IKALABING-SIYAM NA PATAK

1815 Words
AKALA ni Menendra ay mae-enjoy na niya ang pagpaslang ngunit iba pa rin kapag pinahihirapan ang mga ito. Mula sa kanyang matalas na mga kuko ay malakas na kinalmot niya ang dibdib ng mga ito upang makakuha ng laman at dugo na naipon sa kanyang mga kuko. Nakaisip ng paraan si Menendra kung paano niya mababago ang pangit na mukha. Nilakad ni Menendra ang lugar na iyon. Tila isang kagubatan ang pinagdalhan sa kanya ng tatlong lalaki. Mukhang malayo iyon sa kung saan siya naglakad ng malayo. Huminga nang malalim si Menendra, kinukuha ang lakas habang naglalakad upang makalayo sa lugar na iyon. Kailangang niyang magsimula ng bagong buhay at gawin ang misyon upang sa lalong madaling panahon ay makabalik na siya sa Mirabilandia. Ilang oras din ang inabot ng kanyang paglalakad upang matagpuan ang isang bahay na tila nasa gitna ng kagubatan. Isa iyong bahay-kubo na kamukha ng mga bahay sa Mirabilandia kaya bahagya siyang natuwa at nagustuhan nang makita niya ang kabuuhan at malapitan ng bahay. Ngunit nang pangahas niyang pinasok iyon ay ibang-iba ang loob. Bahagya pa nga siyang nagulat dahil malayong-malayo iyon sa Mirabilandia—ang mga bahay sa Mirabilandia. Ang mga bahay ng mga ordinaryong nilalang sa mundo ng Mirabilandia ay katulad ng isang bahay kubo sa labas ngunit sa pagpasok sa loob ay makikita mo ang makikinis na pader na may iba’t-ibang kulay ng pintura habang ang mga haligi ay napalalamutian ng mga magagandang ilaw na parang chandelier. Maaliwalas at malaki sa loob na hindi mo akalaing isang payak at bahay kubo ang kapara. Ang mga kagamitan naman ay puro mga gawa sa ginto, pilk at iba pang mga mamahaling bato. Na ang iba ay nakabon sa bawat pader sa loob ng mga kabahayan. Kaya nagtaka si Menendra nang naiiba iyon sa mundo ng Mirabilandia. Pansamantala niyang nalimutan na hindi ito katulad at hinding-hindi matutulad sa mundo ng Mirabilandia. Nag-iisa lang ang kanilang mundo, ang Mirabilandia. Wala siyang pakialam kung may mortal sa loob. Basta ay pumasok siya. Mukha namang walang tao dahil wala naman siyang narinig na nag-ingay sa loob. Sa mumunti nitong kusina ay pumaroon siya saka naghanap ng sisidlan at inilagay ang mga naipong dugo at laman sa kanyang mga kuko. Ilang sandali pa ay may narinig siya. Hindi alam ni Menendra na natutulog lang sa papag ang may edad na mga mag-asawa. Mukhang walang mga anak ang mga ito. “S-Sino ka?” Sinindihan pa ng may edad na lalaki ang gasera upang magkailaw ang paligid at makilala siya. “T-Tulungan po ninyo ako. N-Naligaw ako. May mga lalaking masasamang loob ang humahabol sa akin at ako lamang ay tumakbo upang matakasan sila.” Ginising naman ng lalaki ang asawa. “Andeng! Andeng, gumising ka at may babaeng naligaw.” Tinapik-tapik ito hanggang tuluyan din itong magising. Pupungas-pungas na bumangon ang matandang babae. “Ano at ikaw ay hindi mapakali at ginigising ako?” Pinagmasdan siya ng mag-asawa habang kumukurap-kurap ang mga mata. Hindi maiwasan ni Menendra ang itago ang mukha at lalo pang isaklob ang magulong buhok sa sariling mukha. Maiinis siya kapag natakot ang dalawa sa kanyang hitsura. Baka tuluyan na siyang mainis sa mga mortal at isumpa ang mga ito. Lumapit ang may edad na babae at hahawiin sana ang kanyang buhok nang iiwas niya ang sariling mukha. “Ipagpaumanhin, ang aking mukha ay lubhang nakatatakot. Hindi ninyo maiibigan.” Ngunit walang bakas sa mukha ng matandang babae ang takot. Ito pa mismo ang kumapa sa kanyang mukha at ilagay iyon sa kanyang tainga. Hindi alam ni Menendra na malabo na ang mga mata ng matandang babae buhat sa katandaan. Ang lalaki naman ay hindi pa naman ganoon kalabo ang mga mata ngunit malapit na rin sa pagkalabo. “Halika, bibihisan kita,” sabi pa ng matandang babae sa kanya. Napangisi si Menendra, hindi alam kung dapat pagkatiwalaan ang mag-asawa. Hindi naman napansin ng dalawa ang dugo sa kanyang damit o amoy niyon kaya baka ay naawa rin sa kanya. Sinamahan siya ng matandang babae sa palikuran. “Ako nga pala si Andeng at ang asawa ko naman ay si Tasyo. Ikaw, ano ang iyong pangalan?” Pumasok si Menendra sa sinasabi nitong palikuran at pinalibot pa ang mga mata. Maliit lamang iyon, may maliit na puting bagay na nakadikit sa semento nang ito ay kanyang angatin at may butas sa gitna. Nakita niya ang sisidlan ng tubig. Kumuha siya ng tubig at ibinuhos sa katawan. Nahugasan ang dugo sa suot niyang shirt at short. Umagos ang mga dugong iyon. Hinubad na rin niya ang mga damit at pinagsawa ang sarili sa tubig upang malinisan ang lahat ng dumi sa kanyang katawan na kagagawan ng mga lalaking iyon sa kanya. Paglabas ay sinalubong pa siya ng matandang babae ng isang puting tuwalya na ibinalot nito sa kanyang katawan. “Mabuti at dito ka sa amin naligaw. Marami talagang masasamang tao sa nayon lalo na sa siyudad.” Mukha namang naniwala ang mag-asawa sa kanya. Walang kaide-ideya na patay na ang sinasabi niyang mga masasamang loob. “Maraming salamat sa inyong kabutihan. Maari bang ako ay manatili rito pansamantala?” “Oo naman. Walang kaso sa akin o kay Tasyo.” “Salamat. Ako nga pala si Menendra.” “Menendra? Napakaganda ng iyong pangalan. Tiyak kong bagay na bagay sa iyo.” “Ikinalulungkot ko, ako ay hindi maganda, kagaya ng inyong pag-aakala.” “Huwag mo ng isipin iyon.” Lumabi ito upang alalayan siya. “Ikaw ba ay kumain na?”   SA SANDALING paglagi ni Menendra sa bahay ng mag-asawa ay mukhang totoo naman ang kabutihan ng mga ito. Hanggang kinaumagahan ay nawala ang dalawa sa kanyang paningin. Nagpaalam ang lalaki na siya ay tutungo na upang magsaka at babae naman ay mamimili sa pamilihan na tiyak niyang malayo pa. Pagkakataon ang ginamit ni Menendra para magawa niya ang pag-iipon ng mga sangkap na kinakailangan niyang mabuo. Hindi niya alam kung paano siya makararating sa siyudad kagaya ng sinasabi ng mga ito dahil may pakiramdam si Menendra na naroon ang kanyang hinahanap. Nakita ni Menendra ang sarili sa harapan ng salamin. Hinubad niya ang lahat ng saplot. Napagmasdan niyang maganda ang hubog ng kanyang katawan, pati ang kanyang dibdib at pang-upo. Maputi rin siya na hindi maikukumpara sa ibang kulay ng kaputian. Kaputiang nakasisilaw ngunit ang problema lamang ay ang kanyang mukha na pumangit nang sobra dahil sa ginawa sa kanya ng mag-ama. Muling umangat ang sulok ng kanyang labi. Tinapik niya ang mga malulusog na dibdib na namumula ang mga korona. “Kung ganoon ay puwede kong pakinabangan ang mga ito.” Naiisip ni Menendra na pakinabangan ang kanyang katawan. Kung makalinlang lamang siya gamit ang kanyang alindog at hindi mapapansin ang kanyang mukha ay maisasagawa niyang mapaibig ang kahit sino. Narinig niya noon habang nagpalaboy-laboy sa lansangan na kapag mayroon kang pera ay mabibili niya ang kahit na ano at kung maimpluwensyang tao naman ay magagawa niya ang lahat ng bagay. Ano o sino mang nais niyang hanapin. Kayang-kaya niyang magawa ang lahat. Basta ay mayamang tao lamang ang kanyang malapitan. Ibinalik ni Menendra ang suot na daster na ibinigay sa kanya ng matandang babae. Lumapit siya sa kusina at nakita ang isang kaldero. Inilabas niya ang sisidlan kung saan ay naitago niya ang nasa kanyang mga kuko. Gamit ang sariling kuko ay ginupit niya ang kanyang mahahabang buhok na ang hanggang kanyang puwitan ay hanggang ilalim ng kanyang kili-kili na lamang ang haba ngayon. Saka niya sinunod na putulin o baliin ang kanyang mga kuko. Wala siyang naramdamang panghihinayang o lungkot sa mga iyon. Na parang balewala na lamang sa kanyang ang manira. Hindi siya sigurado kung uubra ang kanyang gagawin sa mundo ng mga mortal ngunit ay nais niyang gumawa ng mahika na manlilinlang sa sinumang makakakita sa kanyang mukha. Tutungo siya sa siyudad kapag napagtagumpayan na niya ang mga sangkap. Balewalang inihulog lang ni Menendra ang mga buhok sa kaldero. Kulang pa ang mga iyon. Kinakailangan pa niyang kumuha ng iba pang sangkap nang sa ganoon ay makumpleto ang lahat. Isang lumilipad na ibon ang kanyang nakita. Dinampot lang niya ang bato at inasinta iyon. Napagtagumpayan ni Menendra nang lumagapak ito at duguang nahulog sa lupa. Kinuha niya ito saka inilagay rin sa kaldero at saka kumuha ng mga kahoy upang sumindi ang mga iyon. Pinagkiskisan lang niya ang mga kahoy at bigla na lamang iyong nagliyab kahit hindi nakatapat sa araw para makagawa ng apoy. Napahalakhak si Menendra saka kumuha ng tubig na nakita niyang nasa banga. Ibinuhos doon hanggang mangalahati ang kaldero. Dinampot ni Menendra ang sandok at hinalo-halo iyon. Lahat ng mga nailagay niya ay himalang natutunawa habang siya ay umuusal at binubulungan ang kaldero. Tuloy-tuloy na hinahalo iyon habang umuusal. “Aking likido, ako ay huwag biguin, pagmumukha ko’y baguhin. Sa mga mata ng mortal, sila ay linlangin…” Umihip pa si Menendra habang patuloy ang pagbulong saka hinahalo nang tuloy-tuloy. Ipaiinom niya muna ang mga iyon sa mag-asawa at kung ito ay gumana sa mga mata ng mag-asawa ay maaari na niyang iwanan ang mga ito. Pag-iisipan din munang mabuti ni Menendra kung dapat ba niyang gantimapalaan ang dalawa sa pagtulong sa kanya, sa pamamagitan ng hindi niya pagkitil sa buhay ng mga ito. Kung mananatili ang dalawa ay malalaman ng lahat ang kanyang lihim. Ngunit naging mabuti ito sa kanya magkagayon pa man. Natapos ang pagluluto ni Menendra sa likido na tinawag niyang kanyang engkantasyon, ay naghanap siya ng puwedeng salinan. Pagkatapos ding maluto ay himalang kusang namatay ang apoy. Muling kumalam ang kanyang sikmura. Naghanap siya ng puwedeng makain. Baka sakaling may iniwan ang dalawa bago umalis. Iniangat niya ang isang kalderong nakatakip. Sa Mirabilandia ay ang sisidlan ng mga pagkain ay tinatawag din nilang kaldero. Liban sa kawa na kayang pinaglulutuan ng kanyang mga engkantasyon. Nakita niya ang mga puting butil—ito ay ang kanin. Gamit ang kanyang kamay na may maiiksing kuko na, matapos kanyang baliin. Dinampot niya iyon at isinubo sa sariling bibig. Napalitan ng ginhawa ang kanyang naramdaman nang malasahan niya ang kanin. Manamis-namis iyon na lalong nagpatindi sa kanyang gutom. Walang pag-aalinlangan na tuloy-tuloy niyang dinampot iyon at diretso sa kanyang bibig. Hindi niya alam na ang kanin ay dapat ulaman. Wala na siyang pakialam basta ay malamnan lamang ang nagwawala niyang tiyan. Kung marami pa siyang nais malaman ay tatanungin niya ang dalawang mga matanda ukol sa mundo ng mga mortal. Kinakailangan ni Menendra na makaipon ng maraming impormasyon nang sa ganoon ay makabisado niya kung paano makuha ang loob ng mga mortal. Iyon lamang ang tanging natitira niyang pag-asa kasama ang likidong engkantasyon nang mahanap na niya ang batang hinirang na maging tagapagmana sa trono ng Mirabilandia. May kamalayan si Menendra ukol sa narinig niyang propesiya at natitiyak niyang siya lang ang paraan para mapigilan iyon. Natapos ng kumain si Menendra nang dumating ang may edad na lalaki at humahangos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD