IKA-DALAWAMPU’T SIYAM NA PATAK

1654 Words
WALANG masidlan ng tuwa ang mukha ni Juniel nang sabihing kukunin siya sa construction. Wala silang pakialam sa mukha niya, basta ay sipagan lang niya sa pagtatrabaho. Ibabalita sana niya iyon kay Gwen na itinuring na niyang kaibigan pati sa ina nito ngunit wala sa palengke ang dalawa. Pagdating ni Juniel sa palengke ay sarado ang puwesto ni Aling Sita kaya umuwi na lamang siya. Sa pagkatok niya ay sarado ang pintuan ng bahay at mukhang walang tao. Madilim ang loob ng bahay lalo na nang makarating si Juniel sa sala. “Aling Sita! Gwen!” Sa pagkakaalala niya ay walang pasok si Gwen sa klase nito ngunit bakit parang walang tao? Hindi naman siya puwedeng magbukas ng pintuan ng kwarto ng mga ito. Sa sala siya natutulog at itinatayo lamang niya patagilig ang sofa para magkasya siya sa sahig saka niya nilalatagan ng banig. “Surprise!” Napalingon si Juniel sa boses na iyon ni Gwen, kasunod ang pagbaga ng liwanag sa sala. “Happy birthday to you… Happy birthday, happy birthday… Happy birthday to you.” “Happy birthday, Juniel anak,” sabi ni Aling Sita na anak na rin ang turing sa kanya. Hindi napigilan ni Juniel ang hindi maiyak. Agad niyang pinunasan ang sulok ng kanyang mata nang mahuli ni Gwen ang pagtutubig niyon. “Na-touch ka, ano?” tanong nito habang bitbit ang isang cupcake. “Sorry na, ito lang ang nakayanan namin. Pero nagluto kami ng instant pansit saka may buns din at ang favorite mong cola.” Isang nakaraan ang pumasok sa isipan ni Juniel. Noon, tuwing birthday niya ay si Mother Superior lang ang matiyagang naghahanda para sa kanya. Nilulutuan siya palagi ng paborito niyang instant noodles saka isang maliit na bote ng cola. Ngayon ay iba na ang gumagawa niyon para sa kanya. “Paano ninyo nalamang birthday ko ngayon?” pagtataka ni Juniel. Hindi niya naalala na nagpagawa siya ng resume kay Gwen at nakita nito ang birthday niya. “Hipan mo na kaya muna itong maliit na kandila. Malapit nang matusta ang cupcake,” sabay nguso na sabi ni Gwen na bitbit pa rin ang cupcake. Humarap si Juniel kay Gwen saka ipinikit ang mga mata. ‘Ang tanging hiling ko ay ang gabayan ng panginoon ang pamilyang ito, magkaayos ang ama at anak pati ang ama at ina.’ Matapos ang hiling ni Juniel ay idinilat na rin ang mga mata saka umihip sa nakasinding maliit na kandila at mabilis din iyong namatay. “Iyon na ‘yon?” takang tanong ni Gwen. “Bakit mo ba siya pinakikialaman? Hiling niya iyon, hayaan mo na siya,” saway ni Aling Sita sa anak. Umirap si Gwen. “If I know, para na naman sa ibang tao ang hiniling niyan.” Kilalang-kilala talaga siya ni Gwen. Alam na alam nito ang ugali at ang asal niya. “Kaunti na lang talaga, Jun, magiging St. Juniel ka na.” Hindi na napigilan ni Juniel ang matawa sa sinabi nito. Napahalakhak siya sa sinabi nito. “Huwag mo na ngang pansinin iyan si Gwen. Kumain na tayo,” alok na lang ni Aling Sita na nagpatiuna nang maupo. Nauna sa hapag si Gwen habang siya ay nakangiti na naiwang nakatayo sa sala. Pakiramdan niya ay nagkaroon siya ng bago at masayang pamilya. Nagkaroon siya ng nakababatang kapatid, kahit isang taon lang naman ang pagitan nilang dalawa. Masaya siya sa piling ng mga ito. Ang mga simpleng bagay ay hindi nakalilimutan ng mga ito. Pinahahalagahan siya at hindi siya itinuturing na iba kahit pa sabihing pangit siya. Ang pangarap na pamilyang sana ay totoo. Sana ay sila na lamang ang kanyang pamilya. Ama na lamang ang kulang. Lumapit sa kanya si Aling Sita na napansin ang pagtahimik niya. “Anong problema, Jun?” Umiling si Juniel. “Wala naman po. Natutuwa lamang po ako na sa pamilyang ito ako napunta.” Ngumiti si Aling Sita. “Ako rin natutuwa. Dahil nagkaroon ako ng additional na anak at nagkaroon ng kuya si Gwen. Masaya akong nakilala ka rin namin.” Biglang sumingit sa kanila si Gwen, pumagitna at inakbayan silang dalawa. “Parang narinig ko ang pangalan ko ah. Pinag-uusapan n’yo ba ako ha?” Tatawa-tawang sabi ni Gwen na nakatingin sa kanya. Napatitig si Juniel sa mga mata ni Gwen. Ngayon lang niya napansing kapag natatawa ito ay nakararating sa mga mata nito na parang tumatawa rin. Biglang nailang itong humiwalay sa kanya saka niyakap na lamang ang ina. “Kain na po tayo, inay. J-Juniel…” Pagdating sa hapag ay pinagsaluhan nila ang dalawang supot ng nilutong instant pansit canton na pinalaman sa buns bread. “Ganito ang ginagawa ko sa tinapay, Juniel.” Ipinakita ni Gwen ang tinapay. Kumuha ng kapiraso at sinawsaw sa tasang may lamang cola. “Ano nang lasa niyan?” “Try mo. Masarap kaya.” Pinahinto ni Aling Sita si Gwen. “Ikaw, puro ka kalokohan. Kumain na lang tayo nang maayos.” NAGTULOY-TULOY ang trabaho ni Juniel sa construction. Kahit hindi boss o head niya ay sinusunod niya para na lamang walang gulo. Ayaw ni Juniel na magkaroon ng kaaway sa trabaho lalo pa at buong kita niya sa isang linggo ay napupunta kay Gwen. Iniaabot niya iyon kay Aling Sita para ito na ang bahalang mag-budget para kay Gwen. Itinago ni Juniel na buo ang ibinibigay niyang kita. Alam kasi niyang tatanggi si Gwen at ayaw nito na kinakapos siya sa pinansyal. Hindi naman niya kakailanganin iyon lalo na at may bahay, nakakakain at nakatutulog naman siya nang maayos. Pinababaunan pa nga siya ni Aling Sita para sa kanyang tanghalian. Gusto sana nga niyang mag-stay in sa construction ngunit nagkasundo raw ang mga ito na huwag siyang payagan dahil baka nakahahawa ang kanyang kapangitan. Insulto, ngunit tinanggap na lamang niya ang lahat ng panlalait sa kanya. Wala namang mababago kung papatulan niya, pangit pa rin naman siya kahit makipag-away siya o ipagtanggol ang sarili. Bakit pa siya makikipag-away o ipagtatanggol ang sarili kung totoo naman lahat ng sinasabi sa kanya? Natuto na siya na magpaka-taingang-kawali na lamang. Bingi-bingihan sa lahat ng mga sinasabi sa kanya at magpanggap na parang walang nangyari. Pagtapos ng siyam na oras niyang trabaho ay umuuwi na rin siya na nilalakad lamang niya. Kaya nasanay na siyang maaga ang gising para sa trabahong iyon. Mahirap, nakapapagod, mainit at mabigat ang ibang mga trabaho na kinakailangan niyang tanggapin dahil iyon lang ang kaya mula sa kanyang tinapos. Naalala tuloy niya ang sinabi ni Gwen kung bakit ayaw nitong magpatuloy sa pag-aaral, dahil mas kinakailangan ng tao ngayon ay ang magtrabaho para magkapera. Dahil din sa mga panlalait ay palagi siyang nakasuot ng mask o kaya cap para takpan ang kanyang kapangitan. Minsan na rin kasing may kamuntik mahulog mula sa five storey building na ginagawa nila dahil lumingon lamang at siya ang nakita. Hindi rin niya iyon nagustuhan, lalo na kapag may napahamak nang dahil sa kapangitan niya o kagagawan niya. Hindi nga niya akalaing ang pagiging pangit ay magreresulta sa kapahamakan ng iba. Tapos na rin sa wakas ang duty niya at ngayon ay Biyernes para sa sahuran. Linggo lamang siya walang pasok ngunit dahil pinayagan siya ng kanilang Area Manager para mag-duty ng Linggo as overtime ay pumapasok na rin siya. Doble ang kitang kinakailangan niya para sa pagpapaara kay Gwen. Sa murang edad, pakiramdam ni Juniel ay may kapatid siyang pinaaaral. Isang taon lang naman ang kontrata ni Juniel sa construction. Mahirap ngunit pinipilit na lamang niya hanggang matapos. May mga sandaling kinakailangang sumabit, umakyat sa taas para lang mag-abot ng mga mabibigat na materyales. May mga sandaling sobrang bigat ng mga binubuhat niya na kinakailangan ng dalawa o apat na katao para buhatin iyon. Ngunit pagsapit ng Biyernes at natanggap na niya ang sweldo ay sulit na sulit iyon lalo pa at in cash. May sandaling dumadaan siya sa bilihan ng manok para bumili ng litsong manok o litsong liempo. Treat niya iyon sa mag-inang tinanggap at minahal siya. Baka hindi na nga niya hanapin ang sariling pamilya dahil sa mag-inang ibinigay sa kanya ang pag-aaruga at kahalagahan. Nagmamadaling umuwi si Juniel. Malalaking hakbang ang paglalakad niya na halos takbuhin na ang kalsada at nakikipag-unahan sa mga jeep o sasakyan na dumaraan para lamang maabutan ang may bukas pang tindahan ng paborito nilang litson manok. Pasado alas diyes na kasi at nagsasara iyon ng alas diyes. Halos lundagin ni Juniel ang puwesto sa harapan ng tindero nang makitang nagsisimula na itong magligpit. “Baka po puwede pang humabol?” tanong ni Juniel na hindi ibinababa ang face mask. “Naku, boss, late ka na. Napaubos na namin ang manok. Wala na ho eh. Balik na lang kayo bukas.” Napatalikod na lamang siya na bagsak ang mga balikat. Dapat ay hindi na niya tinanggap ang utos ng kapwa niya kasamahang trabahador, umabot pa sana siya. Nagpatuloy na naglakad na lang si Juniel. Nakayuko ang ulo habang nakatingin lamang sa kalsadang kanyang nilalakaran. Hindi tuloy niya alam kung may ulam sa bahay. Nagtitinda pa rin ng isda sa palengke si Aling Sita ngunit hindi na ganoon kahabang pagtitinda sa isang araw. Hanggang alaskwatro na lamang ito ng hapon. Siya ang may kagustuhan niyon, dahil ayaw niyang mahirapan pa si Aling Sita lalo na at may trabaho na siya. Gusto nga rin nito na tawagin itong Nanay Sita at hindi Aling Sita dahil napamahal na raw siya rito. Mula ng birthday nga niya ay Nanay Sita na ang tawag niya. Malaki na raw ang tiwala nito sa kanya at buong parte na siya ng pamilya na itinuturing siyang anak at kapatid ni Gwen. Pagdating niya sa bahay ay pagod na inupo ni Juniel ang sarili sa sofa. Napaangat pa ang kanyang puwitan nang maramdamang may naupuan siya. Tulog na ang mag-ina dahil gabi na rin masyado. Nang tingnan niya iyon ay mangha siyang napangiti lalo na nang mabasa ang kanyang pangalang nakalagay roon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD