"Asher?" hindi makapaniwalang pagtawag ni Emma. "Ikaw ba talaga 'yan?"
Mabilis na umakyat-baba ang tingin niya sa binata sapagkat ibang-iba ang itsura nito kapag nakikita niyang dumadalaw sa karinderya. Dati ay tatambay lang ito sa kainan na nakasimpleng t-shirt, walking shorts, at tsinelas pero ngayon ay naka-formal suit na ito. Noon ay magulo ang buhok nito na may pagka-wavy pa pero maayos na at naka-gel pa. Sa paningin niya ay tila ba pumogi ng sampung paligo si Asher dahil sa porma at tindig nitong pang-CEO.
"Yours truly!" nakangiting tugon naman nito.
"Anong ginagawa mo rito?"
Lumingon-lingon ang binata sa paligid upang magmasid kung may nakikinig ba sa kanila. Sumenyas siya kay Emma na magtungo muna sila sa stock room ng function room upang makapag-usap sila nang maayos.
Nang malayo na sila sa ibang tao, kapansin-pansin na nagbago na naman ang aura ni Asher. Bumalik ito sa pagiging boyish, malambing, at may pagkamakulit. Doon din ay napagtanto ni Emma na para bang dalawa ang pagkatao niya. Ang una ay kapag simple lang siya at walang pakialam sa estado niya sa buhay. Ang pangalawa naman ay kapag kailangan niyang umasta na CEO at umaktong sopistikado at kagalang-galang sa harap ng mga tao, lalong-lalo na sa mga empleyado.
Ganoon pa man, mapasimple o sopisktikado man ay hindi nawawala ang personalidad niya na supportive at may pagpapahalaga sa kahit sinuman kahit hindi man niya kaantas sa buhay.
"Nakaka-proud ka, Emma," maligayang pagpuri nito. "I always knew na kakayanin mo itong event na ganito!"
"Teka, ikaw ba ang may pakana nito?"
"Oo, ako ang tumawag sa iyo noong isang araw. Nag-English lang ako at nagpormal magsalita, hindi mo na nakilala ang boses ko. Ikaw talaga, makakalimutin ka basta patungkol sa akin."
"Sandali, nalilito na talaga ako!" gulong-g**o na bulalas ni Emma. "Ikaw ba ang big boss dito sa Global Smartlines Communications?"
"Ah, oo nga pala!" Umubo-ubo ang binata at inayos ang mamahaling suit. "Marahil ay ito na ang panahon para makilala mo ang tall, dark, and handsome na si Asher Aldana."
"Wow! Kaapelyido mo nga ang CEO na si Mr. Edward Aldana!"
"Kasi ako nga 'yun..."
"Ows? Tigilan mo ako kasi kagalang-galang ang pangalan niyon samantalang parang pam-b0ld star yata noong dekada otsenta ang dating ng pangalan mo sa akin!"
"Aray ko! Naka-offend ka na, ha! Proud na proud pa ako sa pangalan ko, pagkatapos sasabihin mo lang na pam-b0ld. Huwag ganoon! Masamang ugali 'yan, Emma!"
"Ikaw kasi, nagki-claim ka ng pagkatao ng iba! Magseryoso ka nga kahit ngayon lang!"
"Seryoso nga ako. My full name is Asher Eduardo Roces Aldana."
"Ako ba e pina-prank mo? Alam mo, okay lang naman na umamin ka bilang emcee o bodyguard dito sa party. Marangal na trabaho pa rin ang mga 'yun."
"Oo naman, marangal ang lahat ng trabaho, at wala rin naman problema na ako ang maging emcee o bodyguard," pagpapaliwanag niya dahil halatang hindi nga naniniwala ang dalaga sa tunay niyang pagkatao. Hindi naman niya intensiyon na itago talaga ito noon dahil nais lang niyang mapalapit kay Emma bilang siya at hindi mayamang anak ng isang businessman. Kaya lang siya naglantad ngayon bilang isa sa mga may-ari ng kumpanya ay dahil naisip niya na mas masusuportahan niya ito sa pangarap na magkaroon ng malaking restaurant kung may impluwensiya siya at para na rin hindi ito pumayag na maging girlfriend o asawa pa ni Siberius.
"Ako talaga ang CEO rito. Ako pa mismo ang pumirma ng disbursement order para sa bayad ng catering na ito."
Umikot ang mga mata ni Emma sapagkat hindi pa rin ito kumbinsido sa sinasabi niya.
"Ayaw mong maniwala?" Bigla-bigla ay nag-iba na naman ang aura ni Asher. Nagseryoso na ito at sinadyang babaan ang boses para makuha ang dating ng mga CEO leading men sa w*****d. Nag-effort pa siyang basahin ang mga istorya roon para lang malaman kung ano ba ang tipo ng dalaga. "Halika rito, babayaran kita sa halagang ten million pesos para i-date ako ng isang gabi!"
"T-Ten million?" bulalas ni Emma.
"Hindi ba ganoon 'yun datingan ng mga binabasa mo sa w*****d? Kulang nga lang ako ng kaunting hotness at umiigting na panga. CEO lang kasi ako, eh!"
"Tigilan mo ako!" natatawang pahayag na ni Emma sapagkat kahit nagseseryoso si Asher ay parang nagbibiro pa rin. "Nawawala ang respeto ko sa iyo!"
"Ten million five hundred thousand pesos and ninety-nine centavos," pagtataas pa nito ng presyo kaya napahagalpak na siya ng tawa.
"Bwis*t ka! Wala tayo sa w*****d!"
"Spend the night with me, honey baby!" Nilahad nito ang mga kamay at inaya siyang lumapit. "Come to hot billionaire CEO, rawr! Ayan, may pa-growl pa ako at bedroom voice pa para mas effective."
"Eeew! Hindi mo bagay! Sige na, naniniwala na akong CEO ka basta huwag mong ipahiya ang sarili mo rito!"
"Sabi na nga ba at pagkakatuwaan mo pa rin ako," tumatawang sinambit na rin ni Asher sapagkat pakiramdam niya ay nagmukpa na siyang t@nga sa kakagaya sa mga leading men ng paboritong mga libro ni Emma.
"By the way, excuse me pala muna," pagpapaalam muna niya kay Emma. "Doon muna ako sa table ko, ha. I need to entertain our business partners muna. Pihadong mauubos na naman ang English ko roon, so wish me good luck!"
"Ako rin, i-wish mo ako ng good luck," pahabol ni Emma sapagkat ilang minuto na lang ay magse-serve na sila ng pagkain. "Sana, magustuhan niyo ang hinanda namin."
"Kaya mo 'yan," pang-uudyok ni Asher sa kanya upang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili. "Kaya malakas din ang loob ko na ikaw ang kunin na mag-cater kasi subok ko na ang kakayahan mo. Magtiwala ka rin sa sarili mo, Miss Ganda."
May ningning sa mga matang pinagmasdan ni Emma si Asher na lumabas ng stock room. Kitang-kita niya na muli ay naging sopistikado ang pagkilos nito na maging pamamaraan ng paglalakad ay nagsasabing nararapat ito ng mataas na respeto. Napahanga tuloy siya sa binata dahil sa kakayahan nito na makisama sa iba't ibang klase ng mga tao at mag-adjust kung ano ang sitwasyon. Dagdag pa sa maganda nitong katangian ay ang sense of humor nito mapatambay man sa karinderya o CEO ng Global Smartlines Communications.
"Kakaiba ka talaga, Asher," nasambit na lang ni Emma na kahit patuloy na nagde-deny ay nahuhulog na talaga ang loob sa binata.
Kinabukasan, katulad nga ng inaasahan ay naroon na naman sa karinderya ang binata. Muli ay nakasuot na ito ng simple at wala ngang maghihinala na anak ito ng isa pinakamayamang businessman sa buong mundo.
"Wala ka bang pasok ngayon?" pag-uusisa na niya sapagkat kataka-taka na halos araw-araw ay naroon ito. Umupo siya sa tabi ni Asher at inihain ang meryenda nilang siopao at tokwa't baboy.
"Sa bahay ang trabaho ko ngayon," tugon nito habang nilalagyan ng sauce ang siopao na in-order. "Mamaya na ako ulit magbabasa at sasagot sa mga emails. Twice a week lang ako nasa opisina kaya halos araw-araw kitang nadadalaw."
"Ah," aniya, "ang dami palang perks ng pagiging CEO!"
"Pati mga empleyado ko naman, four times a week lang pumapasok sa opisina," pagpapaliwanag nito upang hindi niya isipin na umaabuso ito sa posisyon. "Ako mismo ang nagpatupad niyon para may work-life balance pa rin sila. Naniniwala kasi ako na kapag hindi masyadong stress ang mga tauhan ko at may oras para sa sarili't pamilya, mas magiging productive sila."
"Wow, ang bait mo naman pala na boss!" paghanga ni Emma kay Asher. "Sana, mas maraming katulad mo na pinapahalagahan ang mga tauhan."
"'Yun naman kasi ang nararapat. Ang pinakamahalagang capital ng kumpanya ay manpower. Kapag pinabayaan iyon, paniguradong guguho ang kumpanya. Kaya ikaw rin, huwag ka masyadong magpagod sa trabaho kasi kapag nagkasakit ka, lahat ng naipundar mo ay mapupunta rin sa wala..."
Napahanga ang dalaga sa words of wisdom na nagmula sa binatang akala niya noon ay ordinaryong tambay lamang. Nais pa sana niyang makinig sa business tips nito subalit biglang sumingit naman si Siberius, ang isa pang masugid na manliligaw niya.
"Ehem!" paggambala nito sa usapan nila. Nakasimangot itong sinipat si Asher mula ulo hanggang paa. "Emma, puwede bang ako naman ang sabayan mong kumain? Huwag ka ngang basta-basta nakikipagkaibigan sa mga tambay rito kasi baka kinukuha lang niya ang tiwala mo at pagkatapos, pagnanakawan ka lang pala!"
"Kung may order ka, pakipuntahan na lang ang kapatid ko sa may counter," pag-iwas ng dalaga sa matandang lalaking mayabang at may pagka-narcissistic pa. "Pasensiya na kasi kumakain din ako."
"Ikaw kasi ang gusto kong mag-serve," pangungulit pa rin nito kaya maging si Asher ay nairita na rin sa akto nito.
Sa pag-aakalang titigil na si Siberius sa pag-abala sa kanila, tumayo na nga siya at nagtungo sa counter upang kunin ang orders nito. Subalit, hindi pa man nakalalayo ay ramdam niya ang paghawak nito sa baywang niya. Dahil sa pagkabigla ay hindi siya nakapag-react kaagad. Nais man niyang sumigaw at ipagtulakan ito ay tila ba nanigas ang katawan niya nang dahil sa takot.
Hindi nakalagpas na paningin ni Asher ang pambabastos ng babaerong matanda kay Emma kaya mabilis din siyang tumayo at tinabig ang kamay nito palayo.
"Tumigil ka, Siberius Oso!" pigil sa inis na pagbibigay niya ng babala na layuan ang babaeng iniibig at pinakaiingat-ingatan.
"At bakit?" pasinghal na pagturan nito sa kanya. "Wala naman akong ginagawang masama, ah!"
"Anong wala? Wala ka bang subject na GMRC noong panahon mo? Hindi mo ba alam na 'di dapat basta-basta humahawak sa babae nang ganyan!"
"E magiging girlfriend ko rin naman siya!" pagdepensa naman ni Siberius. "Masuwerte nga siya kasi siya ang natipuhan ko! Kung alam niyo lang, ngakakandarapa ang mga babae sa akin kasi isa akong haciendero! Malawak ang lupain ko na maraming mga kabayo at tandang na pangsabong! Hangal na lang ang tatanggi sa akin!"
"Excuse me!" panunuplada na rin ni Emma nang matauhan na. "Baka kailangan mo nang masampal ng katotohanan! Hindi kita kailanman magugustuhan kasi isa kang matanda na walang pinagkatandaan! Hindi ko na sana titignan ang agwat natin sa edad pero ang gaspang ng ugali mo at saksakan ka ng yabang!"
"Malaking pagkakamali ito!" hindi makapaniwalang bulalas ni Siberius. "Maibibigay ko ang lahat ng gusto mo kaya mag-isip kang maigi! Huwag mong sabihin na gusto mo lang magpakasal sa katulad ng lalaking 'yan na mas bata nga sa akin pero mukha namang sabog! Masisira lang ang buhay mo sa kanya!"
"Nakapagdesisyon na ako," pagmamatigas pa rin ni Emma. Bigla-bigla ay hinawakan niya ang kamay ni Asher. "Huwag mo na akong gagambalahin pa dahil may boyfriend na ako!"
"H-Ha?" nauutal na bulalas naman ng binata. "R-Really?"
Napalakas tuloy ang pagpisil ng dalaga sa palad niya bilang senyales na makipag-cooperate sa pag-arte. Muntikan pa siyang mapaaray dahil sa halos malamog na laman.
"O-Oo! Girlfriend ko na siya kaya umalis ka na Siberius Oso!"
"Huwag mo nga akong matawag-tawag na oso!" pikon na sinigaw na nito. "Talagang wala kang manners kung kumilos! Astang kanto boy ka talaga!"
"Whatever, Mr. Oso!" pang-iinis pa lalo ng binata.
"Talagang sisirain mo ang buhay mo sa kanya, Emma!" dismayadong pahayag na nito habang nakatutok ang hintuturo sa mukha ni Asher. "Pinagpapalit mo ang ginto sa tanso! Sinasayang mo ang oportunidad ng maginhawang buhay dahil lang sa tambay na ito! Pagsisisihan mo ang pagpili sa pobreng ito!"
Pabulong-bulong na nilisan na ni Siberius ang kainan. Nakahinga naman nang maluwag si Emma sapagkat umalis na ang lalaking labis na nakakapagdulot ng stress sa kanya.
'Di nagtagal ay napansin niya na nakahawak pa rin sa kamay niya si Asher. Pag-angat ng tingin ay tumambad ang ngiti nito na abot-tainga.
"Ibig sabihin ba, ako na talaga ang pinipili mo?" kilig na kilig na paniniguro nito. "Girlfriend na kita? Ang gandang pamasko nito, Emma! Salamat at sinagot mo na ako!"
"Hindi!" Bumitiw ang dalaga sa pakikipag-holding hands at umupo ulit kaya naglaho na parang pula ang advance na pagde-daydream ni Asher na magse-celebrate sila ng Christmas bilang mag-sweethearts na. "Acting lang 'yun, OK? Para lang iwanan na ako ni Siberius!"
"Bakit nga 'di na lang natin totohanin?" paghirit pa rin nito sa pamamag-asang magbabago pa ang isip niya. "Sige na, Miss Ganda. Mabait naman ako. Kahit si Santa Claus at Rudolph the Red Nose Reindeer, alam na naging nice ako this year..."
"Matanong nga kita," puno ng kuryosidad na pag-uusisa na niya kung bakit sa dinami-dami ng magaganda at 'di hamak na mas mayayamang babae, siya pa ang natipuhan nito. "Ano ba ang nakita mo sa akin at ako pa ang gusto mong ligawan?"
"Nakilala na kita noon pa," paagtatapat na ni Asher kung bakit ang bilis lang para sa kanya na mahalin si Emma.
"Hindi ko alam kung nagkita na tayo." Napakunot ang noo ng dalaga habang pilit na inaalala kung saan sila posibleng nagtagpo. "Saan? Kailan?"
"Naging magka-batchmates tayo noong nasa high school pa..."
"Pero sobrang tagal na niyon, Asher."
"Hindi mo ba talaga ako naaalala?"
Marahan niyang hinawakan ang mga kamay ni Emma at ipinatong sa kaliwa niyang dibdib kung saan naroon ang pusong hindi kailanman makakalimot sa kabutihan ng dalaga. Napangiti pa siya nang bumalik sa alaala ang unang pagkakataon na nagtagpo sila sa eskuwelahan.
"Marahil nga ay maraming taon na ang lumipas pero nakatatak pa rin sa puso't isipan ko ang pagligtas mo sa akin..."
-ITUTULOY-