Pinandilatan ng mga mata ni Sasha si Reed na ngayon ay nakangisi sa harapan niya. Nakakaasar ang tawa nito, halatang nasisiyahan dahil nadulas siya sa school na papasukan niya ngayon.
"Kung minamalas ka nga naman..." usal nito.
"Umalis ka na nga sa harapan ko baka pati ako ay malasin sa'yo, my God!" mataray na saad niya.
Inismiran siya nito bago umalis. Itinaas niya na rin ang windshield ng bintana. Pumasok na rin ang driver niya at pinausad na ang kotse.
"Kahit saan malas talaga ang lalaking iyon," bulong niya sa sarili. Hindi talaga maipinta ang mukha niya.
Muli na namang bumalik sa alaala niya kung saan nag-umpisa ang hatred nila sa isa't isa.
First day of high school and she was excited. She wanted to start her day with a positive vibe. Marami sila sa isang klase at ang ibang mga kaklase ay hindi na niya matandaan ang mga pangalan.
Kasalukuyan silang tinu-tour ng adviser nila sa school. Medyo madulas at maputik ang daan kapag hindi sila napapadaan sa sementadong pathway. Hanggang sa makarating sila sa garden ng school.
Tahimik lang siya at naka-focus siya sa pag-iingat sa mamahalin niyang sapatos na hindi matalsikan ng putik. Sa likuran niya naman ay ang mga kaklase niyang lalaki na ang iingay. Tila nag-aasaran yata.
"Class, this is the school's garden. Medyo muddy lang ngayon kasi umulan kanina. P'wede kayong mag-relax dito during break time or kung gusto ninyong mapag-isa, you can come here to relax." Paliwanag nito.
Siya naman ay natisod sa kinatatayuan niya dahil nasagi siya sa mga lalaking naghaharutan sa likuran niya. Muntikan na siyang mapasubsob sa maputik na bermuda grass, buti na lang may nakahawak sa beywang niya. Ang classmate niyang si Reed, pareho lang sila ng subdivision na tinitirhan.
Hindi sila close kasi suplado ito. Kapag nakikita niya itong namamasyal sa park ng subdivision ay hindi ito namamansin. Tipid siyang ngumiti rito at ngumisi naman ito nang nakakaloko.
"Thank you," usal niya.
"You're welcome."
Akala niya ay tutulungan na siya nitong makatayo ng maayos pero sa gulat niya ay binitiwan siya nito. Isang malakas na tili ang lumabas sa bibig niya. Kasabay nang pagbagsak niya sa maputik na bermuda grass ay ang malakas na tawanan ng lahat.
"Stop laughing!" saway ng class adviser nila sa mga nagtatawanan.
Napangiwi siya nang maamoy ang mabahong putik na nakadikit sa katawan niya at mamahaling damit. Halos umusok ang ilong niya sa galit.
"Ang bango naman..." pang-aasar nito sa kanya. Mas lalong nagtawanan ang lahat.
Tumayo siya at humakbang palapit kay Reed. "Oo, talagang mabango!" asik niya, saka ipinunas niya ang maputik na kamay sa mukha nito.
"What the–shit!" palatak nito.
"Ano, mabango ba?" inis na usal niya.
"Mr. Cortez and Ms. Hofer, to the principal's office, now!" turan ng adviser nila.
Isang nakakatakot na tingin ang ipinukol ni Reed sa kanya. Inirapan niya lang ito at binigyan ng isang f*ck you sign.
Simula nang mangyari iyon ay hindi na sila magkasundo. Hanggang sa maka-graduate na sila ng high school.
"Magkaibigan po ba kayo ng binatang iyon, Miss Sasha?" untag sa kanya ng driver kaya napukaw siya sa malalim na pag-iisip.
"P'wede ba Manong, huwag na natin siyang pag-usapan. Mas lalong nasisira ang araw ko. And FYI, hindi ko siya kaibigan."
"Ma'am, ano po ang FYI?"
Umikot ang mga eyeballs niya sa mata. "FYI means for your information."
"Ganoon pala ibig sabihin no'n? Ang mga kabataan nga naman ang hilig sa mga ganyan na pinapaikli ang mga salita, p'wede namang sabihin ng deretso."
Hindi niya alam kung siya ang pinagsasabihan nito o ang lahat ng mga kabataan. Bumuntonghininga na lang siya at hindi na ito pinansin. Inabala niya na lang ang sarili sa pagtitipa sa cellphone niya.
"Miss Sasha, nandito na po tayo sa Rampage University," turan sa kanya ng driver.
Napatigil siya sa paglalaro ng candy crush. Mabilis niyang kinuha ang compact mirror sa bag at tiningnan ang mukha kung maayos pa ba ang kilay niya at lipstick.
Ipinagbukas siya ng pinto nito at maingat naman siyang bumaba. Maarte niyang hinawi ang mahaba niyang buhok na tumatakip sa kalahating mukha niya. Nakalimutan niya kasing magsuot ng headband.
Huminga siya nang malalim at matamis na ngumiti habang nakatingin sa malaking gusali ng Rampage University.
"This is it, Sasha, college ka na!" nasisiyahang bulong niya sa sarili.
Excited siyang naglakad sa mahabang pathway patungo sa malaking entrance ng school. Alam niyang pinagtitinginan siya ng lahat ng mga estudyante na nasa labas pa pero wala siyang pakialam. Mas lalo niya pang ginandahan ang lakad niya at ibinalandra ang mamahalin niyang bag.
"Oh, my God! What are you doing here?" bulalas niya nang makita si Reed na nakasandal sa gilid ng gate.
Nakahalukipkip pa ang dalawang braso nito sa dibdib at mariing nakatitig sa kanya. Inismiran lang siya nito saka tuloy-tuloy na pumasok sa loob ng school. Mabilis niya itong hinabol.
"Sandali, sandali!" pigil niya rito. Humarang pa siya sa harapan nito para lang huminto ito sa paglalakad.
"What?" inis na tugon nito.
"No... no way! Hindi ka dapat nandito. My goodness!" usal niya na parang bata.
"Bakit? Pagmamay-ari mo ba ang Rampage University? At ano ba ang pakialam mo kung dito ako papasok?" turan nito sa nang-iinis na boses.
Inirapan niya ito. "Sinusundan mo ba ako? My God! Stalker!" asik niya.
Nang-uuyam itong tumawa. "Huwag kang assuming, sossy girl. At umalis ka sa dinadaanan ko kung ayaw mong itulak kita."
"Sige! Subukan mo lang akong itulak sa harapan ng lahat, Reed Cortez! At makikita mo–"
Hindi na niya natapos ang sasabihin ng basta na lang siya nitong nilagpasan. Sinadya pa nitong banggain ang kabilang balikat niya.
"Bastos ka talaga!" pigil ang boses na asik niya rito.
Nag-inhale and exhale siya para ikalma ang sarili baka mawala ang poise niya. Nasaan na ba kasi ang mga friends niya at hindi mahagilap ng mga mata niya? Nagpupuyos siya sa inis dahil kay Reed. Sinasabi niya na nga bang malas talaga ang lalaking iyon.
Nagtungo na siya sa first minor subject niya. Pagpasok niya ay wala pa ang professor at mukhang maaga pa naman.
"Hi, Sasha..." bati sa kanya ng isang lalaking hindi niya kilala pero ewan niya ba kung bakit kilala siya nito.
"Hi, Sasha..." narinig niyang bati ng ibang nandoon.
Pilit siyang ngumiti sa mga ito. Naiilang din siya. First day of school pero kilala na siya ng mga ito kaya nagtataka siya. Napatingin siya sa bandang gilid dahil may narinig siyang tawanan. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya dahil nakita niya roon si Reed, kasama nito ang mga kaibigan. Nakatingin ang mga ito sa kanya habang tumatawa.
Nakasimangot siyang umupo sa bakanteng upuan. Kung minamalas ka nga naman. Dasal niya na sana hindi sila pareho ng kurso dahil kung nagkataon ay magbigti na lang siya. Umirap siya sa gawi nito.
***