IKA-DALAWAMPUT ISANG PATAK

1699 Words
IBINABA na lang ni Juniel ang ulo nang siya na naman ang paborito ng mga kapwa bata na kasamahan upang ma-bully. Wala siyang ligtas sa mga pang-aasar ng mga ito. Mabuti na lamang at palagi siyang pinagtatanggol ni Mother Superiora Alonza dito sa Golden hands haven Orphanage. Walang kinagisnang magulang o pamilya at tanging nag-alaga at nagpaaral sa high school ay ang madreng namamahala sa ampunan. Napakabuti ng mga ito sa kanya. Kaya hindi rin niya alam kung paano magagantimpaalan ang kabutihan ng mga ito sa kanya. “Mag-igib ka pa ng tubig! Huwag kang titigil hangga’t hindi natatapos,” sabi ng isa sa mga madre. Ito ang masungit na madre. Napapikit na lang si Juniel at nagpatuloy sa pag-bomba ng poso. Iyon ang kinukuhanan nila ng pang-inom. Gusto pa sana niyang magpahinga galing sa eskwelahan. Naglakad lang siya upang makatipid. May kumuha na naman kasi ng perang ibinigay sa kanya ni Mother Alonza. Wala na tuloy siyang choice. Agad binuhat ni Juniel ang timba sa kabilang kamay at isa pa ay sa kabila ring kamay, dahan-dahang naglalakad hanggang marating ang drum at doon ay ibinuhos at nangalahati na nga niya iyon. Pinunasan lang ni Juniel ang tumulong pawis. Hindi pa siya nagpapalit ng suot na uniporme. Hinubad lang niya ang polo at naiwan ang puting sando na kapares ang brown beige na short. Umalis na rin si Sister Alma. Ito ang pumapangatlo sa may edad na madre sa ampunan ngunit kung mag-utos ito ay parang ito ang superior. Marahil ay apektado ng edad nito kaya ito mataray. Ilang sandali sa paghahakot ay natapos na rin niya ang lahat. Napaupo siya sa semento. Dumating naman si Sister Glenda na may hawak ng patpat. At kapag nahuli nitong nagdudumi siya ay isang tapik agad sa kamay ang matatanggap niya. Noong nakaraan nga ay halos mamaga ang kanyang kamay mula rito matapos makitang naglublob siya sa putikan. Hindi naman siya naligo roon. Kagagawan ng mga kapwa bata na tumulak sa kanya roon. Tinanggap na lang niya ang lahat. Wala na rin siyang magagawa. Lubos-lubusan naman kasi siyang nagpapasalamat sa mga kabutihan ng mga madre dahil pinaaral siya. Nahahati ang pang-araw-araw na gawain sa kanila ngunit masyado siyang nate-take advantage ng mga kabataan at sa kanya napupunta ang lahat ng trabaho. Siya tuloy ang may pinakamaraming trabaho, na naman. “Mabuti na lang at nakatayo kaagad ako bago mahuli ni Sister Glenda,” mahinang bulong ni Juniel sa sarili. Ilang sandali ay lumabas ang isang bata na nasa labing apat na taong gulang. “Pinatatawag ka ni mother superior. Samahan mo raw ng kaunting bilis.” Palakad na sana siya nang iharang nito ang paa at matisod siya. Napatingala na nakatingin lang siya sa bata. “Sabi ko kasi bilisan mo. Sa sobrang kapangitan mo, pati lupa, umaayaw sa iyo.” Kasunod ng malutong nitong pagtawa. Hindi na lang umimik si Juniel. Walang puwang ang makipagtalo o makipag-away. Tumayo na lang muli si Juniel saka tumakbo para hindi na siya mapansin ngunit nahuli siya ni Sister Glenda nang makitang napakarumi na ng sando niya. Napaluhod siya nang wala sa oras kasabay ang paghataw ng hampas ng patpat sa kanyang binti at hita habang nakataas ang dalawang mga kamay sa taas ng kanyang ulo. Napapapikit na lamang siya tuwing humahataw iyon. “Sister Glenda! Ano ba iyang ginagawa mo?” Sabay lapit ni Mother Superiora—ang punong tagapamahala ng buong ampunan. “Dinidisiplina ko lamang at marumi na naman ang damit.” Mas lalong lumapit si Mother Superior sa kanya. “Tumayo ka na riyan at kailangan kitang kausapin.” Kinabahan si Juniel. Iyon ang unang beses na seryoso si Mother Superior Alonza at ngayon lang ito nagpatawag sa kanya. Sumunod siya sa opisina ng may edad na babae. “Maupo ka,” sabi pa nito sa kanya. “A-Ano ho iyon?” “Congratulations!” Bahagyang napipihan si Juniel. “Ikaw na naman ang nag-top sa klase ninyo at valedictorian ng school,” nakangiting bati ni Mother Superior Alonza sa kanya bago pa man siya tuluyang makaupo. Namamanghang nakatingin ang batang si Juniel na ang edad ay labing-anim na taong gulang na. Napakabilis ng pagkabog ng kanyang dibdib na animo ay nakagawa na naman siya ng kasalanan. Napahawak siya sa sariling dibdib. “Akala ko po ay may nagawa na naman akong kasalanan.” “Ito ang palagi mong tatandaan. Kung ano man ang mga nagagawang kasalanan sa iyo ng ibang tao. Binu-bully ka, pinahihirapan, huwag na huwag kang gagawa ng dahilan para gumanti dahil tanging panginoon lang ang gagawa niyon para sa atin. Nakikita niya lahat ng mga ginagawa natin, masama man o mabuti.” Inilagay nito ang magkasakop na mga kamay sa mesa. Naroon sila sa munti nitong opisina, saka nagpatuloy. “Kung mabuti ang iyong nagagawa ay tunay kang ginagantimpalaan at kung masama naman ang iyong nagawa, ikaw rin ay mapaparusahan.” Napakapa sa sariling mukha si Juniel. “Kaya po ba ganito ang aking mukha at palaging natutukso, dahil po masama ako.” Umiling ang mother superiora. “Wala kang nagawa, Juniel. Ang iyong mukha ay unique. Hindi ba dapat ay ikatuwa mo na wala kang kamukha? Nag-iisa ka lang sa mundo. At kung hahanapin ka ng iyong mga magulang ay kaagad ka nilang matatagpuan.” Pinilit ni Juniel na ngumiti mula sa sinabi ni Mother Superior Alonza. Seventy-two na ito ngunit malakas pa rin ang pangangatawan at nagpapasalamat siyang ito ay palaging naroon upang ipagtanggol at payuhan siya sa tuwing siya ay umiiyak o malungkot.   SOBRA-SOBRA ang pagpapasalamat ni Juniel dahil isa siya sa mga batang naroon sa orphanage na pinayagan makapag-aral. Ang iba ay ayaw at huminto na lang dahil nais na lamang maglingkod sa orphanage. Sa susunod na linggo ay graduation na nila sa high school. Malungkot dahil sa halip na mga magulang ang kasama kung kukuha ng kanyang parangal ay ang superiora ang palaging naroon upang batiin at samahan siya. Isang miserable ang buhay niya. Sa sobra nga sigurong kapangitan niya ay sinuka siya ng mga magulang at iniwan sa ampunan. Kaya napakaimposibleng balikan pa siya ng mga ito. Lumuhod si Juniel saka nag-sign of the cross para magdasal bago matulog. Nang matapos ay itiniklop naman niya ang papel na kanyang pinagsulatan. Inipon niyang mga liham iyon para sa mga magulang. Nasasabik siyang makita ang mga ito. Mayroon sa puso niya ang kasiyahang nais na makita ang mga magulang ngunit sa kabilang parte naman ay ang takot na baka kinahiya siya ng mga ito dahil sa kanyang kapangitan. Inilagay ni Juniel sa kahon ng sapatos ang sulat na nagawa niya sa araw na iyon. Para iyong diary at doon lang niya inilalabas ang lahat ng sama ng loob o mga problema niya sa buhay. Halos lima na nga lang sila na nasa ampunan. Ang mga batang kasabayan niya noon ay inampon na. Sa tuwing may darating para kumopkop, palagi siyang nakapila. Nagbabaka sakali na mapili siya ngunit makikita pa lamang ang kanyang mukha ay umiiwas na ang mga ito. Maitim ang kanyang kulay, may makakapal na kilay, maumbok na labi at ang mga mata ay parang nakaluwa na dahil sa laki. Ang mukha naman ay medyo mahaba ang baba kaysa sa karaniwan. Deform din ang kanyang tainga na sinasabi nilang may sa-engkanto raw siya o sinuka raw siya ng maligno kaya ganoon ang kanyang hitsura. Masakit ang mga panglalait na natatanggap niya, hindi lamang sa kapwa mga kabataan ngunit pati na rin sa ibang mga madre o mga bisita na nagpupunta roon at nakapapansin sa kanyang hitsura. Hindi niya pinangarap na maging ganoon at palaging pinaaalala sa kanya ng mother superior na ang mukha ay panlabas lamang na kaanyuan. Daig pa rin ang may mabuting puso kaysa sa taong maganda o gwapo. Hindi mahalaga ang panlabas na kaanyuan ngunit ang laman ng puso at kalooban. Mula noon hanggang ngayon at sa paglaki ni Juniel ay iyon na ang palaging laman ng kanyang isipan. Pangit siya ngunit hindi siya masamang tao. Never siyang gumanti sa mga taong umabuso o nang-api sa kanya dahil palaging paalala at disiplina ang tumatanim sa kanyang isipan. Kinabukasan nga ay maaga na siyang nagising. Sabado at walang pasok sa eskwelahan na isang sakay ang layo sa ampunan. Sa daan pa man ay pinagtitinginan na siya at nilalait ngunit pinipilit na lamang niyang iignora ang mga iyon at magkunwari na wala siyang naririnig. Kaagad na kumilos si Juniel Regino para maligo na at tumulong sa paghahanda ng almusal para sa mga madre at mga bata. Ang donations na natatanggap ng ampunan ang ginagamit nila para sa pagkain at pagpapalago ng ampunan. Si Mother Superior Alonza Regino, Sister Glenda, Sister Alma at tatlo pang madre ang nakatira sa ampunan. Ang simbahan ay nasa bandang likuran ng ampunan. Kapag may misa ay naiimbitahan ang mga bata para umawit during mass event. Dalawampung taon na nga raw nakatayo ang Golden hands haven Orphanage at ang mga materyales ay bumibigay na. Ang mga bubong ay may mga butas at sa tuwing umuulan ay tumutulo na sa loob. May mga bitak na rin ang pader at may basag na rin ang mga tiles. Iyon ang dahilan ni Juniel kung bakit nais niyang magsikap na makapagtapos ng pag-aaral. Nais niyang maging engineer at siya mismo ang gagawa ng ampunan para sa superiora at iba pang mga naninirahan doon. Hindi lamang para sa sarili niya kung hindi para din sa ibang taong malapit sa kanyang puso. Hindi man niya pamilya ang mga tao ay sobrang napamahal ito sa kanya. Ito na lang ang natitira niyang pamilya. Hindi na umaasa si Juniel na bumalik pa ang totoo niyang mga magulang. Kuntento na siya sa ampunan kasama ang superiora. “Napakaaga naman ng gising mo, alas sais pa lamang,” puna ni Sister Alma sa kanya. “Bueno, maghugas ka na ng bigas nang makasaing na tayo. Mamaya ay may mag-asawa raw na darating para mag-donate. Gusto ko lang linawin na manatili ka sa kwarto. Baka kapag nakita ka nila ay agad silang kumaripas ng takbo dahil sa mukha mo.” Tinikwasan pa siya nito ng kilay saka sumimangot. “Pakiramdam ko sumasama ang umaga kapag nakikita kita.” Napayuko na lang si Juniel na nais itago ang mukha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD