IAN's POV
Mayroong sinasabi ang asawa kong si Rannicia pero hindi ko maintindihan dahil nagtatagisan ang mga titig namin ni Michelle dito sa harap ng hapag-kainan.
Rannicia: Hon?
Sinusubukan talaga ako nitong babaeng 'to. Aakit-akitin ako tapos ngayon ay makikipaglandian naman ito kay Renz. Tingin siguro nito ay hulog ito ng langit para sa mga kalalakihan. Napakalanding babae.
Rannicia: Hon?
Napakalandi pero napakaganda. Napaka-sexy at sobrang hot. Sy*t. Pinagnanasaan ko na naman ang pinsan ng misis ko.
Rannicia: Hon!
Para akong nagising mula sa isang sumpa nang marinig ko ang pagsigaw ni Rannicia. Mabilis ko siyang nilingon.
Ian: Ah, hon? May sinasabi ka?
Nakita kong umasim ang mukha ni Rannicia.
Rannicia: Tinatanong kita kung pwedeng lumabas tayo sa Sabado ni baby Levi tutal naman ay may date itong si Michelle kasama si Renz. Teka nga. Bakit ba nakatitig ka kay Michelle?
Anak ng. Nahuli ako ni Rannicia na nakatitig sa pinsan niya. Sinulyapan ko si Michelle at nakita kong nagpipigil itong mapangiti. Nag-e-enjoy ang malanding makita ako sa ganitong sitwasyon.
Michelle: Oo nga, Rannicia. Kanina ko pang napapansin na ang sama ng tingin ni Ian sa akin. Kaya tuloy napapatitig din ako sa kanya. Nakaka-distract pa naman ang mga mata ng asawa mo.
Nakatingin si Michelle sa mga mata ko habang sinasabi iyon. Inaakit ba ako nito sa mismong harap ng asawa ko?
Ian: Uhm, i-iniisip ko lang, hon, kung-kung papaanong nagkakilala sina Michelle at Renz.
Sinamaan ko ng tingin si Michelle bago ako muling tumingin sa misis ko. Inabot ko ang kaliwang kamay ng asawa ko at pinisil ito.
Ian: Oo naman, hon. Mamasyal tayo ni baby Levi sa weekend. Tutal naman ay matagal na noong huli tayong lumabas. Gusto ko ring maka-bonding ang mag-ina ko na ibang view naman ang nakikita.
Nakita kong ngumiti ang asawa ko at nagningning ang mga mata niya. Bigla siyang napatayo at niyakap ako sa aking leeg. Napangiti ako sa ginawa ng asawa ko at niyakap siyang pabalik. Humalik pa siya sa aking pisngi. Tuwang-tuwa naman ako sa ginagawa ng misis ko na parang batang naglalambing. Narinig pa naming pumalakpak si baby Levi na nakaupo sa high chair. Nakangiti sa amin ni Rannicia ang aming anak. Pareho kaming natawa ng misis ko. Nang mapatingin ako kay Michelle ay nakita kong nakasimangot ito. Syempre binalewala ko lang dahil wala naman akong pakialam sa nararamdaman ng malanding babaeng ito na inaakit ako kahit asawa ko pa ang pinsan nito.
Rannicia: Thank you, hon. I love you. Need ko rin talagang mag-relax ngayon dahil sobrang busy sa Adriana's Haven.
Nang marinig ko 'yon ay kinumusta ko ang boss ng asawa ko.
Ian: Kumusta nga pala 'yong boss mo? Masungit pa rin ba?
Sinamahan ko pa ng tawa ang tanong ko rahil noong nagsisimula pa lang si Rannicia bilang assistant sa Adriana's Haven ay gabi-gabi siyang may himutok tungkol sa boss niyang si Adriana Mondragon. Masungit daw ito, pero patas pagdating sa mga empleyado.
Rannicia: Naku, hon. Hindi na masyadong nagsusungit si Ma'am Adriana sa amin ni Mabelle ngayon. Nagpapasalamat kami ni Mabelle sa pagdating ng bagong family driver nila.
Napakunot ang noo ko sa sinabi ng asawa ko.
Ian: Oh, bakit? Anong kinalaman ng driver ng boss mo sa kasungitan niya?
Tumawa muna ang misis ko bago sumagot.
Rannicia: Kasi sa driver nilang si Raul na niya ibinubuhos lahat ng kasungitan niya. Marked safe na kami ni Mabelle, hon.
Tumawang muli ang asawa ko na sinabayan ko naman. Ang tinutukoy niyang Mabelle ay ang isa pang assistant sa shop ng boss niyang si Adriana Mondragon.
Ian: Good to know, hon.
Mas lalong lumakas ang tawa ng asawa ko.
Rannicia: Hon, ah. Napapadalas ang pag-e-English mo. Kanina nang ipagpaalam ni Renz si Michelle sa atin ay napa-English ka rin. Sabi mo, "Why would I? Michelle is free to entertain any guy she wants."
Tawang-tawa ako rahil pati tono ng boses ko ay ginaya pa ng misis ko. Nakisabay na rin siya sa pagtawa ko.
Ian: Kailangan 'yon, hon. Alam mo namang matalino ang asawa mo, tamad lang talaga mag-aral kaya High School dropout.
Napalabi si Rannicia.
Rannicia: Ano ka ba, hon? Proud na proud ako sa iyo rahil sa kabila ng mga nangyari ay napatunayan mo ang kakayahan mo. May talyer ka na ngayon na maganda ang kita.
Hinawakan ni Rannicia ang kanang kamay ko at pinisil. Pinisil ko rin pabalik ang kamay niya.
Ian: Kasi baka mamaya magkita kami ulit ng mga biyenan ko, mas maganda ng may baong English words.
Tatawa na sana ako nang pandilatan ako ng mga mata ni Rannicia. Inginuso niya si Michelle na nakayuko sa kinakain nito. Alam ko ang ibig niyang sabihin. Sinabi na niya sa akin noon ang tungkol sa nangyari sa pamilya nila. Kung paanong ipinagtabuyan ng ina niya si Michelle at ang lola nito noon. Hindi na ako nagulat dahil maski ako ay naranasan ang ganoong pang-aalipusta mula sa ina ni Rannicia. Pero talagang inilaban ko ang misis ko.
Tumahimik ako at maya-maya ay tumayo si Michelle. Nakayuko pa rin ito.
Michelle: Tapos na akong kumain. Sabihan ninyo ako kung tapos na kayong kumain para mahugasan ko. May gagawin lang ako sa kwarto.
Dire-diretsong pumasok ito ng kwarto nang hindi tumitingin sa amin ni Rannicia.
Ian: Problema niyon?
Pinandilatan ulit ako ni Rannicia. Nagkibit-balikat na lang ako.
----------
MICHELLE's POV
Nanggigigil ako! Nanggigigil ako! Argh!
Masaya silang mag-asawa. Nagtatawanan silang mag-asawa sa harapan ko. Hindi ba nila alam na nakikita ko sila? Ha?
Sinabunutan ko ang aking sarili.
Ang bobo mo kasi, Michelle. Ang bobo-bobo mo.
Napakabagal mong kumilos. Ang kupad-kupad mo. Hindi mo pa madaliin si Ian.
Argh!
----------
Araw ng Sabado.
Ito ang araw na lalabas kami ni Renz. Ipamumukha ko kay Ian kung gaano na ito kahibang sa akin. Alam ko namang baliw na baliw na ito sa akin. Ngayon ay pagseselosin ko ito. Nakita ko ang selos sa mga mata nito noong nalaman nitong lalabas kami ni Renz ngayon. Alam kong naninibugho ito sa selos. Marahil ay iniisip nitong madali akong naka-move on mula rito at hindi iyon matatanggap ng ego nito. Sa mga susunod na araw ay alam kong ito na ang maghahabol sa akin.
Mapapasaakin si Ian.
Ding-dong.
Narinig kong may nag-doorbell. Sigurado akong si Renz na 'yon. Kasabay ng pagbukas ko ng gate ay ang paglabas nina Ian at Rannicia ng bahay kasama si baby Levi. Karga-karga ni Rannicia ang anak nito.
Napatulala ako sa kagwapuhan ni Ian. Simpleng T-shirt at walking shorts lang ang suot nito pero lutang na lutang ang kagwapuhan at kakisigan. Narinig kong tumikhim sa gilid ko si Renz. Para pa akong nagulat nang lumingon sa kanya.
Renz: Shall we?
Inilahad niya ang kanyang kaliwang kamay.
Muli akong napatingin kay Ian at kitang-kita ko kung paano nito pinasadahan ng tingin ang aking suot. Tight-fitting pants at midriff top. Nagsalubong ang aming mga mata. Nakita kong nilalaro-laro ni Rannicia ang anak gamit ang maliit na bolang hawak nito.
Muling tumikhim si Renz. Kitang-kita ko ang pangungunot ng kanyang noo.
Michelle: I'm sorry. Let's go.
Inabot ko ang nakalahad na kamay ni Renz.
Renz: Ian, Rannicia, mauuna na kami ni Michelle.
Nakita kong ngumiti si Rannicia habang tumango naman si Ian. Nagsalubong muli ang mga mata namin ni Ian.
Rannicia: Mag-iingat kayo.
Renz: Salamat. Kayo rin.
Kumaway pa si Renz kina Ian at Rannicia bago kami tuluyang lumabas ng gate. Inihatid ako ni Renz sa kanyang kotse at pinaupo sa passenger seat.
Renz: Shoot! Naiwan ko ang susi ng kotse sa loob ng bahay. Wait lang, Michelle. Mabilis lang ako.
Nakita kong mabilis na pumasok ng bahay niya si Renz habang nakita ko namang nasa loob na ng kotse ni Ian ang mag-ina nito. Pasakay na si Ian ng driver seat ng kotse nito nang mapalingon ito sa akin. Nagsalubong muli ang aming mga mata. Gusto kong halikan ang gwapong lalaking ito.
Hindi ko napigil ang aking sarili at bumaba ako ng kotse ni Renz para magpaalam ng personal kay Ian. Saktong pagbaba ko ng kotse ay nabitiwan ni baby Levi ang laruang bola nito sa labas ng bintana sa tabi ng passenger seat. Gumulong ito hanggang sa kabilang gilid ng kalsada. Hinabol ko ito nang hindi lumilingon kung may paparating na sasakyan nang isang nakabibinging tunog ng busina ang pumailanlang. Nanlalaki ang mga mata ko nang makita ang paparating na malaking delivery truck.
Hindi ko napigilan ang sarili kong tawagin ang pangalan ng taong una kong naisip.
Michelle: Ian!
Pumikit ako ng mariin at para akong lumutang sa alapaap nang maramdaman ang mga braso at mga bisig na iyon na iniligtas ako mula sa kapahamakan. Sinigurado ng taong iyon na hindi tatama ang ulo ko sa semento ng pavement ng kalsadang iyon ng subdivision. Hinahabol ko pa ang aking paghinga nang unti-unti kong imulat ang aking mga mata. Ganoon na lamang ang pagkadismaya ko nang mabungaran ang nag-aalalang mukha ni Renz.
Renz: Michelle...
Michelle: Renz...
----------
to be continued...