#TPSKKabanata1
First meet
OCTAVIA ‘V’
“Oo nga, hihingi akong malaking baon kay Erpats tapos Dahilayan tayo–”
“Weh? Uuwi ka ba talaga? Bakit noong tinanong ko si Mama mo noong nagkita kami sa palengke at sinabi kong sabay na tayo mag-enrol, ang sabi niya hindi ka na raw dito mag-aaral.”
Nagsalubong ang kilay ko sa sinabi ni Angie sa kabilang linya. Napatigil din ako sa pag-eempake ng mga gamit ko.
“Hala, V! Mukhang forever ka na nga yata diyan sa Manila. Pucha–”
“Manahimik ka! Uuwi ako diyan, alam mo ‘yon si Mareng Victoria, kakaiba ang trip minsan baka nan-ti-trip lang ‘yon. Sige na, baba ko na ‘to at nag-eempake pa ako ng gamit ko.”
Hindi ko na hinintay na magsalita pa si Angie at binabaan na siya ng tawag. Kinakabahang idinayal ko ang numero ng Nanay ko pero hindi niya ako sinasagot.
Nasa aktong tatawagan ko muli siya nang bumukas ang pinto ng kwarto ko at iniluwa no’n si Kuya Owen. Nagtaas siya ng kilay nang makita ang maleta at kalat-kalat kong damit sa kama.
“Bakit?”
“Pinapatawag ka ni daddy sa office niya,” aniyang ang tingin pa rin ay nasa mga gamit ko ngunit nangingisi.
Nang-aasar ang tingin sa akin.
“Anong nginingisi-ngisi mo diyan?” saad ko’t nilampasan siya pero napahinto rin sa paglalakad nang makatanggap nang mahinang batok mula sa kanya.
“Hoy Octavia, kung kausapin mo ako, akala mo kaedad mo ako. Umayos ka diyan.”
Nilingon ko siya at sinamaan ng tingin. Tumawa naman siya at ginulo ang magulo ko na ngang buhok.
“Ano ba kasing nakakatawa?”
“You shouldn’t waste your time packing your things. You’re not leaving this house from now on, V. You’re stuck with us.”
Nalaglag ang panga ko sa sinabi niya pero bago pa ako maka-react ay ang sumisigaw na boses ni Kuya Oliver sa baba na tinatawag si Kuya Owen ang umalingawngaw.
“Come on, Kuya! We’re missing our game! Hurry up!”
“Andiyan na!”
“Kuya–”
Hindi ko na natuloy ang pagtawag sa kanya nang makita ko si Tita Maribel na patungo sa akin.
“Owen, ingatan mo ang kapatid mo, baka ma-injure na naman ‘yan!” bilin niya sa panganay na anak bago lumapit sa akin.
Pinakatitigan niya ako mula ulo hanggang paa at napabuntonghininga naman siya. “Octavia, I bought you so many clothes and you’re still wearing those baggy shorts and that big shirt? Come on, hija, if you don’t want to wear the dress I bought, at least wear the shirts and shorts. Nagmumukha kang lalaki diyan sa suot mo. And that cap? Didn’t I tell you to get rid of it?”
Napanguso lang ako at napatingin sa cap na nasa kamay ko.
“Sige na, mamaya na lang ulit tayo mag-usap. Inaantay ka na ng daddy mo sa office niya.”
Akala ko’y babalik na si Tita sa silid niya pero ang naging tungo niya ay sa kwarto ko. Malamang ay titingnan niya na naman ang sangkatutak na damit na pinamili niya sa akin kahapon na wala akong balak na isuot pero mukhang mapipilitan akong gamitin kahit isang beses bago umalis dito sa bahay ng ama ko. Panigurado kasing hindi ako titigilan ni Tita.
Kumatok muna ako bago binuksan ang opisina ng ama ko.
Agad niyang tinigilan ang anumang ginagawa sa mesa niya at nakangiting nag-angat ng tingin sa akin.
“Oh, nandito na pala ang prinsesa namin. You didn’t join us for breakfast. Hinahanap ka ng mamita mo. You slept late, sweetheart?” pagtayo niya at napapikit ako nang hagkan niya ang noo ko.
“You shouldn’t miss your breakfast. Next time, kahit antok na antok ka pa, bumaba ka at kumain pa rin, okay?”
Pinigilan kong mapangiwi at napatango na lang. Kung kausapin ako ng ama ko, akala mo siyete anyos pa lang ako. Saka para namang wala siyang ideya na sinadya kong magtulog-tulugan kanina para hindi makasabay ng agahan dahil nalaman ko nga no’ng dinner kagabi na dadaan dito si Mamita para mag-almusal.
Ayokong sirain ang araw ko kapag narinig ko na naman ang sasabihin ng Lola ko sa akin. Saka isa pa, baka ipilit niya na naman iyong gusto niya na i-model ko raw iyong mga damit ng kapatid ni Daddy.
Eh ang lakas maka-barbie in ethiopia noong mga gawa ni Tita Miriam. Maisip ko pa lang na pupunuin niya ako ng pink na damit mula ulo hanggang paa, tumitindig na ang balahibo ko.
“Yes, dad. Kakausapin n’yo daw po ako?”
“Oh yeah, take a seat,” aniyang tumikhim at sumeryoso ang mukha.
Naupo ako sa sofa at pinagmasdan ang ama kong may kinuha sa lamesa niya. “Here, sweetheart. Medyo malayo iyong school ng mga Kuya mo dito, so I chose another school for you. They’re international and offer various programs, they even have soccer here na pwede mong salihan or basketball–”
“S-sandali lang dad, ano ‘to?” halos pangapusan ng hininga kong saad at pinakatitigan ang brochure pala ng school na sinasabi ni Daddy.
“Your new school. Your mom already sent your school records yesterday, tomorrow, your brothers would come with you to enroll in Helios–”
“Daddy!”
“Stop cutting me off, Octavia. That’s not good manners.”
Napayuko ako at kinuyom ang nagsisimula kong manginig na kamay bago huminga nang malalim. “Dad, sorry, but I’m confused here. Sa CDO ang school ko, bakit ako lilipat?”
Bumuntonghininga siya at naupo sa tabi ko. Kinuha niya ang kamay ko at marahang pinisil ‘yon. “Your mom told me that she wanted you to have the best education that you could ever have. Pumayag na siya na dumito ka na sa amin, permanently. Tuwing bakasyon mo, doon ka naman sa CDO.”
“Nang hindi ako tinanong kung ayon ba ang gusto ko?” marahas kong tugon at hinila ang kamay ko mula sa ama ko.
Tumayo ako at umiling-iling. “Hindi ako pumapayag, dad, nasa CDO ang buhay ko. Nandoon ang mga kaibigan ko at ayokong malayo kay Nanay!”
Kahit minsan ay malamig ang pakikitungo sa akin ng ina ko, madalas na puro sermon ang natatanggap ko mula sa kanya, hindi ko makita ang sarili kong hindi siya makakasama araw-araw.
“Octavia, huwag nang matigas ang ulo mo. Nag-usap na kami ng Mama mo–”
“Pero hindi nga n’yo ako kinausap kaya hindi ako pumapayag!” giit ko naiiyak na at mas tumaas pa ang boses.
“Watch your tone, Octavia. Whether you like it or not, you’re going to follow what we want. Magulang mo kami at ito ang desisyon na alam naming makakabuti sa ‘yo.”
“What about Tita Maribel?”
Kumunot ang noo niya. “What about her?”
Nakagat ko ang labi ko. “Are you seriously asking me about that, dad? Living here means she’s going to see me everyday! At sa araw-araw na makikita niya ko, masasaktan siya, dahil ako ang magpapaalala sa kanya kung paanong hindi kayo naging faithful sa kanya!”
Malalim na bumuntonghininga ang ama ko at kita ko ang pagsisisi na naman sa mga mata niya. Pero anong magagawa ng pagsisising ‘yon?
Eto pa rin ako oh. Living proof ng pagloloko niya noon.
“Blaire, sweetheart, nag-usap na kami ng Tita Maribel mo. Matagal niya na din namang tanggap ang tungkol sa ‘yo, kung ayon lang ang iniisip mo, she’s okay–”
Umiling-iling ako at tinaas ang kamay ko. “It’s not just about her, daddy. Y-you know that I love you right? Mahal ko rin sila kuya, e-even Tita, but I don’t belong here.”
“And where do you think you belong, Octavia Blaire? To your mother who didn’t want you anymore?”
“Maribel!”
Lumapit sa amin si Tita Maribel at maingat na ibinaba ang tray na hawak.
“Huwag mong idaan sa lambing ang anak mo. Tell her the truth, this time hindi ang ama mo ang nakiusap sa nanay mo na ibigay ka sa amin. This time, ang nanay mo ang nakiusap na kunin ka namin. She’s finally done using you to seduce my husband again–”
“Hon, please,” puno ng pakikiusap na pagputol sa kanya ni daddy.
Yumuko ako at mas humigpit ang pagkakakuyom sa kamao pigil na pigil na mapaiyak.
“H-hindi po ako naniniwala. Kakausapin ko si Nanay, sorry po pero ayokong dito mag-aral.”
Nanakbo ako paalis ng opisina ni daddy at hindi pinakinggan ang malakas na pagtawag niya sa akin. Tuloy-tuloy ako pababa at palabas ng bahay namin. Mabuti na lang wala si Kuya Gardo kung hindi baka napigilan pa ako no’n.
Mabigat ang hakbang ko at napapatingala pa ako para pigilan ang pagbuhos ng luha ko. Muli kong kinuha ang cellphone ko para tawagan ang Nanay ko pero kagaya kanina, hindi niya ako sinasagot.
Nanay? Sagutin ninyo po tawag ko please.
Napapagod na huminto ako sa park ng exclusive village kung saan nakatira ang daddy ko. Naupo ako sa swing na naroroon at nangalumbaba habang nakatitig sa cellphone ko umaasang makakatanggap ako ng tawag o di kaya man lang ay tawag mula kay nanay.
Pero hindi siya ang natanggap kong tawag, daddy ko.
Napapabuntonghininga na hindi ko sinagot ‘yon at ibinulsa na lang. Isinuot ko ang cap ko at mas ibinaba pa ‘yon tuluyan nang pinakawalan ang mga luha ko.
Pero wala pa nga yata ako sa kalagitnaan ng moment ko ay may nakakuha na ng atensyon ko at nang-istorbo sa akin.
“Ako ang girlfriend niya, hindi ikaw!”
“He was my date yesterday, so I’m his girlfriend!”
“Girls, girls, no catfights please.”
“Dos, baby, tell her na it’s me you’re dating!”
“Two, come on, you told me that you’re even ready to meet my parents this weekend!”
Napangiwi ako nang malingunan ang tatlong tao di kalayuan sa kinaroroonan ko.
“Woah there, Jillian, you asked me if I wanted to attend your parents party. I didn’t say I was going–”
“So, talagang nag-date kayo kahapon!? You told me, matutulog ka ng maaga cause masakit ang head mo!? You’re a liar and a cheater, Deuce!”
Deserve.
Sa isip-isip ko nang umalingawngaw ang malakas na sampal sa pisngi niya mula kay conyo girl. Pinigilan kong mapalakpak nang sumunod naman si Jillian na sumampal sa kanya–
“You jerk, it’s Lilian, not Jillian! I hate you, isusumbong kita sa Kuya ko. Let’s go, Mavy, he doesn’t deserve us!”
–hindi pala Jillian ang pangalan.
Tama, girls, hindi niya kayo deserve.
Gagong tunay eh.
“Are you laughing at me, you tomboy?”
Ako? Tumatawa? Ano ako, baliw? Umiiyak kaya ako kanina tapos tatawa–eh nakakatawa talaga siya at nakakainis din.
Playboy, akala mo kung sinong gwapo–
Okay, gwapo nga.
Itim na t-shirt, baggy pants, nakabaliktad ang cap na suot niya at may hawak-hawak siyang skateboard.
Boy next door ang atake ni Kuya. Pero babaero pa rin.
“I’m asking you, tomboy! Are you laughing–”
“Comedy ka ba para pagtawanan ko, boy? Saka kung makatawag kang tomboy, akala mo close tayo.”
Ngumisi siya at nakapamulsang lumapit sa akin. “You’re cool. What’s your name? You’re new here?” magkakasunod niyang tanong na akala mo walang nangyari at hindi pulang-pula ang magkabilang pisngi niya ngayon.
Bago ko pa siya mabara ay may malakas na tunog ng metal akong narinig.
“Dos! Ano ‘tong sinusumbong sa akin ng kapatid ko?! Pinagsabay mo raw sila ni Mavy!”
“F*ck!” mura nitong lalaking ‘to na hindi ko alam kung bakit biglang nasa tabi ko na.
Parang ang pandak tuloy ng dating ko dahil sa tangkad na meron siya.
“Yari ka. Isang hampas lang sa ‘yo niyang baseball bat ni Kuya, tulog ka forever,” pananakot ko sa kanya nang muling lumikha ng ingay iyong baseball bat na hawak nang dumating na lalaki.
Hindi lang siya nag-iisa. Lima sila. Sa likod nila iyong dalawang babae kanina na akala ko magsasabunutan pero ngayon inaalo na ang isa’t-isa.
“In a count of three, let’s run.”
Teka–ako ba ang kinakausap niya?
Bakit ako tatakbo kasama siya?
“One…”
Bahala ka diyan. Hindi naman kita kilala.
“Two…”
Teka–bakit pati sa akin masama tingin ng mga ‘to?
“Three!”
Pucha! Ano ‘to bakit ako tumatakbo kasama ang babaerong ‘to na hindi ko naman kilala!?