Apoy 8

1685 Words
"HUWAG na ninyong ituloy ang balak n'yo!" sabi ni Argus sa walong natitirang Zodiac. Aatakehin nga sana ng mga ito si Honoo mula sa likuran ngunit dahil sa pagsasalita ng matanda ay napalingon sila rito. Doon ay nagulat sila nang makita na ang pinagmulan ng boses na iyon. Ang kanilang kalabang nakamaskara ay ipinakita na nga ng tuluyan ang itsura at nakilala nila ito.   "C-cancer?" nasambit ng mga ito na natigilan. Napangiti naman si Argus sa reaksyon ng mga Zodiacs. Dito nga ay kalmado niyang pinagmasdan ang mga nagulat na kalaban.   "Ano pa ang silbi kung lalabanan ninyo ang binatang iyan? Siya na mismo ang nagpatunay na hindi n'yo siya kaya. Isa pa, ano pa ang silbi kung susundin ninyo ang mga huwad na pinuno ninyo?"   Napayuko ang mga Zodiac dahil sa sinabing iyon ni Cancer na ngayon ay nagngangalang Argus. Naalala na lang nga nila ang ginawang pagpatay ng mga Duragon sa tatlo pa nilang kasama. Ganoon na lang kadali para sa mga iyon na kitilin ang buhay nila kahit pinaglingkuran nila ang ito sa loob ng mahabang panahon.   "Kasangkapan! Iyan lang ang turing nila sa atin. Iyan ang dahilan kaya itinakwil ko ang posisyon bilang Zodiac. Hindi tayo naiiba sa mga taga-Gomi. Alipin din tayo ng mga Duragon," seryoso pang sinabi ni Argus. Napaluhod naman isa-isa ang mga Zodiac dahil ang lahat ng narinig nila ay totoo. Sumusunod lang sila sa mga Duragon hindi dahil gusto nila, kundi dahil mas makapangyarihan ang mga ito kaysa sa kanila. Kahit pa sabihing nagmula sila sa mga Duragon, ni minsan ay hindi nila naramdamang may halaga sila sa mga itinuring nilang mga hari... Mga magulang.   Sabay-sabay na ngang ibinalik ng mga Zodiac ang espada nila sa mga lalagyan nito. Muli silang tumayo at pinagmasdan nila ang magaganap na laban sa dulo ng plaza. Apat laban sa isa. Isang malakas na binata laban sa apat na makapangyarihang nilalang sa Ken.   "S-sino ba ang binatang iyan, Cancer?" tanong ni Capricorn na kasalukuyang nakatanaw sa labang magaganap.   Napangisi si Argus. "Hindi ko alam kung saan siya galing. Nang magkaroon ng biglaang sunog sa Gomi, bigla na lamang siyang lumitaw."   "Pero pambihira siya, sa pitong araw lang na pagtuturo ko ay nahigitan niya agad ako. Kakaiba rin ang aura niya... Lumiliyab, sumisiklab... at umaapoy!" dagdag pa ni Argus na nakakuyom na nga lang ang isa sa kanyang mga kamay. Pagkatapos noon ay nagulat sila sa sunod na nasaksihan. Biglang nagliyab kasi ang kanang kamay ng binatang pinapanood nila. Mula nga sa gintong apoy nito ay isang dambuhalang dragon ang lumabas doon.   GULAT na gulat naman ang apat na Duragon nang makita nila ang paglabas ng isa pang dragon mula sa lalaking humamon sa kanila. Bahagya silang napaatras dahil sa nangyaring iyon. Ang mga alipin nga nilang dala ay nagsitakbuhan na lamang palayo dahil sa takot. Ang lugar kung nasaan ang mga ito ay napapaligiran ng napakalakas na mga kapangyarihan.   "P-paano niya ito nagagawa? Ni hindi pa siya gumagamit ng Bankai?" pagtataka ni Duragong Lupa na napakuyom ng kamao.   "Wala akong pakialam! Papatayin ko ang pangahas na ito!" sabi naman ng Duragong Apoy na nakakaramdam pa rin ng inis sa lalaki, lalo na nga’t para sa kanya ay kinopya lang nito ang kapangyarihang mayroon siya. Mabilis nga niyang sinugod si Honoo gamit ang kanyang apoy na espada.   Naalerto naman si Honoo dahil kung kanina ay nakikita niya na parang mabagal ang atake ng mga Zodiac, nang sandaling iyon ay hindi. Ang bilis ng pagkilos ng kalaban at mabilis siyang gumalaw para mapaghandaan iyon.   Napaatras ang binata. Mabilis niyang iniharang ang umaapoy niyang espada sa espada ng sumugod na Duragon. Tila nga may bulkang sumabog sa dulo ng plaza ang sumunod na nangyari. Bigla ngang bumulwak mula sa kinatatayuan ng dalawa ang ginto at pulang apoy dahil sa pagtatama ng dalawang kapangyarihang iyon.   "Isang apoy lamang ang matitira!" gigil na sabi ng Duragon kay Honoo at bigla itong naglaho. Napaikot naman ang binata dahil nararamdaman niya ito. Mabilis nga siyang humakbang paatras dahil muntik na siyang mahagip ng atake ng kalaban. Lumikha tuloy ng malakas na pagsabog sa dulo ng plaza dahil dumiretso roon ang apoy ng Duragon na sa kanya sana tatama kung hindi siya nakaiwas kaagad.   "Ang bilis! Muntik na rin ako," seryosong sinabi ni Honoo at inayos niya ang pagkakahawak sa kanyang espada. Siya naman ang aatake at doon ay isang mabilis na galaw ang kanyang ipinamalas. Pa-kaliwa at pa-kanan iyon. Natigilan na lamang nga ang Duragong Apoy sa ginawa niyang iyon.   "Gusto mo pala ng one-on-one," sambit pa ni Honoo at isang malakas na atake ang pinakawalan niya pagkatapos. Isang malaking apoy ang dumiretso sa dulo ng plaza dahil sa ginawa niya. Nakailag din nga ang Duragon sa ginawa niyang atake.   Mabilis din nga na humarap papuntang likuran si Honoo. Doon nga ay muling nagtagpo ang lumiliyab nilang mga sandata. Pumuslit sa paligid ang napakaraming apoy, dahilan upang mabalot ng apoy ang buong plaza. Nagliliyab na rin ang ilang parte ng Ken dahil sa laban nila nang sandaling iyon.   "Malakas ka nga!" sabi ni Honoo at mabilis na tumalon paatras. Makikitang nasisiyahan ito at sa kabila rin noon ay makikitang kalmado pa rin ito at kompyansang tatalunin ang mga Duragon.   "Iniinsulto mo ba ako? Lapastangan ka! Papatayin kita!" Hindi naman iyon nagustuhan ng Duragon ng Apoy. Sa pagtalon nga ng binata palayo ay mabilis naman siyang sinundan ng Duragon. Naalerto nga si Honoo dahil doon dahil tatamaan siya sa dibdib ng papalapit na espada ng kalaban.   "Bibilisan ko na talaga..." sambit ni Honoo at doon na natigilan ang kalaban niyang Duragon dahil bigla siyang naglaho. Dalawang magkasunod na ihip din ng malakas na hangin ang naramdaman nito... at isang nakakabinging sigaw ang pinakawalan ng Duragon ng Apoy. Biglang nagliyab ang dibdib nito at bumulwak ang maraming dugo mula roon. Kasunod din noon ay ang paglitaw ni Honoo sa likuran nito na nakangisi. Isang malaking nagliliyab na ekis nga ang sumabog mula sa dibdib ng kalaban at kasabay noon ay ang pagkawala ng malakas na hangin mula sa kinatatayuan ng binata.   Halos lumuwa nga ang mga mata ng mga Zodiac sa kanilang nakita. Isang pambihirang atake ang ginawa ni Honoo laban sa Duragon na ginamit na ang Bankai.   "N-napakalakas ng batang ito..." sambit ng ilan na hindi makapaniwala sa ipinamalas ng binatang laban sa tinuturing nilang napakalakas na nilalang ng Ken.   Seryoso namang lumalakad si Honoo papunta sa p'westo ng tatlo pang Duragon. Naglalakad siya habang umaapoy ang likuran niya. Sa itaas naman, pinipilit ng mga dragon ng Duragon na atakehin ang binata subalit hindi sila palampasin ng gintong dragong apoy ni Honoo.   "Hindi mo pa ako natatalo!"   Naalerto si Honoo nang isang nakakapangilabot na boses ang narinig niya mula sa kanyang likuran. Isang malaking mukha na apoy ang humulma roon. Naging higanteng taong apoy iyon na may hawak na espadang apoy.   "Magpalit-anyo na rin kayo!" sabi ng Duragong apoy sa tatlo pang mga kasama nito, na ngayon ay isa ng napakalaking alab.   Biglang yumanig ang paligid dahil doon. Muling nabalot ng itim na ulap ang kalangitan at ang liwanag na nagmumula sa kapangyarihan nila ang nagsilbing liwanag sa buong Ken. Sunod-sunod na kidlat din nga ang tumama sa iba't ibang bahagi ng Ken. Nagkabitak-bitak ang lupa at biglang umihip mula sa iba't ibang direksyon ang napakalakas na hangin. Kasabay nga noon ay ang pagbabagong-anyo na rin ng natitira pang Duragon. Naging higanteng tubig, lupa at hangin ang mga ito. Pinaikutan din nila si Honoo na tila dehado na sa labang ito.   "D-delikado tayo! Ipinakita na ng mga Duragon ang tunay nilang kapangyarihan..." sambit ni Argus na nakaramdam ng pangamba sapagkat nararamdaman niya ang kakaibang lebel ng kapangyarihan na mayroon ang mga Duragon sa ganoong estado. Napalingon din nga bigla sa kanila ang Duragong Apoy kaya naalarma na rin sila.   "Kayong mga taksil na Zodiac... Tatapusin ko na kayo!" bulalas nito at ang lahat ay wala nang magawa kundi ang tumakbo palayo. Dumagundong nga sa buong Ken ang boses na iyon. Kasunod din noon ay ang pagbato ng Duragon ng napakaraming bola ng apoy sa direksyon nina Argus. Kasing-laki ng mga bahay ang mga apoy na iyon kaya napatakbo sila para isalba ang kanilang mga sarili.   "Maaabutan pa rin tayo ng mga apoy! Harapin na natin ang atake nila!" sigaw ni Argus sa mga kasama niya dahil alam niyang wala na rin silang magagawa kung sila at tatakbo pa.   "Bankai!" sabay-sabay na sabi ng mga Zodiac. Naglabasan nga ang iba't ibang klase ng higante sa kinalulugaran ng mga Zodiac. Isang higanteng itim na alimango ang pinalabas ni Argus. Higanteng Unicorn naman ang kay Capricorn. Mayroon ding alakdan, toro, centaur, leon, at kambing mula sa iba. Nagkaroon din nga ng isang munting dagat kung saan ay may isang dambuhalang isdang may matatalas na ngipin, at nagliwanag naman nang sobra ang katawan ni Virgo. Sinubukan din ng magkapatid na Erza at Ezel na magawa ang Bankai pero hindi iyon gumana kaya sinabihan sila ni Argus na sa likod lamang sila nito.   Yumanig ang buong Ken nang sunod-sunod na pagsabog ang dumagundong sa paligid. Sinalag ng mga higante ng Zodiac ang mga apoy pero natupok lang ang mga iyon. Nasira ang Bankai nina Argus dahil doon. Pero naiwasan naman nila ang pagtama ng mga apoy sa kanila, iyon nga lang, nanghina sila nang sobra dahil sa Bankai kaya isa-isa silang bumagsak. Hindi nila kayang tapatan ang kapangyarihan ng Duragon ng Apoy.   Isang malakas na pagtawa pa nga ang ginawa ng mga Duragon nang makita ang mga nangyari.   "Patayin na natin sila," sabi ng Duragon ng Lupa. Kaso bigla silang natigilan nang isang malaking apoy na ginto ang humarang sa mga Zodiacs. Sabay-sabay rin na bumagsak mula sa itaas ang apat na dragon ng mga Duragon na labis na ikinagulat ng marami.   "Talagang mahihina kayo... Ngayon, ipapakita ko sa inyo ang kakayahan ng espada ko," seryosong sinabi ni Honoo habang dahan-dahang lumilipad papunta sa tapat ng mukha ng mga dambuhalang Duragon. Isang seryosong tingin ang iginawad niya sa mga ito, at kasabay ng pagtaas ng lebel ng kanyang kapangyarihan ay ang pagbigkas niya ng isang salita.   "Bankai!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD