=DISCLAIMER=
This is an original work of fiction and the results of a mind’s imagination. Any Names, characters, businesses, places, events, and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
Do not distribute, publish, transmit, modify, display or create derivative works from or exploit the contents of this story in any way without the Author’s permission. You can kindly coordinate with the Author for a copy of the story.
Stealing is a crime, please avoid Plagiarism. Thanks
Please follow/subscribe, comment, and add this to your library.
***************
ITINULOY ni Chrysiana ang pagkukwento kay Menendra kung paano niya nakilala ang minamahal na mortal. “Doon ko lamang napagtanto na may butas na ang kanyang katawan. Binanggit niya na ito ay tama ng bala mula sa isang baril. Bagaman hindi ko alam ang kanyang tinutukoy ay tinulungan ko siyang pagalingin ang kanyang sugat.” Umangat ang mga palad ni Chrysiana na minumwestra sa kausap ang mga nangyari. “Mula sa aking mga palad ay nawalan siya ng malay. Hindi pa nalalatagan ng paunang lunas ang kanyang mga sugat ngunit pinilit kong siya ay mailigtas.
"Dinampi ko ang aking palad sa ibaba ng kanyang tiyan na may bakas ng sugat at inawitan ito. Nang magliwanag ang aking palad ay tuluyan na rin siyang gumaling. Nawala ang butas na inaagusan ng masagana niyang dugo. Kinuha niya ang aking ngalan. Hindi ko naman ipinagdamot at malugod kong tinanggap ang kanyang pasasalamat.”
Pumalakpak si Menendra. Manghang-mangha sa pagkukwento ni Chrysiana. “Kainaman! Para mo na ring inilagay sa panganib ang buhay ng ating mundo mula sa ginawa mo.”
Napayuko si Chrysiana. Tama naman si Menendra. Hindi dapat siya agad nagtiwala lalo na sa isang mortal na kaaway ng kanilang mundo.
Hinila niya ang kamay ni Menendra. “Ngunit magtiwala ka, hindi siya isang masamang nilalang. Malinis ang kanyang hangarin,” nangungumbinsi na ipinupukol ng titig ang mga mata ni Menendra. Kung pwede lang tumagos ang kanyang emosyon ay baka nakarating na sa mga mata nito.
“Hangaring paibigan ka, nang sa gayon ay makontrol ng nilalang na iyon ang iyong isipan, Reha,” pagtaliwas nito. Ang mukha ay hindi kumbinsido sa sinabi ni Chyrisiana.
Umiling-iling si Chrysiana, halata ang pagkadisgusto sa sinasabi ni Menendra. “Ako ay iyong paniwalaan. Hindi siya masama. Hangad kong siya ay tulungan at hangad din niyang ako ay maging kaibigan.”
Tumayo na si Menendra sa pagkakaupo, dismayado ang mukha. Kailanman ay halatang hindi mapagkakatiwalaan ang mga mortal. Muhang hindi mababago ni Chrysiana ang tingin ng kaibigan sa mga mortal.
“Paanong ang iyong kalooban ay nahulog sa isang mortal na nilalang? Hindi mo ba pinagtakhan na baka siya’y isang huwad na marahil ay nagpapanggap lamang?” sunod-sunod na tanong nito na hindi makapaniwala sa mga sinabi niya.
Itinaas ni Chrysiana ang kamay para patahimikin ang kaibigan at pakalmahin. Masyado naman yata itong mapanghusga na hindi pa nasasaksihan ang katotohanan, lalo na ang pagkatao ni Leandro.
“Alam ko ang iyong idinaramdam, Menendra,” pagsang-ayon niya sa kaibigan saka makahulugang tiningnan ito.
“Kaya ba tila may nagbago na sa iyong pagwika. Tila hindi na katulad sa amin kung paano ka manalita,” giit nito na hinuhuli siya upang paaminin.
“Ngunit ako pa rin naman ito. Ako na iyong kaibigan at handang ipagtanggol ka sa mga nanunuya sa iyo.”
“Makailang beses na ba kayong palihim na nagtatapo?”
Napayuko si Chrysiana sa tanong nito. Hindi na niya maililihim pa ang madalas nilang pagtatagpo. Hinuhuli sa paraan nito ng pagtatanong.
“Sa tuwing pumipikit ang araw,” kiming pagsagot niya.
Napailing ito sa narinig. Hindi na nga yata niya mabilang sa kanyang mga daliri ang beses na pagkikita nila ni Leandro.
Nakarating na siya sa bahay nito at natulog pa nga roon.
Mali man dahil hindi pa sila nakatitikim ng sagradong basbas o katumbas ay kasal sa mortal ay nangyari na ang nangyari. Naipagkaloob ni Chyrisiana ang sarili sa lalaking tinatangi niya.
Buo naman ang tiwala niya sa lalaki na hindi siya nito sasaktan at mamahalin din siya kagaya ng pagmamahal niya rito. Patunay niyon ay ang isang diyamanteng singsing na nakasuot sa kanyang palasing-singan nang ibigay nito sa kanya at naghain ng pag-iisang dibdib.
Gustong-gusto na nilang mag-isang dibdib noon ngunit sabi nito ay may mga bagay pa na kakailanganin na hindi niya maintindihan sa kanilang lenggwahe. Wala siyang pagkakakilanlan o birth certificate kaya hindi sasapat na makasal sila kaagad.
Nagdadalawang-isip na tuloy siya kung sasabihin niya kay Menendra ang lahat. Nabanggit naman niyang may napupusuan na ngunit hindi niya binanggit na isa iyong mortal.
Kahit pa isang mortal na nilalang lang si Leandro, para kay Chrysiana ay napakaperpekto nito. Bahagi na ng kanyang pagkatao at wala siyang ibang lalaking mamahalin maliban kay Leandro. Naipangako na niya ang pag-aalay ng kanyang buhay at kaluluwa sa kanyang minamahal.
“Nakita ko na nga ang kabilang panig ng kakaibang mundo. At mundo na mayroon siya ay isang paraiso at tinitiyak ko sa iyo, ito ay kasing ganda ng ating mundo,” namamanghang sabi niya rito.
Hinila ni Menendra ang kamay ni Chrysiana. “Bagaman totoo man ang iyong winika. Gusto kong pagtibayin ng aking mga mata. Gusto kong makadaupang palad ang mortal na nilalang na nagpakawala ng iyong kamalayan,” ma-awtoridad at puno ng determinasyong sabi nito.
Napatango-tango si Chrysiana na nabasa ang nais ipakahulugan ni Menendra. Nagpakawala ng malalim na buntong hininga at pinagpasyahan na isama na si Menendra upang ipakilala kay Leandro.
Mabagal ang ginawa niyang paglakad, dala ang matinding kaba at pag-aalinlangan kapag nahuli sila ng kanyang ama dahil ipaaalam na niya ng buo kay Menendra ang lahat.
Hinimas muna ni Chrysiana ang kwintas na nakapalibot sa kanyang leeg bago hinawakan ng mahigpit ang kamay ni Menendra at dalhin sa kagubatan. Kung saan naroon ang lagusan at makararating sila sa kabilang mundo—ang mundo ng mga mortal.
Nagtungo sila sa kakahuyan kung saan niya tinulungang makalabas si Leandro noon gamit ang kanyang kwintas na hindi niya alam na siya palang makapagbubukas ng isang lagusan.
Umilaw lang iyon nang makatapat sila sa isang natatagong pader na pinaliligiran ng mga puno't halaman. At kapag itinatapat niya ang pendant ng kanyang kwintas ay kusa iyong nagbubukas. Nahahawi ang mga puno at nagtatabihan sa gilid hanggang lumitaw ang isang pader—ang pader ng lagusan patungo sa kabilang mundo.
Nagliwanag ang mukha ni Chrysiana na may naiisip na mas kaiga-igaya bago tuluyang pasukin ang kabilang mundo. Kukumbinsihin niya iyong pagtakpan sila at tatakas na siya at sasama kay Leandro.
NATUTULALANG napatingin si Menendra sa lagusang nabuksan ni Reha Chrysiana gamit ang sarili nitong kwintas na may malaking bilog na pendant. Matapos maitapat ng reha ang kwintas at nagbukas nga ang isang lagusan na noon ay usap-usapan lang sa Mirabilandia.
Hindi alam ni Menendra na may ganoon pala talagang klase ng lagusan na ngayon lamang niya nabatid. Kilala ang kwentong iyon sa kanilang mundo na may lagusan nga na mararating ang kabilang mundo. Ngunit ipinagbabawal sa kahit sinong diwatano na makatuklas niyon at makarating doon. Dahil ang mundong iyon ay ipinagbawal sa kanilang lipi.
Hindi nga niya sukat akalaing ang isang nagpasalin-saling usapan ay may katotohanan. Ang mundo ng mga mortal ay may lagusan patungo sa kanilang mundo.
“Paanong..” halos hindi masambit ni Menendra ang kumpletong tanong nang ang mismong mata ay manlaki sa nakikita. Ang kwento palang iyon ay makatotohanan at hindi gawa-gawa lamang.
“Nakuha ko ito sa aking ina,” sambit ni Chrysiana sa hawak na kwintas. “Isang pamanang hindi ko alam ang katuturan. Isang beses nang ako ay nagmumuni-muni at maligaw sa kagubatan. Aking nasilayan ang pag-ilaw ng kwintas na nakasabit sa aking leeg nang ako ay makatayo sa tapat niyon. Nagsihawian ang mga puno at halaman.. Hanggang nabuksan ang isang lagusan gamit ang kwintas na habilin ng yumaong ina kong hera.”
Parang nagpapalakpakan ang pakpak ng mga ibon sa tainga ni Menendra nang maisip ang pwedeng mangyari kapag napasakamay na niya ang kwintas ni Chrysiana.
Marami ang nanlilibak sa kanya dahil lang sa isang propesiya at isang may maraharlikang-itim na walang maitutulong sa Mirabilandia kung hindi ang mamuksa, maghasik ng lagim at mangwasak ng mga bagay.
Bata pa lamang nga ay puro panghahamak na ang naranasan at natanggap niya, walang kaibigan at walang halos gustong magtiwala liban kay Menendra. Lahat yata ay kinahihiya siya, makita man o makausap. Ang hari at si Chrysiana lamang ang bukod tanging naniwala at nagtiwala sa kakayahan niya.
Napaisip si Menendra. Paano kung pwede niyang baguhin ang kanyang kapalaran sa pamamagitan ng munting lagusan na ito? Paano kung kaya niyang ma-kontrol at mapaikot sa kanyang palad ang buong mundo?
Umangat ang sulok ng labi ni Menendra upang sumilay ang masamang ngisi na hindi nalalaman ni Chrysiana lalo pa at nasa likuran siya nito nakapwesto.
Nabuo ang isang bagay sa isipan niya, ang makuha ang kwintas ni Menendra at mabago ang isinumpang kapalarang mayroon siya.
Pinanood lang ni Menendra ang ginagawa nito. Nagpapanggap na hindi interesado at tinatamnan ang puso na kunwari'y inosente sa nangyayari, ngunit nakapinid sa malikot na kaisipan ang pagbuo ng isang mas malaking plano.
Napatingin si Menendra sa kamay ni Chrysiana na humawak sa braso niya para hilahin ito papasok sa kabilang panid ng nagliliwanag na bilog na lagusan.
Pareho silang hinigop ng lagusang iyon hanggang makarating sila sa tubig. Basa ang kanilang kasuotan at may bilog na liwanang nang kanilang tingalain iyon.
“Sinabi sa akin ni Leandro na ang tawag dito ay balon. Tayo ay nasa loob ng balon. Kung maaari ay huwag tayong magsalita ng katulad ng pagsasalita natin sa ating mundo dahil tayo ay nasa mundo ng mga mortal.”
Manghang napatango na lang si Menendra. Isang paraan upang matuto sa lahat ng mga bagay ay ang magpanggap na mangmang at walang kaalaman sa mga nangyayari sa paligid.
Gamit ang berdeng baging na ginawang lubid ay kumapit doon si Chrysiana para umakyat at makalabas sa sinasabing balon. Hindi naman kalaliman ang balong tinutukoy ni Chrysiana. Dalawa o tatlong diwatanong taas ang katumbas niyon upang marating ang tuktok.
Sumunod din si Menendra nang tuluyang makaakyat si Chrysiana at nakadungaw na lang ang ulo nito para silipin siya sa balong may lamang tubig sa loob.
Pag-ahon ni Menendra mula sa tinukoy nitong balon ay nagigilalas pa rin ang mga mata sa nakikita na parang hindi sila nahiwalay sa Mirabilandia. Nasilayan niya ang iba’t-ibang klase ng punongkahoy, luntiang mga halaman at naggagandahang tanawin na madalas din niyang makita sa kanilang mundo. Ngunit dito ay kakaiba, kahit naroon si Menendra ay kataka-takang hindi man lamang namamatay ang kahit anong mga halaman. Buhay na buhay ang mga iyon na parang hindi gumagana ang kanilang pambihirang katangian at kapangyarihan
Huminto sa paglakad si Chrysiana habang si Menendra ay nakasunod lang sa likuran nito.
“Maaari ko bang malaman kung saan tayo patutungo, Reha?” Reha o salitang prinsesa sa kanilang mundo.
Tumigil naman ito sa paglalakad at sinulyapan siya. “Sa labas ng kagubatan ang usapan namin na katatagpuin ko si Leandro.” Muli itong naglakad at hinabol naman niya.
Pinigilan niya ito sa paglalakad ng tuloy-tuloy at ikinapit ang kamay sa braso nito. “Sandali lamang. May nais akong linawin.”
Tinitigan siya ni Chrysiana, binabasa ang nasa kanyang isipan na pakiwari niya ay nahulaan na nito. “Tama ka sa iyong pantaha, Menendra. Hindi gumagana ang kapangyarihan natin dito sa kanilang mundo. Anong kainaman at mananatili tayong masaya na walang inaalala?”
Napadako ang kamay ni Menendra para takpan ang sariling bibig dahil sa nalaman.
Sa kabila ng natuklasan, ang isipan ni Menendra ay puno ng panghihinayang. Gustong-gusto pa naman niyang magamit ang kanyang kapangyarihan sa kabilang mundo na ito. Mas madali sana ang lahat kung ang angking mahika ay maibabahagi niya sa mundo ng mga mortal.
“Sabi ng aking ina, kaya hindi gumagana ang kapangyarihan nating mga diwatana sa mundo nila ay upang hindi tayo magkasala. Hindi makapanakit at hindi rin tayo mapaparusahan sa ating mundo.” Nakangiting nilapitan ni Chrysiana si Menendra, hawak ang itinaas na dalawang kamay nito. “Hindi ba ay masaya iyon? Wala tayong anumang suliranin. Malaya tayong ipaaalam ang ating sarili.”
Taliwas sa hangarin ni Chrysiana ang tuon ng kaisipan ni Menendra. Puno ng pagkayamot ang mukha at isipan ni Menendra. Mas dadali ang mga bagay, kaayusan o pagkasira kung ang kapangyarihan ng isang diwatano ay gagana sa mundo ng mortal. Hindi kailanman siya magiging masaya kung wala ang mahika lalo na ang kapangyarihang taglay niya.
Walang kangiti-ngiti ang mga mata ni Menendra habang itinutulak ang pagplaster ng pekeng ngiti sa harapan ng reha.
Kailangan niyang makahanap ng paraan—mas madaling paraan upang madala ang kapangyarihan sa mundo ng mortal.
Masasayang ang kaalaman niya sa mahika at paggawa ng gayuma kung hindi iyon magagamit. Pagbalik nga sa Mirabilandia ay gagawa siya ng paraan, unang-una na roon ay ang pagkuha ng kwintas ni Chrysiana. Hindi pwedeng basta na lang niya hingiin iyon. Paniguradong hindi siya nito papayagan. Ang natatanging paraan ay nakawin at linlangin ito.
Nakapako na lang ang tingin ni Menendra nang iwanan na siya ni Chrysiana. Malalim ang halukay ng kanyang isipan kung paano niya magagamit ang kapangyarihan sa mundong ito nang walang makaaalam at hindi rin siya mapaghihinalaan.
Tatakbo-takbong lumulundag at may pasayaw-sayaw habang dinaraanan ng reha ang direksyon sa nais nitong tumbukin. Kumilos na rin si Menendra para habulin ito.
“Sandali lamang, Reha.. Paano tayo makababalik sa ating mundo kung mawala ang kwintas mo?—” Napahinto sa pagtatanong si Menendra nang masilayan ang nakatayo sa harapan nilang dalawa ni Chrysiana.
Nanigas siya sa kinatatayuan nang makita ang malaking bulto ng isang mortal sa kanyang harapan.
Kaakit-akit ang mukha nito habang ang katawan ay nakasuot ng kasuotang hindi pamilyar sa kanya. Kulay puting may mga batong hindi kumikinang ang nakadireksyon paibaba hanggang sa baywang nito, ang pares ay isang itim na kasuotang mahaba at nababalot ang bawat binti.
Hinagod ni Menendra ang kabuuhan ng katawan ng isang lalaking mortal upang mas lalong mabistahan ito. Kakaiba man ang kasuotan nito ay natitiyak niyang malinis ito sa katawan.
Nasasamyo niya ang klase ng halimuyak nito na hindi niya maikukumpara mula sa anumang gayuma o pabango na mayroon siya sa kanyang tahanan. Isang nakaliliyong halimuyak na sa tanang buhay niya ay ngayon lang naamoy.
Hinahagod ng amoy nito ang tungki ng kanyang ilong. Hindi na nga yata maaalis pa iyon hanggang makabalik sila sa kaharian dahil sa karismang hatid ng pabango nito sa kasulok-sulukan ng kanyang pagkatao.
Hindi naman naiiba ang anyo nito sa mga diwatano. Matangkad ito na inabot lang hanggang malapad nitong balikat ang Reha na ngayon ay nakayakap na rito.
Mayroon itong mukhang kaakit-akit na hindi maikukumpara sa kahit sinumang nilalang ng Mirabilandia. Para itong inukit ng isang bathala at ibinaba sa lupa.
Mayroon din naman silang panginoon. Ang natatanging makasisira, makabubuo ng lahat ng bagay sa mundo sa isang pitik ng daliri o kindat ng mata at makababawi sa lahat ng may buhay. Tinatawag nila itong Bathala.
Nanatiling nakatutok ang mga mata ni Menendra sa lalaki, puno ng paghanga na halos kuminang na ang kanyang mata sa isang tanawing hindi maipagkakamali sa paraiso ng Mirabilandia.
Ang makapal nitong kilay na hugis pait at mapang-akit na mahahabang pilik gumagalaw sa tuwing kumikislot ang labi nito. Ang mapanghibok na mga mata na kulay abo na kumikinang tuwing natatamaan ng sikat ng araw. Maumbok na pisngi, at ang mamula-mulang labi na nagsasabi ng pawang katotohanan at kabutihan. Mukha itong mabait at tuwing ngumingiti ay nadadala rin ang mga mata na animo ay kumikislap na mga mamahaling bato sa Mirabilandia.
Ang kulay ng balat ay malapit sa bulak, puting nakasisilaw at hindi pa rin niya nakita sa kahit sinong nilalang ng kanilang mundo. Ito na ba ang tinatawag na mortal? Lahat ba ng mortal ay katulad nito? Kung gayon ay tama ang kanyang kaibigan. Kahit sino nga yatang diwatana ay mabilis mahuhulog ang kalooban, kung ganito ang klase ng nilalang na kanyang matutunghayan sa kabilang mundo. Napakaperpekto na walang bahid-dumi sa katawan.
Ilang beses pang pinaliguan ni Menendra ng tingin ang lalaking nakahawak na sa baywang ng kanilang Reha. Itinapat ni Menendra ang mahabang itim na kuko sa leeg—sa bandang baba nito para bigyan ito ng isang mabangis na babala.
“Huwag na huwag mong hahawakan ang aming reha. Kung ayaw mong dumanak ang iyong dugo sa kinatatayuan mo, nilalang.”
Napamaang ito at lubhang nabigla. Nagpatong-patong ang linya sa noo na tanging iyon lang ang hindi naging kaaya-aya sa kanyang tanawin mula sa maganda nitong mukha. Umatras ang dila ng lalaki nang makita ang talas ng kuko niya na handa ng maitarak sa lalamunan nito.
Kahit gaano kaganda ang kaanyuan nito ay hindi siya mangingiming paslangin ito lalo na kung magiging sagabal ito sa kanilang mundo.