Episode 3

1131 Words
"Mga ate, baka gusto niyong bumili ng gulay? Bente pesos lang isang tali?" alok ko sa tatlong babaeng nag uumpukan sa isang tindahan. Namitas kasi ng gulay na sitaw ang isang kong kakilala at ibinigay na ss akin ang mga sitaw na medyo hindi ganun kaganda ang haba at may ilang mga butas. Kumbaga mga reject kaya nilako ko na lang sa murang halaga. Maaga pa lang talaga ay naglalakad na kami ni Arthur dahil maya-maya lang ay mainit na ang sikat ng araw. Nakabenta na rin naman ako ng ilang bungkos ng sitaw at ibibili ko na lahat ng gatas ni Arthur. Mahirap na at baka makita pa ng biyenan kong hilaw na may hawak akong pera. Kapag alam niya kasi na kumita ako ay hihiramin niya sa akin at ibibigay din daw ngunit ilang beses niya ng ginawa pero hindi na niya na ibabalik pa. Kapag siningil ko ay agad na magagalit at kung anu-anong sumbat ang mga maririnig ko sa kanya. Kaya naman natuto na ako. Gustuhin ko man na magtabi ng kahit konting pera ay hindi ko na lang ginagawa dahil na rin hinahalughug nila ang mga gamit naming mag-ina kapag wala ako sa bahay at iyong huling ipon ko ay nawala sa pinaglagyan ko. Kapag kumita ako sa mga trabaho na pinapsukan ko ay diretso na ako sa pagbili ng mga pangangailangan naming mag-ina. Lalo na kay Arthur. Malaking pasalamat ko nga na sa kabila ng pagmamalupit sa amin ng pamilya ni Billy ay siya namang maraming kapitbahay at mga kakilala ang nagmamalasakit sa amin ni Arthur. Gaya nga nitong mga sitaw na tinda ko ngayon. Kung tutuusin ay pwede pa itong pakinabangan ng may-ari ngunit mas pinili na ibigay na sa akin at ako na ang magbenta para magkapera raw ako. "Dalawang tali nga sa akin. Mag-aadobo ako ngayong tanghalian," sagot ng isa sa mga babae na mahaba ang buhok. Nilagay ko na sa sisidlan na plastic ang dalawang tali ng sitaw at saka ako naghalungkat ng sampung piso sa bulsa ko para sa sukli sa singkwenta pesos na perang papel na binayad ng bumili. "Oo, na aksidente nga raw at lantang gulay na kung tutuusin. Marami lang silang pera kaya hanggang ngayon ay buhay pa rin," sabi ng isang babae na kulot ang buhok sa dalawang babaeng kausap niya. "Wala na rin sigurong pag-asa yon dahil nga lantang-gulay na. Ano nga ba ang tawag dun? Comatose nga ba?" tanong naman ng babaeng na bumili sa akin. "Oo, comatose nga. Sabi nga ni Nanay sa akin ay naghahanap pa ng kasambahay si Señora Juana dahil nga kailangan niya ng katuwang sa pag-aalaga sa anak niya. Inuwi na rin daw sa bahay nila," saad naman ni Ate Belen at inabot ko na ang sukli niya. "Ikaw, Irene? Gusto mo bang pumasok ng kasambahay? Doon kay nanay ay naghahanap sila. Baka sakaling gusto mo lang." Aniya sa akin. Ngumiti ako dahil naalala niya akong alukin. "Gustuhin ko man, ate ay may anak akong maliit pa. Wala naman akong pag-iiwanan dito kay Arthur." Tugon ko. "Pwede ka naman siguro kahit tagawalis lang ng buong bakuran ng bahay. Kung walang stroller itong anak mo ay meron akong nakatambak sa bahay at ibibigay ko sayo. Mabait itong si Arthur at mukhang hindi naman iyakin na bata. Hindi ka naman maghapon na magwawalis ng bakuran kaya pwede sayo ang trabaho, Irene." Pangungumbinsi pa ni Ate Belen. "Ay, oo! Siya na nga lang ipasok mo, Belen. Hindi ka mapapahiya at napakasipag nitong si Irene at mabait pa," ani naman ng babaeng kulot na hindi ko matandaan kung anong pangalan kahit kilala niya pala ako. "Kung gusto mong pumasok kung saan nagtatrabaho ang nanay ko ay mamayang gabi ang uwi niya dito sa bahay, Irene. Naghahanap kasi siya ng mga kasambahay na makakasama niya. Pwedeng-pwede ka na tagapagwalis ng bakuran." Tumango-tango ako. Kung pagwawalis lang talaga ng paligid ay kayang-kaya ko namang gawin. Mabait naman talaga itonh si Arthur at hindi ako naiistorbo kahit pa kasama ko siya sa paglalabada ko. "At saka, araw-araw ka naman din na uuwi, Irene. Hindi stay in ang mga kasambay sa bahay ni Señora Juana. Lalo na nga kung tagawalis ka lang ng bakuran. Pagtapos mong mawalisan lahat ay pwede ka ng umuwi." Dagdag pa ni Ate Belen sa kanyang sinabi. Kung ganun nga ang patakaran ay pwede nga akong magtrabaho doon. "Naku! Tiyak na hihingan ka ng hihingan ng biyenan mong hilaw ng pera niyan, Irene. Lalo pa at galante magpasahod si Señora Juana. Napaka sugarol naman kasi niyang si Lumen. Kaya hindi na talaga nakapagtataka na sa kabila ng malaki na yata ang sinasahod ni Billy sa Japan ay hindi pa rin mawalan-walan ng utang dahil nga sa sugarol ang biyenan mong hilaw!" palatak ng babaeng kulot ang buhok. Hindi ko naman makontra ang kanyang mga sinabi dahil totoo naman talaga. Kaya madalas din na walang-wala ang nanay ni Billy sa kabila ng buwan-buwan siyang nagpapadala ay araw-araw naman na nasa sugalan ang nanay niya. Kaya nga nagagawa pang kunin ng walang paalam ang konting pera na tinatabi ko ay dahil sa bisyo niya. "Irene, habang maaga pa ay mag-isip ka na kung makakatiis ka diyan sa ugali ng pamilya ni Billy. Hanggat isa pa lang ang anak niyo ay magdesisyon ka na. Mahirap pa diyan kay Ate Lumen ay mahilig yan mambaligtad at ubod ng sinungaling. Baka sa huli ay ikaw pa ang palabasin niyan na nagwaldas ng pera ng anak niya." Payo pa ni Ate Belen. Lahat ng mga sinasabi ng mga kausap ko ay alam ko naman na nagmamalasakit lang sila sa akin lalo pa at sila ang matagal ng kakilala ang pamilya ni Billy. Hindi ko rin naman masasabi na gumagawa lang sila ng kwento para siraan ang biyenan kong hilaw gayong ako ang kasama mismo sa iisang bubong ng nanay ng live-in partner ko at nakikita ko mismo ang lahat ng kilos niya sa loob ng bahay. "Salamat po, Ate Belen. At pupunta pa ako mamayang gabi para po makausap ang Nanay niyo," wika ko at saka na muling binitbit ang itim na timba na pinaglalagyan ng mga sitaw kong nilalako. "Oo, hihintayin kita, Irene. Malaking tulong din sayo at sa anak mo. Kung bakit naman kasi kaganda-ganda mo ay sinasayang mo diyan kay Billy at sa pamilyang niyang feeling mga mayaman at mga tagapagmana kung magsikilos gayong pare-pareho lang naman tayong nagdidildil ng asin." Ngumiti na lang ako at saka na ulit nagpaalam. Kung sakali nga na makapasok ako sa bahay na sinasabi nila ay malaking tulong talaga dahil uwian naman pala ang trabaho. Señora Juana? Ngayon ko lang narinig ang pangalan niya pero dahil may nakadikit na señora ay talaga nga sigurong mayaman. Hindi naman siya tatawaging señora na lang basta kung hindi siya nagkakamal ng maraming pera.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD