Chapter 5
Patricia
Lumabas si Jason, sa silid namin na nakasimangot. Nakabihis na ito ng pambahay na damit.
"Iha, kukunin ko lang ang mga damit namin ng Papa mo, ha? Pasensya ka na kung hinayaan kita mag-isa maglaba, Alam mo naman na masama ang pakiramdam ko kanina. Sa susunod huwag mo ihalo ang bleach sa de color. Para lang kasi iyan sa mga puti at matsa,'' sabi sa akin ni Mama.
Tumango-tango naman ako sa kaniya.
"Opo, Ma. Kunin niyo na lang po ang mga damit niyo riyan ni Papa. Puntahan ko lang po si Jason,'' paalam ko sa kaniya at nagtungo na ako sa kusina.
Naabutan ko naman si Jason na nakaharap sa kaldero na may lamang bigas na hindi nasaing. Nakapameywang ito habang nakaharap sa kaldero.
"Babe, may ulam at kanin pa na natira ako kanina na binigay ni Papa. Gusto mo ba-'' hindi ko natapos ang sasabihin ko nang magsalita siya.
"Ano 'tong bigas na hindi nasaing?" tanong niya at bahagya niyang tinapik ang kaldero.
"Ano kasi- Hindi ko kasi babe, napalingas ang kahoy. Sinunod ko naman ang turo ni Mama, pero ayaw talaga maglingas ang kahoy. Naubos na lang ang pusporo,'' mahina kong sabi sa kaniya. Bumuntong hininga na lang siya ng malalim at tinalikuran ako.
Nagtungo siya sa kinaroroonan ni Mama. "Ma, may posporo ka ba riyan?'' tanong niya kay Mama.
"Kahapon lang ako bumili ng pusporo niyo, ah! Wala na ba?'' tanong naman ni Mama kay Jason.
"Inubos ni Patricia, kanina,'' tipid naman niyang sagot kay Mama.
"Naroon sa bahay ni Senorito Daniel. Wala akong dala rito,'' sabi ni Mama sa kaniya.
"Ang mabuti pa samahan mo na lang ako. Pakibuhat na lang nitong ropero," utos naman ni Mama kay Jason.
"Sige, Ma,'' tugon naman ni Jason sa kaniyang ina. Binuhat na nito ang ropero at umalis na sila.
Gusto ko sana sumama dahil hindi pa ako nakapunta sa kabilang farm subalit baka lalo lang magalit sa akin si Jason.
Hintayin ko na lang siya rito.
Naupo na lang ako sa lapag para tupiin ang mga damit namin ni Jason, subalit napangiwi na lang ako nang kunin ko ang isa niyang t-shirt na kumupas na dahil sa bleach.
Napapakamot na lang ako ng aking ulo dahil sa mga labahan ko.
Wala talagang damit at pantalon ni Jason na hindi kumupas. Bibilhan ko na lang siya ng mga bagong damit. Yayain ko na lang siya na pumunta sa bayan.
Lumipas pa ang ilang oras natapos ko na mga tupiin. Nilagay ko na nga ito sa mga damitan namin ni Jason. Kahit kumupas man ang mga mamahalin kong damit susuotin ko pa rin iyon dahil parang maganda naman ang kinalabasan. Parang design lang iyon sa damit.
Pagkatapos kong ilagay sa damitan namin ang mga tinupi kong damit tumayo ako sa may pintuan at inaabangan ko si Jason. Nagugutom na ako at wala pang sinaing.
Lumipas pa ang ilang oras alas-dies na ng gabi subalit wala pa rin siya. Gutom na gutom na ako, kaya nagtungo ako sa kusina. Tiningnan ko ang natira ko kanina na pagkain subalit panis na ito. Kahit ang aso hindi na siguro makain ito. Uminom na lang ako ng tubig para kahit paano maibsan ang gutom ko.
Sinara ko na lang ang pintuan. Naupo na lang ako sa upuang kawayan at nahiga. Dito ko na lang hintayin si Jason, para pagdating niya maramdaman ko siya.
Ilang minuto pa ang lumipas may narinig akong kaluskos sa pintuan.
Dahan-dahan akong lumapit sa pintuan at sinilip ko sa may awang kung sino ang tao. Nakahinga ako ng maluwag nang makita ko si Jason. Binubuksan nito ang pintuan subalit pinad-lock ko ito.
Pinagbuksan ko na lang siya ng pintuan.
"Babe, bakit ngayon ka lang?" tanong ko sa kaniya.
"Dumating kasi ang amo nila Mama si Señorito Daniel. Nagkayayaan na uminom, kaya napasubo ako," sagot niya sa tanong ko. Amoy alak nga siya.
Tipid lang ako ngumiti sa kanya at nilawakan ang pagbukas ng pintuan para makapasok siya. Nang makapasok na siya isinara ko ang pintuan at pinad-lock.
Tumuloy siya sa aming silid. Kumuha naman ako ng tubig sa galon at nilagyan ko iyon ng mainit na tubig para maging maligamgam. Mabuti na lang may thermos, kaya hindi ko na kailangan pang uminit ng tubig. Kumuha ako ng towel para basahin iyon.
Pumasok ako sa silid namin ni Jason, dala ang bowl na may maligamgam na tubig. Nakahiga siya sa higaan namin sa katre.
Pinunasan ko ang mukha niya subalit inalis naman niya ang kamay ko. "Ano ba matutulog na ako," masungit niyang sabi sa akin.
Itinabi ko na lang ang bowl at tumabi ako sa kaniya. Nakatalikod siya sa akin marahil ay galit pa rin siya dahil sa ginawa ko sa mga damit niya.
"Babe, pwede ba akong magpasama sa'yo bukas sa bayan? Bibilhan kita ng bagong damit," wika ko sa kaniya.
"May asok ako bukas. Matulog ka na nga!" masungit niyang utos sa akin.
Hindi na lang ako umimik pa. Panay naman ang reklamo ng aking tiyan. Tumutunog ito dahil sa gutom. Hinimas-himas ko na lang ang aking tiyan para maibsan ang aking gutom.
Ilang sandali pa lumingon sa akin si Jason.
Nakatingin ito sa aki .
"Hindi ka ba kimain?" tanong niya sa akin.
"Wala naman akong kakainin dahil wala namang posporo, kaya hindi ako nakapagsaing. Akala ko kasi saglit ka lang kina Mama, pero okay lang busog naman ako sa tubig. Bukas na lang ako kakain," sabi ko sa kaniya. Tumalikod ako sa kaniya at ipinikit ko na lang ang aking mga mata.
May tampo man akong naramdaman sa kaniya, subalit hindi ko na lang iyon ipinahalata. Narinig ko ang buntong hininga niya ng malalim.
Bumangon siya at hindi umiimik. Lumabas siya ng silid namin.
Hayaan ko na lang muna siya at matulog na lang ako. Subalit kahit anong gawin ko hindi pa rin ako makatulog. Kumakalam pa rin ang sikmura ko. Last na rin kasi kanina ang biscuit na kinain ko. Tinitiis ko na lang ang gutom at pinipikit ko na lang ang aking mga mata baka sakaling makatulog ako.
Ilang sandali pa ang lumipas nakaamoy ako ng sinaing. Mas lalo pa tuloy kumakalam ang sikmura ko.
Hindi ako nakatiis bumangon ako para uminom ng tubig. Para na rin makita kung ano ang ginagawa ni Jason, hindi pa rin kasi siya nakabalik sa aming higaan. Bukas ang pintuan ng bahay paglabas ko sa aming silid, kaya sumilip ako sa labas.
Sakto naman na pagsilip ko dumating siya bitbit ang dalawang container na may lamang tubig.
"Gabi na bakit ka pa umiigib?" tanong ko sa kaniya. Pumasok siya at habang bitbit ang dalawang container. Tumuloy siya sa kusina at hindi niya pinansin ang tanong kong iyon sa kaniya, kaya sinundan ko naman siya roon.
Nakita ko na may sinaing na pala sa dapugan. Kinalat niya ang apoy sa dapugan para in-inan ang kaniyang sinaing.
Pinuno niya ang drum ng tubig dito sa kusina. Pagkatapos niyang ayusin ang apoy ibinuhos niya ang dalawang container na may tubig sa drum, kaya napuno na ito.
"Babe, bukas ka na lang mag-igib. Puno naman na ang tubig," sabi ko sa kaniya.
"Tingnan mo 'yong sinaing kung luto na at kumain ka. Nagsapaw na rin ako riyan ng itlog. Iyon na lang muna ang ulam mo," malamig niyang wika sa akin.
"Kakain ka rin ba?" tanong ko sa kaniya. Sanay kasi ako na kapag nandito siya sabay kaming kumain.
"Nakakain na ako, kaya ikaw na lang kumain," malamig pa rin ang sagot niyang iyon sa akin. Tumalikod na siya dala ang dalawang container.
Binuksan ko na lang ang kaldero at tiningnan kung luto na ang kanin. May kaunting tubig pa at medyo hilaw pa, kaya tinakpan ko na lang ulit ang kaldero at naghintay pa ako ng ilang minuto.
Bumalik na rin si Jason, galing sa balon. Nagtataka pa nga ito kung bakit hindi pa ako nakakain.
"Bakit nakaupo ka pa rin diyan? Bakit hindi ka pa kumain?" tanong niya sa akin. Sa tono ng boses niya para siyang naiirita sa akin.
"Hilaw pa kasi ang kanin hintayin ko na lang na maluto. Matulog ka na, may pasok ka pa bukas," sabi ko sa kaniya. Tumalikod naman siya at pumasok sa aming silid. Ilang sandali pa kinuha ko na ang kaldero sa kalat at inilagay iyon sa lamesa.
Kumain ako mag-isa at sa sobrang gutom ko kahit asin na lang ang inulam ko at itlog.
Hindi ko alam subalit balewala sa akin ang hirap. Kaya kong maghirap at tiisin ang lahat ang mahalaga kasama ko si Jason. Ganoon ko siya kamahal. Kaya kong isakripisyo ang lahat para lang sa kaniya.
Kinabukasan maaga akong nagising. Nag-init ako ng tubig sa dapugan. Ang bilis ko lang magpalingas ng apoy sa kahoy dahil mga tuyo ito. Kaunti na lang din ang mga kahoy na natira sa ibabaw ng dapugan. Siguro kahapon hindi iyon lumingas dahil parang basa ang kahoy, kaya naubos lang ang posporo sa kakasindi ko.
Sakto pag-gising ni Jason, nakainit na ako ng tubig.
"Babe, ipagtimpla na kita ng kape?" tanong ko sa kaniya.
"Sige," tipid niyang sagot sa akin at nagtungo siya sa lababo upang mag-toothbrush.
"Babe, pwede ba akong sumama sa'yo sa bayan?" tanong ko sa kaniya habang tinitimplahan ko siya ng kape.
"At ano naman ang gagawin mo sa bayan? Gagastos ka lang doon," sabi niya sa akin.
"Bipblhan sana kita ng damit. Saka bibili rin sana ako ng washing machine, para hindi ako mahirapan maglaba," sagot ka sa kaniya.
Bumaling siya sa akin habang magkasalubong ang kaniyang kilay. Nagmumug muna siya at nagpunas ng tuwalya sa kaniyang bibig.
"Kung ang pera mo lang ang gagamitin mo mabuti pang tumahimik ka. Hihintayin ko na lang na makasahod ako at ako na ang bibili ng mga damit ko. Saka kaya naman kamayin ang labahan, bakit magwa-washing ka pa? Ang asikasuhin mo kung paano ka matuto maglaba ng maayos hindi 'yong kumukupas lahat ng mga damit sa'yo!" masungit niyang sabi sa akin.
"Huwag kang mag-alala dahil hindi na ako gagamit ng bleach. Sabi nga pala ni Mama balak mo raw na magpatayo ng bahay malayo rito?" tanong ko sa kaniya.
"Oo, malayo rito kaya dapat marunong ka na sa mga gawaing bahay. Saka hindi naman natin pwedeng angkinin ang bahay nila Mama at Papa. Gusto ko may sarili tayong bahay. Malayo nga lang dito at gubat ang nakapaligid doon," seryoso niyang sagot sa akin.
"Bakit hindi na lang tayo sa bayan mangupahan? Para at least, hindi ka na mahirapan umuwi-uwi rito?" suhestyon ko naman sa kaniya.
"At akala mo ganoon lang kamura ang mga upahan sa bayan? Paano tayo makapag-ipon kung puro labas na lang ang pera natin? Kung nahihirapan ka rito, hindi naman kita pipigilan na umalis at bumalik sa dati mong buhay. Hindi ako kasing yaman ng pamilya mo. Mahirap lang ako at nakita mo naman ang kalagayan ng pamilya ko. Magsasaka lang ang mga magulang ko at minimum lang din ang sinasahod ko. Kaya hindi kita masisi kung balang araw iiwanan mo ako dahil sa hirap ng buhay natin. Ito lang ang kaya kong ibigay sa'yo, Patricia. Mayaman ka at mahirap lang ako, kaya ngayon pa lang pwede ka ng umalis. Kaysa magtiis ka sa piling ko. Kaya naman kitang buhayin, pero hindi gano'n sa nakagisnan mong buhay," sabi sa akin ni Jason.
Parang may mga karayom na tumutusok sa aking puso sa mga sinabi niyang iyon. Parang pinagtatabuyan niya ako at ayaw niya akong makasama.
"Ayaw mo na ba sa akin? Hindi mo na ba ako mahal?" Iyon ang tanong ko sa mga sinabi niya.
"Of course mahal kita. Ang kaso nga lang hindi ko maibibigay ang buhay na nakasanayan mo! Ang sa akin lang baka magsisi ka na ako ang minahal mo," sabi niya sa akin.
"Bakit naman ako magsisisi? Mahal kita, Jason. Hindi ako magsisisi na ikaw ang pinili ko. Kaya ko magtiis sa hirap. Magtulungan tayo para pareho natin matupad ang mga pangarap natin sa bubuohin nating pamilya. Sa ngayon oo mahirap, pero makakaraos din tayo. Basta, magkasama tayong dalawa. Mahal kita at hindi ako naghahangad ng ano man. Ang gusto ko lang magkasama tayong dalawa at masaya," mangiyak-ngiyak kong sabi sa kaniya.
Kinabig niya ako at niyakap. "I'm sorry, babe. Kung okay lang sayo, dito lang tayo magpatayo ng bahay, para makatipid tayo at makaipon para sa future natin. Pasensya ka na sa mga nasabi ko. Natatakot lang kasi ako na baka iwanan mo ako dahil hindi ito ang buhay na kinagisnan mo,"sabi nito sa akin.
"Hindi ko iyon gagawin, babe. Hindi kita iiwan. Kung saan mo gusto magpatayo ng bahay, babe okay lang sa akin. I'm sorry sa mga damit mo. Promise pag-aralan ko ang mga gawaing bahay. Para hindi na ako magkamali pa," wika ko sa kaniya.
Sa wakas nasilayan ko na rin ang mga ngiti sa kaniyang labi. Hindi na siya galit sa akin. Hinagkan niya ako sa labi at nagpatianod naman ako sa mga halik niya.