KINABUKASAN, MAAGA AKONG nagising kagaya ng sabi sa akin ni Thor. Pero hindi ko akalaing mas maaga pa siyang magigising kaysa sa akin. Bigla akong nahiya. Akala ko kasi kagaya siya ng ibang mayamang lalaki, tanghali nagigising kung pumasok ng opisina.
Nakita ko siya na kakapasok lang mula sa labas. Pawisan ang binata. May bitbit pa siyang isang bote ng tubig na wala ng laman. May hawak din itong face towel. Nag-jogging yata siya ng napakaaga.
Mukhang iisa lang ang pupuntahan ko at ng binata kaya naghinay-hinay ako sa paglalakad. Akala ko hindi niya ako mapapansin, nakita rin pala niya ako.
Kumunot-noo pa ang guwapong mukha ng binata nang magtama ang aming paningin. Iniisip ko tuloy kung madumi ba ang mukha ko, maraming muta, o 'di kaya may mapa ng laway ang gilid ng aking bibig. Base lang naman sa reaksyon niya.
Lagi na lang akong kinakabahan kapag nasa paligid siya. Iba ang aura niya kaysa sa mga kapatid nito. Isa pa, hindi kasi ako sanay na may nakatingin sa akin ng masama. Pakiramdam ko, ang sikip din ng paligid namin, hindi ako makahinga dahil sa presensya niya. Ewan ko ba sa pakiramdam kong ito. Naguguluhan din ako.
Hindi kaya dahil sa kaguwapuhan talaga niya kaya ako nagkakaganito? Ipinilig ko ang aking ulo kapagkuwan. Kung anu-ano na lang ang iniisip ko. Baka mauwi ito sa pantasya. Mahirap na.
Kami lang ang tao sa kusina ng mga sandaling iyon dahil sa labas nagluto ang mga kasambahay. May dirty kitchen kasi akong nakita kagabi, kahit hindi ko tingnan, alam kong naroon sila dahil sa ingay. At may mga gamit sa pagluluto akong nakita doon. May ref, condiments, at ilang sako ng bigas din ang aking nakita.
Masyadong binilisan ko ang pagtimpla ng kape dahil bigla itong napatingin na naman sa gawi ko. Baka may gagawin o kunin siya banda sa akin. Naiilang ako.
Naglakad siya palapit sa akin, kaya bumilis ang t***k ng puso ko. Magkaka-nerbiyos yata ako kapag nasa malapit lang siya.
Halata pa rin sa mukha niya ang pagod dahil sa mabilis na pagtaas-baba ng matigas na balikat nito. Bumangga pa sa akin ang kaniyang brasong may pawis, kaya, napapikit ako ng mga sandaling iyon. Sana hindi niya ako nakita. Nalanghap ko kasi ang kan'yang amoy. Ang bango!
Sa lahat ng pawisan, si Thor na yata ang pinakamabango para sa akin.
Naku, kung mga binata ito sa aming lugar, hindi kaaya-aya. Dagdag pa kasi ang mabahong paligid.
Hindi kaya iniinom niya ang pabango, kaya mabango rin ang inilalabas ng katawan niya? Napailing ako sa naisip ko. Puwede ba 'yon?
Kumuha lang pala siya ng mineral water sa isang ref na malapit sa akin tapos umalis din kaagad.
Sayang, hindi man lang siya nagtagal. Aalukin ko sana ng kape. Baka sakaling bumait kapag natikman niya ang timpla ko.
Walang halong biro, masarap akong magtimpla. Subukan niya kasi para magkaalaman.
Malungkot na tinanaw ko ang binatang papalayo sa akin. Halatang hindi niya ako gusto sa pamamahay na ito. Ni hindi man lang talaga niya magawang pansinin ako.
"Ano kaya pinaghuhugutan niya, at ganoon siya sa akin?" tanong ko sa sarili ko. Hindi ko matandaan na may ginawa akong mali sa kan'ya. Kagabi lang ako dumating dito kaya wala akong idea.
Bitbit ang kape na bumalik ako sa kuwarto. Nagmadali na ako dahil baka naligo na ang binata. Baka pagalitan pa ako kapag na-late ako. Kabilin-bilinan pa naman niya sa akin, na ayaw niya ng babagal-bagal.
Isang white T-shirt na v-neck style at maong na pantalon ang aking isinuot.
5:50 na, kaya bumaba ako. Gulat ang ginang nang makita ako sa pinakahuling baytang ng hagdanan.
"Ang aga mo, anak. Anong oras ba ang usapan niyo ni Thor?" tanong niya sa akin.
"6 po," ang sagot ko.
"Ano? Ang aga naman yata. Alas otso naman nagsisimula ang bukas ng registrar, a!" Napasapo siya ng noo at tumingin sa akin ulit. "Kumain ka muna ng almusal, may luto na mesa. Mauna ka na-"
"'Ma, 6 ang usapan namin kaya natural nandito na siya," biglang singit ng binata sa usapan namin ng ginang. Natigilan pa siya nang makita ang suot ko. Kita ko ang pag-iling niya. Mukhang hindi niya nagustuhan ang aking suot.
Magagawa ko ba, e ito lang ang pinakamalinis at matinong damit ko?
Dinig ko ang pagbuntong hininga niya. Problema yata niya ay ang damit ko.
"Wala ka bang ibang matinong damit?" Lukot pa rin ang mukha niya.
"Thor! Kagabi ka pa, huh!" Pinanlakihan ng ginang ng mata ang binata. "Malinis naman ang suot niya. Bukas ko pa masasamahan si Yvette na mamili ng mga gamit niya dahil may lakad kami ngayon," ani ng ginang. Tumingin at ngumiti pa siya sa akin para siguro pagtakpan ang anak niya.
Buti pa ang ginang, uso ang ngiti. Kay Thor, uso ang biyernes santo. Tapos parang pasan pa ang mundo. Malapit na niyang isiping ipinaglihi siya ng ginang sa sama ng loob.
Walang nagawa si Thor nang sabihin ng ginang na kumain muna kami. Alas siyete na kami nakaalis dahil ang daming hinabilin ng ginang sa anak nito, maging sa akin.
Wala silang imikan habang nasa biyahe. Abala ito sa sa pagmamaneho habang ako ay sa labas nakatanaw. Kinakabisado ko ang mga nadadaanan namin. Mahirap na baka iwan niya ako sa kung saan. Binigyan naman ako ng ginang ng pera, pero hindi pa rin ako pamilyar masyado sa lugar nila. Alam ko na din ang address na uuwian ko kung sakaling iwan ako ni Thor kung saan.
Traffic, kaya nakarating kami lagpas ng alas-otso. Panay pa ang mura ni Thor sabay tingin sa orasan. Kung makabusina pa sa mga sinusundang sasakyan ay wagas. Naiiling na lang tuloy ako. Hindi na nakakapagtaka kung magkaroon siya ng kaaway dahil sa init ng ulo. Ang iksi kasi ng pasens'ya.
"BABA NA," aniya sa akin nang makarating kami ng parking lot ng malaking eskuwelahang iyon. Maganda at napakalawak. Halatang anak ng mayayaman ang mga pumapasok doon. Ako lang yata ang pulubi sa eskuwelahang ito kung sakali.
Napatingin ako sa kan'ya mayamaya.
Hahayaan niya lang ako mag-isa?
"Hindi mo ba ako sasamahan?" tanong ko sa mahinang himig. Mahirap na magsungit sa kan'ya. Mas masungit pa naman siya kaysa sa akin.
Pumikit muna siya bago nagsalita, "Sasamahan. Pero aalis din ako kaagad dahil may meeting ako ng 10'oclock," tugon niya sa akin.
Tumango ako saka ko binuksan ang pintuan ng sasakyan niya. Lumayo ako dahil ipapark yata niya ng maayos. Marami na kasing sasakyan sa bahaging iyon.
Pagbaba niya sa sasakyan ay sumunod ako. Ni hindi niya ako nilingon para sabihang sumunod o sabihan ng halika na.
Halos nakatingin sa amin ang mga estudyanteng naroon. Magsisipag-enroll yata ang mga ito kagaya ko.
Napatingin ako kay Thor na ang lapad ng ngiti sa mga estudyante. Halatang nagpapa-cute. Nakalimutan yata niya na mga bata pa ang mga kaharap.
Sumabay ako sa kan'ya nang makalagpas kami sa mga estudyanteng iyon pero nagmadali ito kaya hinayaan ko na lang na mauna siya sa akin. Nawala sa isip ko na hindi nga pala kami close, at ayaw niya akong kasama.
Wala akong nagawa nang iwan niya ako sa registrar. Kilala niya pala ang staff doon, ibinilin lang niya na asikasuhin ako. Nilandi lang yata ni Thor ang babae para pumayag ang staff na iwan ako. Kinuha pa kasi ni Thor ang numero niya, kaya kilig na kilig ito sa binata.
Nakaramdam ako ng lungkot nang maiwan akong mag-isa. Hindi naman siya inasikaso ng babae. Pinapila siya nito.
Mayamaya, parang tanga akong pabalik-balik sa labas para magpa-xerox ng ilang requirements ko. Hindi naman niya kasi binanggit kung ilang piraso. Nakailang tanong pa ako pero hindi ako pinapansin. Ilag din ang naroon sa akin. Kaya nakailang balik ako sa labas ng campus.
Dapat sagot na nila ang bayad sa photocopy dahil malaki naman yata ang bayad sa mga ito ng mag-asawang Hernandez.
Napagod ako sa paroot-parito. Ala-una na ako natapos dahil sa dami ng inasikaso. Siyempre, pumipila pa ako ulit kapag umaalis ako sa pila. Akala ko pa naman mabilis lang. Nasa isip ko kasi, VIP ang mga Hernandez sa eskuwelahang ito. Hindi pala. Baka kapag totoong Hernandez lang. Sabagay, sino lang ba ako.
Isang libo naman ang binigay sa akin ng ginang pero mas pinili kong kumain ng street foods. Nasa trenta pesos lang ang aking nagastos kasama ang juice. Nanghinayang kasi ako sa pera. Sinadya ko pang hanapin ang mga nagbebenta ng mga street foods.
Naglakad-lakad ako kapagkuwan para maghanap ng masasakyan pauwi. Nagtanong-tanong na rin ako sa traffic enforcer kung paano makauwi sa address na aking isinulat, ang address ng mga Hernandez. Hindi ako sanay dito, e.
Naka-tatlong sakay ako ng jeep dahil hindi ko kabisado kapag bus. Iba kasi ang daan niya.
Tama naman ang sinakyan kong jeep sa panghuli para makarating ng subdibisyon sana pero nagkandaligaw-ligaw pa rin ako dahil mali nga ang nababaan ko, lumagpas ako. Nakatulog kasi ako sa sobrang pagod.
Nakarating ako ng Edsa kakalakad dahil punuan ang jeep pabalik. Sabi sa akin, doon raw nagmumula ang jeep kaya dapat lang na suyurin ko raw para makasigurong makasakay ako, ayon sa aleng napagtanungan ko.
Akalain mong inabot ng apat na oras ang naging biyahe ko. Kasama na ang paghanap ko ng makakainan at paglalakad pabalik kanina makasakay lang ng jeep.
Puno ng pagtatakang nilapitan ako ng ginang, halos kakarating lang din ng mga ito. Ang usapan pala nila ni Thor ay ihahatid din ako pagkatapos dahil nakausap na pala nila ang may-ari ng eskuwelahan. Presesn'ya ko na lang pala ang kailangan, para sa mga pipirmahang dokumento at mga ipapasa na nasa kan’ya.
Malay ko ba, kasi mas inuna ni Thor na makipaglandian sa staff kaysa ipaasikaso ako. Halatang ayaw niya ako ihatid kaya nga iniwan na lang ako.
Naiiling ang mag-asawa nang iwan ko ang mga ito. Pinagpahinga na nila ako dahil para na akong naligo sa pawis. Medyo nasa dulo rin kasi ng subdivision ang bahay ng mga Hernandez, kaya napagod ako kakalakad, dagdag pa ang inilakad niya makarating lang ng Edsa kanina.
Saglit akong nagpahinga bago iginiya ang sarili matulog. Nabanggit ko kay Tabitha na matutulog muna ako. Baka kasi hindi ako agad magising kapag kumatok sila kapag oras na ng kainan. Naisip ko ring, bukas na lang ako tutulong sa gawaing bahay dahil namamaga ang paa ko dahil sa sapatos. Paltos na kaya.
Nagising ako sa pabalyang pagbukas ng pintuan ng aking silid. Papungas-pungas pa ako nang sipatin ang pumasok. Galit na mukha ni Thor ang bumungad sa akin kaya napaupo ako bigla.
Sunod-sunod ang paglunok ko nang luwagan nito ang pagkakabuhol ng kurbata nito.
Ano naman kaya ang problema niya sa akin?
"Saan ka ba nanggaling at late kang nakauwi? Tingnan mo, ako tuloy ang napasama kay Papa! Ito ang unang beses na pinagalitan niya ako ng ganito! At dahil iyon sa'yo!"
Napayuko ako dahil sa sinabi niya. "Sorry po. Naligaw po kasi ako kaya–"
"Ang tanga-tanga mo naman! Nandamay ka pa! 'Di ka marunong magbasa ng signboard?!" sigaw niya sa akin.
Napakapa ako sa aking dibdib dahil sa sinabi niyang tanga. Ang lutong pa naman. Tanga na agad? At kung makasigaw, parang pinakain na niya ako ng matagal sa bahay na ito.
Minabuti ko na lang na 'wag ng umimik at hinayaan ko siyang magsalita ng hindi maganda sa akin. Hindi naman niya alam ang buong pangyayari kanina. Mahirap makipag-usap sa mga kagaya ni Thor. Wala naman akong laban sa bibig nitong parang armalite, dinaig pa niya ako.
Umalis pa ito sa kuwarto ko na pabalyang isinara ulit ang pinto. Nagpakawala ako ng buntong hininga mayamaya.
Napatingin ako sa orasan. Alas onse na pala ng gabi. Kaya pala nararamdaman ko na ang gutom. Parang nanghina yata ako sa mga salitang binitawan ni Thor kanina.
Akmang tatayo ako nang maalalang baka gising pa si Thor. Parang ayaw kong lumabas dahil baka magkita kami. Hindi ko kayang tumingin sa mata niyang galit.
Pero sa huli, nakapagdesisyon pa rin ako na bumaba, dahil sunod-sunod na ang pag-kalam ng sikmura ko.
Natigilan ako sa pagpasok sa komedor nang datnan ko siyang kumakain din habang nanonood ng palabas sa selpon nito.