Episode 2

1313 Words
Wala akong nagawa kung hindi ang lumapit na naman sa isa mga taong pinaglalabahan ko para sumubok manghiram ulit ng pera kahit napaka dami ko ng utang. Gutom na talaga ang anak ko at ilang oras na siyang hindi nakakadede ng gatas. "Ewan ko ba sayo, Irene. Ilang beses na kitang pinayuhan na layasan mo na ang pamilya ni Billy ngunit matigas ang ulo mo. Kailan ka ba matatauhan ba babae ka? Kapag namatay na kayo ng anak mo na parehong dilat ang mga mata dahil sa gutom?" sermon ni Ate Lala. Isa siyang teacher sa isang pampublikong paaralan sa elementarya dito sa lugar namin. Nasa late thirties na ang edad niya kaya naman parang ate ko siya. Halos apat na buwan pa lang niya akong labandera pero sa tuwing araw ng paglalaba ko ay hindi siya nagsasawa na payuhan akong umalis na sa bahay nina Billy at umuwi na sa amin dahil nga sa hindi naman makatao ang trato sa aming mag-ina ng pamilya ng live-in partner ko. Iniisip ko kasi na pagsubok lamang ang lahat ng mga ito sa amin ng tatay ng anak ko. At balang-araw ay malalampasin rin namin at magsasama-sama na kami sa iisang bahay at bilang isang masaya at kompletong pamilya. Ang pag-aasawa raw kasi ay hindi parang pagsubo lang ng mainit na kanin na kapag napaso ang dila ay basta na lang iluluwa. Ganyan ang madalas kong marinig sa mga nakakatanda kaya naman naninindigan din ako sa kung ano na ang sitwasyon ng buhay ko ngayon. Kailangan kong magtiis dahil mahal ko si Billy at mahal ko rin ang mga taong mahalaga sa buhay niya. Hindi na ako bata na basta na lang aayaw kapag napagod na sa paglalaro. Hindi na ako teenager na kapag nagsawa sa ginagawa ay basta na lang magrereklamo. Isa na akong ganap na nanay sa anak kong si Arthur at kapag umuwi na ng bansa si Billy ay magpapakasal na kami at magiging asawa niya na ako. "Pagsubok lang ito, Ate Lala. Pasasaan ba at malalampasan din namin. Kapag dumating na si Billy ay magiging maayos na rin kami ni Arthur." Ang positibo kong wika habang kumakain ng agahan. Ganun na lang talaga ang pakunswelo de bobo ko sa aking sarili kapag nalulungkot at naiisip ang kasalukuyang sitwasyon ng buhay namin ng anak ko. Alam din kasi ni Ate Lala na malamang na hindi pa ako kumakain ng kahit ano. Kahit isang higop ng mainit na kape ay wala talagang dumaan sa lalamunan ko. Hindi rin talaga lingid sa kaalaman ni Ate Lala ang kalagayan ko at ng anak ko. Inirapan ako ng babaeng kaharap ko dahil malamang na naiinis na naman siya sa katwiran ko. "Sana nga, Irene at pagkatapos ng mga pagsubok mo na ito ay maging masaya ka sa huli kasama ng anak mo. Pero kung ako talaga ang tatanungin ay mas gusto ko ng umuwi ka na sa pamilya mo. Nakita ko na mabait kang tao kaya ganyan kang inaabuso ng pamilya ni Billy. Pasalamat sila at hindi mo ako naging kaanu-ano dahil baka nasabunutan ko ang biyena mong hilaw at ang mga hipag mong mga ubod ng arte na wala namang ganda sa katawan. Siguradong inggit na inggit ang mga babaeng yan dahil kahit anong gawin nilang paglalagay ng kolorete sa kanilang mga mukha ay hindi sila dapat itabi sayo dahil magmumukha silang pangit na payaso," sambit pa ni Ate Lala na talagang inis na inis sa pamilya ni Billy. "Mga bata pa kasi, Ate. Kapag mga nagmatured ang isip nila ay magbabago na rin ang mga ugali." Katwiran ko. "Irene, hindi ko talaga alam kung ang mga hipag at ang biyenan mong hilaw ang sa sabunutan ko o ikaw mismo? Ano at nakukuha mo pa silang ipagtanggol sa kabila ng kasamaan nila ng ugali? Huwag masyadong mabait at ikakapahamak mo ang ganyan." Payo pa ni Ate Lala na nakikipaglaro na kay Arthur na tahimik lang naman dahil nakainom na ng gatas. Kanina ay talagang hindi ko siya mapatahan at umiiyak na ako sa sobrang awa ko sa aming sarili dahil wala talaga akong kahit magkanong pambili ng kahit maliit na gatas na naka repacked. "Mabuti na lang at na kamukha mo itong si Arthur at hindi ang pamilya ni Billy. Kaya ikaw, Arthur kapag malaki ka na ay huwag kang papayag na inaapi ng kung sino ang nanay mo. Lagi mo sanang maaalala kung ano ang sakripisyo na ginawa niya para sayo," sabi pa ni Ate Lala sa anak kong bumi bungisngis na tila naintindihan ang sinasabi sa kanya. Kaya siguro rin sinasabi sa akin na hindi anak ni Billy si Arthur dahil ako ang kamukha ng anak ko at walang nakuhanh kahit na anong wangis sa kanyang ama. "Kamusta naman si Billy sa Japan? Hindi ba gumagawa ng paraan para man lang makausap ka?" untag pa ni Ate Lala. Umiling ako. "Hindi ko alam, ate. Tulad pa rin kasi ng dati. Ang nanay at mga kapatid niya lang ang tanging nakakausap niya. Kapag naman nagkausap kami ay agad na nagpapaalam ang nanay niya na may pupuntahan at gagamitin ang cellphone." Tugon ko sa malungkot na tinig. Miss na miss ko na rin si Billy. Gusto ko na rin siyang makausap ng matagal hindi para magsumbong sa ginagawa sa aking ng pamilya niya. Kung hindi dahil miss ko na talaga siya. Gusto kong itanong kong kamuata na ba siya sa Japan? Kung ayos lang ba siya at walang problema. Kung kailan siya uuwi para balikan na kami ni Arthur. Ganun lang ang nais ko. "Hindi ko kasi ma search sa social media ang pangalan ni Billy. Hayaan mo at kapag nagkaroon ako ng bakanteng oras ay hahanapin ko ulit ang account niya. Kapag kasi nalingat ang mga hinipat at biyenan mong hilaw ay subukan mong kunin ang mga cellphone na gamit para makita mo man lang ang gamit na pangalan ni Billy," saad pa ni Ate Lala na talagang nais akong tulungan sa kahit na anong paraan. "Maraming salamat, ate Lala. Hindi ko alam kung paano ako makakaganti sa mga tinutulong mo sa akin at kay Arthur. Panginoon na ang bahala na magpala sayo," sabi ko. Dahil talagang marami ng naitulong ang amo kong ito sa akin at sa anak ko. "Irene, wala naman kasi akong nakikita na dapat kitang pagdamutan. Kung ano ang meron dito sa bahay ay pwede nating pagsaluhan. Kaya lang ay hindi naman ako mayaman na lagi akong may iaabot sayo sa pangangailangan dahil nga single mother at nag-iisa na nagpapaaral ng mga anak." Wala na kasing asawa si Ate Lala at mag-isa din na kumakayod para sa dalawang mga anak na nag-aaral pa. Sa kwento niya ay nambabae ang asawa niya at hiniwalayan niya agad ng kanyang malaman. At hindi na binigyan pa ng pangalawang pagkakataon dahil ayon sa kanyang paniniwala, ang manloloko ay mananatiling manloloko. Nakakainggit nga si Ate Lala dahil napakatapang at napakatatag niya bilang babae at nanay ng mga anak niya. Sana ay ganun din ako bilang nanay ni Arthur. Maging matatag din at matapang na harapin ang anuman na hamon ng buhay sa aming mag-ina. Hindi ko na rin kasi alam kong hanggang kailan ba kami ganito ng anak ko? Kulang na lang ay mamalimos kami sa daan para maitawid ang sikmura namin. Naawa na rin ako sa anak ko dahil hindi sapat ang gatas na kanyang naiinom para sa kanyang katawan. Sumasagi naman sa isip ko na umalis na muna at bumalik na lang kapag narito na si Billy ngunit ayon din kasi sa kasabihan ng mga matatanda ay dapat na kung saan ka iniwan ng asawa mo o ng live-in partner mo ay dapat doon ka rin niya dadatnan. Ngunit hanggang kailan ko mapapanindigan? May mga nalalapitan ako sa oras ng pangangailangan ngunit alam ko naman na hindi rin sila ganun kaalwan sa buhay at maaaring magsawa rin sila sa pagtulong sa aming mag-ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD