Chapter 1
"Rise and shine, darling!"
Umayos siya sa pagkakaupo nang marinig ang boses ng Mamita niya. Napapapikit na naman siya sa harapan ng hapag-kainan.
Paano ba naman? Maaga siyang ginising nito para mag-breakfast dahil maaga raw ang pasok niya sa school. Pakiramdam niya ay hindi na matapos-tapos ang pag-aaral niya.
"Gising, gising!" ulit pa nito sabay pukpok sa baso niya gamit ang hawak nitong tinidor.
"Mamita naman... alam mong dilat na dilat na ako," aniya.
"Dilat daw, eh, mahuhulog na nga iyang mga mata mo."
Iniikot niya lang ang mga mata sa ere. Simula pa bata ay ang Mamita na niya ang nag-aalaga sa kanya, nanny niya ito na naging pangalawang ina na rin. Palaging out of the country ang mga magulang niya at busy sa business kaya walang oras sa kanya. Ang gusto lang ng mga ito ay mag-aral siya ng mabuti.
Mag-aral ng mabuti? Halos ibagsak niya na nga ang lahat ng subject niya no'ng high school. Kung hindi pa dahil sa koneksyon ng ina niya ay malamang na hindi siya naka-graduate.
Humikab siya. "Masyado pa kasing maaga," nakasimangot niyang saad.
"P'wede ba, Sasha! Ako ay tigil-tigilan mo sa mga palusot mo. Kumain ka na riyan, bilisan mo at mag-aayos ka pa."
Bumagsak ang mga balikat niya. Ni hindi niya nga alam na ito na pala ang araw ng pasukan sa college. First year college na siya at hindi niya man lang alam kung ano ang kurso niya.
Ang ina na niya ang nag-asikaso sa lahat, simula sa enrollment at sa class schedules, wala man lang siyang kahirap-hirap. Iyon nga lang, hindi niya alam kung ano ang kurso na pinili nito para sa kanya.
Wala rin naman siyang pakialam kung ano ang kurso na pinili nito para sa kanya. Excited lang siyang pumasok dahil bago lahat ang mga gamit niya.
"Si Mommy po?" tanong niya nang biglang maisip ang ina.
"Maagang umalis, hindi mo na naabutan pagkagising mo."
Nagkibit-balikat na lang siya, palagi naman ganoon. Palagi itong busy, palagi ring pumupunta sa ama niya sa ibang bansa. Her father is European, namana niya ang blonde nitong buhok. Ayaw nitong mamalagi sa Pilipinas dahil may business sa ibang bansa. Bihira lang din umuwi rito.
Hindi niya alam kung bakit hindi na lang sila sa ibang bansa mamalagi para makasama ang ama. Gusto yata ng ina niya rito sa Pilipinas.
"I'm done!" saad niya sa natatawang boses, saka mabilis na tumayo at nagtatakbo palabas sa dining area.
"Sasha!"
Mula sa kusina ay narinig niya ang sigaw ng Mamita niya. Napahagikhik naman siya nang tawa at nagpatuloy na sa pag-akyat sa taas. Kaagad na umaliwalas ang mukha niya pagpasok sa kwarto lalo na nang makita niya ang mga bagong gamit na nakalatag na sa malaki niyang kama. She was excited to wear her new dress, shoes, bag and accessories.
Lumapit siya sa kama at halos abot sa tainga ang pagkakangiti niya. Kinuha niya ang class card na nasa tabi ng bag. Nakasulat sa taas ng class card ang name niya, ID Number, ang kurso at school year, pati na rin ang section niya.
Sa ibaba naman ay ang class schedules niya sa mga subjects na papasukan at kung ilang units. Napangiwi siya nang mabasa kung ano ang kurso niya. Pero inaasahan na niya iyon. Business Management naman talaga ang gusto ng ina niya para sa kanya.
Whatever! Usal niya sa isipan. Wala naman siyang pakialam kahit ano basta ang mahalaga ay ang mga mamahalin at magaganda niyang mga gamit. Nagmamadali na siyang mag-shower. Pagkatapos ay nagsimula na siyang mag-ayos sa sarili.
Naglalagay na siya ng paborito niyang pabango nang bumukas ang pinto ng kwarto at iniluwa roon ang Mamita niya.
"Naka-ready na ang maghahatid sa'yo sa school. Bilisan mo na at baka ma-late ka." Nakakunot ang noo nitong saad.
Umikot siya sa harapan nito. "Maganda na ba ako? Okay na ba ang suot ko?"
Bumuntonghininga naman ito. "Hija, kahit simple ka lang ay maganda ka naman, hindi mo na kailangan ang mga abubot diyan sa katawan mo at ang makapal mong make-up."
"Light nga lang ang make-up ko," reklamo niya sa komento nito tungkol sa make up niya.
"Hay naku! Ewan ko ba sa inyong mga kabataan. Simplicity is beauty pero ginagawa ninyong komplikado. Pati iyang pananamit mo, na sobrahan ka yata."
"Ito ang trending ngayon, Mamita." Ngumisi siya.
Kaya excited din siyang mag-college dahil masusuot na niya ang gusto niyang mga damit. White crop top and high waist denim skirt na sakto lang ang haba, hindi ganoon kaikli. Pinaresan niya iyon ng high heel boots.
Muli siyang napatingin sa malaki niyang salamin na kita ang buong katawan niya. Napapangiti siya sa suot niyang punk style gold chain necklace.
"Sasha, halika na," untag sa kanya ni Mamita.
Nakasimangot siyang lumapit dito. Gusto niya pa na magtagal sa salamin para titigan ang sarili pero dahil ayaw ng Mamita niya na ma-late siya ay inaapura na siya nito. Iniabot nito ang Hermès Birkin bag, ang pinakamahal niyang bag na regalo ng ama niya last year dahil hindi nakarating sa birthday niya.
Sabay na silang bumaba. Naghihintay na nga sa labas ang kotse na maghahatid sa kanya sa Rampage University, ang college na papasukan niya.
"Mag-iingat ka, ha, okay?" malumanay na turan sa kanya, masuyo rin nitong hinaplos ang pisngi niya.
"I'll be fine, Mamita. Ako pa ba?" biro niya rito, kinindatan niya pa ito.
Ngumiti naman ito. "Sige na, sumakay ka na sa kotse at pag-uwi mo ikuwento mo kaagad sa akin kung ano ang nangyari sa first day of school mo."
Umasim kaagad ang mukha niya dahil may naalala siya. First day of high school ay bad trip siya dahil sa isang kaklase niya na nam-bully sa kanya. Sana naman ngayong unang araw niya sa college ay hindi na niya iyon makita pa.
"Okay, alis na ako, Mamita." Niyakap niya pa ito bago siya sumakay sa kotse.
Excited na siyang makita ang mga kaibigan niya since high school maliban na lang kay Reed Cortez, ang lalaking kinaiinisan niya at halos isumpa na niya. Ito lang naman ang taong palaging bully sa kanya no'ng high school pa siya. At syempre hindi siya nagpapatalo, they were like cats and dogs. Ito lang talaga ang malakas ang loob na bully-hin siya.
***