CHAPTER TWO

2108 Words
Mercilita’s pov ABOT hanggang langit ang ngiti ni Mercilita habang nilalaro ang alagang asong si Chow sa kulungan nito. Pumunta siya sa likod bahay upang hugasan ang lagayan ng pagkain ni Chow. Ang ngiti ay hindi maalis sa kanyang labi. “Mukhang napakasaya mo yata ngayon anak?” puna sa kanya ng ama nang makasalubong niya ito sa bakuran nila. Muli siyang ngumiti. “Bakit Tay hindi ba ako ganito kasaya lagi?” nakangiti niyang tanong sa ama bago niya ito inakay papasok ng bahay. “Alam mo Mercilita, anak kita nababasa ko sa mga mata mo kung may ginagawa kang kapilyahan,” sagot nito sa kanya. Napangiwi na naman siya nang marinig ang pagtawag nito sa pangalan niya. Tanging ito lang, si Nessie at si Sebastian ang tumatawag sa kanya ng Mercilita kaya naman ganun na lang ang inis niya kay Sebastian noon. Kahit anong pakiusap niya kasing Mercy na lang ang itawag sa kanya ay hindi ito sumusunod. Hindi naman sa nababansutan siya sa pangalan niya. Pakiramdam niya kasi ay ang tanda niya kapag tinatawag siyang Mercilita. Iyong tipong senior ang datingan. Nakakawala ng ganda kung meron man. “Natatawa lang kasi ako kay Nessie kanina,” sagot niya sa ama. Hinalikan niya ang ina nang madatnan niya itong naghahain sa hapag kainan para sa tanghalian nila. “Tulungan na kita Nay,” alok niya sa ina bago inabot ang kutsara sa kamay nito. “Mukhang masarap itong niluto niyo ah?” puri niya sa mga pagkain, bago inamoy ang mga ‘yon. “Syempre naman. Favorite mo kaya ‘yan, ginataang alimango. Magbihis ka'na muna bago tayo kumain,” turan sa kanya ng ina kaya dali-dali siyang pumanhik sa sariling silid para magpalit ng damit. Akmang magpapalit na siya ng damit nang may narinig siya sa labas ng bahay nila. Kahit dekada na ang lumipas ay pamilyar pa rin sa puso niya ang boses ng lalaki. Kapag nasa paligid kasi ito ay kinakabahan siya. Pakiramdam niya ay tinatambol ang kanyang puso. “Sebastian!” bulong niya sa pangalan nito. Lumakas ang kabog ng dibdib niya sa takot na baka nalaman nito na siya ang sumira sa motor nito. “Bakit ako matatakot samantalang kulang pa yan sa ginawa mo sa akin?” sagot niya sa sariling tanong. Tumakbo siya sa likurang bahay. Sinilip niya ang lalaki mula roon. Ang laki talaga ng pinagbago ni Sebastian. Napakakisig na nito ngayon at ubod na ng gwapo at habang pinagmamasdan niya ito mula sa gate nila ilang metro ang layo sa kinaroroonan niya, sa tingin niya papasa itong modelo dahil sa ganda nitong lalaki. Kakabugin nito ang mga modelo na napapanuod niya sa television. “Tao po! Tao po!” narinig niyang sigaw nito kaya agad siyang tumalima at agad niyang pinakawalan ang alagang asong si Chow. Kahit nagtatagalog ito ay may accent na ang boses nitong kay sarao pakinggan. Nakita niya kung paano tumakbo nang mabilis ang alagang asong pit bull sa bisita nila. Narinig niya pa ang hiyaw ni Sebastian bago siya lumabas ng bahay. Ang lakas ng tawa niya nang makita itong umakyat sa puno ng mangga. Para itong unggoy na pinagkasya ang sarili sa maliit na puno habang nakatanghod si Chow dito. Napansin niyang namutla si Sebastian. “Sino ka?” pagkukunwari niyang tanong habang nakatingin dito. Hindi niya pa rin mapigilang mapangiti nang makita ang todong kapit nito sa sanga ng mangga. Mukhang mababali ang sanga ng manga sa mahigpit nitong pagkakakapit. “Paalisin mo muna yang aso mo!” natarantang wika ni Sebastian. "Leave!" taboy pa nito kay Chow. Marunong pa pala ito mag-tagalog. May accent nga lang. “No way! Paano kung magnanakaw ka?” nanlalaki ang mata niyang sagot sa lalaki. “Magnanakaw? What the hell! At ano naman ang nanakawin ko sa bukid? Araro?” mayabang nitong sagot sa kanya kaya bumangon na naman ang galit sa dibdib niya. Mayabang pa rin ito. Walang ipinagbago. Tatalikuran niya sana ito pero pinigilan siya ni Sebastian. “Wait!” pigil nito sa kanya kaya muli niya itong tiningnan. “I’m Sebastian,” Pakilala nito sa kanya. “Remember me?” tanong pa nito sa kanya. Nakakapit pa rin ito sa sanga ng manga. Saglit siyang nag-isip bago sumagot. “Ohhhhh, Sebastian Manuel Lagdameo? My demon neighbors, right?” turan niya dito. Hindi ito makakibo sa sinabi niya. “Sino ba naman ang hindi makakakilala sa pangalang yan na sa tuwing naiisip ko kumukulo ang dugo ko at gusto ko siyang ipakain kay Chow,” dagdag niya pa. “Nangangawit na ako. Paalisin mo na yang aso mo,” Pakiusap nito sa kanya. “Bakit sa akin ba hindi ka naawa nang ipahabol mo ako sa aso mo? Tuwang-tuwa ka pa nga habang nagkakandatisod-tisod ako sa pagtakbo diba?” pauyam niyang sagot dito nang muli niyang maalala ang mga ginawa nito noon. “Dahil nagnakaw ka ng bayabas namin,” katwiran nito sa kanya. “Dahil lang sa bayabas ipapahabol mo ako?” usig niya sa lalaki. “Forget it Mercilita. Matagal na ‘yon ang importante ay ang ngayon. Mukhang lalapain talaga ako ng alaga mo,” pakiusap nito sa kanya. “Alam mo bang kahit mahal si Chow ay binili ko talaga siya para sa pagbabalik mo at ngayong bumalik ka mukhang makakatikim si Chow ng imported,” pananakot niya dito. Napakagat-labi siya ng makitang paparating ang mga magulang. Napatingin ang mga ito kay Sebastian. Agad namang kinuha ng tatay niya si Chow at binalik sa kulungan. Dahan-dahang bumaba ng puno si Sebastian. Hindi niya mapigilang matawa sa itsura ng lalaki. Mukha itong unggoy na nakakapit ng todo sa sanga ng mangga. “Naku iho, pasensiya ka'na at mukhang nakawala itong si Chow,” hingi ng paumanhin ng ina niya. Mukhang naalala pa ito ng mga magulang niya. “Aba at napa-gwapo mo na Sebastian ah,” wika pa ng ina niya sa lalaki. Nag-ayos muna ng sarili si Sebastian bago ito nagbigay galang sa nanay niya. Napatalikod siya ng bumalik ang ama galing sa likuran ng bahay. Kinulong nito ang alaga niyang aso sa kulungan. Napansin niya ang titig sa kanya ng ama. Yumuko siya para iiwas ang mata dito pero sa harapan niya ito tumigil sa halip na kay Sebastian. Napilitan siyang tingnan tumingin sa ama. “Pinakawalan mo ba si Chow?” seryosong tanong ng ama niya. “Papakainin ko sana siya kanina nang bigla na lang nagwala dahil may dumating na tao,” pag-iimbento niya ng kasinungalingan pero alam niyang hindi naniwala ang ama sa sagot niya. Napakagat-labi siya ng talikuran siya ng ama. “Sa tingin ko po sinadya ni Mercilita na pakawalan ang alaga niyo,” sumbong ni Sebastian sa ama niya kaya pinandilatan niya ito. Kung may mapupulot nga lang siyang bato sa tabi baka pinulot niya na at pinukol sa bibig nito para matahimik. “Hindi yan totoo!” nanlalaki ang butas ng ilong na depensa niya sa sarili. “Ako na ang humihingi ng tawad sayo Sebastian,” nahihiyang sagot ng ama niya. Kahit mabait ang ama niya ay may takot pa rin siya dito dahil kilala niya ito kung magalit. Naalala niya pa noong bata siya kapag napapagalitan siya ilang oras din siya nitong pinaluluhod sa munggo at kung hindi pa siya aatungal sa pag-iyak ay hindi siya nito patatayuin. Isa kasi sa mga turo nito ang wag gumanti sa kapwa kahit na napakasama nito at ‘yon yata ang hindi niya kayang gawin kapag nakikita niya ang lalaking ito. Matagal niyang hinintay ang pagbabalik ng lalaking ito dahil dito napilitan siyang mag-alaga ng aso ng wala sa oras. Iyon ay para makaganti dito. Fifteen years old ito nang mag-migrate ang magulang nito sa Canada at kahit mahigit isang dekada na ang lumipas hindi pa rin siya sumukong umasa na babalik ito at makakaganti din siya. Hindi siya makapaniwala sa sinabi ng mga magulang na sa bahay nila mananatili si Sebastian at ang masaklap pa ay isang buwan itong mananatili sa bahay nila. Kung hindi ba naman talaga minamalas siya. Isang buwan din kasi ang bakasyon na hiningi niya sa opisina. Sa madaling salita ay makakasama niya ito nang mahigit isang buwan. “Isang buwan? Isang linggo lang naman ang fiesta sa atin ah?” angal niya sa pag-uusap ng mga ito habang kumakain sa hapag. “Nag-usap na kami ni Sebastian anak at isa pa hindi lang naman fiesta ang ipinunta niya dito. Naghahanap siya ng lupang bibilhin para patayuan ng bahay. Wala siyang kamag-anak dito sa Isabela at tanging tayo lang ang malalapit sa kanya. Alam mo naman na lumaki si Sebastian sa nanay mo,” sagot ng ama niya sa kanya. Naging yaya ni Sebastian ang kanyang nanay noon. Hindi niya malaman kung ano ang nakita ng mga magulang niya sa lalaki at ang bait-bait ng mga ito samantalang palagi siyang naaagrabyado ni Sebastian. “Malapit? Kailan nangyari na naging malapit sila sa isat-isa?” Pagkakausap niya sa sarili. Hindi niya magawang isatinig iyon. “May mga hotel naman ah? Bakit dito pa sa amin? Wag mong sabihing magkakalat ka na naman ng lagim?” pauyam niyang tanong sa lalaki. “Nasa bayan pa ang mga hotel at isa pa namiss ko rin itong lugar natin,” nakangiti nitong sagot sa kanya kaya pinagtaasan niya ito ng kilay. “Hanggang ngayon ba parang aso at pusa pa rin kayo sa isat-isa? Mamaya niyan kayo ang magkatuluyan,” panunukso ng inay niya kaya agad siyang umalma. “Excuse me Nay, hinding-hindi ‘yan mangyayari dahil hanggang ngayon hindi ko pa rin nakakalimutan ang ginawa niya. Baka nakakalimutan niyo po na siya ang may kasalanan kong bakit ako nahulog sa liguan ng kalabaw?” paalala niya sa ina. Tumawa ang kanyang nanay sa sinabi niya. Pakiramdam niya ay namumula ang mukha niya sa galit. Mukhang nakikita niya na ang World War II sa bahay nila. “Wait Mercilita, hindi kita hinulog. Ikaw ang tumalon dun kaya wala akong alam sa sinasabi mo,” depensa ni Sebastian sa sarili nito. “Tsk! Ikaw pa rin ang may kasalanan! Kung hindi ka kasi sumigaw na may ahas hindi ako tatalon sa putik!” bulyaw niya pa dito. “Pwede bang kumain na muna tayo? Mamaya niyo na pag-usapan ang mga bagay na yan,” awat ng ama niya sa kanila kaya tumahimik nalang siya nang biglang may pumasok sa isip niya. Abala ang mga magulang niya sa paghahanda ng pagkain. Kunwari ay tumutulong siya sa mga ito. Agad niyang nilagay sa bulsa ng short ang chili powder. Napangiti siya nang magpaalam si Sebastian na magbabanyo. Lumapit siya sa upuan nito. Nakita niya ang sabaw na nilagay ng kanyang inay. Lihim niyang binudburan ng chili ang pagkain nito bago bumalik sa sariling pwesto. Alam niyang hindi nakita ng mga magulang niya ang ginawa niya dahil akala ng mga ito ay kumuha lang siya ng tubig. Nagsimula silang kumain. Tahimik lamang siya habang humihigop ng sabaw. Lihim siyang napangiti nang biglang umubo ng malakas si Sebastian nang isubo nito ang sabaw na ginawa ng nanay niya. Namula ang gwapo nitong mukha sa lakas ng ubo nito habang tinapik-tapik ng ama niya ang likod nito. Gusto niya sanang tumawa pero nagpigil siya. Napansin niyang napaluha ito sa pag-ubo. Naparami yata ang nilagay niya chili powder. Hindi niya malaman ang gagawin. Huli na para magsisi siya dahil nagawa niya na. Nawala ang ngiti niya. Napalitan iyon ng awa. Natarantang inabot ng inay niya ang tubig at inabot dito. “Anong nangyari sayo?” nataranta nitong tanong sa lalaki. Hindi siya makapagsalita dahil guilty siya sa nangyari. Tiyak na lagot siya sa ama kapag nagkataon. Napansin niya ang matalim na titig ng ama sa kanya. “Nabulunan lang po ako,” sagot ni Sebastian na nakatingin sa kanya. Nagtaka pa siya kung bakit kailangan nitong magsinungaling samantalang tuwang-tuwa ito kapag napapahiya o napapagalitan siya. “Bakit parang namumula yang dila mo?” tanong pa ng ama niya dahil bahagyang namula ang dila nito at maging ang ilong nito ay umuusok sa dami ng chili na nilagay niya. “May allergy po kasi ako sa manok,” pagsisinungaling pa nito bago tinuro ang chicken soup. “Kailan pa?” tanong ng nanay niya na nagtataka. “Dapat kasi sinabi mo kanina bago mo kinain. Ang tindi pala ng allergy mo. Akala ko pa naman may ginawa na naman itong si Mercilita,” turan ng ama niya. Bigla siyang napahiya sa sarili. Tahimik siyang sumusubo ng pagkain habang nakatingin kay Sebastian. Hindi niya ito nakitaan ng galit dahil sa ginawa niya kaya napahiya na naman siya sa sarili. Siya pa ngayon ang nagmumukhang masama samantalang gumaganti lang siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD