"Ikaw na bahala dito, Irene. Alam ko rin naman na hindi mo ako ipapahiya dahil kilala rin naman kita na masipag," sabi ni Nanay Odet sa akin.
Siya ang Nanay ni Ate Belen na naghahanap nga raw ng iba pang pwedeng pumasok bilang kasamabahag dito sa malaking bahay ng Villa Asunsion na pagmamay-ari ni Señora Juana na hindi ko pa naman nakikilala ng personal.
Sabi naman ni Nanay Odet ay mabait naman daw ang amo namin basta nagagawa mo ng maayos ang trabaho mo.
Gumising talaga ako ng mas madaling araw pa lang dahil nga makikisabay ako kay Nanay Odet papunta dito sa Villa.
Nagustuhan ko rin ang magiging sahod ko sa araw-araw na pagwawalis ng bakuran. Isa pa ay libre na ang almusal at sabi pa ni Nanay Odet ay pwede pa akong tumulong sa ibang gawain kung gugusthin ko lang naman para umabot ako sa pananghalian at hindi ko na problemahin pa ang sikmura ko at tanging gatas na lamang ni Arthur ang siyang bilhin ko.
May kalawakan nga ang loob ng Villa ngunit hindi ko naman daw kailangan araw-araw na walisan lahat sabi ni Nanay Odet. Basta iyong natatanaw lamang nga paningin kung sakaling magagawi ang paningin ng Señora sa paligid. Ang importante ay nalilinis at hindi natatambak ang mga tuyong dahon at mga maliliit na sanga na galing sa iba't-ibang puno na nagbibigay lilim sa paligid.
Masigla akong nag-umpisang magwalis habang si Arthur ay payapang natutulog sa kanyang stroller na iniwan ko muna sa isang malilim na lugar na natatanaw ko.
Malawak man anv lugar at siguradong mamaltos ang mga palad ko sa kakawalis ay ayos lang.
Ang importante ay may habapbuhay na ako na kasama ko ang anak ko.
Nagpaalam naman ako Nanay Lumen kagabi ngunit bahala raw ako sa buhay namin ng anak ko ang sagot niya.
Mabuti pa nga raw na huwag na kaming umuwi para mabawasan naman daw ang palamunin niya sa bahay at ang mga gumagamit sa kuryente at tubig.
Aminado ako nakikigamit kami ng anak ko ng kuryente ngunit sa gabi lang naman ang gamit namin.
At sabi pa nga ng napagtanungan ko ay hindi naman malakas ang kunsumo sa kuryente ng isang maliit ba clip fan na itinututok ko kay Arthur kapag tulog na sa gabi.
Halos hindi naman ako kumakain sa bahay dahil nga hindi naman nila ako tinitirahan. Kapag gulay ang ulam ay doon lamang magkakaroon ng tirang pagkain ngunit kapag karne o isda ay mabuti pa ang aso at pusa ay makakatikim ngunit ako ay hindi.
Sa gatas naman ni Arthur ay hindi na talaga nagbigay ang nanay ni Billy. Gatasan ko raw ang dibdib ko para mag madede ang anak ko.
Kung tubig naman ang usapan ay nakiki igib ako sa poso ng kapitbahay para hindi ako gumamit sa gripo.
Kaya hindi ko maintindihan kung bakit nasasabi ng nanay ng live-in partner ko na palamunin kami sa bahay nila gayong halos nakikitulog lang kami ng anak ko.
Iyong tulugan pa namin magnanay ay sa isang sulok lang ng bahay nila.
Kaya rin nagbakasali ako sa sinabi ni Ate Belen. At ito nga at nagwawalis na ako sa bakuran ng Villa.
Sabi rin ni Nanay Odet ay pwede ako bumali basta naka dalawang linggo na ako.
Marami na akong balak bilhin ngunit mas uunahin ko rin na unti-untiin na bayaran ang mga nauutang ko sa ibang tao.
Kahit bente, singkwenta o kahit pa sampung piso lang ay mahalaga ay mabayaran dahil iba ang bigay sa utang. Ang utang ay utang pa rin.
Pinunasan ko na ang namumuong pawis sa aking noo bago ko nilingon ang stroller ng anak ko.
Lumapit na ako para itulak na naman at ilipat ng lugar na mas malapit sa kung saan na naman ako magwawalis.
Hindi ko nga napansin na kay lawak na pala ng nawalis ko.
Hindi rin naman kasi masyadong marumi ang paligid kaya naman agad ko rin na nalinisan.
"May kasama kang sanggol habang nagtatatrabaho?"
Napalingon ako agad sa pinanggalingan ng tinig.
Isang matandang babae ang nalingunan ko. Ngunit sa kanyang postura at pananamit ay mukha siyang hindi basta lang na matandang babae.
"Magandang umaga po," magalang ko munang pagbati at saka ngumiti.
"Opo, wala po kasi akong pag-iiwanan sa anak ko kaya po sinama ko na lang," saad ko pa.
Walang kakurap-kurap ang matandang babae na nagtanong. Para bang kinikilatis niya ang buong pagkatao ko.
Ang totoo ay nakakatakot ang matandang babae.
Mahihintulad siya sa isang napaka istriktong guro sa kanyang mga pasaway na estudyante na kapag nagkamali ay matinding parusa ang kanyang igagawad.
Nakatabi siya sa stroller kung saan natutulog pa rin si Arthur.
"Isang sanggol na lalaki," aniya pa ng silipin na ang anak ko.
"Opo, Arthur po ang pangalan ng anak ko." Nakangiti kong pagpapakilala sa anak ko.
"Wala kang pag-iiwanan kamo ng anak mo? Nasaan ang ama? Binuntis ka lang at hinayaan na magdusa?" tanong pa ulit ng babae na hindi nagbabago ang itsura.
Matigas pa rin ang kanyang mukha na para bang nagagalit na hindi ko maintindihan.
"Nasa ibang bansa po ang tatay ni Arthur. Mahaba po istorya pero tanggap naman po niya ang anak namin at nangako naman po siya na pag-uwi niya ay magpapakasal na po kami at magsasama-sama na po kaming tatlo.".
Isang malakas na halakhak ang narinig ko sa matandang babae.
Isang halakhak na para bang nakaka insulto at ayaw niyang maniwala.
"At naniniwala ka naman? Tonta! Iyang ganyang itsura na gaya ng meron ka ay madaling utuin. Kaya naman huwag ka ng umasa pa na babalikan ka pa ng kung sinong lalaking nangako sayo dahil nakuha niya na ang gusto niya sayo!" asik pa ng matandang kausap ko at sabay pa na binuksan ang pamaypay na kanyang hawak.
Nabigla ako sa totoo lang.
Sanay naman akong sinisigawan at minumura ng mga kamag-anak ni Billy pero hindi ng ibang tao na lalo at ngayon ko pa lang nakita.
"Pasensya na po at mawalang-galang na pero hindi naman po siguro," katwiran ko ngunit tinamaan ako sa totoo lang.
Wala na naman kasi akong makita na effort mula kay Billy para makausap man lang ako.
Para ngang kinalimutan niya na ako at ang anak namin.
Sana ay kahit sa mga kaibigan at mga barkada man lang niya ay makiusap siya na makausap ako ngunit wala.
"Huwag kang tanga, iha. Kung nasa abroad nga ang tatay ng bata ay anong ginagawa mo at nagwawalis ka habang kasama ang kaawang-awa mong sanggol sa loob ng bakuran ko?"
Lalo akong nabigla sa nalaman.
Hindi ko man lang naisip na maaaring si Senyora Juana na pala ang kaharap ko.
"Kayo po pala si Senyora Juana? Pasensya na po kayo kung kasama ko ang anak ko habang nagtatrabaho. Gaya po ng sabi ko ay wala po kasi akong pag-iiwanan sa kanya. Huwag po kayong mag-alala at tinitiyak ko naman po na magagawa ko ang tungkulin ko sa pagwawalis po ng bakuran." Paliwanag ko agad.
"Tiyakin mo, iha." Sagot ng Señora at saka pa inilibot ang kanyang paningin sa bahagi ng bakuran na nawalisan ko na.
"At hindi ka lang basta pakitang gilas dahil unang araw mo sa trabahong ito. At hindi rin ako maawain na na tao para madala sa pagmamakaawa o anuman na mga dahilan mo para hindi kita paalisin sa oras na hindi ako nasiyahan sa trabaho mo dito aa bakuran ko. Naiintihan mo ba?" tanong ni Señora sa akin.
Tumango ako.
"Tonta! Ano ka hindi marunong magsalita at tango na lang ang isasagot? Kapag tinatanong kita ay magsalita ka at hindi basta tumatango lamang!" asik niya sa akin.
"Opo, Senyora!" malakas kong sagot habang natataranta.
Wala na siyang sinabi ngunit tiningnan na lang ako mula ulo hanggang paa bago pa ko tinalikuran.
Hindi ko inakala na ganun pala nakakatakot ang ugali ng bago kong amo.
Akala ko ay sa mga palabas lamang sa telebisyon ang mga mayayaman na matapobre ngunit hindi pala dahil meron din sa totoong buhay.
Nagdadalawang isip man kung itutuloy ko pa ang trabaho ko dito sa loob ng Villa ay nanghihinayang naman ako.
Hindi naman ako pinagbuhatan ng kamay ng Señora kaya bakit ako aalis?
Iyong pamilya nga ni Billy ay sinasaktan ako ngunit nanatili pa rin ako, dito pa kaya sa lugar na may kikitain ako?
Baka wala lang sa mood ang Señora kaya ganun niya ako pinagsalitaan?
Halos naman kasi ng mga may edad na may mainitin na ang ulo kaya ganun siguro ang unang pagtatagpo namin ni Señora Juana.