UNFAITHFULLY YOURS
Chapter 7
Cindy's Point of View
Joemar Ancheta
Ngayon ko malalaman kung totoo ang sinasabi niyang mahal din niya ako sa text at paminsan-minsan sa tuwing nasa bahay kami. Kahit hirap nang paniwalaang mahal niya ako sa kanyang mga ginagawa ngunit pinaniwala ko ang sarili kong mahal niya ako. Lalo pa't kahit nagbubunganga ako ay tanging halik sa labi at yakap ang ginaganti niya sa akin. Kaya nga naniniwala akong mahal niya nga ako dahil sa umabot din ang amin ng isang taon.
Pagpasok ko pa lamang sa bar ay sinadya kong dumaan sa harapan nila ng baklang sinabi ng mga kaibigan kong kasama niya. Swerte pa ako sa baklang kasama niya dahil alam kong tatlo na kami sa buhay ng lalaking kaharap niya at tanga siya kasi siya mismo ay hindi niya alam na may dalawa pa siyang kahati sa jumbo hotdog ng binoboyfriend niya. Ngunit hindi kaya mas tanga ako dahil alam kong may kinakasama na ang binoyfriend ko pero pumasok pa rin ako sa gulo? Hindi ba katangahan na nandito ako’t ipinaglalaban pa rin ang lalaking hindi ibinibigay ang deserve kong pagmamahal?
Sinipat ko ang hitsura ng kasama niyang bakla. Pangit. Bukod sa pangit, hindi rin bagay sa kanya ang magsuot pambabae dahil mukha siyang sanggano na dinamitan ng pambabae. Masagwa. Hindi ko alam kung dapat ba akong makaramdam ng pagseselos dahil alam ko namang pera-pera lang kung bakit kasama ni Mark ang bakla ngunit anong pinagkaiba namin? Pakiramdam ko, ginagamit din naman ako ni Mark ah, babae lang ako at maganda pero yung level ng panggagamit, pareho lang. Kaya ako nanginginig. Matindi kasi yung galit sa dibdib ko. Alam kong nadama niya iyon. Alam kong nakita niya na ako. Kaya pagkaupo ko sa mesa ng mga kaibigan ko ay bigla akong tumungga ng alak. Pagkatapos ng isa ay isa pa uli hanggang naging sunud-sunod ang aking pagtungga. Gusto kong malasing agad. Yung sana malunod na ako sa alak at mawala yung hapdi sa dibdib na aking nararamdaman. Gusto kong makita niya kung paano niya ako sinaktan sa kanyang ginagawa.
Hanggang sa hindi na ito nakatiis pa. Lumapit siya na parang barkada ang turing sa akin at sa mga kaibigan ko. Nagpadagdag iyon ng galit lalo na nang may sinabi sa barkada ko.
"Iuwi niyo na ‘yan. Susunod ako.”
“Bakit naman? Nag-iinuman lang naman kami ah. May problema ba doon?” sagot ng kaibigan kong si Mon. “Hindi ka nga pinakikialaman eh.”
“Baka gagawa lang iyan ng katarantaduhan dito e. Kaya please, ayaw ko ng eskandalo" Pakiusap niya sa mga kasama ko. Hindi ko siya tinitignan pero matalim ang mga mata kong nakikipagtitigan sa kasama niyang bakla na nakatingin na din sa amin.
"Cindy, mag-usap nga tayo,” pabulong na sinabi ni Mark sa akin.
“Mag-usap ba? Kanina, tinatawagan kita pinatayan mo ako. Naka-ilang text na ba ako, sinagot mo ba? Iyon pala may kasama ka lang na bakla? Inuna mo pa yang bakla mo kaysa sa siputin ang anniversary natin. Ano? Malaki ba siya magbigay o nasasarapan ka sa bibig o puwit ng putang inang bakla!”
“Babaan mo nga ang boses mo. Teacher ka pa naman. Nakakahiya.”
“Teacher ako. Oo! Teacher akong tanga. Teacher akong walang kwenta kasi dahil sa’yo! Nagiging bobo ako dahil minahal ko ang kagaya mo! Nagkaletse letse ang buhay ko kasi pinaikot mo ako at gingamit. Inadik mo ako sa pekeng pagmamahal mo. Niloloko mo lang ako, tang-ina mo! Ano ha? Nakakahiya ba? May hiya ka pa ba? May kaluluwa? E yung ginagawa mo sa akin sa tingin mo, ayos lang ‘yon? Hindi iyon nakakahiya o mas magandang sabihin, iyon ay nakakasuka! Nakakasuka kang hayop ka! Putang ina ka!”
“Tang-ina mo rin! Akala ko ba malinaw na ito sa atin.”
“Malinaw? Oo malinaw tayo do’n sa kinakasama mo kasi nga nauna pa siya sa akin pero yang putang-inang baklang kasama mo sa araw ng anniversary natin, iyon ang sobrang labo.”
“Huwag kang magsimula ng gulo. Kung ikaw, wala nang hiya ibahin mo ako. Wala pa ni isa ang tumalak sa akin ng ganyan lalo pa't sa harap ng maraming tao. Babae lang kita. Isa kalang sa mga babaeng ginagatasan ko, pinapaligaya kapalit ng pera kaya huwag kang umasta na parang asawa ko!"
Nagpanting ang tainga ko sa narinig ko. Tumayo ako. Mabilis ang hakbang ng aking mga paa. Naramdaman ko ang tama ng alak. Nahihilo ako ngunit kaya kong kontrolin ang aking sarili. Wala akong naririnig sa paligid. Wala akong tanging nakikita kundi ang mukha ng baklang noon ko pa gustong sapakin.
"Hoy! Mag-usap nga tayo.”
“Bring it on, b***h!” sagot niya sa akin na para bang siya pa ang nagmamalaki. Nang nalapitan ko siya parang pamilyar siya sa akin ngunit hindi ko lang matandaan kung kailan at saan ko nakita.
“Iwasan mo ang boy friend ko kung ayaw mong masira ang buhay mo!" panduduro ko sa mukha niya. Buhos-buhos ang pagbulwak ng naipon sa dibdib kong galit. Wala akong matandaan na expression sa mukha ng bagong bakla niya. Dahil sa isang iglap ay isang malakas na suntok sa sikmura ko ang dumapo na dahilan para mapaupo ako dahil sa lakas at dala na rin siguro ng aking pagkalango. Aambaan pa sana ako ni Mark ng sipa ngunit mabilis na umawat ang mga guwardiya at nang aking mga kaibigan. Mabilis akong inilayo ng aking mga kaibigan. Ngunit tuluy tuloy lang ang aking pagsisigaw. Kahit pa tinakpan na ang aking bibig ay hindi nila mapigilan ang talas ng aking dila. Minura ko sila. Paulit-ulit. Hanggang tuluyan na akong inilabas ng aking mga kaibigan sa bar at pinagtulungang iuwi sa bahay.
Kinabukasan ay ginising ako ng malakas na tapik sa pisngi. Agad kong naramdaman ang kirot ng aking ulo. Pagdilat ko ng aking mga mata ay nakita ko ang mukha ng lalaking pinakamamahal ko. Sa kabila ng sakit na ginawa niya sa akin, mahal na mahal ko pa rin siya. Hindi pa man siya humihingi sa akin ng patawad ay iginawad ko na agad iyon sa kanya. Napangiti ako. Pagkatapos nang hindi magandang nangyari kagabi ay pinuntahan pa din niya agad ako.
“Kanina ka pa?” tanong ko. “Gusto mo bang mag-almusal? Magluluto ako.”
“Baliw ka na ba? Pagkatapos mong magwala kagabi pakikitaan mo ako ngayon na parang wala lang nangyari?”
“Galit ako kagabi dahil anniversary natin hindi mo ako sinipot. Kahit sinong nasaktan gano’n ang gagawin.”
“Paano ka nakasisigurong hindi kita sisiputin? Tapos na ba ang anniversary nang bigla kang sumulpot at magwala sa bar?”
Huminga ako ng malalim. Bakit parang lumalabas na kasalanan ko pa?
"Heto ang susi ng bahay mo at lahat ng mga binigay mo na gamit sa akin."
"Ano 'to? Bakit?" naguguluhan kong tanong lalo pa't parang naalimpungatan pa rin ako.
"Bakit? Tatanungin mo pa ako kung bakit?” napailing siya. Nang-iinis ang kanyang ngiti. “Yung mga pera na inibigay mo sa akin, bayad ko na iyon sa paggamit mo sa katawan ko.”
“Ano bang pinagsasabi mo?
“Siguro naman wala ka nang hahabulin sa akin mula ngayon. Alis na ako." Tinungo na niya ang pintuan. Mabilis akong tumayo at niyakap siya mula sa kanyang likod.
"Sandali nga! Mag-usap nga muna tayo.”
“Mukha mo!” tinanggal niya ang mga kamay kong nakapulupot sa kanyang katawan. “Bitiwan mo nga ako!”
“Pag-usapan natin ito beyb! Please?" pakiusap ko sa kaniya. Hindi ko yata kakayanin na mawala siya sa akin.
"Wala na nga tayong pag-uusapan.”
“Tungkol ba ito sa nangyari kagabi?”
“Natural, may iba pa ba?”
“Lasing ako no’n saka galit na galit ako.”
“Talaga ba? Kung nagawa mo iyon sa bakla, kaya mo ring gawin iyon sa kinakasama ko.”
“Ano ka ba, sa bakla lang ako galit. Tinanggap ko naman ang sa inyo ng kinakasama mo ah. Ilang beses ko na kayong nakita ng kinakasama mo na nagde-date, sinugod ko ba siya? Hindi naman di ba?”
“Binabalaan na kita ngayon palang, huwag na huwag ka nang magpapakita sa amin o kahit kausapin ang kinakasama ko.”
“Hindi ko naman gagawin ‘yon. Kung gusto kong gawin napakaraming pagkakataon na pero ginawa ko ba?”
“Ginawa mo na nga kagabi hindi ba?”
“E, di mo naman girlfriend yung baklang ‘yon e.”
“Yung baklang ‘yon, siya ang nauna sa inyong dalawa ng girlfriend ko. Kaya lumugar ka. Kilalanin mo muna kung sino ang iiskandaluhin mo.”
Napalunok ako. Noon ko napagtanto kung bakit parang kilala ko ang baklang iyon kagabi. Iyon pala ang sumundo sa kanya nang gabing naging kami.
“Akala ko ba tropa mo lang ‘yon? Sabi mo teacher mo?”
“Anniversary din namin noong sinundo niya ako at unang gabi na nagkasama at naging tayo. Hindi ba pwedeng sa kanya lang ako ng ilang oras at sa’yo naman ako uuwi at matutulog? Hindi ba mas okey ‘yon sa’yo?”
“Okey sa akin? Dapat ba magpasalamat pa ako? Mark, pinagsabay mo kami nong bakla. Pinagsasabay mo kaming tatlo. Ta’s sasabihan mo ako na okey lang ‘yon kasi sa akin ka naman matutulog? Sana una palang umamin ka na na kayo pala nong baklang ‘yon para alam ko. Para kahit papaano hindi ako nagugulat.”
“Andami mo laging drama. Pasalamat ka sa bakla mo lang ginawa ‘yon. Kung sa harap ng asawa ko ginawa mo ‘yon, baka mapatay kitang babae ka.”
“Asawa? Ano ba talaga? Asawa o kinakasama? Hindi ko na alam kung anong iisipin ko. Hindi ko na alam kung anong mga totoo.”
“Tama na. Hindi mo na kailangang mag-isip. Oo, asawa ko na yung kinakasama ko. Kung may magwala man dapat siya ‘yon kasi legal siya, may papel, eh ikaw? Ano ba kita? Kabit lang kaya wala kang karapatang mag-eskandalo.”
“Ano bang totoo? Bakit ba andami mo sa akin inililihim?”
“Hindi mo dapat alamin pa kung anong totoo. Hindi pa ba malinaw? Wala kang kuwentang kausap. Wala kang kuwentang tao." Pagkasabi niya niyon ay tumalikod na siya.
Parang bigla ay nawala ang sakit ng ulo ko. Muli, hinabol ko siya. Pababa na siya noon sa hagdanan nang maabutan ko. Mahigpit ko siyang niyakap.
"Huwag ka namang ganyan beyb. Huwag mo naman akong iwan.” Pagsusumamo ko.
“Bitiwan mo ako, isa!”
“Hindi ko kayang mabuhay ng wala ka. Ikaw na lang ang kasama ko sa buhay ta's iiwanan mo pa ako."
"Bitiwan mo ako, dalawa!”
Binitiwan ko siya.
“Tang ina ka! Dahil sa iyo ay muntik na kaming nagkahiwalay ng asawa ko. Napanood niya ang video kagabi ng ginawa mong kawalang-hiyaan. Kaya bago pa niya ako hihiwalayan, dapat mawala ka na muna sa buhay ko. Ayaw kong mawala sa akin ang buntis kong asawa."
"Hindi. Ayaw ko! Tayo parin!" pagsusumamo ko.
"Sinong nagbigay sa'yo ng karapatang magdesisyon para sa ating dalawa? Tapos na tayo sa ayaw mo't sa gusto!"
"Patawarin mo na ako. Hindi ko na uulitin pa. please!”
“Hindi ka na talaga makakaulit pa, sa akin! Ayaw ko na sa’yo. Ayaw ko ng eskandalosang syota!”
“Sige na please. Nagmamakaaawa ako. Hindi na ako manggugulo. Pangako 'yan. Huwag mo lang naman akong iwan beyb!" Pilit kong inilapit ang mukha ko sa mukha niya.
"Sama ng hininga mo! Huh!" nilayo niya ang mukha niya. "Magmumog ka nga!"
"Sorry, pero pangako Mark, hindi ko na talaga uulitin pa iyon.
"Talaga ngang hindi na kita hahayaang makakaulit pa dahil wala ka nang karapatan pang gawin iyon ngayon dahil hinihiwalayan na kita.”
“Hindi pwede. Mahal kita e.”
“Pasensiya na pero di ko kayang ikompromiso ang pagmamahalan namin ng asawa ko."
"Ayaw ko. Please huwag mo akong iwan. Lahat gagawin ko huwag mo lang akong iwan. Nagmamakaawa na ako sa iyo." Hindi ko na noon maintindihan ang sarili ko kung bakit ako nagpapakatanga. Lantaran na niya akong niloloko ngunit nandito ako’t nagmamakaawa sa isang taong hindi naman ako mahal.
"Para namang may magagawa ka pa kung talagang ayaw ko na,” tumawa siya.
"Luluhod ako. Kahit anong hilingin mo gagawin ko. Kahit anong kailangan mo, ibibigay ko. Huwag mo lang akong iwan please!"
"E di lumuhod ka. Alam mo, kahit pa ilang taon kang nakaluhod kung sinabi kong ayaw ko na, ayaw ko na talaga. Isa pa, pinapahiwalay ka na din sa akin no’ng baklang inaway mo. Mas malaki ‘yon magbigay. Mas mabait, mas mahaba ang pasensiya at hindi nagwawala kagaya mo. Alam niya kung ano ang lugar niya sa akin at iyon ang importante sa akin.”
“Hindi. Hindi ka aalis. Dito ka lang. Aayusin natin ‘to. Kung gusto mong maging kagaya ako ng un among bakla, gagawin ko. Please bigyan mo naman ako ng kahit huling chance.” Niyakap ko siya nang mahigpit.
“Tama na nga! Kulit naman e.”
“Please, one last chance. I’ll prove to you na kaya ko din ang ginagawa nang una mong bakla, Please.”
“Huwag mo akong galitin dahil kagabi pa ako nanggagalaiti sa'yo."
Pilit niyang tinanggal ang kamay kong nakayakap sa kaniya ngunit sadyang ayaw ko siyang pakawalan. Lalo ko pang hinigpitan ang pagkakayakap ko. Ngunit lalo din siyang pilit kumakawala.
"Bitiwan mo ako, Cindy!”
“Ayaw ko, dito ka lang please. Huwag kang umalis!”
“Tang-ina, makakatikim ka na sa akin!"
"Di ba nga sabi mo mahal mo rin ako.”
"Mahal?" tumawa siya.
“Oo, sinabi mo ‘yan sa akin.”
"Mahal kita?” muli siyang tumawa. “Ulol! Sinasabi ko lang 'yun kasi mahal ang sustentong binibigay mo bukod sa masarap ka rin sa kama. Maganda ka naman eh kaya lang mas mahal ko ang asawa at anak. Hindi ko ipagpapalit ang pamilya ko sa kagaya mo. Hindi iyon mangyayari kahit kailan.”
“Hayop ka!” bumitiw ako sa pagkakayakap ko sa kanya. “Sinungaling ka! Sinabi mo sa akin noon na masaya ka na akin? Ano’ yon binola mo lang ako? Gusto mo lang ng pera kaya hindi totoo na naging masaya ka sa pilig ko?”
“Masaya? Gusto mong marinig ang totoo? Oo masaya ako. Masaya ako dahil mula nang dumating ka naging magaan ang buhay sa akin dahil bukod sa ibibinigay nang unang bakla ko, may dagdag pa galing sa’yo ngunit sana huwag mong kalimutang kasal pa rin ako sa asawa ko at kahit kailan, hindi mo kayang ibigay ang tunay na ligayang maibigay ng asawa ko at anak. Nadinig mo na ang dapat mong marinig. Ano, di ka pa susuko? Babae ka lang na aking parausan at pinerahan. Di ako magmamahal sa kagaya mo kahit kailan!"
Isang malakas na sampal ang pinakawalan ko sa mukha niya. Kinuha ko ang dos por dos. Gusto kong ipalo iyon sa ulo niya. Gusto ko siyang patayin. Gusto kong ilabas ang lahat ng galit ko sa kanya.