Episode 4

2213 Words
Chapter 4 Patricia Lumipas ang dalawang linggo masaya ang pagsasama namin ni Jason. Gabi-gabi siyang umuuwi galing sa kaniyang trabaho. Lahat naman ng bagay ay natutunan ko. Marunong na akong magsaing kahit paano sa dapugan. Tinuturuan ako ni Mama Lote sa gawaing bahay. Mabait naman ang mga magulang ni Jason sa akin. Malayo ang buhay ko dito sa bukid kaysa nakasanayan kong buhay sa ibang bansa. Medyo mahirap nga ang buhay dito sa bukid ikumpara sa siyudad. Subalit lahat titiisin ko basta kasama ko lang si Jason. Ganoon ko siya kamahal. Masaya ako sa simple naming buhay dito sa bukid. Maaga pang umalis si Jason, para pumasok sa kanya ang trabaho sa bayan, kaya ako naman ang naiwan dito sa bahay nila dahil si Mama at sa Papa, nasa kabilang Hacienda. Maaga akong nagwalis sa bakuran dahil may mga tuyong dahon ng kahoy na naglalaglagan. Nagwawalis ako ng dumating si Mama. "Patricia, kumain ka na ba? Nakaalis na ba si Jason?" Tanong nito sa akin habang buhat-buhat nito ang ropero na may lamang maruruming damit. "Opo, Ma. Kaalis lang po ni Jason. Sumabay na rin po ako sa kaniya kumain. Kayo po kumain na po ba kayo ni Papa?" nakangiti kong tanong sa kaniya, habang hininto ko muna ang pagwawalis ko. "Nakakain na kami. Lalabhan ko 'yong mga damit namin. Isasabay ko na lang ang damit ninyo ni Jason," sabi nito sa akin at ipinatong niya muna sa lupa ang ropero na dala-dala niya. "Ipalabada na lang po namin ni Jason sa bayan, Ma. Medyo marami-rami na rin po kasi ang labahan namin. Mahihirapan po kayo niyan," sabi ko sa kaniya. Noong isang linggo ko pa sinasabi kay Jason, na dalhin niya sa bayan ang marurumi naming damit, subalit palagi na lang niyang nakakalimutan. Puro puti pa naman ang mga damit niya na sinusuot. "Hay, naku magsayang pa kayo ng pera. Marami namang tubig diyan sa balon. Sige na, kunin mo na ang mga labahan ninyo ni Jason, at tulungan mo na lang ako maglaba," utos sa akin ni Mama. "Sige, po Ma. Saglit lang po at kukunin ko," sang-ayon ko na lang sa kaniya. Isinandal ko na lang ang walis sa gilid ng pintuan. Pumasok ako sa loob at kinuha ko ang mga maruruming damit namin ni Jason. Dalawang ropero iyon at umaapaw pa. Isa-isa ko iyon binuhat sa labas. "Ang dami niyo na pa lang labahan? Iwanan mo muna ang winawalis mo. Tulungan mo na lang ako maglaba. Marunong ka ba maglaba?" tanong ni Mama sa akin. "Opo, Ma. Pero sa washing po. Hindi po ako marunong sa pagkukusot," wika ko naman sa kaniya habang dinadala na namin sa balon ang marurumi naming damit. Babalikan ko na lang ang isang ropero. "Nako, kailangan matuto ka magkusot dito. Hindi uso rito 'yong automatic na machine. Kailangan ikaw ang magkukusot," sabi naman nito sa akin. Tumango-tango lang ako sa kaniya. "Ma, bakit hindi na lang tayo bumili ng washing machine? Para hindi na po kayo mahirapan maglaba? May kuryente naman at 'yong electric motor pwede naman pong palitan iyan," suggestion ko sa kaniya. Inilapag na namin sa gilid ng balon ang bitbit naming ropero. May palangganan naman na nakahanda dito sa balon. Mahirap nga lang dahil kailangan mo pang salukin ang tubig at ibuhos sa batya. "Iba pa rin ang labahan kapag mano-mano. Nabanggit sa akin ni Jason, na sa susunod na araw magpapagawa daw siya ng sarili ninyong bahay, kaya kailangan matuto ka ng maglaba. Malayo-layo kasi rito ang bahay na patatayuan ninyo ni Jason." Napatango na lang ako sa sinabing iyon ni Mama. Wala namang binanggit si Jason, sa akin tungkol sa bagay na iyon. O baka nakalimutan niya lang sabihin sa akin? Binalikan ko muna sa bahay ang isang ropero at muling dinala dito sa balon. Isa-isa na ni Mama, pinaghiwalay ang mga dekolor at puting damit. "Pakisalukam mo na ang batya ng tubig, iha. Punuin mo ang tatlong planggana dahil diyan ko sa kabila ibababad ang mga puting damit ni Jason," utos sa akin ni Mama at sinunod ko naman ang iniutos niya sa akin. Hindi pa ako gaanong sanay gumamit ng pansalok ng tubig, kaya ang bagal ko. Pinagpawisan ako ng mapuno ko ang tatlong planggana. Kinusutan naman ni Mama, ang mga puting damit. Pagkatapos ininabad niya iyon sa palanggana na nilagyan niya ng sabon at bleach. "Ay, naku ang sakit ng balakang ko. Para yatang magkakasakit ako. Pwede ba iha, na ikaw na lang muna ang maglaba? Madali lang naman kusutan ang de color at ang mga pantalon ni Jason, ipahuli mo na lang." Napaawang ang labi ko sa utos na iyon ni Mama. "Ahhmm, sige po, Ma. Magpahinga po muna kayo," sabi ko na lang sa kaniya. Baka lalo pa siyang nakasakit kapag ipinagpatuloy niya ang paglalaba. "Sige, iha. Iwanan muna kita rito, ha? Pagkatapos mo labhan ang mga de color isampay mo na lang sa sampayan, ibabad mo na lang ang puti at mamaya mo na lang labhan ang mga 'yan pagkatapos mo sa de color," muli nitong sabi sa akin. Muli na naman akong tumango-tango. Umalis na siya at napangiwi na lang ako na naupo sa harap ng batya. Kinusawan ko muna ang mga de color na damit saka ko iyon sinabunan. Pursigido naman ako matuto sa lahat ng bagay, pero sa dami ng labahan na ito tiyak ako na aabutan ako ng hapon. Sinimulan ko na lang na labhan ang decolor. Siguro limang oras ako na nagkusot kasama ang mga pantalon ni Jason. Nilagyan ko iyon ng bleach para mabilis, subalit lahat ng mga damit namin na decolor at ang mga pantalon niya ay kumupas. Napakagat labi na lang ako ng banlawan ko ang mga iyon. Pero nakakatuwa dahil nagmukhang design ang mga kumupas na damit. Binanlawan ko ang mga iyon. Matingkad na rin ang sikat ng araw ng isampay ko ang mga iyon sa sampayan. Pagod na pagod ako at may mga sugat na rin ang kamay ko dahil sa pagkukusot at sa matatapang na powder at bleach. May isang planggana pa ako na kukusutan, ang mga puting damit namin ni Jason. Nakaramdam ako ng gutom, kaya umuwi muna ako sa bahay. Baka nakasaing na si Mama. Subalit pagdating ko sa bahay wala siya roon. Wala ring sinaing. Siguro nasa kabilang farm sila? Wala ring tubig, kaya nag-igib pa ako. Pagkatapos kong mag-igib ng isang galon nagsaing na ako sa dapugan dahil wala namang laman ang gasol. Hirap na hirap akong palingasin ang apoy. Naubos lang ang posporo, hindi ako nakapagpalingas. Napasimangot na lang ako dahil lumubo na ang mga bigas sa kaldero. Gusto ko na lang umiyak ng mga oras na iyon. Mabuti na lang may biscuit ako sa aking bag at iyon na lang ang kinain ko. Uminom na lang din ako ng inuming tubig, kahit paano mabusog ako. Subalit kahit gaano man kahirap ang buhay dito sa probinsya ay hindi ako nakaramdam ng pagsuko. O hindi ko man lang naisipan na sumuko na lang. Masaya naman ako dahil kasama ko si Jason. Maganda naman dito sa probinsya. Sariwa ang hangin na nilalanghap ko pati na rin ang mga gulay na kinakain namin. Kung doon sa farm ni Kuya Lorenzo, puro prutas ang makikita mo roon at mga hayop, subalit dito naman taniman ng mga mais at mani. May mga prutas din katulad ng mangga, saging at may bayabas pa. Kung doon kina kuya Lorenzo, patag ang lupain, dito naman may malapit na bundok na tinatawag nilang bundok ng tralala. May palayan din naman dito at mga gulayan. Malawak din ang mga lupain dito. Pagkatapos kong uminom ng tubig bumalik ako sa labahan ko. Kahit matingkad na ang sikat ng araw hindi naman mainit doon sa balon dahil may puno roon na siyang naglililim sa balon. Sugatan na ang kamay ko at dumudugo na. Kung hindi ako magkamali baka alas-dos na ng hapon. Dalawang pirasong puting damit na lang ang kukusutin ko nang dumating naman si Papa. "Iha, kumain ka na ba?" nag-aalala nitong tanong sa akin. "Biscuit lang po ang kinain ko, Pa. Hindi ko po kasi mapalingas 'yong apoy sa dapugan. 'Yong bigas po sa kaldero umalsa na. Naubos na nga po 'yong posporo," nakangiti ko pa rin sagot kay Papa kahit na pagod na pagod na ako at mahapdi na ang mga sugat ko. "Ay, nako! Ihinto mo muna ang ginagawa mo riyan at kumain ka. Akala ko naman kasi dinalhan ka ng Mama mo ng pagkain kanina. Nakita ko na natutulog pala roon sa duyan, kaya dinala ko na lang dito 'yong pagkain na niluto ko kanina. Iniisip ko na baka hindi ka pa nakakain at tama nga ako. Umahon ka na muna riyan iha, at kumain," aya sa akin ni Papa, kaya tuwang-tuwa naman ako nang sabihin niya na may dala siyang pagkain para sa akin. "Salamat po, Pa. Masama po yata ang pakiramdam ni Mama. Tatapusin ko na lang po muna itong dalawang damit na natira para mamaya magbabanlaw na lang ako," sabi ko sa kaniya. "Sige, iha. Nasa lamesa ang pagkain mo," sabi ni Papa at umalis na ito. Binilisan ko ang pagkusot ng damit na natira. Pagkatapos kong kusutan iyon para akong nakahinga ng malalim. Naghugas muna ako para matanggal ang mga bula sa kamay ko. Hindi ko alintana ang hapdi ng mga sugat ko. Umuwi ako sa bahay. Ang lawak ng mga ngiti ko nang makita ko sa lamesa ang dinalang pagkain ni Papa. Afritadang manok ang niluto niya. Binilisan ko ang pagkain, para matapos ko na ang labahan ko at makapagpahinga na rin ako. Hndi ko inubos ang manok. Ititira ko kay Jason, ang iba para mamaya pagdating niya may makakain siya. Pagkatapos kong kumain hinugasan ko muna ang pinagkainan ko para wala na akong intindihin mamaya. Sanay naman ako sa mga gawaing bahay, subalit hindi naman ganito kabigat. Sa Amerika independent naman ako, subalit katulad ng mga labahan pinapa-laundry ko lang iyon. At mayroon din naman kaming automatic washing machine. Isasalang lang doon ang mga labahan at kapag tapos na tutupiin ko na lang at hindi na kailangan pang isampay. Pagkatapos kong hugasan ang aking pinagkainan bumalik ako sa balon para tapusin ang aking labahan. Sobrang nakakapagod dahil magsasalok pa ako ng tubig at ilalagay ko sa batya. Hapon na nga ako nakatapos sa labahan. Hinanger ko ang mga puting damit at doon ko na lang sa gilid ng bahay isinampay. Sa wakas nakapagpahinga na rin ako, kaya umidlip muna ako sa silid namin ni Jason. Pagod na pagod ako at hindi ko na nga namalayan ang pagdating ni Jason. Nagising na lang ako na parang may nagtatalo sa labas. "Ma, naman! Bakit mo naman pinaglaba si Patricia? Ang dami ng mga labahing ito pati mga damit niyo pinalaba niyo sa kaniya? Tingnan niyo naman yung nangyari sa mga damit ko mga kupas na? Pati ang mga pantalon ko!" Narinig kong reklamo ni Jason sa kaniyang ina. Bumangon ako at dumungaw sa may bintana. mMag-alas-sais na pala ng hapon. Nakita ko na buhat-buhat ni Jason, ang isang ropero na may mga lamang damit. Siya na pala ang kumuha ng mga labahan ko. "Babe, bakit parang inaaway mo naman si Mama?" Napalingon silang mag-ina sa akin sa may bintana. Umalis ako sa may bintana at lumabas. Dalawang ropero ang nandito sa may pintuan. Inilapag ni Jason ang buhat-buhat niya kaninang ropero sa loob ng bahay. Lumapit ako sa kaniya at yumakap "Kanina ka pa dumating? Pasensya na hindi pa ako nakapagsaing," hingi ko ng paumanhin sa kaniya. Buntong hininga lang ng malalim ang isinagot niya sa tanong ko. "'Yang asawa mo naiinis sa akin dahil hinayaan daw kita na labhan ang mga labahan," reklamo sa akin ni Mama. Salubong naman ang mga kilay ni Jason, habang nakasimangot ito. "Babe, huwag ka ng magalit kay Mama. Sumama kasi ang pakiramdam niya kanina. Saka kaunting gawain lang iyan," paglalambing ko kay Jason. Kumalas ako ng yakap sa kaniya dahil hindi pa siya nakapaghubad ng sapatos. "Hindi ako nagagalit kay Mama. Ano na lang ang isusuot ko dahil puro kupas na iyan lalo na 'yong mga pantalon ko? Kung hindi ka sana marunong maglaba sana hinayaan mo na lang ang mga labahan ko! Ang mga labahan mo na lang sana ang nilaban mo!" galit niyang sabi sa akin. Nagulat ako sa inasal niyang iyon sa akin. Ngayon ko lang siya nakita na nagalit sa akin. "Nakita ko kasi si Mama, na binuhos niya ang bleach sa puting damit. Akala ko naman sabon iyon. Hindi ko naman akalain na kukupas 'yong mga damit mo. Pero maganda nga siya tingnan, babe. Kasi parang design na rin sa mga damit mo at pantalon," wika ko kay Jason. Subalit mas lalo pa yata siyang nagalit sa sinabi ko. "Ano ang maganda sa mga 'yan? Hindi mo ba alam na iniingat-ingatan ko ang mga gamit ko? Tapos madadatnan ko na ganyan na 'yong itsura?" Sumimangot na lang ako sa reklamo niyang iyon sa akin. Tahimik lang si Mama, habang nasa labas ito ng bahay. Akala ko matutuwa siya dahil nilabhan ko ang mga damit niya? Akala ko matutuwa siya dahil parang design na iyon sa mga decolor de color ng damit at pantalon? "Pambihira naman kasi! Ang mahal mahal pa naman ng bili ko ng mga iyan!" maktol pang sabi ni Jason at pumasok siya sa silid namin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD