Cacia’s POV
Ang tahimik sa bahay na ito. Madalang ko pang makita si Zelan. Kung umuwi kasi ito ay gabi na at tulog na ako. Tapos, kapag gigising naman ako ay wala na siya, maaga kasi siyang umalis. Hindi ko alam kung iniiwasan ba niya ako o talagang busy lang siya.
Mabuti na lang at pinagbigyan ako ni Zelan na ibili ng laptop. Gaya ng plano ko, nagawa kong makabalik sa pagsusulat. Kapag bagot at wala akong ginagawa ay nagsusulat na lang ako. Kapag nagugutom naman ako, tatawagin ko lang ang mga kasambahay at agad naman nila akong pinagluluto ng pagkain ko. Malayong-malayo ito sa inaasahan ko. Kahit pa paano ay hindi tuloy ako nalulungkot kahit na malayo ako sa pamilya ko.
Tapos na akong mag-type ng update ko sa bagong story na sinusulat ko ngayon kaya lumabas muna ako ng kuwarto ko para bumaba sa ibaba. Gusto kong magpahangin muna sa labas. Para na rin napapahinga ko ang mga mata ko.
Sumakay ako sa elevator para hindi na ako mapagod na bumaba sa mahabang hagdan. Kapag sumasakay ako sa elevator dito ay tuwang-tuwa talaga ako. Ang sarap ng may ganito sa bahay. Dahil sa elevator na ito ay mapapadali ang pag-akyat at pagbaba ko sa mansiyon na ito.
Nang makababa na ang elevator at bumukas na ito, nanlaki ang mga mata ko dahil isang napakaguwapong morenong lalaki ang bumulaga sa akin. Napatitig tuloy agad ako sa kaniya dahil para akong nakakita ng artista. Oo, para siyang artista sa pagkakatayo niya doon habang seryoso naman niya akong tinitignan. Ni hindi manlang siya nagulat nang makita ako. Ako lang iyong gulat na gulat nang makita siya.
Pero, teka, si Zelan na ba ito? Kung oo, jackpot pala! Ang guwapo niya at ang laki pa ng katawan. Tapos, ang ganda-ganda ng kulay ng balat niya. Morenong-moreno. Kaya lang halata sa awra niya ang pagiging seryoso at masungit.
“May balak ka bang lumabas diyan sa elevator or will you just stay there and become a statue in my house?” tanong niya. Ang sungit, pero lalaking-lalaki ang boses niya.
“S-sorry, lalabas na ako. Pasensya ka na,” sagot ko. Hindi na siya kumibo paglabas ko doon. Gusto ko pa sana siyang makausap, kaya lang ay mukhang wala siya sa mood. Nakakatakot din kasi iyong mga tingin niya.
Pagsara ng elevator, lumapit sa akin si Kuya Badong. “Mabuti at hindi mo kinulit. Badtrip ‘yan kasi,” sabi niya kaya napatango na lang ako.
“B-bakit? Ano bang nangyari?” tanong ko habang naglalakad na kami palabas ng mansiyon.
“Nabangga kasi iyong isang favorite niyang sasakyan. Ayon, pinakulong niya iyong kaawa-awang matanda na hindi naman sinasadya ang nangyari. Kapag badtrip kasi talaga ‘yan, kahit alam niyang siya ang mali, ipipilit niya ang gusto niya, na siya ang magiging tama at mali iyong wala naman kasalanan. Kawawa tuloy iyong lalaki, nakulong ng walang laban. Bilyonaryo ba naman ang kalaban mo, bakit ka nga ba mananalo?” Napapailing si Kuya Badong habang nagkukuwento. Mabuti nalang din talaga at tinikom ko ang bibig ko kanina. Kasi kung hindi, baka ako ang mapabuntungan niya ng galit.
Pero bakit tumatak na agad sa isipin ko ang itsura niya? Bakit ang guwapo niya sa paningin ko? Para talaga akong nakakita ng artista kanina. Hindi tuloy ako makapaniwala na siya ang mapapangasawa ko. Masasabi ko tuloy na suwerte ata itong nangyari sa akin, kasi nabayaran na niya ang lahat-lahat ng utang ni papa, mapapangasawa ko pa siya. Pogi na, hot pa. Tapos bilyonaryo pa. Jackpot pala ako dito.
Pagkatapos kong kausapin si Kuya Badong ay pumasok na ako sa loob para pumunta sa kusina. Nadatnan kong abala si Manang Lowie sa paghihiwa ng mga karne doon. Sa istura niya ay parang nagmamadali siya.
“Hello po! Para po ba ‘yan sa lunch ni Zelan?” tanong ko agad sa kaniya.
“Opo, biglaan nga po. Hindi namin inaasahang uuwi pala siya ng maaga. Hindi ako puwedeng ma-late sa pagluluto ng lunch. Alas onse lang kasi ng tanghali ay nagpapa-ready na ‘yan ng pagkain. Anong oras na, alas nuebe na ng umaga tapos sampung putahe pa ang lulutuin ko, magagahol talaga ako ngayon dito,” sabi niya na kinagulat ko agad.
“Sampong putahe? Bakit naman ang dami? Birthday po ba niya ngayon?” tanong ko pa tuloy. Dalawa o tatlong ulam lang ay sapat na. Ganoon kami palagi sa bahay. Minsan nga isa lang, e.
“Ganoon talaga siya kumain, Ma’am Cacia. Kailangan maraming ulam na pamimilian. Kapag kasi may hindi siya nagustuhang ulam, dapat may ibang option. Mas marami, mas sure kaya mainam na iyong sampung putahe ang i-ready ko para hindi ako mapagalitan,” paliwanag niya. Naisip ko na talagang magagahol siya kaya inalok ko siya na tulungan na sa pagluluto, tutal ay hindi naman ako busy.
Ayaw pa niyang pumayag nung una, kaya lang ay nagpumulit ako kaya wala na rin siyang nagawa. Nagsuot na ako ng apron at saka na ako nagluto ng mga ulam na kaya kong lutuin. Habang kasama ko si Manang Lowie sa kusina, naaalala ko tuloy si mama. Madalas din kasi talaga kaming mag-bonding sa kusina. Madalas niya akong turuan magluto ng mga secret recipe niya.
Limang putahe sa kaniya, limang putahe sa akin. Tinolang manok, adobong baboy, chopsuey, munggo at nilagang baboy ang niluto ko. Nagulat pa siya kasi mali daw ako ng mga niluto. Hindi raw kilala ni Zelan ang mga lutong ulam na niluto ko kaya kinakabahan daw siya.
“Hayaan mo na, i-serve pa rin natin, malay mo magustuhan po niya,” pagpupumilit ko ulit sa kaniya.
“Alam mo, Ma’am Cacia, pakiramdam ko matatanggal na ako ngayon sa trabaho ko dito. Kapag nakita ni Sir Zelan ang mga hindi kilalang pagkain na ‘yan, lagot talaga ako,” nakangiwi niyang sabi kaya nilapitan ko siya para tapikin ang likod niya.
“Hindi ‘yan, akong bahala sa iyo, Manang Lowie. Magtiwala ka sa akin. May magic ang mga luto ko kaya tiyak na kahit hindi niya kilala ang mga luto ko, masasarapan siya rito,” biro ko sa kaniya kaya natawa naman siya. Wala na siyang nagawa kundi ang i-serve na rin ang mga nilutong kong pagkain.
Saktong tapos nang mag-ayos ng lamesa sina Manang Selya, Manang Lowie at Ate Pila nang bumaba na rito si Zelan. Nakita niya akong nakatingin sa kaniya kaya bigla niya akong sinenyasan na lumapit sa kaniya.
“B-bakit?” tanong ko naman habang nauutal ang boses.
“Sabayan mo na akong kumain dito,” sagot niya kaya nagulat ako. Sinunod ko naman siya kasi ang totoo ay gutom na rin ako. Saka, magiging mag-asawa naman na kami kaya dapat lang na masanay na akong sabayan siyang kumain.
Ang guwapo-guwapo niya lalo sa malapitan. Hindi ata ako makakakain ng maayos kung siya palang, ulam na para sa akin.
“Kung wala kang balak na kumain at tititigan mo lang ako, tumayo ka na diyan,” biglang sabi niya. Nagulat tuloy ako kasi parang may mata siya sa gilid niya. Alam niya palang nakatitig ako sa kaniya.
“Sorry,” sagot ko na lang saka na ako kumuha ng brown rice para magsimula na ring kumain.
Napansin ko na napatigil siya sa ginagawa niya nang tignan niya isa-isa iyong mga lutong ulam ko. Kinabahan ako kasi baka magalit nga siya gaya nang sinasabi ni Manang Lowie. Pero mas nagulat ako nang subukan niyang tikman ang mga ito. Una niyang tinikman ang adobong baboy. Napasigaw ako nang bigla niya itong tabigin kaya nalaglag ito sa sahig at nasayang. Napatakip tuloy ako ng kamay sa bibig ko dahil sa gulat. Sunod niyang tinikman ang tinolang manok. Ganoon din, tinabig niya rin para matapon sa sahid. Lahat ng niluto kong ulam ay tinapon niya lang matapos tikman ng isang beses. Pagkatapos niyon, kumain na siya ulit. Puro iyong mga lutong ulam lang ni Manang Lowie ang tinikman niya. Nanghinayang tuloy ako sa pagod at effort na nilaan ko para lutuin ang mga iyon.
Tinignan ko si Manang Lowie, iniwasan niya lang ako nang tingin. “Sa susunod, huwag ka nang mangialam sa kusina, Cacia, please lang,” biglang sabi ni Zelan habang mahinahon ang boses.
Napatango na lang ako. Nakita niya siguro sa CCTV na nagluluto ako kanina kaya alam niyang ako ang mga nagluto niyon.
“Sorry,” sabi ko na lang ulit.
Bigla naman siyang tumayo. “Engot, puro sorry na lang bukambibig mo. Kakakita palang natin pero nae-engotan na ako sa iyo. Nakakawalang ganang kumain tuloy,” galit niyang sabi. Pati tuloy iyong mga nilutong ulam ni Manang Lowie ay tinabig niya at pinagtatapon sa sahig. Pagtakapos ay umalis na siya at saka bumalik sa kuwarto niya.
Naiwan akong tulala habang tumutulo ang luha. Ito ang unang beses na natakot ako sa kaniya. Guwapong-guwapo pa naman ako sa kaniya, pero ganito pala siya kawalangya. Grabe, sobrang lala pala niyang magalit.
“Mild palang iyon, Ma’am Cacia. May mas malala pa ‘yang pagwawala niya kaya dapat kapag pinagbabawalan ka namin sa mga hindi mo dapat gawin dito ay sumunod ka na lang po. Lagot si Lowie tuloy sa kaniya ngayon. Siya ang mapapagalitan dito kasi pumayag siya na sumama kang magluto sa kusina. Pasensya na, Ma’am Cacia, pero sana makinig na lang po kayo sa amin sa susunod para wala nang mangyaring ganito,” sermon sa akin ni Manang Selya kaya tumango na lang ako. Inabutan naman ako ng tissue ni Ate Pila kasi nakita niyang takot na takot talaga ako.
Binabawi ko na ang sinasabi kong jackpot ang mapangasawa siya.