WARD 10

2091 Words
Nang magising muli si Yvona ay doon lang niya napansin na may kasama siyang ibang pasyente sa kwarto. Ramdam ko pa nga ang kanina niyang paninitig sa akin na tila gustong kausapin ako pero nahihiya siyang gawin. "Hello," pagbati ko sa kanya at naglakas loob na kausapin siya. Tila nabuhayan naman si Yvona ng gawin ko iyon. "H-Hi..." nahihiyang pabalik na bati niya sa akin saka pinaglaro ang kanyang mga daliri. Malawak na napangiti ako. "Ako nga pala si Vana. Ikaw si Yvona di ba?" pagpapakilala ko sa kanya. Dahan dahan naman na itinango ni Yvona ang kanyang ulo. "Opo... Ako po si Yvona..." Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan namin. Nag-iisip naman ako ng magandang paksa para pag-usapan. Subalit wala akong karanasan sa ganitong bagay kaya blangko ang aking kaisipan. "A-Ate Vana, gaano na po kayo katagal dito?" biglang tanong sa akin ni Yvona at siya na ang nanguna para patuloy na makapag-usap kami. Napaisip naman ako sa tinanong niya. Dalawang linggo ako na tulog tapos mahigit isang linggo na ako noon. "Mga isang buwan na rin..." sagot ko nang mapagtanto kung gaano na ako katagal nandito sa facility. Tila nalungkot naman si Yvona roon. "Ibig po sabihin ay baka mahigit isang buwan din po ako rito?" tanong niya. Pilit na napangiti ako dahil hindi ko alam kung paano ba ipapaliwanag ang aming sitwasyon. "Ate Vana... Tingin niyo po ba ay makakauwi pa ako?" pagtatanong niya sa akin. "O-Oo naman..." mautal utal kong sambit na lalong ikinalaglag ni Yvona ng kanyang balikat na mapansin ang pag-aalinlangan ko na sagutin ang tanong niyang iyon. Hindi naman kasi ako doktor para malaman kung kakayanin ba ng kondisyon ni Yvona ang virus. "P-P-Posible po ba na mamatay din po ako katulad ni Kuya Devon?" bigla niyang tanong muli sa akin. "Huh Devon?" pag-ulit ko sa binanggit niyang pangalan dahil medyo pamilyar sa akin ito. Napayuko ng ulo si Yvona at mahigpit na niyakap ang stuff toy na hawak niya. "M-May kuya po kasi ako na unang dinala rito... P-Pero abo na lang siya ibinalik sa amin pagkalipas ng ilang linggo... K-Kaya nang malaman nina mama at papa na pati po ako ay tinamaan ng virus ay sinubukan nila na itago ako... Pero sa huli ay nakuha rin nila ako..." pagsasalaysay niya ng nangyari sa kanya. Marahil labis labis ang paghihinagpis ng magulang niya ngayon dahil dalawa sa anak nila ang tinamaan ng virus na ito. Sa lahat lahat naman kasi ng pipiliin ng virus ay si Yvona pa. "Devon huh..." pag-ulit ko ng pangalan ng kuya ni Yvona. Hanggang sa maalala ko ang dating medical record na nakuha ko. Pagmamay-ari iyon ng pasyenteng may pangalan na Devon Navarro. Ito ang insidente kung saan nakakapagtaka ang date and time ng death niya. "D-Devon Navarro...?" tanong ko pa kay Yvona na ikinaangat ng tingin niya. "A-Ate Vana... K-Kilala niyo po ba si Kuya Devon?" umaasang sambit niya. Mabilis na iniling ko ang ulo ko para itanggi iyon. "Hindi ko siya literal na kilala pero narinig ko kasi noon ang mga pangalan niya sa mga nurse at doktor..." pagrarason ko. Kung ganoon at kapatid ni Devon si Yvona. Napakalaking coincidence naman di ba? Hanggang ngayon kasi ay inuusig ako sa nalaman na iyon pero biglang mangyayari ito. Napanguso naman si Yvona sa sinabi kong iyon. "Sayang naman..." malungkot niyang sambit. Napaisip naman ako. "Ah! Maaari mo itanong ang tungkol sa kanya kay Doktora Andrea... Pagkaalam ko ay naka-assign din siya sa kanya noon..." mungkahi ko sa kanya para hindi ito lumungkot. Masayang napatango si Yvona. "Sige po... Nais ko rin po malaman kung ano nangyari kay Kuya Devon noong nandito pa siya..." umaasang sambit niya. Napatingin naman ako sa orasan. Tamang tama dahil oras na ng pagbisita ni Doktora Andrea sa aming kwarto. And speaking of... Bumukas ang pinto at pumasok si Doktora Andrea na medyo haggard sa kanyang ginawang mga trabaho. "Bakit ganyan ang itsura niyo, dok?" nag-aalalang tanong ko. "Dumadami na kasi ang mga infected ng virus kaya sobrang abala ang lahat ng mga doktor... Kulang na kulang ang mga tao rito dahil ang iba naming mga kasamahan ay mas pinili na sumama sa proyektong iyon," naiinis na komento naman ni Doktora Andrea at napahalukipkip ng braso. Proyekto? Ito ba iyong pinag-awayan nilang dalawa ni Doktor Mark? Pilit na napangiti ako at hindi na inusisa sa kung anomg proyekto iyon. Alam ko naman na hindi naman niya sasagutin iyon kahit na magtanong pa ako. "Doktora! Doktora!" pagtawag naman ni Yvona kay Doktora Andrea. Masaya naman na nilingon ng doktor ang batang pasyente. "Bakit Yvona?" tanong pa niya. "Nais ko po sana magtanong sa inyo tungkol kay Kuya Devon! Nalaman ko po kay Ate Vana na naging doktor din niya kayo!" masayang sambit ni Yvona. Biglang natigilan si Doktora Andrea at unti unti na napalis ang kanyang ngiti. "D-D-Devon...?" gulat na pag-ulit pa niya. "Opo! Devon Navarro po ang pangalan ng kuya ko!" pagkumpirma ni Yvona, "Nakakatandang kapatid ko po siya!" Biglang namutla si Doktora Andrea at agarang napaiwas ng tingin. Katulad ito ng naging reaksyon niya nang itanong ko noon sa kanya si Flare. Ibig sabihin ay may nalalaman din si Doktora Andrea sa ikinamatay ni Devon. Lalo tuloy lumalaki ang suspetya ko sa ginagawa nila sa mga pasyente ng facility. Subalit lumipas ang ilang sandali ay nilingon ako ni Doktora Andrea. "V-Vana... P-Paano mo nalaman na naging doktor ako ni Devon?" seryosong tanong niya sa akin. Ako naman ang natigilan ngayon. Nawala sa isipan ko na walang alam si Doktora Andrea na may nalalaman ako tungkol kay Devon. Mabilis naman ako napaisip ng ibibigay na dahilan sa kanya. "Ah... Eh... N-N-Narinig ko noon ang tungkol sa kanya sa pag-uusap ng mga nurse..." pagsisinungaling ko. Napataas naman ng kilay si Doktora Andrea na tila sinusukat kung nagsasabi ako ng totoo. Pinilit ko na manatili ang aking tingin sa kanya para mapaniwala siya sa kasinungalingan na iyon. "Vana... Nasabihan na kita noon..." pagpapaalala niya sa akin. Itinaas ko ang aking kamay. "Doktora, alam ko na ilang beses na sinabi niyo sa akin na hindi ko kailangan na maging concern sa ibang pasyente ng facility pero hindi ko kasalanan kung marinig ko iyon sa usapan ng iba..." pagrarason ko. Napahilot ng kanyang sintido si Doktora Andrea. "Pagsasabihan ko ang mga nurse ukol dito..." pagpla-plano pa niya. "Doktora~~~!" nagsusumamong pagtawag muli ni Yvona, "Ikwento niyo na po ang nangyari kay Kuya Devon please..." Isang sukong buntong hininga ang pinakawalan ni Doktora Andrea. Sa huli ay napilitan siyang lumapit kay Yvona para ikwento ang naging buhay ni Devon sa ilalim ng kanyang pangangalaga. Ayon sa kanilang pag-uusap ay umabot din si Devon sa ikalimang sintomas at lumakas pagkatapos ng ilang araw. Pero ilang gabi pagkatapos nang biglaang paglakas niya ay bigla na lang din namatay ito sa kanyang pagtulog. Katulad na katulad ang nangyari kay Devon ang nangyari kay Flare. Kaya lalo tuloy ako na-weirdo-han. Dahil kaya sa Evol virus ang naging pagkahintulad ang kamatayan ng mga pasyente? Narinig ko ang mahinang paghikbi ni Yvona nang malaman ang nangyari sa kanyang kapatid. Marahil nanghihinayang siya na dahil lang sa isang gabi ay hindi na ito nagising muli. "Huhuhu... Napakabait po ni Kuya Devon..." pagngawa pa niya, "Nang kunin siya noon ay nangako po siya na babalikan niya kami. Nangako siya na uuwi ng buhay para makipaglaro muli sa akin... B-Bumalik nga po siya... p-p-pero isa na lamang siyang abo... N-Namimiss ko na siya... G-Gusto ko na mayakap siyang muli..." Niyakap naman ni Doktora Andrea si Yvona. Subalit kapansin pansin ang kakaibang ekspresyon sa kanyang mukha. Isang ekspresyon na tila guilty siya sa isang bagay. Matamam na tinitigan ko si Doktora Andrea para biglang mapalingon siya sa aking gawi. Nang mapansin niya ang kakaibang tingin na binibigay ko sa kanya ay agarang iniwas din niya ang tinging iyon. *** "K—Kailangan po ba talaga ang mga gamot na iyan?" naluluhang tanong ni Yvona nang dumating ang mga nurse dala ang gamot na ituturok nila sa amin. Tila natakot ang batang pasyente sa laki ng injection na iyon. "Yes Yvona... Kung gusto mong gumaling agad kailangan mo ang mga gamot na ito..." pagrarason ng nurse sa kanya. Napalingon sa aking gawi si Yvona at tinignan ang pagtuturok sa akin ng gamot ng nurse na nag-aasikaso sa akin. Nang makita niya na naiturok sa akin ito ay dahan dahan niya itinango ang ulo para hayaan na ang nurse niya na turukan siya. Agarang napangiwi si Yvona nang maiturok sa kanya ang unang injection. Nangilid pa ang luha sa gilid ng kanyang mata habang iniinda ito. "A-Ang sakit..." reklamo pa ng bata. "Pasensiya na pero kailangan mo talaga ang mga gamot na ito..." paumanhin naman ng nurse at itinurok na rin ang pangalawang injection. Doon ay tuluyang naiyak si Yvona. "Huhuhu! A-Ayoko na niyan! Masakit eh!" pagbalahaw niya ng iyak at bahagyang itinulak sa kanya ang nurse na dahil ituturok naman niya ang pangatlong gamot. "Sssshhhh!" pagpapatahan ng nurse, "Last na ito today, okay?" Napanguso si Yvona sa sinabi ng nurse sa kanya. "Ibig sabihin ay ituturok niyo rin ang mga iyan sa akin bukas? Ayoko!" patuloy na pagngawa niya, "Masakit!" Napakamot naman ang nurse na tila hindi alam ang gagawin para pakalmahin si Yvona. "Yvona..." pagtawag ko, "Sa simula lang iyan masakit pero masasanay ka rin..." pagpapalubag ko ng kalooban niya. Natigilan naman si Yvona at muling napatingin sa aking gawi. "T-Talaga Ate Vana...?" pagkumpirma niya. Itinango ko ang ulo ko. "Oo, kaya tiis tiis muna tayo para gumaling tayong dalawa..." Nabuhayan naman ng loob si Yvona at tinignan ang nurse para maiturok na ang ikatlong injection. Nagpapasalamat naman lumingon sa akin ang nurse saka mabilisan na itinurok ang injection na iyon bago pa makaangal muli si Yvonan. Nang matapos ay naiwan muli kami ni Yvona sa kwartong iyon. Madami siyang kinuwento sa akin. Doon ay nalaman ko kung gaano ka-bibo na bata si Yvona. Maraming siyang mga kaibigan at malaya na nagagawa niya noon ang mga nais niyang gawin. Bago pa man mangyari ang pandemya na ito na siyang bumago sa takbo ng buhay niya. Hindi katulad ko na hindi nagkaroon ng isang normal na pamumuhay. Hindi ko nga alam kung mararanasan ko pa ba ang maging normal. Baka rito na rin kasi sa facility na bawian ako ngayon ng aking buhay. "Ate Vana kung magkakakilala lang siguro kayo ni Kuya Devon ay marahil magiging magkaibigan kayo... Mabait din kasi kayo katulad niya..." biglang komento ni Yvona, "Sayang lang po dahil hindi na kayo magkakakilala pa..." Laging bukam bibig ni Yvona ang kuya niya kaya alam ko kung gaano niya ito kamahal. "Sayang nga..." umaaayong sambit ko. Hindi nagtagal ay narinig ko ang nahihimbing na paghinga ni Yvona. Marahil dahil na rin sa epekto ng gamot na itinurok sa kanya. Ako naman ay kinuha ko sa ilalim ng aking unan ang notebook ko at isinulat doon ang mga detalye ng mga panibagong nangyari habang nanatili ako rito. Habang nagsusulat ay muling naalala ko ang ekspresyon ni Doktora Andrea. Guilty na guilty siya sa isang bagay. Ano naman kaya iyon? "Aaaiish! Ano ba kasi ang sikreto ng facility?!" naiinis kong sambit saka malalim na napaisip. Hindi pa rin kasi mawala sa isipan ko ang biglaang pagkamatay ng mga pasyente. Lalakas sila pero mamamatay naman sila sa kahimbingan ng tuloy. In short, tuwing gabi ay kataka taka ang nagiging kamatayan nila. "Posible kaya na lihim na pinapatay sila ng facility..." hinuha ko. Napailing naman ako ng ulo sa malagim na naiisip kong rason. Para naman kasi tanga kung gagamutin nila kami pero papatayin din sa huli di ba? Sana bago pa lang kami dumatimg dito ay hindi na nila kami pinakahirapan na gamutin. Subalit ano pa ba ang maaaring maging rason para biglang mamatay ang mga pasyente nang hindi dahil sa virus. "Para saan ba talaga ang facility?" biglang tanong ko sa aking sarili, "Talaga bang ginawa ito para i-isolate ang mga infected? O may mas malalim pang dahilan?" Biglang napatingin ako sa buong kwarto. Mula ng dumating kasi ako ay ito lang ang nakikita ko sa kabuuan ng facility. Hindi ko alam kung gaano ba ito kalaki at kamusta ang ibang mga pasyente na dinala rito. Hanggang tumigil ang tingin ko sa mismong pintuan at napaisip ng maaaring itsura ng labas nito. Gusto ko man alamin pero nakakabit ako sa mga aparato kaya hindi ako makaalis sa higaan nang hindi tinatanggal ang mga aparato. "Tsk! Hayaan na nga lang... Siguro ay nagiging mapaglaro na naman ang aking isipan at kung anu-ano ang mga naiisip ko laban sa mga tao ng facility..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD