Sweet
Nawala siya sa pagmumuni mula sa magandang panaginip nang tapikin ng kanyang mama.
"Sheryll, ang saya mo yata ngayon ah!" ngising pansin nito.
Nadama niya na lang ang pag-init ng kanyang pisngi nang maalala ang dahilan noon. "Mama naman eh!" Ilang na ngiti niya dito dahil sa kakaibang tingin na ipinupukol nito.
"Eh kanina ka pa diyan nakatingin sa pagkain mo eh!" Natatawang sita na lang ng kanyang mama.
"Oo nga ma, kanina pa iyan nakatulala is ate," asar ng nakababata niyang kapatid.
Pinaningkitan niya lang ang kapatid sabay angat ng kamay sa may ulo nito, natigil lamang siya sa tangkang pagbatok nang maupo na sa gitna nila ang kanilang mama.
"Hindi ka pa ba malalate niyan sa trabaho? Anong oras na ah," saad na lang nito.
Dali-dali na lamang siyang napabaling sa orasan sa kisame nila at ganoon na lang ang pamimilog ng kanyang mga mata nang makita ang oras.
"Hala, bakit hindi niyo sinabi!" Karipas siyang tumayo sabay kuha ng pandesal sa mesa habang hinihigop ang natitirang kape.
"Kanina pa kita sinasabihan, nananaginip ka nanaman yata ng gising eh," sita na lang ng mama niya.
"Mama naman!" Napasimangot na lang siya habang nagmamadaling ayusin ang gamit.
"Tapos kanina pa may nagtetext sa iyo hindi mo sinasagot." Natatawang saad na lang ng mama niya sa pagkataranta niya.
"Eeehhh, baka namuti na iyong mata ni Bobby ko kakahintay," parang bata niyang saad habang papaalis. "Alis na po ako!" sigaw niya na lang nang madaanan ang kanyang ama sa may garahe nila.
"Sige, ingat kayo," habol nitong sigaw.
Kahit naka high heels ay pilit siyang tumatakbo, pasimple niyang tiningnan ang kanyan telepono at ganoon na lang ang taranta niya nang makitang nakaka-ilang text at missed calls na nga roon, kaya naman ganoon na lamang ang mas lalong pagbilis ng kanyang mga apak.
Isang matamis na ngiti ang namutawi kay Sheryll nang makitang naghihintay pa rin sa may kanto si Bobby, hawak-hawak pa nito ang telepono at pansin niya na pilit pa rin siya nitong tinatawagan dahil sa walang patid pa rin ang pagriring ng kanyang telepono.
"Bububear, sorry hindi ko nasagot!" agad niyang lambing nang makalapit dito.
Bumuntong hininga na lang ito "Bakit hindi mo man lang ako tinext?" tila nanghihina nitong saad.
"Sorry, hindi ko kasi na check iyong phone ko, alam mo naman na naka silent iyon eh," ngumuso pa siya para ipakita ang malungkot niyang mukha dito na wari ay nagmamakaawa.
Nakangiting napahilot na lang ito sa sintido kaya naman niyakap niya na lang ang braso ng lalake.
"Tara na nga, baka matraffic pa tayo," mapaglarong pisil na lamang nito sa ilong ni Sheryll.
Isang makulit na paghagikgik ang kumawala sa kanya habang inaalalayan siya nito sa paglalakad.
"Bububear, saan tayo pupunta? Doon iyon sakayan ng jeep," turo niya sa kabilang kanto.
Isang malapad na ngiti ang lumitaw sa mukha ng lalake pero nanatili lang itong tahimik habang naglalakad sila.
Nakuha niya lang ang dahilan ng lahat ng iyon nang makalapit na sila sa isang nakaparadang motor malapit sa tindahan na palagi nilang pinagmemeryendahan.
"Hala! Nakakuha ka na ng motor?" Tiling pagbaling niya dito.
"Oo, pero second hand lang iyan tapos hulugan," natatawa nitong sagot habang tinatanggal ang mga helmet.
"Ano naman, at least meron ka ng motor!" Mahinang pinalo niya na lamang ang lalake sa balikat nito dahil sa tila pagiging mababa nanaman ng tingin nito sa sarili.
Napangiti na lamang si Bobby habang iniaabot ang helmet sa kanya kaya naman pinisil niya na lang ang pisngi nito habang kinukuha iyon.
Kahit nakaskirt at high heels ay walang atubili ang pag-angkas niya sa likod ng motor ng lalake, naroon ang kakaibang galak niya dahil na rin sa mayroon na itong naipundar para sa sarili.
Naroon ang magaan na pakiramdam ni Sheryll habang nakayakap sa kasintahan at tinatahak nila ang daan patungo sa kanyang opisina, mas maaga siyang nakarating doon kaya naman hindi niya na kinailangan pang magmadali.
“Bye Bububear, ingat ka sa byahe mo!” paalam niya matapos humalik dito.
“Bye Bhe,” kaway naman ni Bobby nang maglakad na siya papasok.
Para tuloy siyang nasa alapaap dahil sa kakaibang gaan ng pakiramdam, naroon na lang tuloy ang buong lapad ng kanyang ngiti at pagkembot na lakad nang makarating na sa loob ng gusali.
Nanatili ang galak sa kanyang pakiramdam nang umagang iyon, kahit pa walang patid ang mga utos na at trabaho na ipinagagawa sa kanya ay hindi na niya alintana dahil sa pagkalutang ng isipan.
Bandang hapon na nang makatanggap siya ng isang mensahe mula sa kasintahan kaya naman ganoon na lang ang pagkunot ng kanyang noo.
From BubuBear Message:
Bhe idinaan ko muna kay Arnold iyong motor ngayon, may maingay kasi kaya pinacheck ko, baka hindi kita masundo mamaya, bawi ako sa susunod.
Napasimangot na lang siya nang mabasa ang text ng kasintahan, isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya pakababa sa telepono, napatalumbaba na lang siya sa kanyang mesa sabay subsob ng mukha roon.
"Sherryll, ayos ka lang?" Mahinang tapik ng kaopisinang is Celina sa kanya nang mapadaan ito sa kanyang lamesa.
Pupungay-pungay siyang tumingin sa kaibigan. "Ha nakakainis naman kasi!”
Napaatras na lang ito nang simulan niyang iuntog ang sarili sa tumpok ng mga papeless na naroon.
"Sheryll, maghunusdili ka nga!" hinawakan nito kaagad ang balikat niya upang mapatigil.
"Nakakainis kasi eh." Yumuyugyog niyang nguso pakatingin dito. "Minsan na nga lang ako magpasundo nabulilyaso pa!"
Napatakip na lang si Celina sa bibig para pigilan ang tawa, pero matapos ng ilang sandali ay ngumiti na rin ito ng tipid sa kanya.
"Ano ba nangyari?" malumanay nitong saad.
“Pinatingnan niya kasi iyong motor na kabibili niya lang,” buntong hininga na lang niya.
"Intindihin mo na lang, may rason naman pala." Tapik nito sa kanyang balikat.
Mas lalo lang siyang napasimangot sa sinabi nito. "Alam mo ba Celina na halos hindi na kami niyan nagkikita kasi lagi siyang busy," parang bata niyang sambit.
“Pero hindi ba sabi mo noon nakaraan kaya siya busy kasi maraming umoorder sa kanya ngayon, hindi ka ba masaya?” pagpapaalala nito.
“Masaya naman.” Napabagsak na lang siya ng balikat dahil doon.
"Huwag mo na muna isipin iyan, marami pa tayong trabaho, sige ka baka mapagalitan nanaman tayo," bulong na lang ni Celina sabay untog ng baywang nito sa kanyang balikat.
Napangisi na lang siya ng makulit dito. "Hmp, bahala na nga siya, mag-sho-shopping na lang ako mamaya," padabog niyang kinuha ang mga papeles na nasa kanyang lamesa upang tingnan.
Ipinagkibit balikat na lang niya ang naturan pangyayari at tulad ng kanyang napagdesisyonan ay nagtungo na lang siya sa mall upang mamili, bigla niya kasing naalala ang petsa ng araw na iyon kaya kinuha niya ang pagkakataon na iyon upang makapaghanda.
Nagtuloy-tuloy na siya sa tindahan na matagal niya ng gustong puntahan pero hindi niya magawa.
Yukong-yukong pa si Sheryll nang pasukin ang naturang lugar dahil sa kung anong panginginig at pagtataasan ng balahibo mula sa ilang titig ng mga taong naroon.
Matinding hiya ang bumabalot sa kanya habang nakatayo sa harap ng isang manekin, nanatili lang siyang nakatitig sa bagay na bibilhin ngunit hindi niya magawang kunin iyon.
"Sheryll?" malumanay na pansin ng isang babae.
Parang kumawala lahat ng dugo niya ng marinig ang pamilyar na boses ng tumawag sa kanya, panandalian siyang nagkibit balikat pero nang madama niya na nakalapit na ito ay dahan-dahan na lang siyang lumingon na namamawis at nanliliit.
"Ce...Celina, ikaw pala!" Parang gusto niya ng lamunin ng lupa ng mga oras na iyon nang makita ang matamis na ngiti ng kaibigan.
"Anong ginagawa mo dito?" natatawa nitong saad.
Napapilit na lang siyang ng ngiti sa bati nito kahit naroon na ang panlalamig ng kanyang pawis sa noo.
"Tu...tumitingin lang." Wasiwas niya ng kamay sa paligid. "Ikaw, anong ginagawa mo dito?" Naisipan niyang ilihis na lang ang usapan nila at ituon dito.
"Sinasamahan ko kasi itong bestfriend ko." Turo ni Celina sa babaeng nasa likuran nito. "Lucy, si Sheryll pala, kaibigan ko sa trabaho."
Ganoon na lang ang pagkatulala niya nang makaharap ito, parang modelo sa isang magazine ang naturang babae sa ganda ng tindig, kutis at tuwid na pagkilos nito doon, hindi nalalayo sa ganda ng kanyang kaibigan.
"Hi," tanging sambit na lang niya, parang wala sa sarili siya ng mga sandaling iyon dahil sa paghanga sa kaharap at kung anong inggit na bigla na lang sumukob sa kanya.
Isang nakasisilaw na ngiti ang gumuhit dito. "Hello!"
Nag-alangan pa siyang abutin ang kamay nito nang makipagkamay, mas lalo lang siyang napatulala nang tila atakihin siya ng halimuyak ng babae nang mapadako ito sa kanyang tabi.
"Cel, anong mas maganda, ito o ito?" Pagpapakita nito sa mga hawak.
Napalunok na lang si Sheryll nang mabatid na hindi nagkataon ang pagpunta ng mga ito sa lugar na iyon.
"Iyong black na lang, parang ang sakit sa mata niyan na pula." saad ni Celina.
Mas lalo lang tuloy nanlaki ang kanyang mga mata sa kaibigan at sa kasama nito na para bang walang ibang napapansin na tayo sa paligid habang namimili.
"Nahihirapan kang pumili ng bibilhin mo?" baling ni Lucy kay Sheryll.
Nabalik lang siya sa ulira nang ipukol nito ang pansin sa kanya, may kung ano sa ngiti nito na nakakagaan ng loob niya kahit pa naiilang siya rito.
"Huh, ah, eh." Bahagya siyang napayuko dahil nadama na lang niya ang kung anong init sa kanyang pisngi ng mga sandaling iyon.
"Sus, wala kang dapat ikahiya!" Nakangiting tapik ni Lucy sa kanya.
Napanganga tuloy si Sheryll dahil sa gulat nang mapansin nito ang nasa isip niya, ngunit nakagaan naman sa kanyang loob ang sinabi nito.
"Sa tingin ko gusto niya iyong may lacey design Cy," singit ni Celina.
Nanlaki na lang muli ang mata niya kasabay ng pag-akyat ng dugo sa kanyang pisngi nang sabihin iyon ng kaibigan, mukhang nakita siya nito na tinititigan ang gusto niyang bilhin.
"Good choice!" Pagpitik ni Lucy sabay kuha sa dalawang pares noon.
Wala na siyang nagawa nang idikit ng babae iyon sa katawan niya upang pagmasdan.
"Maganda itong lingerie na napili mo, compliment sa katawan mo and very sophisticated ang design," walang abog nitong turan.
Napanganga na lang siya muli bago bahagyang ngumiti sa mga sinabi nito, pakiramdam niya mas lalong bumagay ang kasuotan iyon sa kanya.
"Ta...talaga?" bahagya niyang dinama ang tela nito.
"Para saan mo ba gagamitin?" turan ng babae.
Nanlamig na lang siyang muli sa tanong ni Lucy, ganoon na lamang ang pag-balot ng kanyang hiya sa harapan ng dalawa lalo na at titig na titig ang mga ito sa kanya.
"Fourth anniversary nila ng boyfriend niya next month," makulit na saad ni Celina.
Ramdam niya ang pag usad ng dugo niya paakyat sa kanyang ulo dahil sa taranta, lalo pa nang mapahagikgik ang kaibigan.
"Celina naman eh!" simangot niya rito na nagpatawa naman sa dalawa.
"Why?" pansin ni Lucy sa kanya. "Wala naman masama if you like to look and feel good during your anniversary hindi ba!"
Para bang may kung anong enerhiya ang nalipat na lang sa kanya nang marinig ang mga sinabi ng babae kaya naman kahit papaano ay natigil ang pagkataranta niya.
Nang makita ito ni Lucy ay muli na itong bumaling sa kaibigan nila. "Cel okay ka na ba diyan, white nanaman pinili mo, sabi ko naman sa iyo itry mo iyon peach or iyong light gold," sita nito.
Doon niya lang napansin na may hawak rin palang isang pares ng kasuotan si Celina.
"Naku Cy, parang may makakakita naman nito, ayos na itong white," bara nito.
Napangiti na lang siya sa dalawa sa kakulitan ng mga ito kahit nasa harapan niya pa.
"Hay naku!" nguso ni Lucy.
"Sheryll, sabay sabay na tayo, kakain rin kami pakatapos nito," baling ni Celina sa kanya.
Hindi siya kaagad nakasagot dahil sa pagkabigla at medyo lutang pa rin ang isip niya ng mga sandaling iyon sa naturang bibilhin.
"Oo nga naman," ngiting dugtong ni Lucy.
"Ay hindi, nakakahiya naman, makakagulo lang ako sa bonding niyo," napapayukong sagot niya na lang.
Sadyang naroon talaga ang hiya niyang makihalubilo sa magagandang at medyo nakaaangat na tao.
"Ano ka ba, wag ka na mahiya, a friend of Celina is a friend of mine!" marahan nitong haplos sa kanyang braso.
Kakaibang luwag ng pakiramdam ang naidulot ng mga sinabi nito kaya naman wala sa sariling napatango na lang siya sa dalawa.
"Siya nga pala Sheryll," ngiting saad ni Celina habang nakatingin ng kakatuwa sa kanya.
"Bakit?" Medyo napakunot na lang siya ng noo dito.
"Wala ka naman sigurong balak na ilaglag ang panga ng boyfriend mo sa pagka daring niyang susuutin mo" napapahagikgik na sabi ni Celina.
Muli nanaman uminit ang pisngi niya sa biro ng kaibigan. "Eeeh! Celina naman eh," napapatalon na lang siya doon na nagpatawa sa kanilang lahat.
"Naku walang masama kung may balak ka man na ganoon. I can assure you, malalaglag talaga ang panga ni boyfie mo kapag nakita ka niyang suot iyan!" tudyo ni Lucy sa kanya.
Kahit papaano ay nakadama siya ng ginhawa sa mga sinabi nito, dahin na rin doon ay mabilis niyang nakapanatagan ng loob si Lucy dahil hindi niya akalaing may pagkakalog rin pala ito kahit batid ang pagiging angat ng katayuan nito sa buhay kumpara sa kanya.
Idagdag pa doon na halos lahat sila ay magkakasundo kaya naman pakiramdam niya ay parang matagal na rin siyang kaibigan nito.
Ang tampo at sama ng loob na nadarama niya para sa kasintahan ay medyo napawi dahil na rin sa pagsama sa dalawa, kaya naman kahit papaano ay medyo magaan na ang kanyang pakiramdam nang bumyahe na siya pauwi ng bahay.
Tila lumukso ang kanyang puso nang pakababa niya sa dyip ay nadatnan niya si Bobby na taimtim na nag-aantay sa may kanto papunta sa bahay nila.
Isang matamis na ngiti ang lumitaw sa mukha nito nang masilayan siyang papalapit.
“Bhe!” magiliw nitong tawag sabay kaway sa kanya.
Doon niyang lamang namalayan na may dala-dala itong isang tumpok ng bulaklak at kahon ng paborito niyang tsokolate.
"Bhe galit ka pa ba?" mukhang isang maamong tupa ang hitsura ni Bobby habang nakanguso sa kanya nang tuluyan na siyang makalapit. "Sorry na kung hindi kita nasundo kanina." Pilit nitong pinagtatama ang mga mata nila dahil nanatili lang siyang nakataas ng tingin. "Bhe, sorry na!" Kiliti nito sa kanyang tagiliran kaya naman kinagat niya na lang ang gilid ng kanyang pisngi para hindi matawa sa ginagawa nito.
Hinalukipkipan niya na lang ito saba irap habang kinakagat ang ibabang labi dahil gusto niyang ipakita dito ang nadarama ng mga sandaling iyon.
"Bhe, sorry na please." tila nanghehele nitong saad.
Nadama niya na lang ang pagkalabit ng lalake sa kanyang braso, may kung anong kiliti ang bumalot sa kanyang katawan dahil sa ginawa ni Bobby.
"Hmp, kung di lang kita luvs!" kunwaring maktol niya bago hablutin ang mga dala nitong bulaklak.
Napangiti naman ang lalake sa ginawa niya. "Eh, hindi na yan galit!" Nadama na lang ni Sheryll ang pagbilis ng pintig ng kanyang dibdib nang umakbay na ito sa kanya. "Pakiss nga sa Bhebhe ko." Malambing nitong yakap bago siya bigyan ng isang halik sa pisngi.
Halos magtambol na ang puso niya habang tila isinasayaw ng kasintahan, hindi niya na tuloy magawang magpakita ng pagtatampo dahil sa ginagawa nito.
"Hmp," pilit niyang pagsimangot dahil hindi niya mapigilang ang lapad ng kanyang ngiti sa panunuyo nito.
Mabilis nahawi noon ang sama ng loob na nadarama niya sa lalake kaya naman tuluyan ng gumaan ang kanyang pakiramdam.