EKSAKTONG alas-singko ng umaga nang huminto ang taxi na sinasakyan ni Ted sa tapat ng driveway ng malaking bahay ng mga Carpo sa Alabang. Pagkatapos niyang bayaran ang driver ay bumaba na siya at bitbit ang maleta niya. saglit siyang tumayo roon at pinagmasdan ang bahay na balot ng kadiliman.
Huminga siya nang malalim. Ilang taon na ang nakalilipas mula nang huli siyang tumuntong doon. Mula nang magtungo siya sa Europa upang mag-aral sa music conservatory ay hindi na siya nakabalik pa sa bahay na iyon. Pagkatapos kasi niyang mag-aral ay sumali siya sa mga competition doon at lahat iyon ay naipanalo niya. Pagkatapos ay pumirma siya ng kontrata sa isang malaking agency sa Paris na may hawak ng mga sikat na classical musician doon. Mula noon ay naging busy na siya.
Nagkaroon lang siya ngayon ng dalawang linggong pahinga. Ang balak niya ay mananatili na lang sana sa bahay niya sa Paris subalit noong isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula sa mag-asawang Carpo na nakasanayan na niyang tawaging “Papa” at “Mama” mula pa noong inampon siya ng mga ito. Gusto ng mga ito na umuwi silang lahat sa bahay at manatili roon kahit ilang araw lang. At noon pa man, wala nang ginusto ang mga ito na hindi niya sinunod. Iyon man lang ay ganti niya sa pagkupkop ng mga ito sa kanya noong panahong akala niya wala na siyang mapupuntahan nang maulila siya.
“Ted, I believe it’s about time for us to go home. Kahit saglit lang. It’s about time you stopped running away,” malumanay na sabi ni Mama Olivia nang tawagan siya nito sa telepono noong nasa Paris siya.
“I’m not running away, Mama. I’m just busy. That’s all.”
“Well, kung ganoon, umuwi ka. We will be waiting for you. At uuwi rin si Anje. Maraming taon na kayong hindi nagkikita, hindi ba?”
Natigilan siya sa balitang iyon. Matagal na nga mula nang huli silang magkita ni Anje. Sa katunayan, ang huling beses na nagkausap sila ay noong mga teenager pa sila. Back then, they used to fight everyday and it was one of his favorite amusements. Kahit na palagi nitong ipinapakita sa kanya ang disgusto nito, pakiramdam pa rin niya noon ay malapit sila sa isa’t isa.
Now, they were almost strangers to each other. Nalalaman lang niya ang tungkol dito kapag tumatawag o nagkikita sila ng mga magulang nito at sa mga showbiz section sa telebisyon, diyaryo at Internet na aksidente niyang naeengkuwentro. Kung aksidenteng matatawag ang kusang pagki-click ng daliri niya sa kahit anong artikulo sa Yahoo! na makikita niyang may kinalaman dito.
Miyembro na ito ng isa sa mga pinakasikat na grupo sa buong mundo. Not that her music was his cup of tea. So he just listened to it once in a while. Kapag aksidente rin niya iyong naririnig sa radyo ng taxi na sinasakyan niya o kung nasaan man siya na pinapatugtog iyon. Kahit kasi hindi boses nito ang kumakanta ay may kung ano sa tugtog na makikilala niyang gawa nito. It was one of the mysteries he still could not fathom.
“Ted? Are you still there?” untag ng tinig ni Mama Olivia.
Tumikhim siya. “That’s… good,” usal niya.
“It is. And so, Ted, I have a favor to ask you,” sabi nito.
“What is it, Mama?”
Huminga ito nang malalim. “Convince her to quit that group and go back to classical music. She’s just wasting her time on that band when she could dedicate her attention to piano again.”
Nahilot niya ang sentido sa desperasyon sa tinig nito. “Mama, hindi naman nakikinig sa akin ang babaeng `yon. Besides it has been such a long time since we last saw each other. She might take it the wrong way if I suddenly asked her to quit. Hindi ba, mas maganda kung kayo ang magsasabi n’on sa kanya? Uuwi rin naman kayo,” malumanay na sabi niya.
Narinig niyang bumuntong-hininga ito pagkatapos ng ilang saglit na pananahimik. “Hindi siya nakikinig sa akin. I just want her to go back to playing the piano. Iyon ang ikatutuwa ni Eve. Alam mo ba na sinabi niya sa akin bago siya… bago siya sumakay ng eroplano noon na ang pangarap niya ay makita kayo ni Anje na tumutugtog sa stage nang magkasama? That’s why I want Anje to get serious about piano. Pero ano’ng ginawa niya? Bigla na lang siyang nagsolo noong nagkolehiyo siya at kahit na ayaw namin ng papa niya ay bigla siyang sumali sa bandang `yon. So Ted, help us convince her, okay? For Eve?”
Huminga siya nang malalim at pumikit nang mariin. Alam nito na kapag para kay Eve ay hindi siya makakatanggi. “Fine. I’ll do my best. `See you soon, Mama.”
“Thank you, darling. `Bye!”
Kaya naroon ngayon si Ted sa bahay na iyon. At mukhang wala pa ang mga ito dahil madilim pa sa bahay. Ipinilig niya ang ulo bago nagsimulang lumakad papasok sa bahay. Hindi na niya kailangang gisingin ang housekeeper dahil may susi siya ng bahay. Tahimik siyang pumasok sa loob.
Kahit maraming taon na siyang hindi bumabalik doon, kabisado pa rin niya iyon. Ni hindi niya kailangan ng ilaw. Walang kahirap-hirap na inakyat niya ang ikalawang palapag patungo sa west wing ng bahay kung saan naroon ang silid niya, ni Eve, ni Anje, at ang malaking music room.
Bago niya marating ang silid niya ay huminto muna siya sa nakapinid na pinto ng silid ni Eve at inilapat ang kamay niya roon. Huminga siya nang malalim at ngumiti.
“I’m home,” bulong ni Ted.
Katahimikan ang sumagot sa kanya. Ilang sandali siyang nanatili roon bago nagpatuloy sa pagtahak sa direksiyon ng silid niya. Ngunit nang madaanan niya ang silid ni Anje na katapat lamang ng silid niya ay muli siyang huminto.
Naalala niya ang mga panahong palagi siyang sinusungitan nito noong mga bata pa sila, noong palagi itong nagagalit sa kanya dahil inaagaw raw niya rito ang oras ng ate nito na dapat ay para dito. Naalala niya ang unang beses na nakita niya ito. She was pretty as a doll with her huge innocent eyes and pinkish cheeks. Kaya kahit palagi itong galit sa kanya at iniirapan siya ay lalo lang siyang naaliw rito dahil tuwing galit ito ay lalong tumitingkad ang ka-cute-an nito. At kahit lumipas na ang mga taon at unti-unti na itong nagdalaga, she still looked like that ten-year-old girl to him.
Lumuwang ang pagkakangiti niya. “See you soon, brat,” bulong niya sa pinto nito bago tumalikod at tuluyang pumasok sa sarili niyang silid.