CHAPTER 10. Threat

1803 Words
King Dylan •KINGDOM OF HALEIA• Matapos ang pangyayari kagabi sa Quarel ay agad din kaming bumalik sa loobng Kaharian. Tanging ang kapatid ko na lang naiwang kasama ko habang pinag-uusapan ang mga 'di inaasahang kaganapan. Ngayon ay umaga na naman at ang lahat ay abala sa paghahanda. Si Prinsesa Gracielle at ang iba pang Prinsesa ay muling ipinagpatuloy ang pagsasaboy ng Vethre sa Kaharian upang masiguro na wala nang makapapasok na Mashkao o kalaban. Ang mga taga-lupa ay patuloy sa pag-eensayo kasama ang mga nilalang na inatasan kong tutulong at gagabay sa kanila. Ngunit si Samara ay pinagpahinga ko na muna. Hindi ko nais maisip ng iba na ako ay hindi patas, ngunit karapatan ni Samara na magpalipas mula sa kaganapan kagabi. Kasalukuyan akong naglalakad papunta sa silid ni Samara. Ang totoo ay hindi ako sigurado sa aking gagawin, ngunit tuwing maiisip ko ang nangyari kahapon ay awtomatikong humahakbang ang paa ko at desididong gawin ang kanina ko pa binabalak. Hindi ko alam kung dapat bang ituloy ito o huwag na lamang? Sa kalagitnaan ng pagdadalawang isip ko ay hindi ko rin napigilan ang aking sarili. Mabilis akong napahinto at nagtago sa gilid nang makita ko siya sa labas ng kanyang silid. Huminga ako ng malalim bago tuluyang magpakita sa kanya. "Samara?" humarap ito. "Kamahalan? Naparito ka? Buong akala ko'y bukas pa ang pag-eensayo?" "Nagkakamali ka, hindi 'yon ang rason kung bakit ako nandito." Dahan-dahan akong lumapit sa kanya at nang makarating sa harap niya'y agad kong inabot ang bulaklak. Ang bulaklak na higit hinahangaan at pinapangarap ng mga prinsesa dahil sa kakaiba nitong itsura at bango, ang Filorea. "Para sa 'kin 'to?" pagtataka niya. "Oo. Bilang pasasalamat at pagtanggap ko sa 'yo rito sa Kaharian ng Haleia," sagot ko. "Pero… hindi ba magiging unfair kung ako lang ang bibigyan mo nito?" umiling ako. "Ang pagdating ng isang nilalang na may pinakamapanganib na kapangyarihan ay maituturing na makabuluhan. Gusto kong malaman mo na, mahalaga ang pagdating mo. At higit sa lahat…" sandali akong natigilan bago muling magsalita, "Gusto ko lang malaman mo na wala kang dapat ikabahala kung nawalay ka man sa 'yong Lola ay sisiguraduhin kong na sa maayos ang kalagayan niya, at… pangakong hindi kita pababayaan." Sandaling nagtama ang mga mata namin, hindi ko alam kung bakit para bang may paru-paro ang walang tigil sa pagaspas sa 'king dibdib. Ngunit mali. Ang makaramdam sa anumang bagay o nilalang ay hindi ugali ng isang Haring tulad ko. Hindi ako pusong bato para walang maramdaman ngunit hindi rin gano'n kalambot ang puso ko para pairalin ang aking panimdim. Sa kagustuhang makaiwas sa presensya niya'y agad akong tumalikod. Akmang maglalakad ako palayo pero…. "Kamahalan…" Napaharap ako. Bumungad ang maganda niyang mukha kasabay ng matamis na ngiti. "Salamat sa lahat. Alam kong tungkulin mo na protektahan ang lahat pero isa kasi 'yon sa turo ni Lola sa 'kin noon. Ang magpasalamat sa anumang bagay, maliit man o malaki ang naitulong," sambit niya. "Ikinagagalak kong makilala at protektahan ang isang tulad mo, Samara." iyon ang huling salitang binanggit ko bago tuluyang umalis sa kanyang harapan. KASALUKUYAN akong nakaupo at nagpapahinga sa aking upuan o sa madaling salita ay ang trono ko. Ilang oras din ang aking inilaan sa pagmamasid sa lahat. Ang mga tungkuling iniatas ko sa lahat ay isa-isa kong tiningnan kung nagagampanan nga ba nila lalo ang mga taga-lupa. Ngayon ay na sa may gilid ko si Prinsipe Fharo, iba't ibang paksa ang pinag-uusapan namin mula pa kanina. Sa lahat ng Prinsipe ay siya ang higit na malapit sa 'kin. Mula pa man noong unang araw na mamalagi ako rito ay siya ang unang nilalang na nakasundo ko at tapat akong pinaglilingkuran. "Kamahalan, hindi naman kaya naapektuhan ang desisyon ni Samara na mamalagi rito sa Kaharian?" tanong ni Prinsipe Fharo na ngayo'n ay na sa harap ko. "Kung bibigyang pansin ko si Samara, masasabi kong isa siyang matapang na nilalang ngunit ang kahinaan niya ay mabilis na mabasa ng kahit na sino," tugon ko. "Paano niyo po nasabi, Kamahalan?" tanong niya. Bigla na lang nanumbalik ang mga oras na magkasama kami ni Samara sa pag-eensayo. "Tuwing kakainin siya ng kanyang emosyon ay mas lalong lumalabas ang tunay na siya. At kapag galit ang umiiral ay tuluyan niyang hindi makontrol ang kapangyarihan niya," paliwanag ko. Sa kalagitnaan ng aking pag-iisip ay biglang sumulpot si Prinsipe Randal dahilan para matauhan ako. "Kamahalan, galing ako sa Himlayan at ang mga sandatang pamuksa ay nakahanda na. Ngunit sinabihan ko ang mga kawal na dagdagan pa ang mga ito dahil ang paglusob ng mga taga-Gusio ay walang kasigurauhan." "Mabuti. Na saan ang mga kawal?" tanong ko. "Darating sila dala ang mga bagong sandata bago lumubog ang araw. Isa pang mahalagang balita, Kamahalan, ang mensahero ng mga taga-Siberian ay nagpadala ng liham kaninang mapadaan ako sa Quarel. Ipinibibigay daw sa 'yo ng Punong Ministro ng Kaharian ng Siberian ang mensaheng ito," sunod-sunod na sambit nito at saka inabot ang isang liham. Hindi ko pa man binubuklat ay labis na pagtataka na ang na sa 'king isipan. Ano nga bang nais ipabatid ng Punong Ministro sa akin? Ilang sandali pa ay iniladlad ko na ang papel at sinimulan itong basahin. Haring Dylan, hindi ito ang tamang panahon para humingi ng isang pabor ngunit sapat na ang rason ko para sambitin ang mga katagang ito. Si Haring Federico at ang bagong Emperor na si Alucio sa Kaharian ng Gusio ay naglakas loob na nagtungo sa aming Kaharian kaninang umaga. Isang kasunduan sa pagitan namin ang nais niyang maghari at sa oras na tumanggi ako ay walang pag-aalinlangan niyang sisirain ang buong Siberian. Huling salitang kanyang sinabi ay nais niyang makuha ang Tawag ng Kadiliman na si Samara, na naglalagi ngayon sa 'yong Kaharian. Pakiusap, nais kong humingi ng tulong dahil ang mga taga-Gusio ay nagbanta na kami'y kanilang sasalakayin sa makalawa. Paumanhin, alam kong hindi sapat ang isang liham sa isang mabigat na kahilingan ngunit hindi ko magawang mamutawi ang mga ito sa harap mo dahil higit akong kailangan ng aking Kaharian. - Punong Ministro Agad kong naitiklop ang papel na aking hawak. Hindi ko alam kung bakit nagagawa ni Federico ang mga bagay na iyon. Hindi pa ba sapat ang mga nangyari kahapon para mamulat siya sa katotohanan, at pati ang Kaharian ng Siberian ay idadamay niya para sa sarili niyang kagustuhan. Hindi maaari! Hindi ako makapapayag na masira niya ang isang Kahariang walang kinalaman sa anumang gulo. "Nanganganib ang Kaharian ng Siberian." Gulat na napatingin sa 'kin sina Prinsipe Fharo at Randal "Kamahalan, ano po ang nangyari?" "Ano po ba ang nakasulat sa liham?" Sunod-sunod nilang tanong na 'di ko agad magawang sagutin. Ang poot sa 'king dibdib ang siyang nangingibabaw. "Tipunin mo ang lahat sa Duevez, ngayon din!" utos ko kay Prinsipe Fharo. Mabilis itong umalis. "Sa oras na dumating ang mga kawal ay kaagad mong ipamigay ang mga sandatang pamuksa sa mga taga-lupa at sabihin maghanda sila sa makalawa dahil isasama ko sila sa Kaharian ng Siberian." Mabilis akong naglakad hanggang sa masalubong ko ang aking kapatid. "Spencer, na sa panganib ang Kaharian ng Siberian. Binantaan nina Federico at Alucio ang Punong Ministro na sasalakayin sila ng mga taga-Gusio sa oras na hindi nila makuha sa 'tin si Samara," bungad ko na ikinagulat niya. "Kung gano'n ay anong dapat nating gawin? Hindi pa man nagsisimula ang ikatlong propesiya ngunit sa sitwasyon natin ay mapapaaga ang digmaan. Alam na ba ito ng lahat?" bigla ko na lamang naisip si Samara. Hindi nila maaaring makuha ang nilalang na sa Kaharian ko nabibilang. Bakit ba nila ipinipilit na si Samara ang Tawag ng Kadiliman? "Isa lang naisip kong paraan para masigurong ligtas ang Kaharian ng Siberian…" minuto kaming nagkatitigan ng aking kapatid. Alam kong nais na niyang marinig ang sunod kong sasabihin. "Ano 'yon?" "Ang puting binhi ay kailangan nating ipaubaya sa Punong Ministro, iyon lamang ang paraan na nakikita ko upang 'di sila mapasok nina Federico at Alucio." awtomatikong kumunot ang noo niya sa aking sinabi. "Delikado ang naiisip mo. Ang puting binhi ang pinaka-kailangan natin sa ikatlong propesiya, kaya't hindi mo maaaring ibigay 'yon sa kabilang panig," hindi nito pag-sang-ayon. "Maiisip mo pa ba 'yan sa sitwasyon natin ngayon? Ang buhay ng Punong Ministro ang higit na mahalaga at ng mga Prinsesa't Prinsipe, anong mangyayari kung hahayaan ko sila?" alam kong tama ang aking sinabi dahil iyon lang ang paraan para masigurong lahat ng buhay nila't buong Kaharian ay hindi mawawasak ng mga taga-Gusio. "Ang pagtulong kadalasan, sa halip na tinatanaw ay napapasama. Nauunawaan kong nais mong tumulong, pero paano mo maisasalba ang Kaharian ng Haleia kung uunahin mo ang Kahariang hindi ikaw ang bumuo? Walang hari at reyna sa Siberian ngunit anong silbi ng Punong Ministro kung ang nasasakupan niya'y 'di niya magawang protektahan sa sarili niyang paraan?" sambit ng aking kapatid. Tama ang sinabi niya ngunit hindi niya nauunawaan ang punto ko. "Anong gusto mong gawin ko? Na hayaang silang kunin sa atin Samara?" inis kong tanong. "Hindi. Ang sa 'kin lang ay 'wag na tayong makialam pa. Hindi natin hahayaang makuha si Samara, at hindi rin tayo mangingialam sa Kaharian ng Siberian. Huwag kang maging pala-desisyon." nang sabihin niya 'yon ay kusa kong naramdaman ang inis. "Sinasabi mo bang masyado akong padalos-dalos sa lahat? Kailan pa naging mali ang magkaroon ng hangaring protektahan ang isang Kaharian?" "Kaharian na hindi mo pag-aari? Ganyan ba mag-isip ang isang hari?" kunot noo niyang sinabi dahilan para lalo akong mainis. "Anong gusto mo iparating? Na dahil galing ako sa mundo ng mga tao kaya't ganito ako mag-isip? Nirerespeto ko ang pananaw mo, huwag mo sanang kalimutan kung ano ako rito sa Kaharian." Sa mga sandaling iyon ay hindi ay hindi ko alam kung paano makukumbinsi ang aking kapatid na sumang-ayon sa aking plano. "Huwag mo rin sana kalimutan ang posisyon ko rito sa Kaharian ng Haleia. Bilang pangalawang hari ay tungkulin ko rin na magpasya kung ano ang sa tingin ko'y nararapat. Isa pa, masisiguro mo bang ligtas ang Kaharian ng Haleia kung sakaling ang puting binhi ay ibigay mo sa Punong Ministro?" sambit niya kasabay ng buntong hininga bago muling magsalita, "Sa oras na malaman ni Federico na tinulungan mo ang Kaharian ng Siberian, mas lalo niya tayong hindi titigilan. Kapatid kita, kaya nais kong maging tapat at gusto kong malaman mo na hindi karaniwang Hari si Federico. Gagawin niya ang lahat makuha lang nais niya, kahit pa ang pumaslang." Sa halip na sumalungat ay napahinga na lang ako. "Kung 'yan ang sa tingin mo'y makabubuti, nirerespeto ko. Sa ngayon ay kailangan kong maglakbay papuntang Siberian ngunit hindi ko maaaring iwan si Samara. Ikaw na muna ang bahala rito sa Kaharian, maaasahan ko ba 'yan?" Yumuko ito at nagbigay galang, "Maaasahan mo 'ko palagi, Kamahalan." Nagpasya akong puntahan si Samara sa kanyang silid at isama papuntang Duevez.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD