"Sheryll ano nangyari sa iyo? para ka naman namatayan," bungad ng kaibigan nang mapadaan sa kanyang mesa.
Nilingon niya na lang si Celina ng tapikin siya nito sa balikat. Todo kasi ang pakasimangot ni Sheryll habang nakatalumbaba sa lamesa.
"Friend." Napayakap na lang siya sa baywang ng kaibigan. "Bakit ganoon, kung kailan todo effort ako tsaka ako nadeadma, alam ko naman na hindi pang model iyong kagandahan ko, pero nagpupursige naman ako na mag-ayos." sumisinghot-singhot niyang sambit.
"Huh, ano bang nangyari?" hinaplos na lang nito ang buhok niya.
Nakanguso siyang nag-angat ng mukha dito. "Si Bobby kasi. Alam mo iyon, halos mapudpod ko na iyong lipstick at maubos ko na iyong face powder sa mukha ko para lang sa kanya kahapon, pero parang wala man lang siyang napansin. Bumili pa nga ako noon sexy na panty at bra pero wala rin naman palang silbe," wariy napapahagulgol niya na lang na sambit.
"Ha? Baka naman wala lang siyang gana kahapon." Napatawa na lang si Celina sa pagmamaktol niya.
"Sa ilang taon namin na magkasama lagi iyon nag-aaya sa motel kapag anniversary namin, hindi ko lang talaga mapagbigyan kasi natatakot pa ako, ngayon na ready na ako tsaka naman siya pumalya." Bumitaw na lang siya sa kaibigan sabay halukipkip at belat nang hindi pa rin ito tumigil sa paghagikgik.
"Sorry na," lambing ni Celina sa kanya. "Baka naman nakapag isip-isip na siya na hintayin ka na lang na maging ready," bawi nito.
Mas lalo lang siyang napanguso sa sinabi ng kaibigan. "Todo paramdam na nga ako kahapon, alam mo iyon, inilabas ko na iyong cleavage ko tapos inaangat ko pa iyong palda ko, kulang na lang maghubad ako sa harap niya pero wala pa rin!"
Napahawak na lang si Celina sa bibig para pigilan ang tawa, muli niya lang itong binelatan sabay nguso dahil sa hiya.
"Napapaisip na nga lang ako na baka nambababae na iyon eh." Ganoon na lang ang sorpresa niya ng makitang napa ubo ang kaibigan bigla.
"Bakit, nagawa niya na ba iyon sa iyo?" pilit pag-aayos nito sabay umupo na sa tabi niya.
"Hindi pa." Naisip niya nga naman na napakabait ng kasintahan para gawin iyon, maliban doon alam niya naman na mahal na mahal din siya nito.
"Oh, iyon naman pala eh." Tinapik na lang siya ni Celina sa balikat.
"Pero alam mo iyon feeling na parang may mali," balik niya na lang sa kaibigan, sadyang hindi niya maialis ang dalamhati ng mga nangyari.
"Mabuti pa tanungin mo na lang siya, mahirap magbintang ng walang ebidensya, maswerte ka nga at legal ang relasyon niyo, hindi iyon parang nangangapa ka kung anong meron kayo," mahinang saad ni Celina
Napansin niya ang kakaibang anino sa mata ng kaibigan at ang kung anong bigat sa boses nito habang sinasabi iyon.
"Wow may pinaghuhugutan, saan iyan nanggaling?" biro niya na lang, kita niya kasi sa mukha ng kaibigan na para bang may pinagmumulan ang payo nito.
Napangiti na lang si Celina ng tipid. "Ang sinasabi ko lang ay maswerte ka sa boyfriend mo, kaya dapat ma-appreciate mo siya."
Medyo gumaan ang loob niya sa sinabi ng kaibigan. Hindi niya rin naman maiaalis na matindi ang pagtiyatiyaga at pag iintindi ng kasintahan sa kanya simula noong maging sila, kaya naman pinilit niya na lang isaloob ang sinabi ni Celina.
Ayaw niya rin naman na pagsimulan pa iyon ng away nila ni Bobby. Nagdesisyon na lang siya na tawagan ito bago umuwi upang makapag-usap.
"Bhe, nasaan ka?" malambing niyang saad sa lalake pakasagot nito.
"May delivery lang ako, mamaya na tayo mag-usap, baka masalisihan pa ako dito." bulong nitong sita.
Napasimangot na lang siya ng madinig ang medyo irritable nitong tono, wala na siyang nagawa nang babaan siya ng tawag ng lalake.
Malungkot siyang umuwi sa bahay nila, hindi niya maialis sa isip ang palaging pagiging bugnutin ng kasintahan, pakiramdam niya tuloy ay baka nagsasawa na ito sa kanya at para bang lumalayo na rin ang loob nito, kaya naman minabuti niya na ang gumawa ng paraan.
Tuwang-tuwa siya nang maapprubahan ang hiningi niyang leave kinabukasan, parang naging maaliwalas ang buong paligid niya na halos lahat ng bagay ay parang masaya, tumungo na siya kaagad sa mall pakauwi, humuhuni-huni pa siya habang naggrogrocery ng mga iluluto niya para bukas, isa sa mga bagay na alam niyang nagustuhan ng kasintahan sa kanya ay ang galing niyang magluto kaya naman nagdesisyun siya na gawan ito ng isang espesyal na potahe.
Iyon nga lang hindi niya natantsya ang bigat ng mga pinamili kaya hingal na hingal siya sa pagbubuhat ng mga iyon, ganoon na lang ang sorpresa sa bahay nila nang makita siya ng mga magulang.
"Hindi ba tapos na ang piyesta?" Salubong ng tatay niya pakapatong niya ng mga pinamili sa lamesa.
Hindi niya na lang pinansin ang pang aasar nito at sinimulan na ang pag-aayos ng mga sahog.
"Sino may birthday?" usisa naman ng nanay niya habang tinitingnan ang kanyang mga pinamili.
"Magluluto ako bukas," saad niya na lang habang inilalabas ang mga pinamili mula sa plastic, tiningnan niyang maigi kung naroon ba ang lahat ng kailangan niya.
Pinaghiwahiwalay niya muna ang mga rekados sa bawat putahe bago ibalik sa plastik nito.
"Anak, san ka naman magfefeeding program?" muling singit ng tatay niya habang inilalagay niya ang mga iyon sa loob ng ref.
"Tay naman." Pagsisimangot niya na lang dito.
Napangisi na lang ito nang mapansin ang mukha niya sa sinabi. Tinulungan na lang siya ng nanay niya pakasuway nito sa kanyang ama.
Hindi niya mapigilan ang galak na ipagluto si Bobby lalo na at naiisip niya ang magiging reaksyon nito sa oras na matikman ang espesyal na mga putaheng iluluto niya.
Sa sobrang excited ni Sheryll ay halos hindi na siya nakatulog, kahit na ganoon ay punong-puno pa rin siya ng enerhiya pakabangon kina umagahan.
Matindi ang naging preperasyon niya sa pagluluto, halos bawat sahog ay nilalagyan niya ng disenyo at tinitikmang mabuti, tulad na lamang ng carrots na hinugis puso niya pa, pati ang mga bell pepper ay hindi niya pinatawad, kinorte niyang mga bulaklak, ultimo ang paglalagay niya dito sa mga tupper ware ay maingat at metikuloso, halos ilang oras rin siyang inabot sa paghahanda, kaya naman buong pagmamalaki ang nadama niya nang matapos.
Agad niyang tinext ang kasintahan matapos ilagay sa supot ang mga tupperwear ng pagkain.
To BubuBear message:
Bhe nasaan ka?
From BubuBear message:
Nandito lang sa bahay nagbabantay wala kasi si Nanay
Matapos makasigurado ay sinilip niya muna muli ang mga inihanda. Menudo, Chop suey, Lumpiang Shanghai at Pansit loglog ang iniluto niya. Mga pagkain na alam na alam niyang paborito ni Bobby, halos tanghalian na rin noon kaya alam niyang sakto lang ang mga iyon.
"Ma, aalis na ako!" nagmamadali niyang paalam dito.
"Ingat anak!" Kaway ng mama niya habang hinahainan ang kapatid niya ng mga tira sa inihanda niya.
Hindi niya kasi namalayan na naparami pala ang bili niya kaya halos may panghapunan pa sila.
Muntik pa siyang madapa nang pahabol niyang pinara ang tricycle na papalapit, hindi niya kasi maialis ang kasabikan na makita ang reaksyon ng kasintahan sa oras na matikman nito ang mga inihanda niya.
"Ate, bayad mo!" sita ng tricycle driver nang patakbong bumaba si Sheryll.
Napabalik tuloy siya ng wala sa oras. "Ay sorry kuya!" Agad niyang iniabot ang pamasahe bago muling kumaripas ng lakad patungo sa gate ng bahay ng kasintahan.
Ngiting-ngiti pa siya habang pinipindot ang doorbell ng bahay nito, panaka naka ang silip niya sa loob dahil parang walang tao roon, ganoon na lang ang galak niya nang makitang sumilip si Bobby mula sa bintana, napatalon na lang siya sa pagkaway nang makita nito, ilang minuto pa at pinagbuksan na siya ng lalake.
Napakagat labi na lang siya sabay ngiti ng mapagmasdan ang kasintahan, guwapong guwapo si Sheryll sa magulo nitong buhok at medyo antok na mga mata na halatang kababangon lamang.
"Bhe, wala kang pasok?" kunot noo nitong tambad sa kanya.
"Day off ko," masaya niyang baling dito. "Nagluto ako ng mga paborito mo." Iniangat niya kaagad ang mga dalang plastic sa harap nito.
Napatango na lang ito. "Wow, wala bang softdrinks?" puna nito habang sinisilip ang mga dala niya, natahimik na lang siya nang maalala ang tungkol sa bagay na iyon. "Tara, ipasok mo na muna iyan tapos bili tayo ng softdrinks sa tindahan," turan na lang nito habang kinukuha ang mag dala niya.
"Nasaan si Tita?" tanong niya nang mapansing saradong-sarado ang mga bintana at napakadilim ng bahay.
"Nag-outing sila, kasama sina tita ko," sagot naman nito habang inilalapag ang mga pagkain sa lamesa.
"Hindi ka sumama?" alala niyang sambit dahil batid niyang mahilig ito sa mga ganoon, nag-alala siya na baka may iniinda nanaman itong sakit.
"Alam mo naman na may mga inaasikaso ako dito, tsaka uuwi rin naman sila mamayang hapon," seryoso nitong sagot.
Napangiti na lang si Sheryll sa pagiging masinop nito sa negosyong hinahawakan, dahil kahit papaanoy ay alam niyang magiging panatag siya rito kapag nagdesisyon na silang magsama.
"Tara, bumili na muna tayo ng softdrinks, kanina pa ako nauuhaw." Yakag ni Bobby pakalagay ng takip sa mga dala ni Sheryll.
Masaya naman siyang kumapit sa braso nito habang papalabas sila ng bahay, kahit tirik ang sikat ng araw ay matiyaga nilang nilakad ang malapit na convenience store sa kanto ng bahay nito, wala naman siyang pagsisisi dahil sa galak na makasama at makakwentuhan ito ng mas matagal.
"Sige na, pili ka na Bhe," turan nito sa kanya.
Agad niyang kinuha ang paborito nilang inumin para mapagsaluha. Ganoon na lang ang kunot ng noo niya nang makita ang pagkabusangot ng mukha nito habang nagtetext.
"Bhe anong problema" papansin niya na lang dito.
Isang malalim na buntong hininga naman ang pinakawalan ni Bobby. "Iyong isa ko kasing buyer nag back out, bad trip lang," napapaigting nitong sambit habang pinanggigigilan sa pagpindot ang telepono.
"Hayaan mo na iyon, may susunod pa naman diyan," lambing niya na lang sa lalake sabay yakap dito.
Tumango na lang ito sa kanya sabay ngumiti, naglakad ulit sila pabalik sa bahay nito, kaya walang katumbas ang tuwa niya habang nagkwekwentuhan sila pauwi.
Napalitan lang ang masaya nilang pagkukulitan nang makapasok na muli sa loob ng bahay.
"Hala! Ano nangyari?" naluluhang napabagsak na lamang ang kanynag balikat nang makitang nakakalat ang mga tupperware at pagkain sa sahig at kinakain na ng mga pusa.
"Putang ina naman oh! Shooo, shooo!" irritableng bugaw ni Bobby sa mga pusang naroon.
Nakadama na lang siya ng awa nang makita kung paano nito sipain palabas ang mga naturang hayop.
"Bhe tama na! Hayaan mo na, kawawa naman iyong mga pusa," awat niya na lang dito.
Napapunas na lang ito ng mukha sabay buga ng malakas na hangin. "Badtrip!" nangingitngit nitong sambit, halos ibagsak pa nito ang mga binili nila at walang padabog na kinuha ang dustpan at walis.
Mabilisan nitong dinakot ang mga nagkalat na pagkain, may kung anong lungkot na lang siyang nadama habang pinagmamasdang linisin ng kasintahan ang pinaghirapan niya, may kung ano bigat siyang nadama sa padaskol nitong pagsalok sa mga ito.
"Oh, ba’t ganyan ang mukha mo?" sita nito nang makita siyang nakasimangot at namamasa ang mata.
"Sayang iyong niluto ko, pinaghirapan ko pa naman iyan," nahihikbi niyang saad.
"Alangan naman kainin pa natin ito!" irritableng sita I Bobby habang iniaangat ang dustpan.
Mas lalo lang siyang napasimangot sa inasal ng kasintahan."Special pa naman mga iyan." Napakagat na lang siya sa kanyang ibabang labi dahil sa lalong pagtalim ng tingin ng lalake.
"Eh wala na nga, ano pang gusto mong gawin?" Balibag na lang nito sa mga hawak, sabay buga ng malalim.
Tila dama niya na parang sa kanya nito binubuntong ang galit mula sa nabulilyasong transaksyon kaya naman hindi niya napigilan ang kung anong sikip sa kanyang dibdib.
Nanatili na lang siyang tahimik upang wag ng gatungan pa ang galit nito, hindi niya rin naman gustong pagsimulan ng away ang napakasimpleng bagay na iyon, subalit hindi niya lang gusto ang pag balewala nito sa inihanda niya, ni hindi man lang nito napansin ang kakaibang hugis ng mga iyon at basta-basta na lang na isiniksik sa loob ng basurahan na siyang naging dahilan ng mas lalong pag usbong ng tampo niya.
Padabog pa rin gumalaw si Bobby pakatapos noon, lalo lang tuloy siyang naninibago sa mga ikinikilos nito.
"Bakit parang laging ang init ng ulo mo?" sita niya sa lalake.
Napapunas na lang ito ng mukha bago huminga ng malalim, lalo lang siyang nainis nang nanatili itong tahimik at hindi na tumitingin sa kanya.
"Bahala ka nga diyan," inis niyang sambit bago galit na lumabas ng bahay.
Malakas niyang itinulak pasarado ang gate nito kaya naman halos kumalansing iyon at umuga, pero pasimple pa rin siyang lumilingon sa likod niya, nagbabakasakali na nakasunod ang kasintahan, pero mas lalo lang bumigat ang kanyang loob nang hindi niya makita ni anino nito hanggang sa makasakay siya ng tricycle.
Sumakay na lang siya kaagad sa padating na tricycle pauwi, hindi niya napigilang mapaiyak, nahihirapan na siyang intindihin ang kasintahan mas lalo lang tuloy siyang nagkakaroon ng hindi magandang hinala dito.
Pinili niya na lang na wag ipahalata sa pamilya ang nangyari. Mabilisan siyang nagtungo sa kanyang kuwarto upang doon ilabas lahat ng hinanaing at iiyak ang sobrang sama ng loob na nadarama.