SOBRANG nagpupuyos ang pakiramdam ni Bella nang makabalik siya sa Montejero’s mansion.
Malay ba niya na sa araw na iyon ay magkukrus ang landas nila ni Geo Ladjasali. Of course, kahit hindi na niya i-research pa ang pangalan nito ay alam na niya kung sino ito.
Gusto niyang magpakabait na rito sa susunod na pagkikita sana nila. Pero kung bakit hindi nangyari ang gusto niya dahil sa kaarogantehan nito. Literal na gumanti ito sa pagiging atribida niya noong unang beses silang nagkita ni Geo Ladjasali sa UHB Leisure Club.
“Ni hindi man lang ako hinintay na makapagsalita. How could him?” she hissed.
“Are you okay?”
Napatingin si Bella sa kaniyang Uncle Kaizen. Kaedad lang niya ito, twenty-two. Wala ring tulak-kabigin ang kaguwapuhan. Palibhasa, isang Montejero. Napabuga siya ng hangin sa kaniyang bibig.
“I’m fine,” sabi na lamang niya at baka makarating pa sa kaniyang mga Tiyuhing makukulit ang naging encounter nila ni Geo.
“Are you sure? Hindi maipinta ‘yang mukha mo, Bella.”
“Uncle Kaizen, okay lang ako. Sshh!” pigil pa niya sa akma nitong pagsasalita sana. Kapag kuwan ay nagpaalam na siya rito at dumiretso na muna sa kinaroroonan ng kaniyang silid sa second floor.
Napapantastikuhan na lamang na nasundan siya ni Kaizen ng tingin. Kapag kuwan ay naiiling na dumiretso na lamang sa kusina.
Papasok na sana siya sa guestroom na siyang gamit niya nang makita naman siya ni Aniah.
“Ang bilis mo namang umuwi,” palatak pa nito na nilapitan siya.
Hindi muna itinuloy ni Bella ang pagpasok sa binuksang pinto ng guestroom at ipinasya munang harapin si Aniah.
“Napagod na agad ako kaya umuwi na ako rito,” dahilan na lamang niya.
“I told you, treadmill na lamang ang gamitin mo. Ganoon din naman ‘yon. Ang kaibahan lamang wala kang makikitang UHB Men. Unless, puwede mo ng pagtiyagaan ang mga Kuya ko.”
Sumimangot siya. “Umay na ako sa mukha nila,” aniya na ikinatawa pa ni Aniah. “Magpapalit muna ako.”
“Okay.”
Nang makapasok sa loob ng silid ay isinara na muna niya ang pinto at ni-lock. Sa kama ay pabagsak pa siyang humiga.
Napatitig siya sa kisame.
Mukha agad ni Geo Ladjasali ang lumarawan sa kaniyang isipan. Napasimangot tuloy si Bella nang ang kaarogantehan agad ni Geo ang isa sa maisip niya.
“Mamamatay akong hindi mag-so-sorry sa iyo, Geo Arogante Ladjasali.”
Mariin siyang pumikit.
“Arogante,” anas pa niya. “Guwapo ka nga pero hindi ko ma-appreciate. Sayang lang. Hindi bagay sa pagmumukha mo ang ugali mo. Sa halip na matuwa ako sa iyo dahil kapatid ka ni Jamil, salamat na lang.”
Bumangon na si Bella at dumiretso na muna sa banyo.
DAHIL MAINIT PA RIN ang ulo ni Bella, kaya naman nagpasama pa siya kay Kaizen na kumain ng ice cream sa labas ng village.
Tulala lang siya habang sumusubo ng kaniyang chocolate ice cream.
Kunot naman ang noo ni Kaizen habang pinagmamasdan siya.
“Hey,” utag pa nito sa kaniya nang hindi makatiis.
Napakurap si Bella. Kapag kuwan ay bumaling ng tingin kay Kaizen. “Hmm? May sinasabi ka ba?”
“Wala pa. Pero sagutin mo nga ako, Bella. What’s wrong with you? Hindi ka kakain ng ice cream kung walang ibang dahilan. Sigurado ako na hindi lang dahil nag-crave ka. ‘Wag nga ako. Hindi na ako bata para mauto mo pa.”
Ibinaba ni Bella ang hawak niyang kutsara ng kaniyang ice cream at matamang pinagmasdan si Kaizen. Sa halip na sagutin ang sinabi nito ay taliwas doon ang kaniyang naging response.
“Uncle, in the future ba, naisip mong maging member ng UHB Men?”
“UHB Men?” umiling ito. “Why should I?”
“Bakit ayaw mo?”
“Bella, ano ba ang mahihita ko sa pagiging member ng UHB Men? Eh, member na roon ang tatlo kong Kuya.”
Sa isip ay napailing siya. “I’m just asking, Uncle. Para kang si Kuya Prince.”
“Magkaedad lang tayo, Bella. ‘Wag mo akong tawaging uncle. Lalo na dito sa public,” demand pa nito.
“Manang-mana ka sa Ate mo. Kasalanan ko ba na mas matanda kayo sa akin?”
“Sa dugo, oo. Pero sa edad, halos same lang tayo. Saka ka na tumawag sa akin ng uncle kapag may mga apo na ako sa tuhod.”
“Ewan ko sa iyo.” Nang mayroong maalala ay muling nagsalita si Bella. “May balak ka raw mag-travel around the world? Totoo ba ‘yon?”
Tumango si Kaizen. “Hmm. One year,” ngumisi pa ito sa kaniya.
“Isang taon talaga?”
“Yep.”
“Bakit?”
“Anong bakit? Masama ba?”
“As in, wala kang kasama? Ikaw lang mag-isa?” Sa edad ni Kaizen, ang tapang nito na harapin ang mundo ng mag-isa. Sa part na iyon, hindi niya maiwasan na hindi hangaan ang kaniyang Tiyuhin.
“Oo. Mas okay na walang kasama. Sarili ko lang ang iisipin ko.”
“Sigurado ka na ayaw mo ng kasama? Baka sa bawat bansa na puntahan mo, iba’t iba ring babae ang makakasama mo,” bigla ay duda niyang wika.
Tumawa si Kaizen. Lalo lang lumabas ang kaguwapuhan nito. “Bella, baka mapauwi agad ako ng mommy ko kapag ganiyan ang ginawa ko. Syempre, kahit na nasa abroad ako, magiging updated pa rin sila sa buhay ko. At isa sa rules ni mommy at daddy kaya nila ako pinayagan, bawal ang mambabae sa ibang bansa. Take note, kapag umuwi ako, sasamahan pa ako ng mommy at daddy ko na magpa-medical para masiguradong wala akong sakit na makukuha sa paglalagalag ko sa abroad. Medyo tamang duda rin sila sa part na ‘yon.” napapailing pa si Kaizen. “Magiging mabuting nilalang naman ako sa loob ng isang taon.”
“Kahit nga ako, duda na magiging isang mabuting nilalang ka sa abroad.”
“Pati ba naman ikaw?”
Malakas ang charisma ni Kaizen Montejero. Imposibleng walang babaeng magkakagusto rito sa abroad. Baka nga pagkandarapaan pa ito.
“Ang goal ko lang talaga, libutin ang magagandang lugar sa buong mundo. Sapat na siguro ang isang taon para doon,” ani Kaizen.
Sana, lahat ay kasing tapang nito na libuting mag-isa ang mundo.
“Ano ang nag-push sa iyo para mag-travel around the world?” hindi niya napigilang itanong.
“Well, isa na roon ang business, Bella. Alam mo naman kapag pumasok ka sa business ng family mo, kailangan mong seryosohin. At mawawalan ka ng time na magliwaliw kapag gusto mo. So, I ended up with this idea. Unahin ko muna ang pag-ta-travel bago magseryoso sa family business namin.”
Ibang klase rin talaga ng mindset ni Kaizen.
“Okay. Tama ka rin naman. Once pumasok ka na sa family business, kailangan mo ng magseryoso.”
“Nakikita ko naman ang pagiging dedicated nina Kuya sa work. Kailangan, ganoon din ako.”
Pagdating naman sa trabaho, wala siyang masabing negatibo sa mga Tiyuhin niya.
“Anyway,” ani Kaizen matapos malunok ang ice cream na isinubo nito. “Lumalayo ang usapan, Bella. Hindi mo pa nasasagot nang maayos ang tanong ko. What’s your problem?”
Napatawa siya dahil hindi pa rin ito nakakalimot. “Wala akong problema.”
“Tss.”
“Totoo. Mukha ba akong problemado?”
“Kanina, kulang na lamang ay hindi maipinta ‘yang mukha mo.”
“May nakakainis lang na nangyari.”
“Like?”
“Oh, Kaizen, stop being so tsismoso. Hindi naman big deal,” kaila niya. “Nainis lang ako. At kaya nag-aya akong mag-ice cream para naman lumamig ang ulo ko. Now, I’m fine.”
“Bakit hindi si Ate Aniah ang inaya mo rito?”
Umiling siya. “Hindi siya marunong mag-drive.”
“Ah, ganoon? Instant driver pala ako kaya ako ang inaya mo?”
Ngumiti siya rito nang matamis. “Ganoon na nga. ‘Wag ka na lang magreklamo dahil ako naman ang nagbayad ng ice cream mo.”
“Which is kaya kong bilhin kahit itong tindahan pa ng ice cream.”
“Oo na. ‘Wag mo na akong yabangan,” awat na niya sa kaniyang Tiyuhin na minsan ay may itinatago ring kayabangan sa katawan. Manang-mana sa triplets nitong Kuya.
NAKAHILATA NG HIGA SA MAY SOFA sa salas si Bella habang nagbabasa ng isang magazine from Teen Stuff, nang dumating ang kaniyang Uncle Tres. Ito ang naunang umuwi sa triplets.
Dahil hindi niya pinansin ang pagdating nito kaya naman kumuha ito ng isang throw pillow at inihagis sa kaniya.
Bumagsak tuloy sa kaniyang mukha ang magazine na binabasa. She’s about to freak out nang makita ang paglapit nang nakangisi niyang Tiyuhin.
“Uncle,” she hissed. Kapag kuwan ay bumangon siya at naupo na lamang. “What’s wrong with you?”
“I’m just saying, hi,” nakangisi pa nitong wika.
Inismiran niya ito. “Ewan ko sa iyo,” aniya na isinara na lamang ang magazine. “Kung nasira itong magazine, lagot ka kay Auntie Aniah.”
“Palitan ko pa ‘yan kahit isang daang piraso.”
“Umariba na naman ‘yang pagiging mayabang mo, Uncle Tres.”
Naupo sa pang-isahang sofa si Tres. “Ilang araw kang mag-stay rito?”
“Kapag nairita ako sa iyo, bukas, uuwi na rin ako.”
“Bakit hindi pa ngayon?” Nang tingnan niya nang matalim ang kaniyang Tiyuhin ay agad naman nitong binawi ang sinabi. “Kidding aside. Kung gusto mo nga, dito ka na tumira.”
“Tapos ano? Tamang tanaw lang sa malayo?” umingos pa siya.
“Ano’ng gusto mo? Pumunta ulit sa UHB Leisure Club?”
“Puwede ba?” matamis pa siyang ngumiti sa kaniynag tiyuhin. Ngunit unti-unti namang nabura ang ngiti niya sa labi nang makitang sumeryoso ang mukha ni Tres.
“Masyado ka yatang napapasarap bumalik sa loob ng Club.” Bahagya pa nitong dinutdot ang kaniyang noo. “Tama na ‘yong dalawang beses kang tumapak sa lugar na ‘yon.”
Iningusan ni Bella ang kaniyang Tiyuhin. “Napakadamot talaga.”
“Anong madamot? Alam mo naman ang rules.”
“Rules na kayo rin naman ang sumira. Dalawang beses pa,” paalala niya rito.
Sandaling natigilan ang kaniyang Tiyuhin. “Na hindi na mauulit.”
Wala talagang pag-asa rito sa kaniyang Tiyuhin. Kaya ang dalawang beses niyang pagtuntong sa UHB Leisure Club ay matatawag niyang dream come true.
Nang dumating pa ang dalawa niyang Tiyuhin ay lalo lang nabuwisit si Bella dahil literal na kay gagaling mang-asar ng mga ito kapag napag-trip-an ka.
“BAKIT parang kanina pa hindi maipinta ‘yang mukha mo, Kuya Geo?” natatawa pang tanong ni Jamil kay Geo nang lapitan siya nito sa kinauupuan niyang silya sa may study room.
Inayos niya ang kaniyang hitsura at inalis ang kunot sa kaniyang noo.
“What do you mean?”
“Ilang sandali kitang pinagmamasdan pero ang gatla sa noo mo, hindi nawawala.”
“Ang dami mong napapansin. Business,” dahilan na lamang niya.
“Tss. Business? Hindi naman kita nakitang kumunot ng ganoon.” Naupo si Jamil sa tapat ng silya na kaniyang kinauupuan. “May problema ka ba? You can tell me.”
Umiling siya. “Wala.”
“Wala? Oh, don’t me, Kuya.”
Marahas siyang bumuntong-hininga. Hindi rin niya alam sa kaniyang sarili kung bakit ginagawa niyang big deal ang bagay na iyon.
That brat, aniya sa kaniyang isipan.
Sa buong buhay niya, ngayon lamang siya nainis ng ganito sa isang babaeng mukhang ang alam lang sa buhay ay magpakasarap. Iyon ‘yong tipo ng babae na tiyak niya na mas gusto pang p-um-arty kaysa ang magtrabaho.
Tho, hindi niya sigurado kung ilang taon na iyon. Mukha nga iyong teenager.
Teenager…
Ipinilig niya nang bahagya ang kaniyang isipan.
“May nangyari ba na ikinaiinis mo?” tanong na naman ni Jamil.
“Jamil, maliit na bagay lang ang ikinaiinis ko.”
Oh, really? gagad pa ng antipatiko niyang isipan. Maliit na bagay, Geo? Pero hanggang ngayon naiinis ka pa rin sa babaeng iyon.
Malay ba niya na may nag-e-exist na ganoong klase ng babae sa mundo. Babaeng ang tingin yata sa kaniya ay isang joke!
Oo, tinatamaan ang ego niya. Pakiramdaam niya, masyado siyang nabastos.
Baka naman dahil sanay ka lang na ang lahat ng babaeng nakakaharap mo ay halos maglumuhod sa iyo, Geo, epal na naman ng isang bahagi ng kaniyang isipan.
“Maliit? Bakit parang hindi?” ani Jamil sa kaniyang sinabi.
Pati ba naman ang kaniyang kapatid ay tamang duda?
Isa sa ikinaiinis pa niya, kung paanong basta na lamang punitin ng babaeng iyon ang calling card na ibinigay niya rito. Napakasuwerte nga niyon na binigyan pa niya ng kaniyang personal calling card. Mukhang hindi iyon interesado sa kaniya.
Interesado?
Tss, Geo, aniya sa kaniyang isipan. Cut the crap! Ano naman kung hindi siya interesado sa iyo? She’s nobody.
Huminga siya nang malalim.
That brat really ruins his day.
Naalala na naman niya kung paano siya nitong bastusin sa UHB Leisure Club. Paano ba naman niya itong makakalimutan?
Noon lamang may nambastos sa kaniya ng ganoon.
Kahit na ano ang pangungulit sa kaniya ni Jamil ay hindi pa rin niya inamin dito ang kaniyang pinagkakaganoon.
Baka nga pagtawanan pa siya nito kapag nalaman ang kaniyang rason.
“Sa ancestral muna ako matutulog,” paalam niya sa kaniyang kapatid.
“Pasama,” agad pang wika ni Jamil. “Na-miss ko bigla sina mommy at daddy.”
Sa isip ay napapailing na lamang siya. Kapag kuwan ay nagpatiuna na sa paglabas sa study room.