PROLOGUE
THIRD PERSON POV
Isang umiiyak na babae ang nabungaran ni Rannicia pagkabukas niya ng pinto ng kanilang bahay. Ito ang kanyang pinsang si Michelle.
Hindi sila close ni Michelle habang lumalaki sila. Hindi dahil magkalayo sila ng kinalakihang lugar, kundi dahil itinuring na itong patay ng kanyang ina na kapatid ng ina ni Michelle.
Nagrebelde ang ina ni Michelle sa mga magulang nito noong kabataan nito. Nakipagtanan ito sa kasintahang isang kahig at isang tuka. Ito ang ama ni Michelle. Lumaki sa probinsya si Michelle, samantalang sa siyudad naman lumaki si Rannicia.
----------
Namatay ang mga magulang ni Michelle noong bata pa ito sa isang aksidente na likha ng kapabayaan. Natupok ng apoy ang katawan ng mga magulang niya na kumalat sa munting dampa na kanilang tinitirahan. Sinasabing nagmula ang apoy sa lampara na siyang nagsisilbing ilaw ng munting tahanan.
Eksaktong wala si Michelle nang araw na iyon sa kanilang bahay dahil siya ay bumisita sa kanyang lola sa kabayanan. Ang lola ni Michelle sa ama ang nagsilbing magulang nito nang pumanaw ang mga magulang ng bata.
Maagang namulat sa hirap ng buhay si Michelle. Natuto siyang kumayod para sa kanyang lola at sa kanyang sarili. High school lamang ang kanyang natapos, pero madiskarte sa buhay si Michelle. Dahil sa pagiging madiskarte niya ay naging sekretarya siya sa isang malaking kompanya sa Manila.
Nang magtrabaho siya ay saka nanumbalik sa kanya ang isang nakaraan na akala niya ay matagal na niyang nalimutan. Ngunit nandoon lamang pala iyon sa kasuluk-sulukan na bahagi ng kanyang utak.
Nang mamatay ang kanyang mga magulang ay sinubukan niyang lumapit sa nag-iisang kapatid ng kanyang ina ngunit ipinagtabuyan siya nito. Hindi niya kailanman makakalimutan ang sinabi ng kapatid ng kanyang ina sa kanya.
"Karma ang nangyari sa ina mo. Kung hindi siya nagrebelde sa aming mga magulang, sana buhay pa siya ngayon. 'Yan ang nararapat sa kanya. At 'yan din ang mangyayari sa 'yo dahil kung ano ang puno ay siya ring bunga."
Nasa labas siya ng gate ng pamamahay ng kanyang tita ng araw na iyon kasama ang kanyang lola. Nakita niya ang batang babae na halos kasing-edad niya na nakasilip sa main door. May hawak itong mamahaling manika. Alam niyang ang batang babae ang pinsan niyang si Rannicia na madalas ikinukwento sa kanya ng kanyang ina. Naiinggit siya rito rahil maswerte ito sa buhay.
"Ano bang itinutunganga mo riyan? Umalis ka na! Wala akong panahon sa 'yo at diyan sa matandang hukluban na kasama mo!"
Nang hindi siya agad lumayo sa gate ng mansyon ay itinulak siya at ang kanyang lola ng kapatid ng kanyang ina. Walang awa itong itinulak sila sa matigas na semento ng kalsada. Wala itong pakialam kung nasaktan man sila ng kanyang lola.
"'Yan ang bagay sa mga hampaslupang katulad ninyo. Sinasayang niyo ang oras ko!"
Mula nang araw na iyon ay hindi na siya nagpakita pa sa pamilya ng kapatid ng kanyang ina.
Makalipas nga ang maraming taon ay isa na siyang sekretarya sa isang malaking kompanya, pero hindi ito sapat sa kanya. Naghahangad siya ng mas malaking posisyon sa kompanya.
Here's the catch. Pagmamay-ari ng kapatid ng kanyang ina ang kompanya. Isa itong maliit na kompanya na lumago nang lumago dahil sa pagsisikap ng kanyang tita. Ngayon ay pinamamahalaan na ito ng asawa ng kanyang tita. Bata pa siya nang huling makita ng asawa ng kanyang tita. Marahil ay hindi na siya kilala nito at isa pa, mula nang araw na ipagtabuyan siya mula sa mansyon nito ng magaling niyang tita ay wala nang narinig mula sa kanya ang mga ito.
Dalawang buwan na simula nang ma-hire siya sa kompanya. Sa loob ng panahong iyon ay hindi pa niya nakikitang napadalaw sa opisina ang kanyang Tita Melba.
Melba. Melba ang pangalan ng kanyang tita na siyang nagtaboy sa kanya noon mula sa pamamahay nito na para siyang aso. Si Jerome ang asawa nito. Ang nag-iisa niyang tito.
Sa loob ng dalawang buwang iyon ay naisip na rin niya kung paano makakapaghiganti sa kanyang Tita Melba.
Ang pupuruhan niya ay ang pinakamamahal nitong anak. Ang kanyang pinsang si Rannicia.
At para masaktan ito ay gagamitin niya ang pinakamamahal nitong lalaki na si Ian. Ang gwapo nitong asawa na siyang susi para makamit ang inaasam na paghihiganti.
----------