Chapter 3
JASON
Pamilya ko ang nagbibigay lakas ng loob sa akin. Sila ang pinagkukunan ko ng lakas. Subalit nang mawala ang ate ko dahil sa kapabayaan ng isang magulang sa kanilang anak ipinangako ko sa sarili ko na bibigyan ko ng hustisya ang pagkawala ni Ate Lalaine.
Ipinangako ko sa sarili ko na paglaki ko hahanapin ko ang taong naging dahilan ng kamatayan niya. Masaya ang buhay namin noon, subalit nagbago ang lahat ng mawala si Ate.
Palagi ng malungkutin si Mama. Palagi kong naririnig ang mga iyak niya. Kaya mas lalo pang tumatak sa puso at isip ko ang makaganti sa taong naging dahilan ng kamatayan ni Ate Lalaine.
Umagang-umaga dito ako sa labas nagkakape kasama si Papa. Mahimbing pa ang tulog ni Patricia. Hindi kasi siya sanay na umaga nagigising.
Ilang sandali pa dumating naman si Mama may dalang kape. "Tulog pa ang pumatay sa Ate mo?" malungkot na tanong sa akin ni Mama, subalit puno ng galit ang puso niya.
Tumango-tango ako sa kaniya at humigop ng kape. Tumabi siya sa tabi ni Papa.
"Ano ba ang plano ninyong mag-ina?" Seryosong tanong ni Papa sa akin.
"Hindi natin makuha ang hustisya sa pagkamatay ni Ate Lalaine, kaya ako ang sisingil sa taong pumatay sa kaniya," mariin kong sabi kay Papa.
"Gusto kong durugin mo ang babaeng iyan, Jason. Buhay pa sana ang kapatid mo kung hindi dahil sa babaeng iyan!" galit na utos ni Mama sa akin.
"Pero binayaran tayo ng mga magulang niya. Isa pa bata pa siya noong nangyari ang trahedya," sabi ni Papa, na parang nakokonsensya sa gagawin namin sa taong pumatay kay Ate.
"Naibalik ba ang pera nila ang buhay ng anak natin, Gorio. Samantalang ang anak nila. lumaki ng maayos at nakapag-aral, samantalang ang anak natin nasa ilalim ng lupa! Kaya gusto kong sirain mo Jason, ang buhay ng babaeng iyon!" sabi pa ni Mama.
"Bakit hindi na lang tayo magpatawad at kalimutan na ang nangyari? Kung masisira ba ni Jason, ang buhay ng batang iyon mabubuhay ba ang anak natin?" mahinang sabi ni Papa kay Mama.
"Kahit na! Kailangan pagbayaran niya ang ginawa niya kay Lalaine natin," determinadong sabi ni Mama kay Papa.
Bago pa sila mag-away pumagitna na ako sa kanila.
"Pa, Ma, huwag niyo ng pag-awayan ang tungkol sa bagay na iyan. Ako na ang bahala maningil para sa kapatid ko," sabi ko kay Mama at Papa.
Bumuntong hininga na malalim si Papa. Tumayo ito bitbit ang tasa niya. "Sana hindi niyo pagsisihan kung masira man ang buhay ng batang iyan, Jason. Nananahimik na ang kapatid mo, kaya sana gano'n din tayo. Hindi solution ang gawan mo ng mali ang taong nagkamali," sabi ni Papa at umalis na ito.
Hinawakan naman ni Mama ang aking mga kamay. "Anak, huwag mong pakinggan ang Papa mo. Bigyan mo ng katarungan ang pagkamatay ni Lalaine dahil lang sa babaeng iyan. Gusto ko siyang madurog. Gusto kong pagsisihan niya na ipinanganak siya sa mundong ito!" mapaghiganting sabi sa akin ni Mama.
Niyakap ko siya para hindi siya tuluyang umiyak. "Ako na ang bahala, Ma. Huwag kang mag-alala." Sabay hagod ko sa kaniyang likod.
Buong buhay ko lumaki ako na walang ibang inisip kundi ang singilin ang batang pumatay kay Ate Lalaine.
Pagkatapos namin ni Mama, uminom ng kape pumunta siya sa taniman nila ng mga mani.
Pumasok naman ako sa loob upang gisingin na si Patricia. Mahimbing ang tulog niya. Hindi ko alam kung paano nakaya ng konsensya niya na nakakatulog pa siya ng mahimbing pagkatapos niyang gumawa ng isang krimen?
"Babe, gising na," sabay yugyog ko sa kaniyang balikat.
Dati ng makita ko siya humanga ako sa kaniya, subalit ng malaman ko na siya na pala 'yong batang pumatay sa aking kapatid unti-unting napalitan ng galit ang puso ko. Ipinangako ko sa sarili ko na maghihiganti ako ng tahimik.
'Yong tipong sa huli makikita ko siya na unti-unting nalulugmok. Paiibigin ko siya ng husto at gagawin kong miserable ang buhay niya. 'Yong tipong siya na ang tatapos sa buhay niya.
"Babe, inaantok pa ako," sabi niya sa akin.
"Gumising ka na at uminom ng gatas. Ipapasyal kita sa taniman ng mga mani, tapos pupunta tayo doon sa batis. Bukas hindi na kita maipapasyal dahil papasok na ako sa trabaho ko," wika ko sa kaniya.
Bumangon siya na parang zombie. Gulong-gulo ang kanyang mahabang buhok. Malambing siyang yumakap sa akin. "Babe ang ganda rito. Ang lamig kahit walang aircon," malambing niyang sabi sa akin.
Lahat ng pinapakita kong kabutihan kay Patricia ay pakunwari lang. Hindi niya alam na pinaglalaruan ko lang siya. Hindi niya alam na puro poot ang nararamdaman ko para sa kanya dahil sa ginawa niya noon.
"Sabi ko naman sa'yo magugustuhan mo rito. Tumayo ka na riyan at maghilamos," utos ko sa kaniya.
Inalalayan ko pa siyang makatayo. Pagkatapos lumabas na kami sa silid namin. Nagtungo siya sa kusina upang maghilamos.
"Babe, saan ang tubig?" tanong nito sa akin ng walang laman ang balde.
"Nasa balon pa ang tubig, iha. Pasensya ka na dahil hindi pala nag-igib si Jason kagabi." Si Mama na ang sumagot sa tanong na iyon ni Patricia.
"Bakit hindi na lang tayo magpakabit ng electric motor, babe? Para hindi ka na mahirapan umigib ng tubig?" tanong nito sa akin.
"May electric motor naman babe, kaso sira. Wala pa kasi 'yong taga-ayos," sabi ko kay Patricia. Ang totoo hindi naman sira ang electric motor. Sinadya lang ni Mama na hindi iyon paganahin.
Tumangon-tango naman siya. Kinuha ko ang balde para igiban ng tubig.
"Bakit hindi ka na lang sumama kay Jason sa balon at doon ka na lang maghilamos, iha?" Utos naman sa kaniya ni Mama.
"Sige po, Ma," tugon niya kay Mama.
"Babe, hintayin mo ako!" sabi nito sa akin.
Bitbit niya ang lalagyanan niya ng skin care niya at sumunod sa akin.
Nagtungo kami sa balon. Kinuha ko ang panalok at nagsalok ng tubig. Ibinuhos ko iyon sa balde. Nagsisimula ng maghilamos si Patricia.
Nakita ko ang palaka sa gilid ng balon. Sinalo ko iyon ng pansalok sa tubig at inilagay sa balde. Tamang-tama dahil nakapikit ang mga mata ni Patricia dahil sa sabon.
Sakto na pagkuha niya ng tabo na sinalok niya sa balde ay pumasok roon ang palaka.
Binanlawan niya ng tubig ang kanyang mukha. Gusto ko siyang takutin. Subalit nang makita niya ang palaka akala ko sisigaw siya at matatakot. Subalit hindi ko inaasahan ang magiging reaksyon niya.
"Oh, no! It''s a frog! Hi, you're so cute," sabi niya sa palaka. Inilagay niya ito sa kanyang palad.
Napakunot na lang ako ng aking noo sa naging reaksyon niya. Akala ko matatakot siya sa palaka subalit parang gustong-gusto niya pa ito.
"Babe, dalhin natin itong palaka. Ang cute niya. Ilagay natin sa aquarium."
Napaawang na lang ang labi ko sa sinabi niyang iyon.
"Wala naman tayong aquarium, babe. Saka itapon mo na iyan. Mamaya maihian ka at magkaroon ka ng kulugo," sabi ko na lang sa kaniya. Nakapatong na ang palaka sa kanyang mga palad.
"Ay, sayang naman. Tumalon ka na raw froggy," utos pa ni Patricia sa palaka.
Hindi ko inaasahan na dito pa talaga tatalon ang palaka sa harap ko, kaya napaatras ako. Na-out balance ako at nahulog ako sa balon.
"Putik naman buhay 'to!" Napapamura na lang ako sa aking sarili.
"Hahaha... Babe, huwag mong sabihin takot ka sa palaka?" Ako pa tuloy ang tinawanan ni Patricia.
Na bad trip ako dahil nahulog pa ako rito sa balon.
"May nakakatawa ba?" Naiinis kong tanong kay Patricia at umahon ako sa balon. Basang-basa ako. Sa halip siya ang tatakutin ko ako pa tuloy itong naging biktima.
"Sorry, hindi ko kasi akalain natakot ka pala sa palaka," natatawa niya pa rin sabi sa akin.
Nagtagisan na lang ang mga ngipin ko sa sobrang inis.