SINIKATAN na si Anje ng araw sa labas ng verandah ng hotel suite niya. Nang makita niyang nagliwanag ang Kamaynilaan ay pumasok na uli siya sa suite upang maligo at maghanda sa pag-alis. Nakapagpaalam na siya kay Rob na mananatili muna siya nang ilang araw sa bahay ng mga magulang niya at pumayag ito basta raw pagbalik niya ay may maipapakita na siyang lyrics.
Nagsuot siya ng T-shirt na may naka-print na “I Love Rock” sa harap, kupas na maong na pantalon, at rubber shoes. nakapusod nang magulo ang buhok niya. Kinuha niya ang shades at duffel bag niya, pagkatapos ay lumabas na siya ng suite.
“Good morning, Anje. Aalis ka na rin?”
Napalingon siya sa corridor nang marinig ang boses ni Stephanie. Napangiti siya nang makitang may maleta sa tabi nito at mukhang kalalabas lang din sa suite nito.
“Yes. Sina Ginny?” tanong niya habang naglalakad palapit dito. Kung sila ni Ginny ay uuwi sa mga magulang nila, si Stephanie ay magbabakasyon sa isang resort na ipina-reserve ni Rob para dito.
“Hindi ko pa nakitang lumabas ng suite niya si Ginny. Pero sina Carli at Yu ay nasa restaurant sa ibaba. Sabay-sabay na raw tayong mag-almusal bago tayo magpunta sa kanya-kanyang lakad natin,” sagot nito.
Tumango-tango si Anje at magkaagapay silang naglakad patungo sa elevator. Pagdating nga nila sa restaurant ay naroon na sina Carli at Yu na nagkakape. Naroon din si Rob na nakabukas ang tablet, patunay na nagtatrabaho na ito. Lahat ng mga iilang staff na naroon ay napatingin sa kanila at ang iba ay tinawag pa sila. Nginitian at kinawayan nila ni Stephanie ang mga ito hanggang sa makalapit sila sa mesa nina Yu.
“Good morning, Anje,” bati nina Carli at Yu.
“`Morning. Maaga rin pala ang alis ninyo ngayon. Gaano kayo katagal mawawala?” tanong niya sa mga ito pagkatapos niyang um-order ng kape sa waiter.
“Saglit lang naman ako. Sisiguruhin ko lang na maayos ang lagay ng mga magulang ko,” sagot ni Yu.
Binalingan niya si Carli. “Ikaw, Carli? `Akala ko, hindi mo pa alam ang gagawin mo? `Akala ko, magpapaiwan ka rito?”
Natigilan ito saka tumikhim. “Well, something came up at kailangan kong umalis.”
Nagkatinginan sila nina Stephanie at Yu. Sa totoo lang, kahit ilang taon na nilang kabanda si Carli ay nararamdaman pa rin nilang marami itong hindi sinasabi sa kanila. Hindi nila ito pinipilit na magsalita, lalo na siya, dahil kahit siya ay may mga bagay sa nakaraan na ayaw niyang sabihin kahit kanino. May pakiramdam siyang masyadong malalim at masakit ang nakaraang iyon ni Carli para ungkatin.
“Does this have something to do with the phone call you received this morning?” biglang tanong ni Rob na hindi inaalis ang tingin sa screen ng tablet nito.
Umawang ang mga labi ni Carli. “H-how did you know about that?”
Nakataas ang mga kilay na tumingin si Rob kay Carli. “Because the receptionist told me about the call before I allowed her to connect the call to you. Do you expect me to not know anything about each of you? The company thoroughly researches on each of our talents, you know. Just in case,” makahulugang sabi pa nito at isa-isa silang tiningnan.
Namula si Carli at tila nataranta. Pagkatapos ay bigla itong tumayo. “I have to go,” paalam nito.
Nakailang hakbang na ito palayo sa mesa nila nang tawagin ni Rob.
Kumunot ang noo niya nang lumingon ito at makitang puno na ng luha ang mga mata nito.
“What?”
“Get it over with as fast as you can.”
Kinagat ni Carli ang ibabang labi pagkatapos ay tumango bago muling tumalikod at tuluyang lumabas ng restaurant.
“What was that?” nagtatakang tanong ni Anje kay Rob.
“Yeah, what’s that all about Rob?” tanong din ni Yu.
Si Rob naman ang kumunot ang noo. “You mean you don’t have any idea? You are bandmates, right?”
Umiling silang tatlo.
Pumalatak ito at muling itinutok ang tingin sa ginagawa nito. “Ask her. I don’t want to reveal other people’s secrets so just ask her to tell you herself.”
“Rob!” sabay-sabay na reklamo nila.
Tinaasan sila nito ng isang kilay. “Let’s drop the subject, girls. And finish your breakfast already. Stephanie, I already rented a car for you. Yu and Anje, I’ve already called a taxi for each of you. Behave yourselves wherever you go. I want you to be back at the hotel without any trouble, understand?”
Napabuntong-hininga si Anje. Kapag ganoon ang tono ni Rob ay alam nilang lahat na hindi na sila mananalo pa sa usapan.
SUMIKDO ang puso ni Anje nang huminto ang taxi na sinasakyan niya sa driveway ng bahay ng pamilya niya. Hanggang sa makababa na siya roon at umalis na ang taxi na sinakyan niya ay nanatili lamang siyang nakatayo. Biglang bumalik sa isip niya ang mga alaala niya noong bata pa siya na tila kahapon lang iyon nangyari.
Sa front garden siya mahilig magtatakbo noong bata pa siya. Nasa likod-bahay ang pool na madalas na ginaganapan ng mga munting party ng mga kaibigan ng mga magulang niya kapag nasa Pilipinas ang mga ito. Doon din palaging ginaganap ang mga birthday party nila ni Ate Eve noong mga bata pa sila.
Ang alaala ng nakangiting mukha ng ate niya—na kahit gaano pa siya tumanda ay palaging bata sa alaala niya—ay nagparamdam sa kanya ng pangungulila sa puso niya. Kahit maraming taon ang lumipas, kahit hindi na ganoon katindi ang sakit, ay nami-miss pa rin niya ito.
Huminga siya nang malalim at ngumiti nang matipid. Walang dahilan para malungkot siya hanggang ngayon. Hindi iyon ikatutuwa ng ate niya. Isinukbit niya sa balikat ang duffel bag niya saka naglakad patungo sa front door ng bahay.
Nag-doorbell siya. kumunot ang noo niya at napatingin siya sa wristwatch niya nang walang nagbukas ng pinto. Alas-siyete na ng umaga. Kung madaling-araw pa lang ay naroon na ang mga magulang niya, tulad ng sinabi ng mama niya, hindi na siya magtataka kung tulog pa ang mga ito. Pero pati ba ang mga kasambahay at ang caretaker nilang si Nanay Ida ay tulog pa rin nang ganoong oras?
Nagtataka pa ring kinalkal niya ang duffel bag niya para sa pouch kung saan niya inilagay ang mga susi niya. Mabuti na lang at palagi niyang dala iyon.
Nakabibinging katahimikan ang sumalubong sa kanya nang mabuksan niya ang pinto. Pinagmasdan niya ang living room nila. Walang nabago roon.
Umakyat siya sa ikalawang palapag at pinagmasdan ang pader, kisame, mga display na nakasabit at maging ang mga pinto ng mga silid. Wala ring nabago roon. Huminto siya sa nakapinid na pinto ni Ate Eve at ilang sandaling nagdalawang-isip bago pinihit ang seradura.
Bukas iyon. Napakagat-labi siya at nag-alangan. Handa na ba siyang silipin ang silid na iyon? Sa kung anong dahilan ay bigla siyang kinabahan. Kaya sa huli ay isinara na lang uli niya iyon at tinitigan ang nakapinid na pinto bago naglakad palayo. Sunod na napasulyap siya sa pinto ng silid ni Ted ngunit sa pagkakataong iyon ay may sense na siyang hindi huminto sa tapat niyon at subukan kung bukas din iyon.
Nang makarating siya sa pinto ng music room ay pumasok siya roon at agad na napangiti nang makita ang grand piano. Pakiramdam tuloy niya pumasok ay siya sa isang time machine nang buksan niya ang front door kanina at ibinalik siya sa nakaraan. Because it seemed as if time stopped in their house. At hindi siya sigurado kung maganda bang balita iyon o hindi.
Lumapit si Anje sa piano. Pagkatapos ay ibinaba niya ang kanyang bag sa stool niyon saka binuksan ang lid ng piano. She softly touched the keys, soft enough so as not to make any sound. Muli ay nilukob siya ng mga alaala. Iyon ang pianong ginagamit niya noong bata pa siya. Iyon ang piano na nagpasimula ng pagmamahal niya sa musika. Kahit pa classical music ang una niyang nakilala at sa huli ay napagtanto niyang mas mahal niya ang mas modernong klase ng musika, iyon pa rin ang piano na naghulma ng talento niya.
At iyon din ang madalas nilang ginagamit ng ate niya noong mga bata pa sila. Iyon din ang piano na naging instrumento ni Ted noong mga panahong idinadaan nito sa pagtugtog ang pagluluksa nito sa kamatayan ng ate niya. This piano was also a witness to how young hearts fell in love for the first time in their lives.
Nang maalala ang araw na iyon ay dumiin ang daliri ni Anje sa isang piano key. Pumailanlang ang tunog ng nota sa buong music room. Pagkatapos ay dahan-dahan niyang pinindot ang iba pang nota hanggang sa pumailanlang ang pamilyar na tunog ng intro ng “Twinkle, Twinkle, Little Star” na palagi nilang tinutugtog ng ate niya noong mga bata pa sila. Hanggang sa dalawang kamay na niya ang ginagamit niya sa pagtugtog, immersing herself in the memory of that faithful day when—
“`Yan din ang tinutugtog ninyo noong unang beses na tumapak ako sa bahay na ito at nakilala ko kayo.”
Huminto sa ere ang mga daliri niya at gulat na napalingon sa pinanggalingan ng baritonong tinig na iyon. Nahigit niya ang hininga nang makita si Ted na nakasandig sa hamba ng pinto ng music room at nakamasid sa kanya.
Napakalaki na ng ipinagbago nito mula nang huli niya itong makaharap nang ganoon. Mas matangkad na ito, mas malapad ang katawan, mas lalaking-lalaki ang dating. And more gorgeous that he had ever been.
Hindi pa niya naihahanda ang sarili na makita uli ito. Pero hayun ito, nakaroba at magulo ang buhok na tila bagong gising lang; hatefully and sinfully sexy for a professional pianist—Theodore Baldemar.
At tulad noong mga bata pa sila, noong una niya itong makita, ay wala siyang nagawa nang walang kahirap-hirap nitong nakawin ang puso niya. Na kung sumulyap lang sana ito sa kanya noon kahit ilang segundo lang ay nalaman na nito ang katotohanang walang ibang nakakaalam kundi siya lang; that when he was currently falling in love at first sight with her sister, she was also falling in love with him the same way.
But of course, just like before, he will never know. Wala siyang planong ipaalam iyon dito.