IKA-TATLUMPUNG PATAK

1696 Words
LUMAWAK ang mga ngiti ni Juniel nang makilala ang sulat kamay na iyon na nakasulat sa card. Walang iba kung hindi galing kay Gwen. Nagregalo ito sa kanya na dapat marahil ay noon pa naibigay ngunit dahil nahihiya ito ay hindi nito maibigay-bigay. “Gwen talaga..” Binuksan na niya ang regalong iyon sa pulang balot. Binaklas at pinunot niya iyon hanggang lumitaw ang isang kulay itim na leather. Isa iyong wallet na nakatiklop at angkop lang sa bulsa ng kanyang pantalon. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nakatikim ng regalo. Sa ampunan naman kasi ay hindi pa siya nabibigyan ng mother superiora dahil madalas ay ito ang palaging taya sa paghahanda tuwing birthday niya. Tinitigan niya iyong mabuti na parang malulusaw iyon anumang oras kung makukurap ang kanyang mga mata. Inilapit niya sa ilong saka inamoy. Mukha namang leather. Ngunit saan kaya kumuha ng pera si Gwen? Napailing na lamang si Juniel saka dumiretso na sa banyo para maglinis ng katawan. Nais niyang kapag si Gwen naman ay sumapit din ang kaarawan ay may maibigay rin siya sa dalaga. Dahil halos araw-araw nang pumapasok sa trabaho si Juniel ay wala na nga talaga siyang pahinga sa pagtatrabaho. Bihira na nga lang din niyang makita ang mag-ina. Ngunit alam ni Juniel na sulit naman ang pagod niya sa lahat. Malaman lang niyang makapagtapos si Gwen ay masayang-masaya na siya. Si Gwen at ang ina nito ang naging rason para magpatuloy sa buhay at mangarap. Nang makarating si Juniel sa barracks, tulog pa ang mga kasamahan. Magkakape na lang muna siya at pandesal. Kinakailangan niyang magtipid-tipid muna. Walang mahirap na trabaho kaya kahit mabibigat ang mga trabahong binibigay sa kanya ng mga kapwa kasamahan ay hindi niya iyon inaalintana. Nang sumapit ang alas otso ay oras na ng trabaho nila. Palabas na nga siya ng barracks nang may kumalabit sa kanyang kapwa kasamahan sa construction. “Akala ko, ‘Toy, ikaw lang ang pangit sa mundo. Akalain mong may kapares ka pala,” sabi nito na tumatawa-tawa pa. “May naghahanap sa iyo. Gwen daw ang pangalan.” Umiling-iling pa ang kasamahan bago siya iniwan. Agad na tinakbo niya ang labas dahil maraming mga falling debris sa sight at baka mapano si Gwen. “Juniel!” nakangiting sigaw ni Gwen habang kumakaway. “Bakit narito ka?” takang tanong niya sa kaibigan. “Nagluto si inay ng paborito mong kare-kare.” Iniabot ni Gwen ang supot ng ulam na may kasama na ring kanin. “ Mabusisi kasi iyan kaya hindi ko magawa-gawa. Pero alam mo namang magaling si inay sa pagluluto niyan nang mano-mano.”  Malugod na tinanggap ni Juniel ang iniabot nito. “Salamat dito. Sige na, umuwi ka na. Mahirap na at baka mapano ka pa rito.” “Oo, aalis na rin ako. Ingat ka sa trabaho mo ha.” Tumalikod na rin ito. Nagpatuloy siya sa paglalakad patungo sa trabaho. Pagsapit ng tanghalian ay roon lang nakain ni Juniel ang baon niya na inihatid pa talaga ni Gwen para sa kanya. Napakawerte nga talaga niya sa mag-ina na iyon. Palagi niyang isinasama sa dasal ang mag-ina dahil sa kabutihan para sa kanya. Kaya nais din niyang gantihan ng kabutihan ang mga ito. Patapos na rin si Juniel sa pagsasalansang ng mga bakal sa ikalawang palapag nang muli siyang tawagin ng kasamahan na wala yatang balak magtrabaho at ang nais lamang ay utos-utusan siya kahit hindi naman ito ang kanilang project manager or area manager. Hindi rin ito engineer pero kung mag-utos ito ay mas masahol pa sa mga boss. “Yes, sir,” sabi niya rito na iniwan pa ang pagsasalansang ng mga bakal para lang puntahan ito. “Iabot mo iyong timba na iyon sa dulo. Wala ng magli-lift kaya ikaw na ang kumuha,” walang pakundangang utos nito sa kanya. Umasim ang mukha ni Juniel dahil halatang nais lang siya nitong pahirapan. Mabuti na lamang at may face mask siya kaya hindi naman nito nakikita ang lahat ng expression ng kanyang mukha. Nang hindi agad siya kumilos ay inungisan siya nito. “Ano? Ano pang hinihintay mo? Pasko? Kilos na! Bago pa kita masipa para kunin iyon.” Napailing na lamang siya sa pagtrato nito sa kanya. Wala naman siyang ginagawang masama rito, ngunit simula nang pumasok siya sa trabaho niyang iyon ay wala itong ibang inatupag kung hindi ang utusan at pahirapan siya na animo ay ito ang amo niyang dapat sundin. Kapag naman hindi niya nagagawa ang mga utos nito o nakukumpirmiso ay binabatukan, sinisinghalan o kaya ay hinahampas siya nito. Hindi na lang niya magawang patulan dahil mas matanda ito sa kanya at una itong nagtrabaho kaysa sa kanya sa construction na iyon. Gusto na rin niyang makalipat ng ibang trabaho, matapos lamang ang project na iyon ay baka hindi na siya magpatuloy pa sa panibagong project. Kumilos na rin siya at baka mabatukan o mapagalitan siya ng nagpapanggap na boss. Lumapit siya sa malaking siwang na hindi pa nabubuo at open space pa iyon. Ngunit hindi niya iyon maabot nang iumang niya ang kanyang kamay. Sa kapipilit niyang maabot iyon ay hindi niya namalayang gumuhit ang nakausling bakal sa kanyang tagiliran na naglikha ng sugat. Napaigik si Juniel sa sakit, kapit ang tagilirang nasaktan ay inabot niya ang baldeng lata sa lalaking katrabaho. “I-Ito na ho ang pinakukuha ninyo.”   IYON ang unang beses na parang gusto niyang gantihan ito at sapakin matapos nitong sabihing, hindi na pala kailangan. Nasugatan siya, nag-effort para lamang kunin ang baldeng iyon. Ang masaklap pa ay ipinababalik nito ang balde na parang pinagti-trip-an talaga siya habang tumatawa-tawa. Gagawin na nga sana niya nang bigla itong sumingit. “Uto-uto ang ga.go!” Sabay tawa na naman nito nang nakaaasar. Napapikit na lamang sa inis si Juniel habang nakahawak pa rin sa tagilirang nasaktan. Ilang sandali rin ay napakunot ang noo ni Juniel nang mawala ang kirot. Nagmarka pa nga ang bahid ng dugo sa kanyang tagiliran ngunit wala na siyang maramdamang sakit. Dahan-dahang iniangat ni Juniel ang damit upang silipin ang nagdurugong tagiliran at kung bakit hindi na iyon kumikirot. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata niya nang makitang wala ng sugat, kahit napunit ang damit niya dahil sigurado siyang tumama siya sa matulis na bahaging iyon at may dugo pang lumabas. ‘Namamalikmata lamang ba ako?’ nagtataka pang tanong ng kanyang isipan. Baka nga nagugutom na siya kaya pinaglalaruan na siya ng kanyang imahinasyon. Isinawalang bahala na lamang ni Juniel ang kakatwang nangyayaring iyon. Wala siyang kamalay-malay na higit pa roon ang puwedeng ibahagi sa kanya ng kanyang katawan. Walang ibang pinagsabihan si Juniel sa nangyari sa kanya. Inilihim pa nga niya sa mga kapwa kasamahan kahit may nakapansin na ng bakas ng kanyang dugo at pagkapunit. Nagdahilan pa siya na natapunan ng pintura kahit wala namang kulay pulang pintura mayroon ang site. Pagdating sa bahay ay agad siyang nagpalit ng damit. Iilang pirasong damit lang naman mayroon siya na ibinili sa kanya ni Aling Sita at ilang ding kapares kasama ang nabili niyang isang dosenang undergarment. Sa lahat ng iyon ay masasabi na ni Juniel na maswerte na siya sa buhay. Hindi man mamahalin at least ay mayroon, kumpara noong walang-wala siya at nasa kalsada lang. Hindi na siya nag-check kung gising pa ang mga ito dahil nasa sarili ng kwarto ang mag-ina. Lumapit na lamang si Juniel sa hapag matapos makapagpalit. May nakatakip doong natirang kare-kare at isang hiwang isda. Sumasagi pa rin sa isipan ni Juniel ang kakaibang nangyari sa kanya habang siya ay kumakain. Kahit nga kina Aling Sita o kay Gwen ay wala siyang pinagsabihan. Dahil tiyak ay iisipin ng mga ito na baka namaligno siya nang kusang naghilom ang kanyang sugat na wala ni anumang bakas. Idinidiin na lamang ni Juniel sa kanyang isipan na baka nagkamali lamang siya o nag-ilusyon dahil nga siya ay gutom na. Hindi lang pala isang beses na magaganap kay Juniel ang nangyaring iyon. Dahil tuwing magkakasugat siya ay kusa na lamang iyong naghihilom. Kitang-kita pa niyang kusang naghilom ang mga iyon nang magdikit ang mga balat at ultimo peklat ay walang bakas. Malapit na tuloy siyang magtaka kung normal ba ang nangyayaring iyon sa kanya o baka nga namamaligno siya. Ngunit hindi naman siya nilalagnat para isipin niyang namamaligno siya o kinukulam. Madalas nga ay siya pa ang asarin na maligno. Dahil din kasi sa pagtatrabaho sa constuction, ang moreno niyang balat ay lalong nangitim, kaya madalas ay halos kinatatakutan na siya lalo na kung naglalakad siya sa dilim. Ilang beses naganap kay Juniel ang nangyari at iniisip na lang ding isa iyong regalo sa kanya. Ngunit wala pa rin siyang ibang pinagsasabihan. Baka kumaripos ng takbo ang mga pagsabihan niya o kaya ay isumpa siya at masabihang malas. Isang taon din ang inilagi ni Juniel sa construction. Hindi nabawasan ang kanyang timbang ngunit hindi rin naman nadagdagan, ramdam pa nga niya na parang lalong lumaki ang mga muscles niya kabubuhat ng mga mabibigat na materyales sa construction site. Si Gwen naman ay second year college na at ang mga naiipon ng ina nito ay nalalaan sa pag-aaral nito hanggang makatapos lamang ito sa kolehiyo. Sa pagpalit din ng mga buwan ay ang paglapit ng kaarawan ni Gwen. Upang makabawi si Juniel ay nag-iisip na rin siya ng regalo para sa eighteenth birthday ng dalaga. Wala siyang gaanong ideya sa mga bagay na gusto ng mga babae kaya hindi siya sigurado kung ano ang dapat bilhin. Sa katunayan ay nasa isang mall si Juniel. Nag-half day siya na dapat ay day off niya. Suot pa rin niya ang face mask para hindi siya pandirihan o katakutan dahil sa pangit niyang mukha. Habang naglalakad ay napatingin si Juniel sa mga estante ng pabango. “Hi, sir! Bili na po kayo ng pabango para sa jowa, ina o kapatid ninyong babae. Mabango po siya at hindi kayo magsisisi. Tumatagal ang amoy at kung mayroon kayong lagayan ay pwede kayong maka-refill…” sigaw nito sa mga dumaraan na kalalakihan. Napaisip si Juniel. Wala siyang ideya sa presyo ngunit gusto niyang subukan, baka sakaling magustuhan ni Gwen ang amoy kahit hindi siya tiyak sa brand na gusto nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD