CHAPTER 2

1222 Words
NAGISING si Aje dahil sa matinding sakit ng ulo niya. Naroon siya sa hotel suite niya at kararating pa lang niya sa Pilipinas kasama ang buong banda niyang Wildflowers. Ang Wildflowers ay isang all-girl band na may limang miyembro, kung saan siya ang keyboardist at main composer. Kasama niya sa banda ang pinsan niyang si Ginny na bassist at lyricist. Ang leader nilang si Yu ang drummer, si Carli ang vocalist at si Stephanie ang guitarist at second voice. Nang mapawi ang p*******t ng ulo niya ay sinindihan niya ang lampshade na nasa bedside table. Pagkatapos ay bumangon siya. Tahimik na tahimik ang paligid. Dinampot niya ang cell phone niya at tiningnan ang oras. Napabuntong-hininga siya nang makitang alas-kuwatro y medya pa lang. Ala-una na sila nakarating sa kanya-kanyang silid dahil naghapunan silang magkakabanda kasama ang dating kabanda nilang si Cham at asawa nitong si Rick. Napasarap ang kuwentuhan nila dahil matagal na mula nang huli nilang makita si Cham. Ito ang dating vocalist ng banda nila na umalis sa banda at nagpaiwan sa Pilipinas dahil kay Rick. Bumangon siya at nagpunta sa kusina. Nawala na ang agiw sa isip niya at ngayon ay gising na gising na siya. Binuksan niya ang ilaw at naghagilap sa refrigerator ng maaaring inumin. Napangiwi siya nang makitang tubig at soda lamang ang naroon. Hindi siya mahilig sa malamig na inumin sa umaga. Mas gusto niyang magkape. Pero wala pa siya sa mood na magpa-room service kaya kumuha na lang siya ng tubig saka naglakad patungo sa verandah. Paglabas niya ay sinalubong siya ng hangin. Subalit hindi iyon kasinlamig ng hangin sa Amerika kaya hindi na niya inabalang magsuot ng roba. Lumapit siya sa balustre at pinagmasdan ang kalawakan ng Kamaynilaan na abot-tanaw niya. Huminga siya nang malalim at wala sa loob na uminom ng tubig. Sa loob ng ilang taong pananatili nila sa Amerika at pagtu-tour sa iba’t ibang panig ng mundo, noon lang uli sila nagkaroon ng pagkakataong umuwi sa Pilipinas. Salamat sa isang buwang bakasyong ibinigay sa kanila ng producer nilang si Mr. Gallante. Kahit pa hindi talaga masasabing bakasyon iyon dahil may trabaho pa rin silang kailangang gawin. Bawat isa sa kanila ay dapat mag-submit ng lyrics para sa susunod nilang album. Isang malaking repackaging para sa kanila ang album na iyon dahil nais ng producer nilang magpaka-daring sila para sa album na iyon. Nakipag-collaborate din sila sa sikat na rock star composer na si Adam Cervantes. Usually ay siya ang composer nila pero sa pagkakataong iyon ay sinabi ng producer nila na mag-focus na lang daw muna siya sa pagsulat ng kanta. Noong una ay hindi siya sang-ayon doon. After all, kung mayroon man siyang masasabing talento niya, iyon ay ang pagko-compose. Ngunit nang sabihin ni Mr. Gallante na gusto nitong luwagan kahit paano ang schedule niya dahil sa tingin nito ay masyado na niyang pinapagod ang utak niya sa pag-iisip, hindi na siya nakapagprotesta pa. Kahit pa ayaw niyang magkaroon ng libreng oras. Ang gusto niya ay busy siya. Mas gusto niyang nakatutok ang lahat ng isipin niya sa musika kaysa sa ibang bagay. Dahil ngayong hindi iyon ang nasa isip niya, nagkakaroon siya ng alinlangan at takot para sa mga darating na araw. Lalo na mamaya dahil kailangan niyang umuwi sa bahay nila upang harapin ang mga magulang niya… at si Ted. Napapikit nang mariin si Anje. Noong nasa Amerika siya, excited siyang umuwi sa Pilipinas dahil tulad ng mga kaibigan niya ay hinahanap-hanap din niya ang sarili niyang bansa. Hanggang kagabi, habang kasama nila sina Cham at Rick at nagkabalitaan sila ay masaya pa rin siyang nakauwi na sila. Subalit ngayong mag-isa na lang siya at naiisip ang nakatakdang pag-uwi niya sa bahay nila ay bigla siyang nakaramdam ng magkakahalong emosyon sa puso niya. Mula nang magkolehiyo si Anje ay halos hindi na siya umuuwi sa bahay nila, maliban na lang kung tinatawagan siya ng mga magulang niya. Nag-dorm kasi siya noong kolehiyo at pagkatapos naman niyon ay umupa siya ng apartment kasama sina Cham, Ginny, Stephanie at Yu. Hindi lang siya ang ganoon. Maging ang mga magulang niya at kahit si Ted ay hindi rin madalas na umuuwi sa bahay nila. Halos buong taong nananatili sa malaking apartment building nila sa Paris ang mga ito dahil naroon ang trabaho ng mga ito. Ang tanging naiiwan sa bahay nila sa Alabang ay mga katulong at ang caretaker nila. It had been that way ever since her sister passed away. Lahat sila ay binago ng pangyayaring iyon. It was as if their world lost its sun. And it was the truth. Ang ate niya ang sentro ng buhay nilang lahat noon. Dahil sa masayang disposisyon nito kaya palaging maaliwalas ang pakiramdam sa bahay nila. At nang mawala ito ay biglang dumilim ang mundo nila. Every one of them was never the same again. Lalo na si Ted. Kung dati ay palabiro ito, ngayon ay naging tahimik na ito. Ngumingiti pa rin ito, lalo na kapag nasa harap ito ng maraming tao at kapag kaharap ang mga magulang niya, ngunit bago siya humiwalay sa kanila, tuwing gabi ay nagigising siya sa malamyos na tunog na nagmumula sa piano sa music room. Gabi-gabi ay sinisilip niya ito habang tumutugtog ito. Hindi na ito umiiyak na gaya noong gabing nakita niya ito. Subalit naroon pa rin ang lungkot at paghihirap sa musika nito. Kaya nang pumunta sa ibang bansa si Ted para mag-aral ay may munting parte niya ang nakahinga nang maluwag. Dahil hindi na niya ito makikitang malungkot gabi-gabi. Hindi na kinaya pa ni Anje ang pagsakit ng puso niya tuwing nakikita niya itong ganoon, tuwing nagkukunwari itong okay sa harap ng ibang tao at pagdating ng gabi ay nagpapakalunod ito sa pangungulila sa ate niya. It was just ironic that when she lived alone, she did exactly what Ted did. Sa harap ng mga kaibigan niya at ng ibang tao ay masayahin siya, palabiro, at pilya. Subalit kapag mag-isa na lang siya ay nawawala ang ngiti sa mga labi niya. Mahabang panahon na ang lumipas mula nang mawala ang ate niya at natanggap na niya iyon. Kaya lang, hindi na siya makabalik sa kung ano siya dati. Hindi lang niya alam kung ganoon din ang mga magulang niya at si Ted. Matagal na niyang hindi nakikita ang mga ito at bihira din niyang makausap ang mama niya sa telepono. Samantalang huli niyang nakausap si Ted ay bago ito umalis ng bansa noon. Natigilan si Anje nang mapagtantong pulos si Ted na lang ang naiisip niya. Marahas siyang umiling. “Hindi puwede,” bulong niya sa sarili, saka huminga nang malalim. Nang muli siyang tumingin sa malayo ay napansin niyang unti-unti ng nagliliwanag ang paligid. Alas-nuwebe siya pinapupunta ng mga magulang niya sa bahay nila. Tumawag ang mga ito sa kanya noong araw bago siya sumakay sa eroplano pabalik sa Pilipinas. Mananatili siya nang ilang araw sa bahay kasama ang mga ito bago siya bumalik sa hotel nila. Kaya naman siguro niyang tumagal doon nang ilang araw. Isa pa, wala namang binanggit ang mga magulang niya na naroon din si Ted. Baka wala ito sa Pilipinas at abala ito sa kung ano-anong music gig sa Europa. Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag. Natatakot siyang makita si Ted. Natatakot siya sa maaari niyang maramdaman. Lalo na iyong bawal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD