Chapter 1
Maaga pa ay nagbukas na ng karinderya si Emma. Doon ay inilagay niya sa metal na mesa ang kaldero ng kanin at mga ulam na kaninang madaling-araw pa niyang iniluto. Kasama rin niya ang apat pang mga kapatid na nagpapatakbo ng munti nilang negosyo.
Nitong mga nakaraang araw ay medyo naging matumal ang kanilang bentahan kaya 'di niya maiwasang mangamba na baka magsara na ang kainan. May naitayo kasi na mall sa lugar kaya nabawasan ang mga customer nila na mas pinili ang fastfoods doon.
Sa lalim ng kanyang iniisip ay hindi na niya namalayan na kanina pa nakatayo sa may counter ang ultimate fan niya ng asado siopao at beef pares. Nagniningning ang mga mata nito habang pinagmamasdan siya na hinahalo ang sabaw ng bulalo.
"Ngiti naman diyan, Miss Ganda!" pagbati na nito nang mainip na sa kakahintay.
Napairap si Emma dahil iyon na naman ang makulit na customer na si Asher. Natutuwa naman siya na halos araw-araw itong bumibili sa kanya, pero ang hindi lang niya magustuhan ay ang paghirit nito palagi ng panliligaw.
Hindi naman ito bastos o agresibo. Sa katunayan ay mabait naman ito at kuwela pero sadyang ayaw lang muna niyang mag-entertain ng suitors sapagkat na-trauma siya sa ex-boyfriend niya. Nakipaghiwalay ang dati niyang nobyo dahil hindi raw siya gusto ng nanay nito. Ayaw sa kanya ng ginang dahil tindera lang daw siya ng mami at siopao.
Edukada naman talaga siya at nanilbihan pa nga na nurse sa isang ospital. Ganoon pa man ay maliit ang suweldo at nainip na siya na makapunta sa ibang bansa kaya nagbukas na lang siya ng kainan. Subalit, imbis na suportahan ng dating kasintahan ay nadismaya ito at naging issue pa sa matapobreng ina na may-ari ng mga hotel. Nasayang ang halos dalawang taon nilang relasyon dahil lang sa pangmamata nila sa kanya.
"Ang aga mo, a!" pagbati rin naman niya kay Asher. Pilit ang ngiting lumapit siya sa counter upang kunin ang orders nito. "Huhulaan ko ang bibilhin mo: beef pares at siopao!"
"Hindi!" pailing-iling na pagtanggi naman ng binata na pogi sana pero mukhang palaging lumilipad ang isip at kulang sa suklay. "Siomai at beef pares!"
"Ah!" nasambit naman ni Emma. "Maiba naman, ano?"
"Oo." Hinagod nito ang magulong buhok at binalita ang nakuhang impormasyon sa isang tindahan. "May narinig kasi akong tsismis na ginagawang siopao ang nga pusa kaya ayaw ko muna. Delikado na at baka mag-meow ako bigla!"
"Excuse me!" bulalas na ni Emma sa nabanggit nito na gawa raw sa pusa ang binebenta. "Made from pork at chicken ang mga siopao ko! Kahit panoorin mo pa akong iluto iyon, walang pusa sa ingredients ko!"
"Teka, hindi ko naman sinabi na gawa sa pusa 'yun mga siopao mo-"
"E 'yun ang parang pinupunto mo kasi!" pigil sa inis na pinagsabihan niya ang customer. "Naririnig ka pa ng iba, baka akala pa nila, totoo!"
"OK, I'm sorry," paghingi rin naman nito ng paumanhin sa nasabi kanina lamang. "Naniniwala ako sa 'yo. Sige, bigyan mo ako ng isang dosenang siopao for takeout; samahan mo na rin ng beef pares at siomai!"
Pagkabigay ng mga na-order nito ay nagpaalam na ito. Kumindat pa ito sa may pintuan kaya naalibadbaran na siya at umirap bilang ganti.
Kinabukasan, naroon na naman ang masugid na manliligaw at sa pagkakatong ito, hotsilog at siopao naman ang in-order nito. Pagkakain ay tumambay muna ito sa kainan. Paglingon ni Emma sa gawi nito ay nakita niya itong nakasalumbaba at namumungay ang mga matang nakatitig sa kanya na tila ba nakakita ng diwatang marikit.
May itsura naman nga siyang maipagmamalaki kaya marami rin ang nagkakagusto sa kanya lalo na noong nagsisilbi pang nurse. Katipo raw niya ang mga Korean idols dahil maputi na nga, may pagkasingkit pa ang nga mata. Kapansin-pansin din ang mga biloy sa kanyang pisngi kapag ngumingiti kaya akit na akit sa kanya si Asher.
"Ano ba 'to? Tambay? Wala yata itong trabaho kaya kung makadalaw rito ay halos araw-araw!"
Tumayo na ito at nagtungo sa counter upang um-order ulit. Naging palaisipan na kay Emma kung bakit parang wala itong kabusugan dahil kumakain na nga mismo sa karinderya, nag-uuwi pa ng maraming ulam.
"Bukas, special request ko naman ay spicy beef pares, ha?" paglalambing pa nito habang bitbit na ang ite-takeout na mga putahe.
"OK!"
"Sasarapan mo, ha? Ang gusto ko, maraming baka! 'Yun sa kabilang kanto kasi puro sauce; naging sinabawang kanin tuloy ang kinain ko!"
"Wala naman kasi talagang tatalo sa beef pares ko!" pagmamalaki naman niya. "Huwag ka na kasing bumili sa iba!"
"Tama ka!" pagsang-ayon naman ni Asher. "Sa iyo na talaga ako bibili kaya bukas ulit, ha! Sana naman, pumayag ka naman na sumabay minsan sa akin sa pagkain..."
"Sige, next time," pagpayag na lang niya kunwari para maitaboy lang ang makulit na binata. "May mga orders pa kasi akong aasikasuhin kaya sa susunod na lang, OK?"
"OK, sige. Bye, Emma! Mami-miss kita!"
"Hay naku, araw-araw tayong nagkikita kaya, ano!" pagtataray na niya. Pumasok na siya sa may kusina upang maiwasan na ang masugid na manliligaw.
Isang araw, bigla na lamang hindi nakadalaw si Asher sa kariderya. Noong una ay nagpasalamat pa siya dahil wala ng mangungulit subalit sa paglipas ng isang linggo, hinahanap-hanap na niya ang presensiya nito. Nalungkot pa siya na baka nakahanap na ito ng masarap na kainan at nakalimutan na siya.
Nang makabalik ito kinabukasan, sa hindi maipaliwanag na dahilan ay tuwang-tuwa naman siya. Halos patakbo na niya itong salubungin pero natigilan din niya nang mapansin na tila ba matamlay ito.
"Saan ka na nagpunta at ang tagal mo rin na hindi nagparamdam?" pag-uusisa na niya habang nilalagay sa tray ang order nito na goto. "Nagsawa ka na ba sa pagkain dito?"
"Nagkasakit kasi ako," paglalahad naman ng binata. "Sa katunayan ay medyo nilalagnat pa ako at walang ganang kumain. Naisip ko na masarap din pala ang luto mong goto kaya heto, nagpumulit akong makarating dito."
"Sana tinawagan mo na lang kami rito para pina-deliver ko na lang!" may pag-aaalang bulalas ni Emma. "Wala ka bang kasama sa bahay para mautusan? Bakit gumagala ka pa samantalang nilalagnat ka pa pala!"
"Gusto lang naman kasi talaga kitang makita, e," namimilog ang mga matang pagpapa-baby ni Asher. "Ako ba, hindi mo na-miss?"
Umiling-iling na lang si Emma sa hirit nito ng paglalambing kahit inaapoy na nga ng lagnat. Ibinalot niya ang order nito na goto at dinagdagan na rin niya ng fried chicken at pork barbeque ang ipapa-takeout.
"Magkano nga ba, Miss Ganda?"
"Libre ko na para sa iyo."
"Nakakahiya naman." Nilabas nito ang wallet at kumuha ng limang daang piso. "Heto..."
"Free na nga, huwag makulit!" pagtanggi ni Emma. Lumapit siya kay Asher at iniabot ang paper bag ng mga pagkain. "Kaya mo bang umuwi? Gusto mo, pasamahan kita sa kapatid kong lalaki?"
"Huwag na. May dala naman akong auto..."
"Auto?" tahimik na naisip ni Emma. Pasimpleng tumingin pa siya sa paligid kung saan posibleng naka-park ang sasakyan nito. Puro mga pampasaherong jeepney ang natanaw niya roon kaya inakala niya na isa iyon sa pinampapasada ni Asher.
"Hindi naman pala tambay. Mabuti at may trabaho naman palang matino..."
"Bye muna," pagpapaalam muna ng binata. "Thank you sa pagkain, ha! Paniguradong makakabawi ako ng lakas dahil dito!"
Hinatid niya ito ng tingin subalit nagtaka na siya kung bakit lumagpas ito sa nakaparkeng mga jeepney at lumiko sa kanan kung saan naroon ang mall.
"Saan kaya nakatira 'yun?" puno ng kuryosidad na tanong niya sa sarili. Bumalik na siya sa may counter pero naging palaisipan pa rin sa kanya ang pagkatao ng lalaking fan na fan ng karinderya niya.
Kinabukasan, habang nagpapahinga at wala pang customers ay umupo muna si Emma sa gilid ng karinderya at nagbasa ng paborito niyang romance stories sa app na w*****d. Libangan kasi niya iyon para kahit saglit ay makalimutan niya ang stress. Mag-isa siyang napapangiti habang binabasa ang eksena ng mga bidang unti-unting napapamahal sa isa't isa.
"Mapapa-sana all ka na lang talaga," kinikilig na pagde-daydream niya kahit maliwanag na maliwanag pa ang sikat ng araw sa labas. "Sana all, may bilyonaryong jowa na tall, dark, and handsome. Hayz, kahit di na nga mayaman o pogi nga, basta mabait, responsable, at hindi ako iiwanan..."
"Pero wala na yatang ganoong lalaki!" pag-aanalisa pa niya dahil aminadong nawalan na siya ng pag-asa simula noong iwanan ng mapanghusgang ex-boyfriend. "Lahat naman, makasarili at mang-iiwan din sa huli..."
"Hoy!" panggugulat ng isang pamilyar na tinig.
"Ay, kabayo!" Muntikan pa niyang mabitiwan ang hawak na cellphone pero mabilis din naman nasalo ni Asher.
"Ganda ng ngiti natin, a!" pagbibiro pa nito kaya nayamot siya lalo. "w*****d ba ang binabasa mo?"
"Ikaw lang pala; kung nakagulat ka naman, e!" Kung kanina ay nare-relax na sana siya sa pagbabasa ay muli siyang na-stress dahil narito na naman ang lalaking saksakan ng kulit. Isinara muna niya ang binabasang app at akmang tatayo na sana pero marahan naman siyang hinawakan sa braso no Asher.
"Huwag ka nang magalit," pang-aamo na nito nang mapansin na naiinis nga siya. "Gusto ko lang naman sanang makausap ka at mapasalamatan na rin dahil sa bigay mong pagkain kahapon."
Inilabas nito mula sa bulsa ang munting pakete na may bracelet sa loob. Binuksan niya iyon at dahan-dahang isinuot sa kamay niya.
"Ako mismo ang gumawa niyan," may tono ng paglalambing na sinambit nito. "Pasensiya na at 'yan lang ang nakayanan ko."
Mabilis din naman nawala ang pagkairita ni Emma dahil nag-effort nga naman ito na gumawa ng ganoong fashion accessory. Inangat niya ang kamay sa ere at pinagmasdan ang mga perlas niyon.
"In fairness, maganda kahit fake!" paghanga niya sa munting regalo. Ganoon pa man ay hindi siya nagpahalatang natutuwa para hindi ito umasang makakaligaw nga.
Subalit, tila ba binibiro siya ng tadhana sapagkat pagbaling ng tingin kay Asher ay sumakto na tumapat ang sinag ng araw sa mukha nito. Sa isang iglap ay napagtanto niyang pogi naman pala ang binata. Hindi lang ito madating sa unang tingin pero kapag tinititigan pala nang matagal ay lumilitaw ang kagandahang lalaki nito.
"Nagustuhan mo ba?" pag-uusisa nito habang nakatitig sa kanya ang maamong mga mata nito na kulay tsokolate.
"Hmmm, puwede na rin," malamig na tugon niya kahit deep inside ay tinatamaan na ng kilig sa pagiging thoughtful at sweet ni Asher.
Hihirit pa sana ng panunuyo ang binata, subalit may mag-park na kotse sa tapat ng kariderya. Lumabas mula roon ang isang may edad na lalaking may dalang flowers at chocolates. Nang makita ang pakay ay ngumiti na ito at kumaway.
"Dali, itago mo ako!" panuto ni Emma kay Asher habang nagkukubli sa likuran nito. "Huwag mo akong iiwanan!"
"Bakit?"
"Iyan yun gabi-gabing nagpupunta rito-si Mr. Apolonius Siberius Beroso Olympius Maximus! Hindi ko inaasahan na mapapaaga siya ngayon!"
"Ha?" pati ang binata ay naging aligaga na rin nang dahil sa nalaman. "Manliligaw mo ba 'yan? Parang lolo mo na yata si Siberius Apolonius Bear...Bear...Oso..Oso? Napakahaba naman ng pangalan ng osong 'yan! Saang lupalop ba nagmula 'yan?"
"Kaya nga! Pati nga nanay ko pinagsabihan na 'yan na layuan ako, pero ayaw akong tigilan! Sinusuhulan pa nga ako ng house and lot basta ba papayag daw akong maging babae niya!"
"Ganoon ba? 'Di bale, babantayan kita sa osong 'yan!"
Upang maprotektahan si Emma ay halos gabi-gabi na ngang nagpupunta si Asher sa karinderya nito. Tahimik niyang binabantayan ang babaeng matagal nang iniibig pero minamalas lang na hindi napapansin.
Akala niya, sa ganoong paraan ay matututunan nang magtiwala at pahalagahan siya ng dalaga subalit magiging taliwas pala sa inaasahan. Isang gabi, kapansin-pansin na natuwa si Emma sa regalo ni Siberius. Naliitan tuloy siya sa sarili sapagkat pearl bracelet nga lang ang naibigay niya rito.
"Bakit malungkot ka?" pag-uusisa na ni Emma nang makaalis na ang matandang manliligaw. Umupo ito sa tabi niya upang makipagkuwentuhan sana. "Parang hindi ikaw yan! Ang tahimik mo naman ngayon; hindi ako sanay!"
"Nagseselos kasi ako," diretsahang pag-amin na niya sapagkat kanina pa siya nagngingitngit sa inis nang masaksihan ang paghagikgik ni Emma nang tanggapin ang regalo mula kay Siberius. "Ang puso ko, unti-unting nagbibitak-bitak ngayon..."
"Ano?"
"'Yun lalaking pumuporma sa iyo gabi-gabi. Akala mo ba hindi ko napapansin na may 'something' na sa inyo?"
"Anong 'something'? Hindi ba, sinabi ko nga na hindi ko siya type?"
"Pero tuwang-tuwa ka yata noong binigyan ka ng gintong kuwintas at singsing. Kitang-kita ko rin kasi na nagtu-twinkle ang ang eyes mo kanina."
"Hoy!" paninita na niya sa pangingialam nito sa usapan nila ni Siberius kanina. "Galawang stalker na 'yan, a!"
"Hindi," may pagtatampong pagtanggi ni Asher sa paratang nito sa kanya. "Nakatambay kasi ako rito palagi, 'di ba? Tignan mo, hindi mo na nga talaga ako napapansin kapag binabantayan kita rito. Noong binigyan kita ng bracelet, parang napilitan ka lang tanggapin. Pero kaninang binigyan ka ng mga alahas ni Siberius, abot-tainga ang ngiti mo kaya hindi ko maiwasang magselos."
Ramdam ni Emma ang pagkapahiya dahil sa naging asal sa harap ni Siberius na tila ba babae nga siyang madaling bilhin. Aminadong natuwa nga siya sa mga alahas dahil kamukha niyon ang nawawala niyang kuwintas at singsing na bigay mismo ng ama niyang namayapa na.
Dali-dali niyang hinubad ang mga alahas at nilagay muli sa kahon.
"O ayan, masaya ka na ba?" pasinghal na tinuran niya si Asher na parang batang maiiyak na dahil sa matinding selos. "Bukas din ay ibabalik ko ang mga 'yan kay Mr. Siberius!"
Akmang iiwanan na sana niya ang kausap pero laking gulat niya nang humarang naman ito sa harapan niya.
"Ano ba ang dapat kong gawin para magustuhan mo rin ako?" pag-uusisa nito na labis niyang pinagtaka. Marahan nitong hinawakan ang mga kamay niya at mataimtim na tinitigan sa mga mata. "Wala ba akong katiting na pag-asa riyan sa puso mo? Mag-iisang taon na akong pabalik-balik dito at parang isang dosenang baka na ang nakain ko, pero bakit lumalayo pa rin ang loob mo sa akin? May mali ba sa akin? Pangit ba ako? Mukha na ba akong beef pares o siopao kaya inaayawan mo ako? Magsabi ka lang kung anong dapat kong gawin para naman ibigin mo rin ako..."
"Asher, hindi pa kasi ako ready na magpaligaw," nakakunot ang noong sagot niya. "Huwag ka nang mag-effort kasi hanggang friends lang talaga tayo. Pasensiya na, huwag ka na sanang mapilit..."
"Emma...Emma ko..."
Naging malamlam na ang mga mata ng binata nang dahil sa tugon niya. Bagsak ang mga balikat na lumabas na ito ng karinderya at iniwan nga siya.
"Saan ka pupunta?" pahabol niya bago ito nakalayo. "Huwag mo akong iiwanan! Bumalik ka rito!"
Natigilan si Asher nang marinig ang pagtawag ni Emma. Sa maikling sandali ay inakala niyang maghahabol ito at yayakap sa kanya at pagkatapos, sasabihan pa ng "I love you."
"Hindi ka pa nagbabayad ng kinain mo!" sigaw ni Emma na dinig pa hanggang kabilang karinderya kaya napalingon ang mga kumakain doon sa gawi niya. Napahiya pa siya dahil kung makatitig ang mga iyon sa kanya ay parang tahimik na pinagbinintagan pa siyang nag-i-eat and run.
"Utang muna, OK?" nagmamaktol na sagot naman niya sapagkat akala niya ay happy ever after na sila ni Emma pero bayad lang pala niya ang tunay na hanap nito.
"Ang sakit, kainis!" tahimik na pagrereklamo niya. "Beef pares lang talaga ang halaga ko kay Emma!"
"Uy, halika na! Sige na, libre na basta huwag ka nang magtampo, my friend!"
"Maybe I'll be back on Christmas!" panunuplado naman niya habang nakahalukipkip. "If not, on New Year or Valentine. I'm not sure! Basta pagkabalik ko, I must be a man worthy of your love!"
"Ano bang nangyayari sa iyo?" litong-lito na pagtatanong na ni Emma. "Halika nga at mag-usap tayo nang masinsinan. Kung sa panliligaw mo sa akin, saka na natin pag-isipan 'yun. Takot kasi talaga ako sa commitment sa ngayon..."
"Babalik ako sa tamang panahon," pahayag na niya kaya napaawang na ang bibig ng dalaga. "Pangako, magpa-practice muna akong maging ideal man katulad ng w*****d crushes mo. Baka sa ganoong paraan, papansinin mo na rin ako at hindi na ipagpapalit pa kay Siberius Oso!"
"A-Asher..."
"Someday, Emma, you'll be proud of me!" pangako niya bago nagtatakbo patungo sa kabilang kanto.
"Ano bang nakain niyon at biglang nag-i-English na?" gulong-g**o na naisip niya. "Kakaiba talaga ang tambay na 'yun!"
Lumipas ang mga araw at hindi nga muna nagpakita si Asher. Kapag padilim na ay pasimpleng sisilip si Emma sa may bungad ng kainan. Kapag malapit na ang pagsasara ng karinderya ay mapapabuntong-hininga na lang siya dahil wala pa rin kahit anino ng binata.
Dumaan ang isang buwan at kapansin-pansin ang pagdagsa ng customers sa karinderya niya. Nagpapasalamat man dahil nabuhay ulit ang negosyo nilang magkakapatid, hindi pa rin niya maiwasang malungkot dahil hindi pa rin sumisipot ang favorite customer niyang si Asher. Sinubukan pa niya itong tawagan sa number na binigay nito pero palagi naman unattended.
"Nasaan ka na?"
Kinaumagahan, hindi na niya natiis na magtanong-tanong sa mga naroon kung may nakakita ba sa binata.
"Kaano-ano mo ba ang hinahanap mo?" pag-uusisa ni Aling Maritess na tindera sa sarisari store.
"'Yun customer ko po. Matagal-tagal na kasi siyang hindi pumupunta sa karinderya ko."
"Ah, 'yun moreno na mukhang may lahi na 'di ko mawari kung ano? Hindi na pala siya nagpupunta riyan?"
"Opo. Nag-aalala kasi ako na baka kung ano ng nangyari sa kanya..."
"Hmmm, pero palagi ko nga siyang nakikita sa harap ng mall," paglalahad na ng ginang kaya nabuhayan na siya ng loob na makikita ulit si Asher. "Nag-a-advertise nga ng Emma's Beef Pares House at nagbibigay ng flyers sa mga dumadaan doon. Sabi nga ng kumare ko na may malapit na shop doon, ang galing nga raw mag-sales talk! Parang sanay na sanay magbenta!"
"T-Talaga po?"
"Oo," pagkumpirma nito. "Manliligaw mo ba 'yun? Kung ako sa iyo e sagutin mo na kasi wala ka ng makikita na ganoon ka-supportive! Walang binatbat ang ex mo sa lalaking 'yun!"
Napangiti na si Emma nang mapagtantong kaya pala lumakas ang bentahan ng karinderya niya ay dahil sa effort ni Asher. Dali-dali siyang nagtungo sa harap ng mall upang makita sana ito. Nang mga oras na iyon ay nais niya itong yakapin nang mahigpit at pasalamatan sa lahat ng pabor na binigay nito sa kanya.
Subalit, lumipas ang maghapon pero wala pa rin bakas ng binata. Dismayadong bumalik siya sa karinderya at pinili na lang na mag-concentrate muna sa negosyo kaysa maghabol sa lalaking ayaw munang magpakita.
"Pero umaasa pa rin ako na babalik siya rito," paghiling pa rin niya.
Dumating ang Disyembre at mas dumagsa ang customers at orders sa munting kainan ni Emma. Halos wala na siyang pahinga dahil kabilaan ang pasadya ng orders para sa Christmas parties.
Habang abalang nagbibilang ng stocks, biglang nag-ring ang kanyang cellphone. Tumambad sa caller ID na nagmumula ang tawag sa Global Smartlines Communications, isang sikat na telecommunications company sa bansa
"Hello?" nag-aalangang pagbati niya. "Thank you for calling Emma's Beef Pares House. How may I help you?"
"Good morning!" pagbati ng isang lalaking sa pandinig niya ay parang pamilyar pero hindi lang niya matukoy kung sino. "I would like to inquire about your catering services, please. Do you have a list of food packages that would be suitable for a Christmas party?"
"C-Christmas party?" nauutal na nasabi niya dahil nanibago siya sa kausap na boses at accent pa lang ay parang ginto na. "O-Of course! If you like, I can send you our offers for this season. We offer discounts too for bulk orders. May I have your email address, please?"
Binigay ng lalaki ang business email nito. Pagkatapos nilang mag-usap ay mabilis din niyang pinadala ang listahan ng mga pagkain. Ilang saglit lang ay may tumawag muli sa nasabing kumpanya pero babae na ang nakipag-usap sa kanya.
Nang magkasundo na sa putahe, tinanong nito ang mode of p*****t niya. Laking gulat niya na wala pa man sampung minuto ay pumasok na sa bank account niya ang full p*****t ng orders.
"Hala, nakakakaba!" aligagang sinabi niya kaharap ang mga kapatid. "Parang gusto kong umatrad bigla kasi bigating kumpanya ang ike-cater natin! Ibalik ko na kaya ang bayad!"
"Huwag, ate," pag-awat sa kanya ng nakababatang kapatid na si Jake. "Big opportunity ito sa negosyo natin. At kung aatras tayo, sino pang maniniwala sa atin na customers kapag kumalat na hindi tayo tumutupad sa usapan?"
"Baka kasi pumalpak ako! Hindi ako sanay makipag-deal sa ganoon kalaking mga kumpanya!"
"Hindi ka papalpak. Tulungan nga tayong magkakapatid, 'di ba? Kaya natin ito!'
Kabado man ay nakipagsapalaran na sina Emma na mag-cater sa bigating kumpanya. Sa unang tingin ay nakaka-intimidate pa ang venue dahil malaki na nga ito, puro nakapormal pa ang mga naroon. Mabuti na lang at in-assist din silang magkakapatid ng babaeng nakausap niya noon na head pala ng Corporate Affairs ng Global Smartlines Communications. Nagpadala rin ito ng mga tauhan para magabayan sila kung kinakailangan.
"Ang bait naman ng may-ari ng kumpanya na ito," pagpuri niya. "Kaya siguro successful siya at napaka-professional pang kumilos ng mga employees niya!"
Habang hinahanda ang mga pagkain, nakapukaw sa atensiyon niya ang isang lalaki na nakikipag-usap sa ilang mga department heads ng kumpanya. Kahit nakatalikod ito ay kitang-kita sa tindig nito na ito nga ay may mataas na posisyon doon. Mula ulo hanggang paa ay naghuhumiyaw ang karangyaan nito sa buhay.
Dinig niya ang pagbati ng mga naroon at tinawag pa itong "sir". Maligaya naman itong bumati rin sa mga empleyado na halatang tuwang-tuwa nga sa presensiya nito. Ang mga babae ay halatang crush nga ang lalaki sapagkat halos hindi na kumurap ang mga ito habang kinakausap sila.
"Mukhang bata pa," pag-aanalisa niya sa misteryosong lalaki. "Parang pang-leading man ang dating, a!"
Panandalian siyang napailalim sa karisma ng mala-w*****d na bilyonaryong CEO kung hindi lang ito lumingon sa gawi niya. Nang magtagpo ang kanilang mga mata ay hindi siya makapaniwala sa binatang sa pagkakataong ito ay nakapagsuklay nang maayos.
"Excuse me," sinambit nito bago muna iniwan ang mga kausap. "I just need to talk to Emma, our event's caterer..."
Tila ba naging estatwa siya sa kinatatayuan nang kumindat ito sa kanya at nagsalita.
"Hi, Miss Ganda!" may malawak na ngiting pagbati nito.
-ITUTULOY-