AATRAS NA SANA ako nang magsalita si Thor. Akalain mong nakita pa niya ako, e mukhang abala ito sa selpon nito.
"Patapos na ako. Ikaw naman," aniya sa walang ganang himig. Parang pilit na tinapos niya ang pagkain dahil lamang dumating ako.
Tumango ako sa kan’ya at iginiya ang sarili ko papunta sa dish organizer para kumuha ng aking gagamiting plato. Kita ko ang pagtingin niya sa namumula kong paa. Halata naman kasi talaga. Buti wala pang heels ang suot ko, dahil kung hindi, mapapahubad ako ng sapatos habang binabaybay ang daan papuntang Edsa.
Nagsandaok ako ng kanin at ulam. Konti lang, kasi hindi ako sanay kumain ng marami sa gabi. Balingkinitan lang kasi ang katawan ko. Hindi ko rin kayang kumain ng napakaraming kanin at ulam. Mabilis mapuno ang tiyan ko. Kumuha rin ako ng baso at nag-lagay ng tubig. Sakto naman tumayo na ito at inilagay ang platong ginamit sa sink.
“Si Manang na maghuhugas niyan. Baka pagalitan pa ako ni Mama at Papa kapag pinaghugas kita.” Sabay tingin nito sa paa ko.
Hindi naman pala concern sa akin. Sarili lang pala ang iniisip niya.
Hindi na ako umimik. Useless lang naman. Naglakad na siya papalayo ng komedor. Dinig ko pa rin ang tunog na nagmumula sa pinapanood niya.
Ganoon ang lagi niyang pakikitungo sa akin hanggang sa ako’y nagsimulang pumasok na ng school. At pitong buwan na nga ang nakalipas. Tinitiis ko na lang ang pakikitungo niya dahil mabait naman ang halos lahat ng nasa bahay nila, lalo na ang mag-asawa.
Kakalabas ko lang ng school nang businahan ako ni Thor. Hindi ko napansin ang sasakyan niya kanina paglabas ko. Pero kung nakita ko ang sasakyan kanina, makikilala ko kaagad na sa kan’ya iyon.
Bumungad sa akin ang guwapong mukha ni Terence. “Sakay ka na, Yvette!” sigaw niya.
Ngumiti ako sa kan’ya.
Napatingin din ako nang bumukas ang isang bintana ng sasakyan. Sa kanang bahagi din, dulo nga lang banda. Nakangiting mukha ni Tabitha ang lumabas doon.
“Sakay na, Twinnie!” Tumango ako sa kan’ya at lumapit sa side niya. Hinawakan ko ang door knob para buksan pero ayaw mabukas. Naka-lock pa yata kaya sinabihan ni Tab ang Kuya Thor niya. Tumaas pa ang kilay ni Thor nang bumaling sa amin.
Ilang sandali lang ay tumunog na iyon. Ibig sabihin puwede nang buksan.
Nagtama ang aming paningin nang makapasok ako. As usual, parang may regla na naman si Thor kung makatingin sa akin.
“Sino ang ka-date mo next week, Twinnie? Prom niyo na, a.”
Napatingin ako kay Tabitha. Oo nga pala, prom na namin. Siya kasi ang halos ka-edad ko pero mas ahead siya sa akin ngayon sa eskuwela dahil tuloy-tuloy itong pumapasok. Ako, nahinto ako ng dalawang beses. Pero mas matanda ako sa kan’ya ng isang taon kung tutuusin. Magkalapit lang ang edad namin. Grade 11 na ito. Samantalang ako, Grade 9 pa lang.
“Naku, hindi yata. Nakakahiya, kasi ako lang ang matanda. Ang hirap makisabayan din sa mga kaklase ko.”
"Sayang naman. Pero sabihin mo pa rin kay Mama. Magagalit 'yon kapag hindi ka nagsabi. Gusto pa naman no'n laging uma-attend sa mga ganiyan. Ako nga dati pinagalitan niya dahil hindi ako pumunta. Wala kasi akong hilig sa party, e," nakangiting kuwento niya sa akin.
Ako naman sa totoo lang, gusto ko. Noon. Ngayon, hindi na kasi ang babata ng mga kaklase ko. Nakakailang makipagsayaw. Ako lang ang matanda.
"Sa amin ka na lang kaya sumama next week, Twinnie? Beach party kami. Ano, game?"
"Naku, nakakahiya. 'Wag na lang. Tama na 'yong sa bahay lang ako. Isa pa nakapangako ako kila Manang, na tutulong ako–"
"Ako ng bahala diyan, Twinnie. Hayaan mo sila Manang. Ipagpapaalam na rin kita kay Mama."
Ngumiti ako kay Tabitha. Lagi na lang talaga nito gusto akong kasama. Nakaka-touch. Ilang lakad na niya na kasama ako, kaya, kilala ko na ang ilang kaibigan at kaklase niya.
"Sige, ikaw ang bahala, Twinnie."
Hindi sinasadyang napatingin ako kay Thor, sakto rin palang tumingin siya sa akin mula sa salamin. Nakataas ang kilay niya. Dahil siguro sa sagot ko. Ayaw kasi niya na nakadikit ako kay Tabitha. Ilang beses na akong sinabihan ni Thor na iba na lang daw ang kaibiganin ko, 'wag lang ang kapatid niya. Wala naman akong magagawa kasi si Tabitha ang may gusto. Kung ako lang, nahihiya ako.
HINDI KO AKALAING pagagalitan ng ginang si Tabitha. Ayaw niyang sumama ako sa party nila Tabitha dahil may prom nga daw kami. Mas gusto ng ginang na umattend ako ng prom. Isasama niya rin daw ako sa pagpili ng gown kinabukasan. 'Wag daw akong gumaya sa kan'ya na hindi umattend ng prom. Tuloy, wala siyang nabalikan na memories noong kabataan niya. Dapat maranasan ko rin daw ang ganoong event, dahil paniguradong masarap daw balikan kapag tumanda ako.
Sumama ang loob ni Tabitha dahil unang beses pala siyang pinagalitan ng ginang. Nakaramdam ako ng konsens'ya. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, sana hindi na ako pumayag.
Sabado noon, nagdidilig ako ng halaman nang lapitan ako ni Thor.
"Ikaw talaga ang nagdadala ng gulo sa bahay namin, Yvette. Alam mo ba 'yon? Una si Trevor, sinumbong mo. Ngayon naman si Tabitha, na walang ginawa kung hindi ang pakisamahan ka ng maganda. Ano ba kasing meron ka at hindi ka mabitawan ni Mama? Ba't 'di ka na lang umalis para bumalik kami sa dati? Masaya kami noon. Ngayon hindi na dahil nasayo na ang atensyon ni Mama at Papa! Wala na ring time si Mama kay Tab dahil sa'yo!"
"T-Thor," ani kong hindi alam ang sasabihin. Bigla ko pang nabitawan ang hawak kong hose. Hindi ko rin sinasadyang tumapat iyon kay Thor, dahilan para mabasa ito.
Sunod-sunod ang malulutong na mura niya. Nanlilisik na mga mata ang tumingin sa akin. Mukhang aalis pa naman siya tapos nabasa ng tubig ang suot niya.
Lumabi ako mayamaya. Paniguradong nagngingitngit na siya sa galit sa akin.
Akmang lalapit siya nang umatras ako. Nahuhulaan ko ang nais niya. Gaganti siya sa akin o ‘di kaya gagamitan ng dahas. Hindi ko pa naranasan sa kan’ya pero alam kung kaya niya akong gamitan ng dahas dahil sa gigil niya sa akin. Hanggang ngayon kasi hindi ko alam kung bakit ayaw na ayaw niya sa akin.
At nasasaktan ako sa tuwing sinasabi niya iyon sa akin. Hindi lang naman iyon ang unang beses na sinabihan ako na umalis na sa bahay nila. Kung hindi lang talaga ako nangako sa ina ko na magtatapos ng pag-aaral baka lumayas na ako. Hindi ko gusto ang pakikitungo niya sa akin, sa totoo lang.
Pero sa kabilang banda, nararamdaman kong may kabutihan pa rin naman siya. At hihintayin ko ang pagdating niyon.
"Damn it! Aalis pa naman na ako, Yvette!" sambit niyang tumingin ulit sa akin. "Sumusobra ka na!"
Sunod-sunod ang naging paglunok ko dahil sa sigaw niya sa akin.
"S-sorry po," ani kong hindi malaman ang sasabihin.
Nang makita niyang papalapit ang ina ay mabilis na tumalikod siya sa akin. Nakakunot ang noo ng ginang na tinanong si Thor pero hindi siya nito pinansin.
Ako ang nagpaliwanag sa ginang na aksidenteng kong nabitawan ang hose kaya nabasa ang anak niya. Naniwala naman siya sa akin nang i-kuwento ko ang nangyari maliban sa maanghang na salita ng anak niya.
Isang araw bago ang prom namin ay nilapitan ko si Tabitha. Hiyang-hiya ako sa kan'ya. Pero, wala naman daw itong sama ng loob sa akin, sa ina lang niya, dahil napagtaasan siya nito ng boses. Pero okay naman na ito at ang ginang. Ako lang itong dumistans'ya nang nakaraan dahil sa naging usapn namin ni Thor.
Si Tabitha na ang nag-ayos sa akin nang dumating ang prom namin. Hindi naman talaga ako magtatagal doon. Magpapakita lang tapos uuwi ma rin kaagad.
“Grabe! Ang ganda mo, anak!” Napangiti ako nang sabihin iyon ni Yaya Esang mula sa likuran.
“I told you!” nakangiting sabi ni Tabitha “Ang ganda mo talaga ayusan. Kahit anong klase ng ayos sa mukha, bagay pa rin sa’yo. Iba talaga ang beauty mo, Twinnie! Siguradong maraming mapapatingin sa’yo mamaya. Kuwento mo kaagad, Twinnie, ha?!”
“Twinnie naman! Hindi ako pumapatol sa bata. Isa pa, wala sa isip ko ang mga ‘yan. Study first muna. Remember?”
“Sige na nga,” natatawang sabi na lang nito sa akin.
“Sino pala maghahatid sa’yo, anak?” natigilan ako sa tanong ni Yaya.
Oo nga pala. Sino kaya? Siguro magta-taxi na lang ako kapag hindi available ang driver ng mga Hernandez.
“Magta-taxi na lang po siguro ako,” ani ko kay Yaya Esang.
“Kay Kuya na lang, Twinnie. Pauwi na ‘yon. ‘Di ba, Yaya?” Sumang-ayon naman si Yaya kay Tab.
Hindi na ako umimik. Ayoko lang sabihing ayaw ko. Huwag na lang kung si Thor ang maghahtid sa akin. Makakarinig na naman ako ng kung anong salita mula rito.
Pagkatapos na ayusan ako ni Tab, iniwan niya ako at sumunod naman si Yaya Esang. Sinundo na kasi si Tab. Si Yaya Esang naman, tsinek nito ang alagang si Thor kung dumating na ba. Ayaw ko sana pero mapilit ito. Tinawagan niya pala si Mama Thea. Kaya ayon, hintayin ko raw si Thor
Napalingon ako sa pintuan nang biglang bumukas iyon. Sino bang hindi mapapalingon, e napakalakas ng tunog. Parang masisira yata pintuan ng k’warto ko.
Hindi na nakahakbang si Thor nang makita ako. Bahagyang nakaawang labi niya habang sinusuyod ang kabuuhan ko. Napapangitan marahil. Kakaiba rin ang tingin niya.
Navy blue ang kulay ng aking long dress. Tube ang disenyo ng itaas ng dress ko, na napili ng ginang. Kita rin ang cleavage ko kaya naiilang ako. Kung susuriin, dibdib ko lang ang may takip dahil lace na ang kumukonekta sa itaas at ibaba. May slit pa sa kaliwang bahagi kaya kita ang mapuputi kong hita. Parang sa skater dress ang pinakadulong bahagi niyon.
“P-Pakibilisan. May lakad ako pagkahatid sa’yo.” Hindi ko makita sa mukha niya kung galit ba ito o hindi dahil tumalikod siya kaagad sa akin. Siguro galit siya kung ibabase sa paraan ng pagbukas niya ng pintuan ng aking silid.
Mabilis kong kinuha ang handbag na nasa kama at sumunod kay Thor. Hindi ako masyadong makalakad ng maayos dahil hindi nga ako sanay magsuot ng sapatos na may heels.
Nang makita ako ni Thor na papababa ng hagdan ay tumayo siya mula sa pagkakaupo sa sofa. Hindi man lang niya ako tiningnan.
Nakapasok na si Thor sa driver seat nang makalabas ako ng bahay. Ang bagal ko kasi maglakad.
Napangiti ako ng mapakla nang mapagtantong hindi man lang ako pinagbuksan ng sasakyan. May bago ba?
Kakapasok ko lang ng sasakyan sa likurang bahagi nang lingunin niya ako. Halata ang galit sa mukha ni Thor. Nakataas pa kamo ang kilay niya.
“Baka gusto mong lumipat dito, Madam?” may himig na sarkastiko ang boses niya. “I am not your chauffeur,” aniya pa sabay baling sa unahan.
Hindi ko maiwasang magtaka. Ayaw niyang sumasakay ako sa unahan noon. Pero bakit ngayon, pinapalipat niya ako. Magulo rin talaga si Thor.
Nainis ako, pero siyempre sinarili ko lang. Mahirap kayang makipag-away sa binatang pinaglihi sa sama ng loob.
Napadaing ako nang biglang tumama ang ulo ko nang palabas ako ng sasakyan ni Thor para sana lumipat.
Dinig ko ang salitang tanga na namutawi sa bibig ni Thor. Pumikit na lang ako para i-endure. Lumipat ako sa unahan, sa tabi nito.
Kita ko ang paglunok ni Thor nang nahawi ang slit ng dress ko. Abala ako noon sa pagsuot ng seatbealt. Hinayaan ko muna dahil baka paandarin niya bigla ang sasakyan, mauntog pa ako. Binawi rin niya ang tingin nang mapansing tapos na ako.
Hinatid ako ni Thor sa mismong gate. Nagpasalamat ako sa kan’ya pero hindi man lang tumugon.
“Asa pa,” ani ko sa sarili.
Tinanaw ko ang sasakyan niya kapagkuwan nang bigla na lang niyang pinaharurot iyon. Naiiling na iginiya ko na lang ang sarili papasok ng eskuwelahan namin.