NAKATITIG lang si Bella sa front cover ng isang UHB Magazine. Si Daizuke Niwa ang nasa cover niyon.
Hindi pa rin siya makapaniwala na sa wakas ay nasilayan din niya ito. Ito ang number one bias niya sa mga UHB Men. Palibhasa, single pa rin at libreng pagpantasyahan. Ewan ba niya, pero para sa kaniya, iyong gusto niya sa isang lalaki ay nakay Daizuke na. Medyo misteryoso rin ito para sa kaniya.
Napakurap lamang siya nang biglang kunin ni Aniah ang magazine na kaniyang pinagmamasdan. Pagmamay-ari kasi nito iyon. Ang kaniyang Tiyahin na kapatid ng Montejero’s Triplets na sina Uno, Dos at Tres.
“Baka matunaw itong magazine ko,” sita pa nito sa kaniya.
Maging ang kaniyang Tiyahin ay mayroon ding mga UHB Magazine. At ang pagpasok niya sa UHB Leisure Club ay hindi nito puwedeng malaman. Isa iyon sa ultimate secret nila ng kaniyang mga Tiyuhin. Ang Montejero’s Triplets. Magkakaroon kasi ng inggitan kung siya ay nakapasok, samantalang ang ibang babae sa pamilya nila ay hindi.
Napaka-unfair niyon para sa side ng mga ito.
Lalo na kay Aniah na mismong kapatid ng mga Tiyuhin niya na pawang mga member ng naturang Club.
Kahit paano naman ay nakikita rin ni Aniah ang ibang UHB Member kapag may occasion outside the Club at naroon ang iba sa mga iyon. Minsan, accidentally ay nakikita rin nito sa mismong loob ng Valle Encantado Village dahil maraming UHB Men ang naninirahan din doon.
“Itago mo na at baka iuwi ko pa ‘yan sa amin,” nangingiti naman niyang wika.
“Kararating mo lang dito sa bahay, tapos pauwi naman ang nasa isip mo,” kontra naman agad ni Aniah sa kaniyang sinabi.
“Ma-mi-miss mo na naman agad ako, Auntie Aniah?”
“Bella, puwede ba? Tigilan mo ang pagtawag ng auntie sa akin, ramdam na ramdam ko ang pagtanda ko.”
Napatawa si Bella. “Grabe ka naman sa pagtanda. Twenty-four ka lang at twenty-two ako. Hindi nagkakalayo ang edad natin.”
“Whatever. Basta, tigilan mo ang ka-a-auntie mo sa akin,” tila ba naaalibadbaran nitong wika.
“Fine,” pagbibigay niya na natatawa pang umikot ang mga mata.
Pagkatabi ni Aniah sa magazine nito ay muli nitong binalikan si Bella na nakasalampak ng upo sa kama nito.
“Bella, what’s your plan? Bukod sa mag-manage ng family business ninyo? May iba pa ba?”
Nagkibit-balikat si Bella. Sa edad niyang iyon, wala siyang matinong plano. Pakiramdam naman kasi niya ay naka-set na ang buhay niya sa ganoon.
Iikot ang mundo niya sa kaniyang pamilya, sa negosyo, sa pag-sa-shopping at sa pagpapasaya ng ibang tao na less fortunate.
“Siguro, pagani-ganito na lang muna. At saka, bata pa naman ako.”
“Wala ka pang planong magkaroon ng boyfriend?” tudyo pa sa kaniya ni Aniah.
“Auntie,” ani Bella na nakatikim pa nang panglalaki ng mga mata ni Aniah sa kaniya. “Aniah,” agad niyang bawi. “Kung hindi lang din naman si Daizuke Niwa ang magiging boyfriend ko, ‘wag na lang.”
Natatawang nag-appear sila ni Aniah. Gets na gets nito ang kabaliwan niya kay Daizuke.
“Bella, kaso masasaktan ka lang sa kaniya,” ani Aniah na biglang nagseryoso. “Huwag kang masyadong mabaliw sa UHB Men. Lalo na kay Daizuke. Ni-real talk na rin ako nina Kuya tungkol sa mga ‘yan. Ayaw nila na sobrang kababaliwan ko ang mga ka-member niya to the point na masaktan ako once makahanap sila ng mga babaeng nakalaan talaga sa kanila. At malinaw na hindi ako o ikaw ‘yon. Kaya habang maaga pa, maghunus-dili ka. Enough na sa part na para bang kiti-kiti tayo kapag sila ang topic. Ang akin lang naman, fan nila ako, oo. Pero darating tayo sa point na ma-re-realize natin na… oo nga ‘no? Hindi talaga ako ang meant to be para sa kaniya o kung sino man sa kanila.”
“Aniah,” sangat ni Bella sa litanya ng kaniyang Tiyahin. May part na nasasapol siya sa mga sinabi nito. Totoo naman iyon, alam naman niya na hindi siya ang matitipuhang babae ng isang Daizuke Niwa. Pero, malaki ang paghanga niya rito. “Hanggat hindi nag-aasawa si Daizuke, libre akong mabaliw sa kaniya. Promise, kung dumating ‘yong time na dumating na ‘yong babae na para sa kaniya, hindi ako magtatanim ng galit sa kaniya.”
“Wow, ha? ‘Di na nga kayo close, ikaw pa ang may ganang magtanim ng galit sa kaniya,” humalakhak pa si Aniah.
“Ganoon naman talaga, ‘di ba? Kapag ang bias natin, nag-asawa na o nagkaroon ng karelasyon, may part na masasaktan tayo. Nag-invest din naman tayo ng feelings para sa kanila. Kahit wala silang kamalay-malay at wala rin silang malay na nag-e-exist tayo sa mundo. Mabuti ikaw, nakaka-move on na.”
“Kailangan, eh. Lalo na sa ganitong age.”
“Aniah, you’re still young.”
“I know. Pero ‘yong ganitong edad ko, Bella, puro nagsisiasawahan na ‘yong mga ka-age ko. Oh, my God. Parang ako ‘yong napi-pressure.”
Hindi napigilan ni Bella ang mapatawa. “Huwag kang ma-pressure. Remember? Tatlo ang Kuya mo na puro single pa rin.”
“Ayaw kong umasa na mag-aasawa agad sila. Hindi ko na hihintayin pa ‘yon, Bella. No way. Baka trenta na lang ako ay wala pa silang balak na mag-asawa.”
At sa edad ngang iyon ng mga Tiyuhin niya ay mas naunahan pa ni Prince na magkaroon ng girlfriend. Sa isip ay napapailing na lamang si Bella.
“Wala ka na sa panahon na kailangang mas maagang mag-asawa ang babae,” paalala niya sa kaniyang Tiyahin. “Hayaan mo kung may asawa o anak na ang mga ka-batch or ka-age mo. Ang mahalaga, masaya ka. Isa pa, kung mapupunta ka rin naman sa maling lalaki, ‘wag na lang.”
“Speaking. Maling lalaki ang kinababaliwan mo.”
“At ano naman ang mali kay Daizuke?”
“Hindi ka niya lubos na kilala. Hindi rin niya alam na nag-e-exist ka sa mundo.”
Auntie, nakita na ako ni Daizuke. Alam kong alam na niya ang existing ko sa mundong ‘to, ani Bella sa kaniyang isipan.
“Oo na po,” sabi na lamang niya para matigil na ang panenermon nito sa kaniya tungkol sa kabaliwan niya kay Daizuke. “Gusto mo bang mag-jogging? Tamang-tama, hindi na mainit sa labas.”
“Jogging? May treadmill naman sa gym.”
She rolled her eyes. “Iba pa rin ‘yong totoong jogging,” aniya na tumayo na. “Lalabas muna ako kung ayaw mo akong samahan.”
“Jogging ba talaga ang gusto mo? O baka naman naghihintay ka lang na baka makita mo sa labas si Daizuke?” tudyo pa nito sa kaniya.
“Whatever,” aniya sa kaniyang Tiyahin bago lumabas sa silid nito.
Dumiretso siya sa guestroom na parati niyang ginagamit kapag naroon siya at nagpalit ng kaniyang pang-jogging na kasuotan. Totoong mag-jo-jogging siya at hindi para makasilay lang kay Daizuke. Suntok sa buwan ang makita ito sa may kalsada ng Valle Encantado Village.
“Ma’am, gusto po ba ninyo ng kasamang bodyguard?” tanong pa kay Bella ng guard na nasa may gate.
“Naku, hindi na po. I can manage. Kung ki-kidnap-in po ako ni Daizuke Niwa, open arms po akong sasama,” biro pa niya na ikinatawa rin ng security guard. “Babalik din po ako kapag napagod na ako.”
“Sige po.”
Mas gusto niya na walang nakabuntot sa kaniya kapag ganoong pagkakataon.
Malayo na ang nararating ni Bella nang mapahinto siya sa pagtakbo. May palabas kasi na magarang kotse sa isang mataas na gate.
Hinintay muna niya iyong makalabas ng gate at makaalis bago siya muling magpapatuloy sa kaniyang pag-jo-jogging.
Kapag alam niya sa kaniyang sarili na napapatakaw siya sa pagkain, idinadaan talaga niya sa pagtakbo. Kahit na tama lang ang size ng kaniyang katawan, pakiramdam niya ay tumataba siya kahit na hindi naman sa paningin ng ibang tao. Ayaw lang din niya na dumating sa ganoong punto. At isa pa, magada sa katawan ang pag-jo-jogging.
Ngunit nagtaka si Bella nang hindi na umalis sa pagkakaharang sa kaniyang daraanan ang sasakyan na hinihintay niyang makaalis.
Inisip na lamang niya na baka trip lang ng driver niyon na ibalandra doon ang magarang sasakyan na iyon.
Gusto tuloy tumaas ng isang kilay niya. Hindi naman siya na-a-amaze. Lalo na at karaniwan na lamang sa kaniya ang makakita ng magagarang mga sasakyan.
Akmang lalampasan na lamang sana niya ang kotseng iyon nang bumukas ang pinto ng driver side niyon at bumaba roon ang isang matangkad na lalaki na nakasuot ng dark sunglasses na animo slow motion pa nitong ibinaba para makita siya nang mas malinaw.
His gaze meets hers.
And in instant, animo biglang may kung anong bumundol na kaba sa dibdib ni Bella nang mapagsino ang nagmamay-ari ng mukha ng lalaking iyon. Paano ba niyang makakalimutan iyon?
Wala iyong iba kung ‘di si Geo Ladjasali.
Para bang gusto niyang umatras para makalayo agad dito.
At piping hiling niya na sana ay hindi siya nito makilala dahil sa naging atraso niya rito may ilang linggo na ang nakakalipas sa loob mismo ng UHB Leisure Club. Mabuti na lamang talaga at hindi sumama sa kaniya si Aniah sa pag-jo-jogging.
Bigla, animo nag-flashback sa kaniya ang naging unang engkuwentro nila ng binata sa loob ng UHB Leisure Club…
“Kuya,” ani Bella sa lalaking nakita na prenteng nakaupo sa isang bench sa malawak na hardin na kanilang kinaroroonan. Abala ito sa cellphone nito. Tiyak niya na mayroon itong pangtawag. Makikitawag siya rito.
Kumunot pa ang noo niyon nang makita si Bella. “At kailan pa kita naging kapatid?”
Gustong tumaas ng isang kilay niya sa inakto niyon. Napakasungit.
“Ang sungit mo naman. Alam kong hindi ka UHB member kaya ‘wag ka ngang feeling high and mighty,” gagad niya.
“Bakit? Mga member lang ba ang may karapatang maging feeling high and mighty? Don’t talk to me, you’re just wasting my time.”
Tumiim ang mga labi ni Bella. Pero sa huli ay sinikap niyang magpaka-cool pa rin dahil una sa lahat ay mayroon siyang kailangan dito. “Makikitawag lang naman kami, eh. Siguro naman, marami kang load? Sige na. Promise, makalabas lang kami sa lugar na ito, babayaran kita. Gusto mo ba, one year pa na unlimited load?”
Muling umangat ang tingin ng seryosong lalaki kay Bella.
“Please? Kailangan lang naming makalabas sa lugar na ito. O kaya naman, ihatid mo kami sa bahay ng Lola ko. Nasa Phase 1 lang sila ng Valle Encantado Village.”
“Nakapasok ka rito, dapat, alam mo rin kung paano lalabas.”
“Magbabayad naman ako oras na tulungan mo kami.”
“I-report ko kaya kayo?”
Hindi agad nakapagsalita si Bella. Huminga pa siya nang malalim. Nagpuyos bigla ang kaniyang dibdib. “Tatandaan ko ‘yang pagmumukha mo na hindi naman kaguwapuhan, ang damot pa,” ani Bella. Hindi totoo na hindi ito guwapo. Sabi lang niya iyon dahil nabuwisit siya sa inakto nito. “Tara na,” baling niya kay Maddi. Ang nobya ng kaniyang pinsan na si Prince. “Baka may iba pang mas ‘di hamak na mabait kaysa riyan.”
Umawang ang labi ng lalaking mukhang nayurakan ang p*********i dahil sa walang prenong bibig ni Bella.
“Hindi mo ba kilala kung sino ang kinakausap mo?” halos maningkit pa ang mga mata nito.
“Hindi. At wala akong pakialam kung sino ka pa,” ani Bella na hinila na si Maddi sa kamay palayo sa lalaking nahabol pa ng naniningkit na tingin si Bella.
“Bella, grabe naman ‘yon,” hindi napigilang react ni Maddi sa kaniyang sinabi sa lalaking iyon.
“Hayaan mo siya. As if naman, matatakot ako sa kaniya. Sino lang ba siya? Baka nga isa lang din sa guest ng mga UHB men, eh. Kilala ko kasi ang lahat ng nagiging member sa Club na ito. Updated ako…”
Lihim na napalunok si Bella matapos alalahanin ang nakaraan. She needs to escape as soon as possible.
Pero paano kung mukhang nakilala na siya nito? O baka nga talagang namukhaan siya nito kaya hindi ito tumuloy sa pag-alis? Kaya nakaharang lamang ang kotse nito sa kaniyang daraanan.
Ngunit may parte niya na nais ng humingi ng pasensiya sa ginawa rito noong nakaraan. Alam niya na mali siya sa part na iyon.
Huminga siya nang malalim para gawin ang nasa kaniyang isipan nang mauna naman itong magsalita sa kaniya.
“Small world, huh?” sarkastiko pa nitong wika.
There, nakilala nga siya nito. At ang paghingi niya rito ng pasensiya, hindi na halos lumabas pa sa kaniyang bibig.
Mataman pa siya nitong pinagmasdan mula ulo hanggang paa. Kapag kuwan ay muling ibinalik ang tingin sa kaniyang mukha.
Medyo pawisan siya dahil sa pagtakbo. Pero wala naman siyang pakialam. Dahil kahit manlimahid pa siya sa pawis ay alam niya na maganda siya.
“May idea ka na ba kung sino ako?” pasutsada pa nito sa kaniya. “Baka gusto mo pang ipakilala ko kung sino ang taong basta mo na lang binastos sa loob ng UHB Leisure Club? Mukha kasing kulang ka sa research sa mga UHB Men na kilala mo.”
Ipapamukha pa ba nito sa kaniya ang pamilyang kinabibilangan nito?
Bella, relax, paalala niya sa kaniyang isipan. Pero ni hindi siya makasingit para magsalita dahil naunahan na naman siya ni Geo.
“Ano naman kung hindi ako member? Does it matter? Tss,” ani Geo na dinukot ang wallet sa bulsa nito. May kinuha pa ito roon at walang paalam na inilagay sa kaniyang kamay kahit na hindi naman niya hinihingi. “Uso na ang internet ngayon. Mag-research ka ‘pag may time. Hindi puro kaartehan ang alam mo sa buhay. Hmm?”
Daig pa niya ang isang bata kung lecture-an nito. Lihim lalo ang pagngingitngit ni Bella.
Sa ginawa nitong iyon, lalo lang siyang nagkaroon ng dahilan para kalimutan ang naging pambabastos niya rito at hindi na lamang humingi pa ng kapatawaran.
Isang matamang sulyap pa sa kaniya bago siya nito tinalikuran at muling sumakay sa kotse nito.
Isang calling card ang nasa kamay niya. Mayroon pang pangalan ni Geo Ladjasali roon.
Sa inis niya, bago tuluyang umalis ang sasakyan nito ay ipinakita pa niya rito kung paanong pilasin niya ang hawak niyang calling card at basta na lamang itapon sa kalsada. Kapag kuwan ay itinuloy niya ang paglampas sa sasakyan nito.
“Kung kailan gusto kong maging nice sa iyo, Geo Ladjasali, binigyan mo pa ako ng dahilan para lalong mainis sa kaarogantehan mo,” gigil pa niyang litanya na binilisan pang lalo ang pagtakbo makalayo lamang sa kinaroroonan ni Geo.
Baka kasi maisipan pa siya nitong sundan na sa awa naman ng Diyos ay hindi nangyari.