"Paano kita iniligtas?" pag-uusisa ni Emma habang inisa-isa sa isipan ang mga kakilalang lalaki sa high school. May mga pagkakataong hindi kasi siya matandain sa mga pangalan at itsura ng hindi naman niya mga ka-close noon kaya naisip niya na baka maging si Asher ay nakalimutan na nga.
Bigla-bigla ay nagliwanag ang diwa niya nang maalala ang iilang mga ka-batchmates na natulungan.
"Ah, alam ko na!" humahagikgik na bulalas niya. Iyon ang panahon na na-assign siya na maglinis sa school's gymnasium at may napulot siya na kakaiba. "Ikaw ba 'yun nakaiwan ng black na brïef sa gym? Di' bale, safe ang secret mo sa akin! 'Di ba, usapan pa natin na walang ibang makakaalam kasi dyahe? O ayan, successful ka na sa career mo pero hindi nabunyag ang madilim mong nakaraan!"
"H-Ha?" Napakamot tuloy ng ulo ang binata sapagkat wala naman siyang kinalaman sa itim na panloob. "Hindi!"
"Ngeh, e letter A kaya 'yun nakatahi na initial doon sa brïef! A for Asher! Ikaw talaga 'yun, 'di ba?"
"Hindi ako nagtatahi ng initial ko sa brïef," mariin ma pagtanggi nito. "Baka naman ibang kaklase mo 'yan."
"Hmmm, kung hindi ikaw 'yun, sino?"
"Ako 'yun nakita mo doon sa tuktok ng eskuwelahan," pagbibigay pa nito ng clue. "Doon sa malapit sa may hagdanan..."
"Ah!" bulalas ulit ni Emma. "Doon sa may paakyat ng water tank? Ikaw ba 'yun nahuli ko roon na nagyoyosi at nanonood ng p0rn noong lunch? O 'di ba, galing kong mag-keep ng secret kaya hindi ka na-suspend?"
"Hindi ako 'yun." Bahagyang naningkit na ang mga mata ni Asher dahil kung sino-sino na lamang ang binabanggit na batchmate ng dalaga at puro nakakahiya pa ang mga karanasang nabanggit. Ramdam na rin niya ang kaunting pagtatampo dahil ang dali lang pala siyang nakalimutan ng babaeng iniibig.
"Siguro, ikaw 'yun napat@e-"
"Emma, hindi rin ako 'yun," halos magmakaawang pag-awat na niya sa kakasabi nito ng mga lalaking wala siyang kinalaman. "Please lang, hindi rin ako 'yun napat@e..."
Hinawakan niya na sa kamay ang dalaga at inakay palabas ng karinderya. Nais niya itong dalhin mismo sa dati nilang eskuwelahan upang ipaalala ang unang pagtatagpo nila.
"Saan tayo pupunta?"
"Doon mismo sa lugar at baka maalala mo na ako..."
"Sandali, busy pa ako sa orders!"
"Sige na," pakikiusap naman niya sapagkat naisip niyang ito na ang tamang panahon upang magkaliwanagan kung bakit simula nang matagpuan niya si Emma sa karinderya ay ayaw na niyang pakawalan pa. "Ibigay mo na sa akin ang oras na ito para naman makilala mo na ako."
"OK, sabi mo, e!" pagpayag naman ng kausap.
Hawak ang kamay ng dalaga ay nagtungo sila papunta sa mall kung saan palaging pina-park ni Asher ang kotse. May kalayuan lang iyon sa kainan pero pinagtitiyagaan na niya na doon iparke sapagkat makailang beses nang nagasgas ang mga sasakyan niya ng dumadaang mga jeepney, tricycle at motor kapag nilalagay niya malapit sa karinderya.
"Ang layo naman!" pagrereklamo na ng kasama sapagkat masakit na nga ang mga paa sa maghapon na pagtayo sa karinderya, pinalakad pa ng halos isang kilometro. "Ano ba kasing itsura ng sasakyan mo?"
"Kaunting tiis na lang. Kulay pula 'yun na may kabayong logo sa harapan."
Nang nasa tapat na ng mall ay natigilan siya nang maramdaman na lumuwag ang sintas ng rubber shoe. Binitiwan muna niya ang kamay ng dalaga at tumalungko upang ayusin ang sapatos.
"Sandali lang, ha..."
Nang natapos itali ang sintas ay kinapa niya si Emma sa may likuran. Nang mahanap ang kamay nito ay inakay niya sa may bungad ng mall kung saan nakaparke ang ilan pang mga sasakyan.
"Alam mo, Emma, ang saya-saya ko noong nahanap kita," pagtatapat na niya habang naglalakad sila. "Na-love at second sight ako sa 'yo. 'Yun love at first sight kasi noong nasa school pa tayo. Kaya lang, akala ko e puppy love lang kaya hindi ko na masyadong naisip. Pero noong nakita kita ulit sa karinderya, ang puso ko, lumundag! Ang sabi nito ay ikaw na, ikaw na talaga ang mamahalin ko forever! Siguro naman, kapag naalala mo na ako, iko-consider mo na rin ang handog ko na pag-ibig para sa iyo. Promise, hindi ako katulad ni Siberius Oso; irerespeto kita at pangangalagaan..."
Nagtaka siya kung bakit sa dami ng sinabi ay wala man lang reaksiyon ang kausap. Akala niya ay speechless lang si Emma dahil sa declaration of love niya kaya pinigil pa niya ang sarili na kiligin.
"Wait lang, Miss Ganda..."
Nilabas niya ang transponder key at pinindot sa tapat ng mamahaling sportscar. Pinagbuksan pa niya ng pintuan ang dalaga subalit mas nagtaka siya kung bakit tahimik pa rin ito at hindi kumikilos sa kinatatayuan.
"Sakay na." Paglingon sa gawi ng kasama ay halos mapatalon siya sa gulat sa 'di inaasahang pangitain.
"Nyaaahhh!" bulalas niya. "Sino ka?"
Bigla na niyang binitiwan ang kamay ng 'di kilalang lalaki na kanina pa pala niya ka-holding hands. Kaya pala ramdam niya na may katigasan ang palad nito na tila ba sanay makipagsuntukan dahil hindi na pala mayuming binibini ang hawak-hawak niya kundi isang binata na mas batak pa sa muscles ang pangangatawan kaysa sa kanya.
"Ikaw, sino ka ba?" pagbabalik nito ng katanungan sa kanya. "Nag-aabang lang ako ng bus sa tapat pero bigla mo na lang akong hinila."
"Sana umimik ka naman!" suhestiyon naman ni Asher sa mestisong estrangherong may mala-abong mga mata. "Hindi ka na rin sana naabala pa kung nagsalita ka!"
"Paano ako kikibo e daldal ka nang daldal!" pagdadahilan naman nito kaya napahiya na si Asher dahil narinig pa nito ang pinagsasabi niya na dapat sana ay para lang kay Emma. 'Di nagtagal ay ngumiti rin naman ito at kinantiyawan pa siya na tila ba malapit itong kaibigan. "Pero mukhang hulog na hulog ang puso mo kay Emma. May pa-love at first and second sight ka pa! Hahaha!"
"O-Oo!" tumatawang pag-amin din naman niya. "Hulog na hulog, p're! Kaya lang nagdadalawang-isip, ang hirap suyuin!"
Tinapik-tapik naman siya sa balikat ng lalaki upang palakasin pa ang loob sa panliligaw.
"Sa palagay ko, kaunting panunuyo pa at mapapamahal din sa iyo 'yun. Itodo mo na ang effort, neh?"
"Oo naman! Mahal ko talaga siya kaya gagawin ko ang lahat para matutunan niya rin akong ibigin."
"Nasaan nga pala si Emma?" pagtatanong na ng kausap. Lumingon-lingon pa ito sa lugar dahil nais din nitong makita ang dalaga.
Nanlaki na ang mga mata ni Asher nang maalala na nawawala pala ang sinusuyong babae.
"Sandali! Nasaan na nga ba siya?"
"Aba'y ewan ko!" Hinawakan siya ng lalaki sa balikat at halos ipagtulakan na palayo. "Hanapin mo na at baka makuha pa ni Siberius Oso! Bawal ang tat@nga-t@nga sa leading man, neh?"
Aligagang naghanap-hanap na siya sa parking lot. Inisa-isa pa niya ang mga sasakyan na naroon subalit wala pa rin bakas ng dalaga.
"Emma!" pagtawag na niya. Nabahala pa siya na baka nagtampo pa iyon dahil baka inakala nitong niloloko lang niya at bumalik na ngang mag-isa sa kainan.
Natigilan siya nang maalala na baka naiwan nga niya ito kung saan niya itinali ang sintas ng sapatos. Dali-dali na siyang nagtungo roon sa pamamag-asang naroon pa ang pakay.
"Ang t@nga ko nga naman kasi!" paninisi pa niya sa sarili kung bakit ibang kamay pa ang nahatak. "Kung sana marunong akong lumingon at makiramdam, papunta na kami sa school ngayon!"
Nilabas na niya ang cellphone at tinawagan ang kasama. Sa 'di kalayuan ay may marinig nga siya na nagri-ring.
"Emma!"
"Uy!" tugon naman ng dalaga. "Kanina pa ako naghihintay rito!"
Sinundan niya ang tinig at laking gulat niya nang makita na komportableng nakasakay nga ito sa pulang owner jeep.
"Bakit ka nariyan?"
"'Di ba, ang sabi mo pula ang sasakyan mo na may kabayo sa harap?" Tinuro nito ang sticker ng hayop sa hood ng jeep. "Ayan mismo, o! Kaya nga sumakay na ako. Halika na nga at dalhin mo na ako sa school."
Napaawang na lang ang mga labi ni Asher dahil sa pahayag ni Emma. Napatawa pa siya dahil magpasahanggang ngayon pala ay hindi nito maunawaan na hindi lang siya basta-basta tambay sa kanto. Sa mga mata pala ng dalaga ay isa pa rin siyang simpleng lalaki.
Sa kaloob-looban niya ay natuwa pa siya sa reyalisasyon na walang pagbabago sa ugali nito o special treatment sa kanya kahit na noong malaman na CEO pa siya. Pakikisamahan pa rin pala siya nito nang maayos kahit owner jeep pa ang kaya lang niyang i-offer na sasakyan. Para sa kanya ay senyales iyon na hindi nga nasisilaw si Emma sa kayamanan.
"Halika nga rito at bumaba ka na riyan," may paglalambing na panuto niya sa dalaga. Marahan niyang hinawakan ito sa braso at inalalayang bumaba ng jeep. "Sa susunod, huwag kang basta-basta umaangkas sa mga sasakyan, ha? Baka mamaya, makidnap ka pa ng driver niyan. Sa ganda mong 'yan, 'di malabong tangayin ka pa ng mga katulad ni Siberius Oso!"
"E sabi mo kasi pulang sasakyan na may kabayo?" pagdadahilan naman nito. "Ano ba kasi talaga?"
"Hindi iyan ang tinutukoy ko..."
Pagkarating nila sa kotse niya ay napanganga na lang si Emma nang mapagtantong ang sasakyan na nabanggit ni Asher na may kabayo ay red sportscar pala na Ferr@ri at milyones ang halaga.
"I-Ito ba?"
"Oo, Miss Ganda."
"Grabe, nilalabas mo lang ito kung saan-saan?" bulalas nito. "Ikaw ba ang bumili nito? Baka naman sa susunod, gulatin mo ako kasi ginto pala ang kutsara't tinidor mo sa bahay!"
"Bigay sa akin ni Dad." Pinagbuksan na niya ng pintuan ang dalaga upang pasakayin. "Baka kasi masira ang makina kung hindi ko naman gagamitin. Kung ako lang, hindi man bibili ng ganitong klase."
"Kasi mas mainam na ipambili ko na lang ng house and lot natin para sa future ang pera," paghirit pa niya ng panunuyo kay Emma upang ipahiwatig na seryoso nga siya sa panliligaw at nais pa ngang mapangasawa na. "Tapos, mas okay siguro ang family car kaysa sportcar. 'Yun maluwag, matibay, at kasya kahit ilang mga bata..."
"Parang naaalangan akong umupo," pahayag ng dalaga habang kinakapa ang leather seats ng sasakyan. "Amoy bawang at sibuyas pa naman ako at baka kumapit dito! OK lang ba talaga na makisakay?"
"Kahit bagoong pa, wala akong pakialam," sinambit naman ni Asher kaya napahagikgik at kinilig na si Emma. "Hindi naman ako aswang na matatakot sa amoy ng bawang."
"Awww, mamahalin mo pa rin ba ako maging ano ang amoy ko?"
"Oo naman, Miss Ganda!"
Sa gitna ng palitan nila ng sweet words at kaunting harutan ay may gagambala pala na isang matandang lalaki na hindi basta-basta tumatangap ng pagkatalo. Kasama ang mga barangay tanod, hinanap niya ang dalawa. Naabutan naman niya ang mga ito sa parking lot at sinugod.
"Ayan siya!" Tinuro ni Siberius ang walang kaide-ideya na si Asher. "Iyan ang tambay na dumuro-duro, nanapak at tumulak pa sa akin!"
"Ha? Anong pinagsasabi mo, Mr. Oso?"
Mabilis na gumalaw ang mga mata ng katunggali sa mamahaling kotse na mayroon siya. Batid nito ang halaga ng sasakyan pero imbis na magmenor sa masamang pagtrato, pinagbintangan pa siya nitong magnanakaw.
"Aba't mukhang carnapper ka pa!"
"What are you talking about?" nauubos na ang pasensiyang tugon niya sa magkakasunod na paratang nito. "This car is mine!"
"Alam ko ang mga katulad mo!" pagmamatigas pa rin ni Siberius. "Marahil, sa amo mo itong sasakyan at nilalabas mo ng walang pahintulot para pormahan si Emma ko! Ang kapal talaga ng mukha mong hampaslupa ka! Sisiguruhin ko na matuturuan ka ng leksiyon!"
"Teka, ikaw nga dapat ang ireklamo ko kasi binastos mo si Emma! Kung pala babaligtarin mo lang ako, dapat pala inunahan na kita sa pagtawag ng mga tanod kanina!"
"Dali, dakpin niyo siya dahil hindi ko basta-basta mapapalagpas ang p*******t ng taong 'yan sa akin!" panuto ni Siberius sa kasamang mga lalaki.
Dahil sa nakikita nga ng mga tanod na palaging naroon si Asher sa karinderya ni Emma, inakala nga ng mga ito na tambay nga lang siya at hindi malayong umasta katulad ng mga lasenggero sa kanto. Dali-dali nila siyang hinatak sa braso upang madala sa barangay hall.
"Sandali, huwag niyo naman siyang dakpin at itrato nang ganyan!" pakikiusap ni Emma sa mga tanod. "Kaibigan ko siya at hindi niya magagawa iyon! Ako mismo ang saksi kanina na walang naganap na p*******t!"
"Pasensiya na, miss," pagtanggi ng mga ito sa hiling niya. "Grave offense kasi ang kaso. Doon na tayo sa opisina ni chairman mag-uusap. Kung hindi pa rin magkakaayos, sa pulis na magpapaliwanag itong tambay na 'to!"
-ITUTULOY-