay sasakay halimbawa ng kabayo ay baka abutan ka ng siyam-siyam. Ilang linggo bago ka makararating sa patutunguhan mo. Mas mabuting magsakay ka ng bus.” “Maaari ba akong makasakay ng b-bus?” “Oo naman.” Nagpasok ito ng mga kahoy na natipon sa isang sulok saka sinindihan iyon. Ipinatong nito ang kaldero na pinagsalangan ng bigas. “Oo naman. Basta may pera ka.” “Ano ba ang pera na iyan at kinakailangang palaging may dala?” “Pera ang bumibili sa lahaté Kung wala kang pea ay hindi ka na nila aasikasuhin.” “Ganoon pala kamakapangyarihan ang pera.” “Aba, ay sinabi mo pa! Kapag wala kang pera, wala kang mako-kontrol sa kahit anong bagay.” Nagpatuloy ito sa ginagawa sa karne. Hanggang ilang sandali ay may mga taong kumatok sa bahay na tinutuluyan niya. Ang matanda na ang lumapit. “Ano iyon?” Nakikinig lang si Menendra sa mga ito habang nakatayo. Pinanonood kung paano magsalita at kung anong mga lengwahe ang hindi pamilyar sa kanya. “May mga itatanong lang ho ako, lola.” “Ano iyon? Baka sakaling makatulong.” “Kalat na ang balita sa ating baryo na may aswang daw ang naghahasik ng lagim,” sabi pa ng isa sa tatlong magkaksama. May hawak ang mga ito na kahot na patpat. Nakasuot na parang pang uniporme. Mga barangay tanod ang tawag sa mga ito. “Oo nga, narinig ko nga rin sa nayon kanina.” “Wala ho ba kayong napansin na kahina-hinala?” Umiling si Andeng. “Wala naman. Malayo ang pinangyarihan ng krimen kaya imposibleng marinig naming mag-asawa,” sagot ni Andeng. “May pakiramdam ho kasi kami na tao ang may gawa. Kinuha pa nga niya nag suot na damit ng mga biktima na taga kabilang nayon pa pala at napadpad lamang dito. “P-Paano ninyo nasasabi iyan? Kilabutan kayo!” “Aling Andeng, nagsasabi ho kami ng totoo. Nawawala kasi ang gray na shirt at green na short ng biktima.” Bahagyang nagbutil ng pawis ang noo ni Menendra. Buko na siya. Hindi na puwedeng may makaalam pa at kumalat iyon. “Sige, kung sakaling may nakita nga ako ay agad ko kayong pagsasabihan.” “Maraming salamat sa kooperasyon, Aling Andeng. Mag-iingat kayong mag-asawa. Mahirap na at hindi natin alam ang galaw ng mundo.” Tumango si Andeng. “Salamat. Ingat din kayo!” Agad nilapitan ni Andeng ang asawang tulog na tulog. May ideya siyang ang kanilang kinupkop na tugma sa description ay ang siyang kriminal. Nagtatayuan ang kanyang mga balahibo sa takot. “G-Gumising ka, Tasyo… Tasyo… Ahh!” Napasigaw si Andeng nang makapa ang dibdib ni Tasyo na puno na ng dugo. “T-Tasyo…” halos mangiyak-ngiyak na tawag nito sa asawa hanggang ito naman ang bumagsak sa sahig. Tinapos na ni Menendra ang pamamalagi sa tahanang iyon. Hanggang ilang sandali rin ay kumalat na ang apoy na kagagawan niya at tinutupok na ang matandang mag-asawa. Masyado na kasing maraming nalalaman. Dapat ng manahimik sa ilalim ng lupa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD