HINDI NIYA alam ang dapat maramdaman nang makita ang mga pagkain na nasa harapan niya. Maang na napatingin siya sa kaharap.
"You still remember?" pagkuwa'y tanong niya dito.
Ngumiti ito saka siya tinitigan sa mga mata. "There are certain things na hindi madaling kalimutan. I'm sure you still know me."
Oo naman. I didn't forget even a single detail in your life. Lihim niyang sagot dito.
"Of course," usal niya. Muli niyang pinagmasdan ang mga paboritong pagkain na inorder nito. Iced coffee, siomai at ensaymada. Lahat nang iyon ay paborito niyang pagkain. And she felt somehow, special. Natatandaan pa nito pati iyon.
"Na-miss ko lahat 'to," aniya.
"Bakit wala bang ganyan sa America? I'm sure meron. Marami na rin ang Filipino store doon."
"Oo nga. Pero iba pa rin ang ensaymada ng Rio's." sagot niya. At iba rin kapag ikaw ang nagbigay...
"Eh ikaw? Nasaan na ang cream puff mo? Bakit black coffee lang?" tanong niya.
"Natatandaan mo rin?" tila tuwang-tuwang tanong nito.
"Oo naman."
"Wala silang available na cream puff eh." Sagot nito. Natatandaan pa rin niya na paborito nito ang cream puff kaya dinadalhan niya ito ng isang kahon niyon dati. At habang nasa America siya, may isa siyang kaibigan na nagturo sa kanya kung paano mag-bake niyon. Napangiti siya. Magustuhan kaya nito kung siya ang magbe-bake ng cream puff?
"If you want, I'll bake cream puff for you?"
Tinitigan siya nito saka ngumiti. "Now, that is something new. You knew how to bake cream puff? Bakit dati ay hindi mo naman ako pinagbe-bake?"
She chuckled. "A friend of mine back in U.S. thought me."
"Wow, interesting." Sagot ni Dingdong. "Kailan ko naman matitikman 'yung version mo ng cream puff?"
"Tomorrow if you want,"
"Okay. Aasahan ko 'yan."
May ngiti sa mga labing tumango siya. "Let's eat," aniya.
"Oh? Teka? Tama ba ang nakikita ko?" narinig niyang tanong ni Ken. Nang tumingin siya dito ay sila pala ang tinutukoy nito.
"Wow, ang favorite couple kong customers." Dagdag pa ni Vanni. "Mabuti naman at bumalik kayo dito."
"Van, we're no longer a couple." Pagtatama niya dito.
"Oops, sorry. My mistake. Ang akala ko kasi nagkabalikan na kayo eh." Kunwa'y paumanhin nito. Kahit na ang totoo'y halata naman dito na nanunukso lang ito.
"Don't worry, Pare. I'm sure magkakabalikan din ang mga 'yan." Ani naman ni Darrel.
"Ang ingay n'yo naman. Paano ba kami makakakain ng maayos?" reklamo ni Dingdong.
"Naks! Sensitive na siya oh," singit naman ni Jared.
Habang pinagmamasdan niya ang mga ito ay hindi niya maiwasan ang hindi matawa. Wala pa rin ipinagbago ang mga ito. Makukulit pa rin at malakas mang-asar ang Tanangco Boys. Pero kahit sa tingin ng iba ay pa-easy easy lang ang mga ito. Alam niyang itong mga ito ang tunay niyang mga kaibigan.
"Hindi ka na nasanay sa mga iyan," aniya. "Alam mo naman ang karakas ng mga barkada mo. You should've known better, Archie. Dahil isa ka rin sa mga malakas mang-asar."
Napangiti ito ng wala sa oras saka umiling. "Tama nga ako. Kilala mo pa rin ako."
"You just said, there are certain things that cannot be easily forget." Pag-ulit niya sa sinabi nito kanina.
"You mean, iyon lang ang hindi mo makalimutan sa akin? Na malakas akong mang-asar." Anito pagkatapos ay lumabi pa itong parang bata. Muli ay tumibok ng mabilis ang puso niya. Alam kaya nito na lalo itong nagiging cute kapag ganoon itong umarte. He just look so adorable.
"Of course not. Pero kung ano man 'yong iba pa. I'll keep it to myself." Sagot niya.
"Ang daya," protesta nito.
"Bawi na lang ako sa cream puff," nakangiting wika niya. Nakita niya nang para itong natulala at nakatitig lamang sa kanya. Ilang segundo itong tila natigilan at halos hindi kumurap. Saka lang ito natinag nang biglang lumapit sina Abby sa kanya.
Kilala niya ito. Matagal na rin itong nagta-trabaho doon sa Rio's Finest.
"Miss Chacha, ikaw ba 'yan?" tanong nito.
"Hi Abby," bati niya dito.
Lumarawan ang kasiyahan sa magandang mukha nito. She'll always admire this girl. Bukod na para itong manika sa ganda. Mabait ito at responsable. Sana nga lang ay mapansin ni Victor ito bilang isang babae.
"Naku, mabuti naman at bumalik ka na." tuwang-tuwa na wika nito. "Sana hindi ka na umalis ulit."
"I won't. I'll stay here for good." Sagot niya.
"Hay salamat naman."
Bigla ay lumipad ang tingin nito kay Dingdong. "Teka, ang alam ko wala na kayo, 'di ba?" tanong nito. "Nagkabalikan na kayo?"
"No. It's not what you think." Sagot niya agad saka tiningnan ang lalaking kaharap. Napansin niya nang tila bahagyang nagsalubong ang kilay nito. O mas tamang sabihin na sumimangot ito.
"Ay sayang! Akala ko pa naman kayo na ulit." Ani Abby na napapitik pa.
"But don't lose hope, Abby. Malay mo, mag-iba nag ihip ng hangin." Biglang sabi ni Dingdong.
Naguguluhang tiningnan niya ito. Ngayon naman ay hindi nakasimangot ito. Pero seryoso ang mukha nito.
Ano naman kaya ang gustong palabasin nitong lalaking ito?
"Iyon ang mga sagot Pare!" hiyaw ni Vanni na noon ay nasa loob ng counter.
"Ang talas talaga ng pandinig mo kapag mang-aasar." Napapailing na wika nito.
"O sige, Miss Chacha. Trabaho na po ulit ako." Iyon lang at tumalikod na ito.
"Okay,"
"Hay naku," buntong-hininga nito. Nag-inat pa ito bago muling dinampot ang tasa ng kapeng nasa ibabaw ng mesa. "Ang mga tao talaga dito, naging libangan nang pakialaman ang love life ng may love life."
"Huwag mo na ngang pansinin ang mga 'yan. By the way, thanks sa meryenda." Aniya.
"You're Welcome."
PILIT NIYANG ipinikit ang mga mata. Sabay takip ng unan sa mukha niya. Pero kahit na anong gawin niya ay ayaw talaga siyang dalawin ng antok. Paano nga ba naman siya makakatulog? Kung ang nasa isip niya ang guwapong mukha ni Dingdong.
"Kaasar naman oh!" naiiritang wika niya sabay bangon. Naupo siya sa gilid ng kama saka kinuha ang nananahimik na maliit na manika na mukhang Indian. Hinding-hindi niya makakalimutan ang manikang iyon. Binigay iyon ni Dingdong sa kanya noong first month anniversary nila. Mahaba ang buhok ng manika at pinkish ang pisngi. He named the doll after her, 'Chacha'.
"Chacha," aniya sa manika. "Bakit ganoon? Affected pa rin ako kapag nariyan siya? Dapat balewala na lang ang lahat sa akin kahit na nandiyan siya o kahit na ano pa ang sabihin niya."
Bumuntong-hininga siya. "Hindi na tamang mahalin ko pa siya. Dahil siya mismo, may mahal nang iba. Dapat humanap na rin ako ng iba."
Nabaling ang paningin niya sa litrato ng binatang ayaw siyang patahimikin. Kinuha niya iyon at pinakatitigan ang guwapong mukha nito. She smiled. Kuha iyon noong second year anniversary nila nang minsan na magpunta sila ng Boracay. She traced his face with her finger. Hindi na naman niya napigilan ang puso na tumibok nang maalala niya ang unang beses niyang makita ito pagkagaling niya ng America.
He's still as handsome as ever. That red lips. She missed staring at his deep-set brown eyes. Wala halos ipinagbago ito, maliban na lang sa lalo itong gumawapo. Napansin din niya na tila lalong lumaki ang katawan nito.
May namuong luha sa kanyang mga mata. Kung sana'y maibabalik niya ang nakaraan. Hindi na lang sana niya ito iniwan. Kung sana'y hindi na siya naging mahina. Baka nasa bisig pa rin siya ng lalaking minamahal. Ang kaso'y nagpadala siya sa problema. Alam niyang nagkamali siya ng desisyon noon. At kung puwede lang niyang itama ang lahat ng pagkakamali niya. Pero huli na ang lahat. Iba na ang nagmamay-ari ng puso nito. Wala na siyang ibang gagawin kung hindi tanggapin ang lahat.
Pinahid niya ang mga luhang naglandas sa kanyang pisngi. Wala na rin magagawa ang mga luha niya. Everything is useless now. She's too late.
"Mahal pa rin kita, Archie."
Muli ay nahiga siya. Kailangan niyang sanayin ang sarili na malayo dito. Kung kinakailangan na iwasan niya ito ay gagawin niya. Unti-unti ay bumigat ang talukap ng mata niya hanggang sa tuluyan na siyang nakatulog.
"BEST, ikaw na lang ang mag-drive please." Aniya sabay abot ng susi sa kaibigan.
Kunot-noong tinitigan siya ni Panyang saka kinuha ang susi sa mga kamay niya. "Eh bakit may sako ka sa ilalim ng mga mata mo? Hindi ka ba nakatulog kagabi?"
Hindi siya kumibo. Sa halip ay naupo sa passenger's seat, sumandal sa backrest at ipinikit ang mga mata. "Wala 'to," usal niya.
"Anong wala? Kilala kita, Charease Marie. Bukod sa akin, bestfriend din kayo ng tulog. Ikaw ang taong ipagpapalit ang kahit na ano para lang sa tulog." Ani Panyang. "Hmm... Siguro may iniisip ka kaya hindi ka nakatulog." Dagdag nito habang ini-start ang kotse.
"Baka may pusa din sa bubong ng bahay mo kagaya ng nangyari kay Madi." Ani naman ni Olay na nakaupo naman sa likod ng sasakyan. Nagtawanan ang mga ito.
"Eh ano? Inamin ko na naman, 'di ba? Hindi ako nakatulog noon kasi
kakaisip ko kay Vanni ko." Depensa naman nito.
"Naks! Ibig bang sabihin no'n Chacha, iniisip mo rin si Dingdong?" inosenteng tanong ni Olay.
"Uy ah... hindi sa akin nanggaling 'yun." Kunwa'y depensa ni Panyang.
Umayos siya ng upo saka isa-isang tiningnan ang mga ito. "Hindi, okay? Hindi ko siya iniisip. Simple lang, ayaw akong dalawin ng antok."
"Eh bakit ako lagi niya akong dinadalaw? Gabi-gabi pa nga eh." Nakangising sabi ni Panyang.
"Lukaret!"
"Teka nga, saan ba tayo pupunta? Sigurado ka bang magaganda ang mga damit sa kukuhanan natin?" Baling niya kay Madi. Mas mabuti nang ibahin niya ang usapan kaysa mabuking pa siya. Dahil may katotohanan naman ang sinabi nito. Si Dingdong ang laman ng isipan niya kagabi halos kaya't madaling araw na ng makatulog siya.
"Oo, maganda ang mga damit ni Victoria. Divisoria lang niya ang Hongkong at Bangkok. Mura pa." sagot naman ni Madi.
"Saan ba nakatira 'yun?" tanong ulit niya.
"Sa Annapolis, Greenhills."
"Bahala na muna kayo, basta iidlip lang ako. Gisingin n'yo na lang ako kapag nandoon na tayo." Aniya.
"Ihahagis ka namin palabas ng kotse pagdating ng Ortigas," biro ni Panyang.
"In case you forgot, this is my car." Sagot niya habang nakapikit. "Baka gusto mong hindi matuloy ang kasal mo." Pabirong dagdag niya.
"Pero siyempre, joke lang 'yun!" biglang kabig ni Panyang.
"Good. Huwag ka nang maingay, best." Sabi ulit niya.
Hindi na nga nag-ingay pa ang mga ito. Bago pa siya tuluyang hilahin ng antok, narinig pa niyang nagbubulungan ang mga ito. Pagkatapos ay panaka-nakang nagbubungisngisan. Iyon na ang huli niyang natatandaan bago siya nakatulog.
"Uy best, gising na. Nandito na tayo." Narinig niyang wika ni Panyang. Bahagya pa siya nitong niyugyog sa balikat. Dahan-dahan siyang nagmulat ng mata. Nakaparada na sila sa tapat ng isang three storey condominium. Agad niyang inayos ang sarili tsaka bumaba ng sasakyan. Sinalubong sila nang isang babae at sa tantiya niya ay nasa mid-forties na. May katabaan ang katawan nito at kumikinang ang silver nito sa katawan dahil sa suot nitong mga alahas.
Ngumiti ito agad pagkakita kay Madi. Ipinakilala sila nito sa babaeng Victoria ang pangalan.
"Ikaw ba ang bibili ng mga paninda ko?" nakangiting tanong sa kanya nito.
"Opo." Sagot niya.
"Tara na't pumasok tayo sa loob at ng makapamili na kayo." Anang ginang. Nasa ikalawang palapag ang bahay nito. Pagpasok nila sa loob ay nakahanda na sa sala ang mga damit na puwede niyang pagpilian. Marami silang nakitang magagandang damit. Karamihan sa mga iyon ay ang uso sa mga kabataan. Bumili rin siya ng mga accessories para pandagdag sa mga paninda niya para sa boutique.
Matapos niyang makapili ay agad siyang nagbayad. Tuwang-tuwa ang ginang habang binibilang ang perang ibinayad niya. Agad silang nagpaalam matapos nilang mailagay sa compartment ng kotse ang mga pinamili. Siya na rin ang nagmaneho.
"Excited na ako sa boutique mo," ani Madi.
"Tama! Ang daming magagandang dress. Bagay kaya sa akin lahat." Dagdag naman si Olay.
"Weh? Di nga?" pagbibiro ni Panyang.
"Tse!"
"Teka nga, gusto n'yo na bang umuwi?" tanong ni Madi. "Mag-mall kaya muna tayo. Minsan lang naman tayo may ganitong chance na mag-girl bonding."
"Okay lang sa akin." Sagot niya.
"Ako rin, magte-text na lang ako sa my love ko." Ani naman ni Panyang.
"Mas lalong okay sa akin." Sabi naman ni Olay. "Tawagan n'yo na lang si Allie para makasama din siya. Tutal naman malapit nang mag-out ang mga nag-o-opisina."
"Ako nang bahala," sagot naman ni Panyang.
MASAYANG-MASAYA si Chacha habang naglilibot sa mall kasama ang mga kaibigan. Isa ito sa mga na-miss niya. Ang makasama at maka-bonding ang mga kaibigan niya. Matapos nilang i-meet si Allie sa mall ay nagkayayaan silang kumain. At habang kumakain sila ay nagpatuloy ang kulitan, tawanan at asaran nila.
"Let's do this again," aniya.
"Sure. Basta sabihan mo lang kami." Wika ni Allie.
"Tama. Bumawi ka, isang taon ka ring naburo sa America." Si Olay.
"Nga pala best, tumutugtog ka pa ba ng piano?" pag-iiba sa usapan ni Panyang.
"Hindi na. Pati iyon natigil simula nang ako ang mag-take over sa negosyo ni Daddy. And I already missed playing piano." Sagot niya. Nang umalis siya ay kasamang naibenta ng Daddy niya ang grand piano na pinamana pa sa kanya ng Lolo niya.
She loves music. It's one of her passion.
"Mabuti nga hindi binenta ng Daddy mo ang bahay na tinutuluyan mo ngayon." Ani naman ni Olay.
"Isa 'yon sa pinamana sa akin ni Lolo. Kaya hindi na ako pumayag nang pati iyon ay ibebenta nila." Sagot niya.
Nang dumating siya galing sa America, doon siya sa bungalow house na iyon siya tumuloy. Sa ngayon ay wala siyang kasama. Gusto muna niyang mapag-isa. She want to be alone for a moment. Wala naman sigurong masama kung i-enjoy niya ang buhay nang mag-isa. Walang nagdidikta. Walang nagbabawal ng kung anu-ano.
"Alam ko na!"
Napatingin silang lahat kay Panyang, pati na ang iba pang kumakain sa restaurant na iyon.
"Ano ba 'yon? Ang lakas talaga ng boses?" tanong ni Olay.
"Basta, bilisan n'yong kumain. Makikita n'yo mamaya." Sagot nito.
Pare-pareho man silang nagtataka ay hindi na lang din sila nagtanong. Kahit na may pagka-baliw ang bestfriend niyang ito. May tiwala pa rin sila dito.
Napatulala siya matapos niyang makita ang sinasabi ni Panyang. Isang grand piano na nakalagay sa mismong sentro ng mall. Puwedeng tumugtog doon ang sino man marunong mag-piano.
"Anong ginagawa natin dito?" tanong niya.
"You just said, you missed playing. Hayan na." sagot nito. "Puwede kang tumugtog diyan."
Tumingin siya sa paligid. Maraming tao sa parteng iyon ng mall. Hindi pa niya kailan man nararanasan tumugtog sa harapan ng maraming tao.
"Ang daming tao eh, nakakahiya." Aniya.
"Eh ano? Magaling ka naman ah. Pasalamat pa nga sila at libreng concert ito. Ang ganda pa ng pianista nila." Sagot ni Panyang.
"Tama!" sang-ayon ni Olay.
"Sige na Girl, kaya mo 'yan. Gusto namin marinig kang tumugtog." Sabi pa ni Allie.
"Sige na Chacha, please..." si Madi.
Bumuntong-hininga siya saka muling tumingin sa paligid.
"Sige na nga." Aniya.
"Yes!" sabay-sabay na sabi nito.
Umupo siya sa silya kaharap ng piano. Pinatunog pa muna niya ang mga daliri. Isang kanta lang ang agad na rumehistro sa isipan niya. She positioned her fingers and started to play. Pumailanlang ang instrumental version ng kantang 'Runaway' ng The Corrs. How can she forget that song? Iyon ang theme song nila ni Dingdong. Habang tumutugtog ay automatic na napapikit siya.
Bigla ay parang nawala ang mga tao sa paligid. And she can still imagine him, sitting beside her and watch her play. She love that moment. Iyon na yata ang pinaka-masayang sandali ng buhay niya.
Hanggang sa matapos ang kanta ay nanatiling nakasarado ang mga mata niya. Kaya ganoon na lamang ang gulat niya nang bigla siyang nakarinig nang palakpakan. Pagdilat niya ay nagulat pa siya nang makitang marami nang tao ang nakapaligid sa kanya. Ngunit ang labis niyang ikinabigla ay ang lalaking laman ng kanyang isipan habang tumutugtog. Dingdong was now sitting right beside her. Staring at her so intently.
Nag-init ang pisngi niya. Alam niyang nagba-blush na siya sa mga oras na iyon. Habang nakatitig sa guwapong mukha ng kaharap. Kabi-kabilang papuri ang natatanggap niya mula sa mga nanood sa kanya.
"You're still good." Anito.
"Thanks. I didn't know you were here." Sabi naman niya.
"I was just around noong marinig kong may tumutugtog ng kantang iyon. Pumunta agad ako dito. And I was surprise to see you here." Sagot naman nito.
"Namamasyal lang kami. Eh pinilit ako nitong si Panyang na tumugtog."
"I'm glad you did." Anito.
"Oy, mamaya na kayo magtitigan diyan. Halika na. Umalis na tayo dito." Singit ni Panyang.
Habang naglalakad ay sinabayan siya ni Dingdong.
"Ang galing mo palang mag-piano, Girl. Bongga!" puri sa kanya ni Olay.
"Oo nga," sang-ayon ni Allie. "Imagine, show stopper ka. Lahat ng dumadaan, napapatigil tapos ay pinanood ka. May narinig pa nga ako eh, ang sabi para ka daw anghel na nagpa-piano."
"Thanks. Akala ko nga hindi na ako marunong. Mahigit one year din akong nakahawak ng piano." Sabi naman niya.
"Honey!"
Lahat sila ay napalingon nang biglang sumulpot ang isang babaeng kasingtangkad niya at maputi. Sexy ito at naka-suot ng pang-opisina. Bigla itong yumakap sa braso ni Dingdong.
"What took you so long? Akala ko ba may titignan ka lang?" tanong nito.
Napapikit si Dingdong. Naibulsa nito ang isang kamay sa suot nitong slacks.
"By the way, I'd like you to me—"
"Can we go now?" sansala nito sa sinasabi ng binata. Nagkatinginan sila. Sina Panyang at Madi ay pawang nakataas na ang mga kilay. Parang kahit na anong oras ay handa na ang mga itong ihagis ang babae.
"Pinsan!" tawag-pansin ni Panyang dito.
Bago pa makapagsalita si Dingdong ay mabilis na nilapitan ng babae si Panyang at bineso-beso. Nakangiwi ang mga labi ng huli nang dumikit ang pisngi ng babae dito at bahagya nitong itinulak ang babae palayo.
"Hi, so you're Archie's cousin. I'm Lau—"
"Eh ano, Pengkum!" pambabara pa nito sa babae. "I'm not interested."
Nagulat sila nang tumawa ang babae. "Palabiro pala ang cousin mo," sabi pa nito kay Dingdong.
"Tadyakan ko kaya ito para malaman niyang nag-iinit nang ulo ko sa kanya." nanggigigil na bulong ng kaibigan sa kanya. Inakbayan ito ni Olay.
"Sige nga, bakla!"
"Tama na 'yan," saway niya sa mga ito.
"Oy Bansot, uuwi na kami. Baka hindi ko matantiya 'yang syota mong maputla. Pektusan ko pa 'yan" Pagtataray ni Panyang. Tumango lamang ito.
Habang naglalakad palayo ay muli siyang lumingon kay Dingdong. Ito man ay nakatanaw din sa kanya. Tila may kung anong emosyon siyang nabasa sa mga mata nito. Tama si Panyang. May iba na nga itong mahal.
Honey daw? Ouch!