KABANATA 2
Lim Godongwei
“IKAW sanaaaaaa…”
Tinaasan ko ang pagbirit ko kahit alam kong wala akong talent sa pagkanta at kinindatan ko pa ang intsik na si Lim Godongwei—isa sa masugid kong customer sa club.
Ang matanda ay talagang binayaran ang buo kong gabi ngayon sa club at umokupa ng private room para sa aming dalawa. Siyempre ang tulad kong money is life, todo entertain naman sa kanya.
Tinigilan ko na ang pag-awit dahil baka maubusan na ako ng boses o baka umulan pa mamaya. Wala akong dalang payong mahirap na.
Tinapik niya ang upuan sa tabi niya kaya tumabi na ako sa kanya at pinagsalin siya ng alak sa baso niya.
Ganoon din ang ginawa ko dahil gustong-gusto ni Mr. Lim na sinasabayan ko siya sa pag-inom ng alak.
“May hindi ako nasabi sa ‘yo noong huling punta ko rito.”
Hinaplos-haplos niya ang litaw kong hita ngunit balewala sa akin ‘yon. Sanay na ako. Parte ‘to ng trabaho ko.
Pero kahit naman mahilig manghaplos ‘tong si Lim Godongwei hindi niya pa rin natitikman ang katawan ko. Hanggang amoy lang siya at haplos.
Kahit kasi pokers ako may pamantayan ako sa pag-aalayan ko ng aking katawan.
Choosy ba!
Aba kung makikipag-s*x ako doon na ako sa betsung ko. Hindi rin naman nagtatangka si Lim na kakaiba sa mga naging customer ko. Iyong iba kasi akala mo lechon akong gusto nilang ngasabin.
“Ano ‘yon bhe?”
Tumawa siya sa malanding pagtawag ko sa kanya. Kinikilig ang majonda—charing! Hindi pa naman ganoon katanda si Lim Godongwei. Nasa kwarenta pa rin ang lalaki at medyo may asim pa.
“My wife…”
Naglaho ang ngiti ko sa sinabi niya at kinilabutan nang maalala ang asawa niyang si Lotus na hindi lang pinamanhid ang pisngi ko sa sampal. Muntikan na akong mapanot sa kakasabunot niya sa akin!
Napahawak tuloy ako sa ulo ko na sumakit parang naramdaman ko pa ang sabunot at sampal niya anim na buwan na ang nakakalipas.
Pinakamatagal na panahong hindi niya ako sinugod. Akala ko nga magiging bff ko na siya sa palagian naming meetups eh.
Alam ko naman kung bakit siya galit na galit sa akin kaya tinatanggap ko lahat ng sabunot at sampal niya.
Buti nga hindi ako no’n pinasagasaan o pinabarang ‘eh.
“A-anong meron sa kanya? Aawayin niya na naman ba ako?” napapangiwi kong tanong.
Umiling siya at hinawakan ang kamay ko. “Hinding-hindi ka na niya masasaktan pa. She died last month, Sanya.”
Nanlaki ang mga mata ko at napahinto ako sa pagsubo ng chicken sa sinagot niya.
“Weh? Di nga?”
Tumango siya at lumagok ng alak. Tumikhim ako at binaba ang kinakain. Siyempre kahit naman ginawa niya akong punching bag noong nabubuhay siya hindi ko naman ginustong ma-deds siya!
“B-bakit siya namatay?”
Nagkibit-balikat si Lim. “Car accident.”
Natahimik ako at hindi na nakapagsalita pa. Hanggang sa maramdaman ko ang pagpisil niya sa kamay ko.
“I want you to meet my children.”
Umawang ang labi ko sa sinabi niya dahil hindi ko na naman naintindihan ang English niya. Ang intsik na ‘to akala mo kano, ang hilig mag-english.
Pero char lang!
High school lang natapos ko pero best in English ako noong high school.
Crush kasi ako ng teacher ko.
Of course, na-getsung ko ang sinabi ni intsik.
“Hala! Baka makalbo rin ako ng mga ‘yon!” hawak ko pa sa ulo ko na ikinatawa niya.
“Don’t worry, I won’t let them.”
Inakbayan niya ako at hinalikan ang gilid ng noo ko.
Walang spark o kilig akong naramdaman. Pero lumulutang ako sa ere sa isiping maaari na akong makalaya sa buhay sa club.
This is it!
“SANYA!”
Simangot na kinalabit ko si Mamang na mukhang balak gibain ang pinto ng tinutuluyan kong bahay.
“Mang, andito ako. May sunog ba? Makakakatok wagas!” naiiling kong saad at binuksan na ang pinto.
Antok na antok ako pero ako na ang sumama sa inaanak kong si Ash at kay Nana para sa check-up. Ang kaawa-awa ko kasing kaibigan ay nagkasakit na dahil sa doble doble niyang trabaho bilang call center at dancer sa club.
Napabuntonghininga ako sa nakakaawang sitwasyon ng kaibigan kong si Meredith. Hanggang ngayon ay hindi pa rin gumagaling ang anak niya sa sakit na cancer kahit na naoperahan na ang bata ilang taon na ang nakakalipas.
Sa aming dalawa iniisip ko kung sinong mas malas.
Siya na pasan ang daigdig o ako na palaging napag-iiiwanan ng mga lalaking minamahal.
“Narinig mo ba ang sinabi ko, Sanya Dimabuyu!?”
Humikab ako at tiningala si Mamang Sofi na pulang-pula.
“Ano ba ‘yon, Mang? Antok na ko!”
“Kako hindi ka pwedeng mag-leave ngayong gabi. Ang gagang si Joy, nadisgrasya buntis pala ang punyeta! ‘Eh may booking ‘yon sa bachelor’s party mamayang gabi. Nakita ko ang tiyan ng lintik may umbok na!”
“O tapos?”
Sinamaan niya ako nang tingin at hinila ang buhok ko. “Anong tapos? Siyempre alam mo na! Ikaw ang pumalit sa kanya!”
Umiling ako. “Pass, Mamang. Pagod ako—”
“Fifty thousand na sa ‘yo kahit sampung libo na lang sa akin! Big time ang nag-book sa atin. Anak ng Senador—”
Tumayo ako at tangkang papanhik sa taas nang hilahin niya ang braso ko.
“Saan ang punta mo?!”
“Maliligo tas iidlip ako para mamaya fresh ako sa booking,” ngisi ko at iniwan na siya.
Aba kahit na soon to be Donya na ako. Sayang ang singkwenta mil!
Kinagabihan suot ang hapit na itim na dress at sa loob ay ang bikini ko na huhubarin ko mamaya habang sasayawan ang mga mayayamang nagtatapon ng pera para sa isang gabing kaligayahan.
Kinapalan ko ang make-up ko at kinuha ang paborito kong props sa mga bachelor’s party na ganito—ang kumikinang kong pulang maskara.
Sa isang sikat na hotel gaganapin ang bachelor’s party. Habang nasa taxi ako ay gusto kong suntukin ang driver na kung makatingin sa akin akala mo gusto akong kainin.
Manyak!
Nang makarating sa hotel ay pasimple pang hinaplos ng walangyang lalaki ang kamay ko nang iabot ko ang bayad ko.
Badtrip tuloy ako nang makapasok ako sa elevator. Kinuha ko sa bag ko ang maskara’t sinuot ko iyon. Nakasuot ako ng contact lense ngayon dahil hindi ko bet ipakita ang natural kong asul na mga mata.
Ang buhok ko ay hinayaan kong nakaladlad lang. Pumikit ako at bumuntonghininga nang paulit-ulit.
Kaya mo ‘to! Pera ‘to, Sanya! Lunok-lunok lang sa pang-mamanyak sa ‘yo!
Malungkot akong napangiti at napailing. Kahit naman sanay na ako sa trabaho ko at balewala na sa akin ang masasamang tingin at panghuhusga sa ibang tao. May onting takot at hiya pa rin naman ako sa tuwing gagawin ko ‘to. Ang mag-booking at mag-escort. Mas madali pa sa aking sumayaw sa club.
Sa pagdilat ko ay nalaglag ang panga ko nang makita ang kapapasok lalaki lang sa elevator.
Shutanamez! Nakabalik na pala ang kingamang ‘to?
Kinuyom ko ang kamao ko at napayuko. Hindi makapaniwalang makikita ko pa ang lalaking ghinost ako siyam na taon na ang nakakalipas.
Si Yuan ‘supot’ Lee.
Joke lang. Hindi siya supot. Titan nga ang mokong kaso scammer naman!