CHAPTER 01: KING OF THE RING

1696 Words
Puno ng hiyawan ang madilim na lugar na iyon. Mausok din dahil sa kaliwa’t kanang paninigarilyo ng mga tao. Pero walang pakialam si Mariz. Mas mahalaga para sa kanya ang magawa ang misyon. Naghanap siya ng pwesto malapit sa malaking tila isang metal na kulungan at doon nakita ang dalawang taong nagsusuntukan. Hindi nga siya nagkamali. Iyon na nga ang underground fight club na ilang linggo na rin niyang minamanmanan mula sa labas. Sa wakas ay nagkaroon na siya ng pagkakataong makapasok. Pero hindi tulad ng mga ordinaryong nagpupunta sa iligal na lugar na iyon, naroon siya para mag-imbestiga. Isa siyang journalist at ang napili niyang gawan ng documentary ay ang tila sabong ng mga tao sa underground fight club na ‘yon. It was such a bold move. Alam niyang delikado ang gagawin dahil maaari siyang mapahamak. Pero dahil doon ay mas naging desidido pa siyang ilabas sa mundo ang maling kalakarang iyon. Many lives were lost in that ring. At hindi siya papayag na magpatuloy iyon. She will do everything to stop such activity. Kahit pa suungin ang delikadong lugar na iyon. Ibinalik niya ang tingin sa dalawang nag-aaway. May dugo na sa mga mukha nito pero parehong walang planong umatras. May mga naghihiyawan pa ng ‘mad dog’.Grabe lang! Napatitig siya sa taong tinatawag nilang ‘mad dog’. Mas maliit ito kaysa sa katunggali nitong malaking mama. Siya ang kinakabahan para rito. Malalamog itong sigurado. Sayang dahil mukhang may hitsura pa naman. Pero isinantabi niya muna ang awa para sa binata. Naroon siya para sa gagawing documentary. Kailangan niyang mag-focus. Mula sa bulsa ay inilabas niya ang cellphone at nagsimulang magrecord. Wala siyang sasayanging oras.Kailangang matapos niya ang proyekto.     “IYAN lang ba ang kaya mo? Mas malakas pa sumuntok ang lola ko kesa sa iyo!”             Nakangising pinanood ni Lyon ang pangangantiyaw sa kanya ng bakulaw na katunggali. Tuwang-tuwa kasi ito nang tumama ang pinakawalan nitong suntok sa kanang pisngi. Itinataas pa ng lalaki ang mga kamao nito na tila iniengganyo ang mga manonood upang maghiyawan pa.             Hindi naman nabigo si bakulaw at dumagundong ang buong fight club sa sigawan at hiyawan ng mga manonood. Ang iba ay pinupuri si bakulaw. Ang iba naman ay sinisigaw kung gaano kuno siya kalampa at nagpatama siya ng suntok. At tulad ng isang propesyunal na manlalaro ay ipinagpag lang niya ang kutya ng mga tao. Naiintindihan niya ang pinuputok ng mga butsi ng mga iyon. Sino ba naman ang gustong matalo sa sugal? Maski siya ay ayaw matalo dahil sayang ang libu-libong kwartang nakataya sa labang iyon. Inilibot niya ang tingin sa labas ng cage ring na yari sa metal wire. Bukod sa excitement na nakapinta sa mukha ng mga audience ay dumadami pa lalo ang naglalabas ng pera sa mga pitaka nila at sumusugal. Napangisi siya. Ibig sabihin noon ay mas lalaki ang perang mapapanalunan niya. “O ano? Susuko ka na ba? Hanggang diyan na lang ba ang kaya ng tinatawag nilang ‘Mad Dog’?” Pang-uuyam ng lalaki. Muli itong humalakhak na parang nakikiliti sa sarili nitong biro. Mad Dog. Iyon ang tawag sa kanya simula noong sumali siya sa underground fight club na iyon. Wala kasi raw siyang sinasanto. Mas gusto nga niya ay Lion ang tawag sa kanya dahil sa Lyon niya na pangalan pero mas gusto ng mga tao ang ‘Mad Dog’. Asong ulol raw kasi siya. “Nag-ensayo pa naman ako nang mabuti nang malaman kong ikaw ang makakalaban ko.” Dumura ang bakulaw sa gilid nito. “Mas bagay yata sa’yo ang tawaging tuta! Nagsayang lang ako ng oras sa’yo.” Lumapit ang lalaki at hinawakan siya sa kwelyo pagkatapos ay nagsalita. “Tatapusin na kita.”             Akmang hihilahin na siya ng lalaki nang hinawakan niya ang braso nito. “Sigurado kang kaya mo ako? Paano mo akong planong talunin?”             Tumawa muli ito. “Sikat ka man sa lugar na ‘to. Hindi ibig sabihin noon ay hindi ka na matatalo. Ako na ang maghahari rito!”             “Tsk! Hindi mo naman sinasagot ang tanong ko. Paano mo ba ako planong talunin? Kasi ako may plano na?”             Humalakhak ang lalaki. “Nakikita mo ba ang katawan ko? Isa ka lang dugyot kung ikukumpara sa akin.”             Tama naman ang lalaki. Matangkad ito at malaki ang pangagatawan. Pero hindi ibig sabihin noon ay basta-basta na lang siyang magpapatalo.             “Kaya nga kita tinawag na bakulaw diba? Kasi malaki ka. Pero di mo pa rin sinasagot ang tanong ko. May plano ka ba o wala? Kasi ako meron. Una, sasakit ang puson mo. Pangalawa, sasakit naman ang bagang mo. Pangatlo, di ka na makakatayo dahil sasakit ang tuhod mo. Gets mo?”             Nakita niya ang pagkabigla sa mga mata ng lalaki. “G-gago! Basta hindi matatapos ang gabing ito na buhay ka pa. Baka nakakalimutan mo, underground fight ring ang sinalihan mo. Pwede kang lumabas rito nang nakasilid sa sako, ulol!”             Hinila siya ng lalaki pero mabilis niyang tinuhod ang sikmura nito. Napaungol ang lalaki sa sakit pero nanatili itong nakatayo habang ang mga kamay ay nakahawak sa tiyan. Bakas sa mukha ng lalaki ang matinding sakit.             “Ikaw yata ang mahina. Kaya mo ba talaga akong tapusin… Bakulaw?”             Tiim bagang na sinugod siya ng lalaki. Pero mabilis ang kanyang katawan sa pag-ilag sa suntok nito. At nang makakita ng pagkakataon ay pinakawalan niya siko at pinatama iyon sa gilid ng mukha ng lalaki. Nang makitang bahagyang nahilo ito sa atake niya ay hindi na siya nagsayang pa ng oras at agad sinipa nang malakas ang tuhod nito.             Tumba si Bakulaw. Ngumangawa ito habang hawak-hawak ang nasaktang tuhod. Tapos na ang laban. Sa tindi ng sipa niya sa tuhod nito malamang ay hindi ito makakalakad nang ilang mga araw.             Nilapitan niya ang natalong katunggali. Bahagya siyang umupo upang makausap ito.             “Sabi ko naman sa’yo may plano ako. Di bale, makakalakad ka pa naman. Pag-ready ka na, balik ka ulit dito. Labanan mo ulit ako. Basta ba, magplano ka muna nang mabuti kung paano ako matatalo.” Tinapik niya nang bahagya sa balikat si Bakulaw at saka tumayo.             Pagkatayo ni Lyon ay naghiyawan agad ang mga tao. Dinig na dinig din niya ang pagsigaw ng mga ito ng ‘Mad Dog’. Itinaas niya ang kanyang kamao at hindi na nagtagal pa sa ibabaw ng ring. Bumaba na rin siya agad. Habang naglalakad papasok sa locker room ay sinalubong siya ng balbas saradong lalaki. May kalakihan ang katawan nito dahil tulad niya ay babad din sa pag-eehersisyo. “Gardo,” bati niya sa lalaki. Ito ang namamahala sa underground fighting ring. Inabot nito sa kanya ang isang maliit na brown envelope. Mabilis naman niyang isinaksak sa bulsa ang natanggap.             “Hindi mo na bibilangin?” tanong ni Gardo.             “Bakit? Kailangan ko bang bilangin pa?”             Ngumisi si Gardo. “Hindi lang iyan ang matatanggap mo kapag pumayag ka sa alok ko, Lyon. Mas malaki ang kwarta doon. Mas kikita ka.”             Alam niya ang ibig sabihin ni Gardo. Nais nitong sumali siya sa isang tournament. Pero hindi tulad ng nakalaban niyang mahina na si bakulaw, malalakas ang mga makakatunggali roon. Maituturing na isang championship event ang labanan dahil patay kung patay ang bawat match. At ang mga parokyano ay hindi lang pipitsuging mga sugarol kung hindi ay mga milyonaryo, mga negosyante at ang iba ay mga lider ng crime groups.             Matagal na siyang niyaya ni Gardo na sumali pero wala pa sa isip niya ang pumayag.Sa susunod na buwan na iyon kaya lang ay kailangan ng matinding pagsasanay. Hindi kakayanin ng schedule niya dahil may clinic pa siya sa umaga. Isa siyang veterinarian. Pero kung bakit ang isang tulad niya na hindi naman kailangan talaga ang pera ay nakikipagsuntukan roon? Napabuntong hininga  na lang siya habang inaalala ang sagot. “Ano na Lyon? Sali ka na,” anyayang muli ni Gardo. “Nagsasawa ka na ba sa akin dito? Sabihin mo lang at lilipat ako sa iba.”             Mabilis siyang inakbayan ni Gardo. “Hindi naman ganoon, Lyon! Ang akin ay offer lang naman para mas lalo kang magkakwarta. Kung ayaw mo, eh wag na lang muna. Pero kapag handa ka na, lumapit ka lang sa akin.”             Tama nga ang hinala niya. Hindi ito papayag na basta na lang siyang mawawala sa underground fight ring nito. Siya si Mad Dog.  Isa sa hinahanap ng mga tao roon. Isang kawalan para rito kung lilipat siya sa iba. Bukod doon ay wala talaga siyang interes na lumaban pa sa malalaking torneyo. Malapit na niyang mabuo ang perang kailangan. Hindi na niya kailangan pang isugal ang buhay sa malalaking away.             Matapos makipag-usap kay Gardo ay dumeretso na agad si Lyon sa loob ng locker room. Kailangan niyang makauwi dahil maaga pa ang pagbubukas niya ng clinic kinaumagahan. Kahit pa sabihing malaki ang kinikita niya sa lingguhang pakikipag-basag-ulo, mahalaga pa rin sa kanya ang propesyon.             Nang makapagbihis ay lumabas na rin siya sa backdoor ng establisyementong iyon. Napatingin siya sa suot na relos. Mag-aalas tres na ng umaga. Ilang oras lang ulit ang tulog niya. Mula sa bulsa ng pantaloon ay nilabas niya ang susi ng kanyang Ducati. Pero habang naglalakad ay tumunog ang kanyang cellphone. Isang text message ang pumasok.             Good job. Until next week.             Napatiim-bagang si Lyon sa nabasang mensahe pero kinalma na lamang niya ang sarili. Kaunting oras na lang ang kailangan niya at makakalabas na siya. Kaunting panahon na lang. Muling tinahak ni Lyon ang daan patungo sa parking lot kung saan niya iniwan ang motorsiklo. Pero hindi pa man siya nakakalayo ay nakaramdam siya ng tila may sumusunod sa kanya. Sinubukan niyang magkubli sa malaking van upang masilip ang sumusunod. Mahirap na. Baka isa iyong talunan sa pustahan at nais siyang balikan.             Ilang sandali siyang naghihintay roon at nang nakakuha na ng pagkakataon ay agad niyapos mula sa likod ang tao.             “Sino ka?! Bakit mo ako sinusundan?”             “S-sorry…”             Ganoon na lang ang pagkabigla niya nang magsalita ang niyakap. Hindi kasi ito lalaki. Isa iyong babae. Isang magandang babae.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD