IKA-DALAWAMPU'T WALONG PATAK

1694 Words
ALAM ni Juniel na hindi basta-basta nag-o-open up sa kanya si Gwen. Nais nga rin sana niyang tanungin kung bakit wala itong ama ngunit tila lagi nitong iniiwas ang topic na iyon at madalas na nag-iiba ito ng paksa. Sa pananatili ni Juniel sa bahay ng mag-ina ay tumutulong na rin siya sa mga gawaing bahay at pagtuturo sa ilang mga aralin ni Gwen. Iyon ang ipinalit ni Juniel sa kanyang pagtira doon. Malaki ang naging utang na loob ni Juniel sa mag-ina na hinayaan siyang makatira kaya lalo rin siyang nagsumikap sa pagtatrabaho. Hanggang isang unos ang dumating sa kanila. Madalas niyang napapansing nahihilo ang ina ni Gwen ngunit palagi lamang nitong iniiwas kapag nagtatanong. Ngayon nga sa palengke ay halos isang oras na itong nakaupo sa gilid. Kung hindi lamang sa cap na suot niya upang maitago ang mukha ay baka hindi siya pagbilhan ng mga customer at kumaripas ng takbo kapag nakita ang kanyang mukha. “Salamat Juniel. Hulog ka talaga sa amin ng langit.” Hirap itong magsalita na parang hapong-hapo. Hindi naman kainitan ngunit butil-butil na ang pawis sa noo nito. Bahagyang umaalon din ang dibdib nito na halatang nahihirapan sa paghinga. Dinampot ni Juniel ang pamaypay na karton na madalas gamitin nito. Sinumulan na niya iyong iugoy, pataas at pababa para mabigyan ito ng hangin. “Okay na ho ba ang pakiramdam ninyo?” Naupo si Juniel sa tabi nito, naka-petal position ngunit lapat ang dalawang paang nakasuporta sa kanyang bigat. Tinungga nito ang tubig sa mineral water na binili niya sa labas. Naubusan kasi sila ng tubig. “Medyo nahilo lang ako,” dahilan nito kahit alam niyang may iniinda itong karamdaman. Kung ano man iyon, sana ay hindi naman malala. “Huwag mo na sana itong banggitin pa kay Gwen. Hindi naman malala, nainitan lang ako. Alam mo naman, summer na.” Tinanggap ni Juniel ang dahilang iyon ni Aling Sita. Nang makauwi sila ay wala siyang binanggit kay Gwen. Baka nga nagsasabi ito ng totoo na dala lang ng init ng panahon iyon. Kahit alam ni Juniel na pangit siya ay hindi naman iyon naging dahilan para mamuhay siya sa poder ng mag-ina. Tanging ang mag-ina lamang kasi ang hindi nanlait sa kanya. Naiintindihan ni Aling Sita na hindi kagandahan ang nag-iisa nitong anak na babae, medyo maputi sana ito, ngunit puno rin ng taghiyawat ang mukha na palagi nitong pinagti-tripan para tirisin. Natatawa na nga lang din siya kapag pinipigilan niya ito. Dahil ang katwiran nito ay para pareho sila at wala ng manlait sa kanya. Sa bawat araw ay napalitan ng paglipas ng linggo at buwan. Dumating ang pagkakataong nag-enrol sa municipal university si Gwen at nasa unang taon na. Hotel and Restaurant ang kinukuha nitong kurso. Hilig ni Gwen ang paggawa ng mga kape at papasa itong barista kaya iyon na rin ang kinuha nito. Ngunit ang mga gastos ay hindi basta-basta. At upang makatulong kay Gwen ay nag-apply si Juniel ng ibang trabaho. Ang barya-barya kasing kinikita niya sa pagiging kargador ay hindi na kakayanin para sa nais niyang pagsuporta kay Gwen. “Inay, kung huminto na lang kaya muna ako sa pag-aaral,” sabi ni Gwen sa ina. Nasa loob ng kwarto ang mag-ina at patulog na ng gabing iyon nang maalimpungatan siya at hindi sinasadya ang narinig. “Bakit ka hihinto? Pangarap mong makapagtrabaho sa hotel, hindi ba?” Nais pa sana ni Juniel na ilapit ang tainga sa nakalapat na pintuan ngunit hindi naman niya ugaling makinig sa usapan. “Ngunit paano ako makatatapos kung wala tayong pera? Bakit hindi natin lapitan ang tatay ko. Sabi ninyo mayaman siya.” “Iyan ang huwag na huwag mong gagawin, Gwen. Kaya hindi ko pinagamit sa iyo ang apelyedo niya ay dahil ayaw kong lapitan mo siya at humingi ka pa ng tulong sa kanya. Makatatapos ka ng pag-aaral, tandaan mo iyan. Hindi natin kailangan ang iresponsable mong ama na iniwan tayo dahil sa isang kasinungalingan,” puno ng galit na sabi nito kay Gwen na hindi na matago ang kinikimkim na sama ng loob. “Kung bakit kasi kailangan pa nating maging mahirap.” “Kalimutan mo na na mayroon kang ama, Gwen. Hindi siya ang taong hahanapin tayo. Dahil kung hahanapin niya tayo, matagal na sana niyang ginawa.” Agad nahigang muli si Juniel nang maramdamang may lalabas ng pintuan. Ipinikit niya ang mga mata at halos pigil ang paghingang hindi mapansin na gising siya at nakikinig. Ngayon ay maliwanag na kay Juniel kung bakit wala sa mga ito ang nais banggitin ang tungkol sa ama ng dalaga, iyon ay dahil sa hindi magandang alaala na naiwan ng ama sa kanilang mag-ina. Nang maramdaman ni Juniel na bumalik na muli sa kwarto si Aling Sita ay tuluyan na siyang bumangon para kumuha rin ng tubig kagaya ng ginawa nito. Kinakailangan na talaga niyang magtrabaho para makatulong kay Gwen. Iyon na lamang ang paraan upang mabayaran niya ang kabaitan ng mga ito.   INILAGAY ni Gwen sa isang folder ang naimprentang resume na ginawa niya para kay Juniel. Nasabi nito kahapon na gusto nitong magtrabaho bilang janitor o sa isang construction ngunit hindi nito alam ang dapat ipasa. “Sa wakas, natapos din kita.” Nakalimutan ni Gwen na ibinilin ni Juniel na huwag niyang kamutin ang mga pimples niya sa mukha at ngayon ay nagawi na naman doon ang kanyang mga kuko para magkamot. Pagaling na ang iba kaya lalong makati. Narinig niyang may umubo sa likuran niya na halos nagpatalon sa kanya sa kinatatayuan. “Ay kabayong palaka! Bakit ka ba nanggugulat?” “Ginagabi ka yata.” Naglakad ito patungo sa harapan niya. “G-Ginawa ko lang kasi ito.” Iniabot niya ang folder. Tinanggap naman ni Juniel ang binigay niya. “Ano ito?” “Buksan mo.” Ginawa ni Juniel ang sinabi niya. Pagkabigla ang bumaha sa mukha ng binata nang mabasa ang nakasulat. “K-Kailan mo ito ginawa?” “Iyan ang dahilan kung bakit ako ginabi.” Bilang pasasalamat ay niyakap siya nito. Nabigla si Gwen sa ginawang iyon ni Juniel. Dumagundong nang mabilis ang kanyang dibdib. Iyon ang unang beses na may lalaking yumakap—nakayakap sa kanya. “Salamat, Gwen! Malaking bagay ito para maka-apply ako.” Parang nalula si Gwen sa klase ng ngiti na ibinigay sa kanya ni Juniel. Bakit parang nagbago yata ang mga ngiti ng binata sa kanya? Hindi naman ito ang unang beses na ngumiti ito. Palangiti si Juniel, kahit sabihin pang pangit ang hitsura ng mukha o balat nito o madalas itong laitin ay hindi niya nakitaang napikon ito, gumanti o kahit nga ang napagod. Tuloy-tuloy pa rin ito sa buhay. Kaya nga suportado niya ito. Nagpapapangit din siya para hindi nito maramdamang mag-isa. Mula sa kakaibang kiliti na naramdaman niya sa kaibuturan ng kanyang puso ay sinubukan ni Gwen na ibahin ang kakatwang pakiramdam. “Alam na ba ni inay na mag-a-apply ka sa construction?” Nabanggit niya rito kanina bago siya tumungo ng school na may apply-an sa malapit at puwede itong pumunta. Kaunti lang naman ang kinakailangang mga requirements. “Hindi pa nga. Pero alam ko namang maiintindihan ni Aling Sita.” Tumabi ito sa kanya. Lumukso ang puso ni Gwen nang magdaiti ang mga balat nila. “Ah, oo naman. S-Sige, papasok na ako sa loob.” Dumiretso sa kwarto sa banyo si Gwen, kapit ang sariling dibdib na hindi humihinto sa paglagabog ang puso sa loob ng kanyang katawan. ‘Ano ba ito? Bakit hindi humihinto ang t***k ng puso ko? Palagi naman siyang ganoon sa akin, ngunit bakit parang kaiba ngayon?’ Hindi rin maunawaan ni Gwen ang sarili. Tumapat siya sa drum at inilublob ang sariling mukha. Ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang pisngi. Naninikip din ang kanyang dibdib na parang nais niyong kumawala. Nang iangat ni Gwen ang mukha ay agad niyang iniling ang sariling ulo. ‘Magtigil ka, Gwen! Kaibigan mo siya. Kaibigan. Iyon lang ‘yon,’ saway pa niya sa sarili. Ipinasok na lamang ni Gwen sa sariling isipan ang nabasa niyang kapanganakan ni Juniel. Birthday na pala ni Juniel sa sunod araw at hindi man lang ito nagsasabi. Simula ng araw na nagsabi ito tungkol sa ampunan ay hindi na nito dinagdagan pa ang pagkukwento sa kanya. Bihira na rin itong magkwento. Alam niyang kasalanan niya iyon dahil hinusgahan niya ito at kung anu-ano ang sinabi niyang masasama noong unang beses na nakatuntong ito sa kanilang bahay. Pero, halos isang taon na ang nakalilipas at sanay na ito sa ugali niya. Ganoon din naman siya sa ugali nito. In fact, best friend na nga ang turing niya sa binata. Nagkukwento siya rito nang kung anu-anong mga bagay, nagsasabi rin siya ng mga bagay na hindi niya gusto o kahit sama ng kanyang loob. Nagsimula na rin siyang magtiwala sa binata. Seventeen na rin siya at next year ay eighteen na siya, si Juniel naman ay eighteen na sa sunod araw. “Gwen, matagal ka pa ba sa banyo?” Parang tumalon na naman ang kanyang puso nang marinig ang boses ni Juniel at ang marahan nitong pagkatok. “O-Oo. Lalabas na ako.” Itinulak niya ang pinto dahil sa pagkataranta at hindi niya napansing doon pala eksaktong nakatayo si Juniel. Ang ending ay natamaan niya ito ng pinto, sapul sa mukha nito. Bahagyang tumabingi ang pisngi ni Juniel nang tamaan ang kaliwang mukha at namula iyon. Napatakip sa sariling bibig si Gwen. “Ay, sorry!” At agad nag-inspection sa mukha ni Juniel. Pangit na nga ang mukha ay parang lalo pang pumangit nang tamaan niya sa pagbukas ng pintuan. “Hala! Sorry talaga.” Hahawakan sana ni Gwen ang mukha ni Juniel na nasaktan nang bigla itong umiwas. “Hayaan mo na. Sige na, magpalit ka na ng damit at magpahinga. Tulog na si Aling Sita. Nga pala, may pagkain sa mesa, niluto ko. Kumain ka na lang.” Parang gusto niyang makonsensya sa nagawa nang makita niyang tabingi na nga talaga ang mukha nito na animo ay isang drawing o anime sa palabas. Pinigil na lamang ni Gwen ang pagbungisngis ng tawa at baka magising pa si Aling Sita at pareho silang mapagalitan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD